‘Ako’y Pumailanlang na May mga Pakpak na Parang mga Agila’
Sa paglalahad ni Ingeborg Berg
AKO’Y isinilang mahigit na isandaang taon na ngayon ang lumipas, noong Hunyo 5, 1889, malapit sa Fredensborg Castle, sa gawing hilaga lamang ng Copenhagen. Pagka ang Danesong maharlikang pamilya ay may mga panauhin, kasali na ang mga hari at mga emperador buhat sa mga bansang Europeo, mga babaing buhat sa nakaririwasang mga tahanan sa Fredensborg ang inaanyayahan upang tumulong sa paghahanda ng pagkain at sa pagsisilbi nito. Bilang isang munting batang babae, kadalasan ako’y isinasama at pinapayagang maglaro at magpatakbu-takbo sa kastilyo.
Ang pinakamalinaw na natatandaan ko pa ay tungkol kay Czar Nicholas II ng Rusya at sa kaniyang pamilya. Sa labas ng kaniyang silid-tulugan ay naroon ang kaniyang bodyguard, isang cossack (kawal) na may nakahandang espada. Ang mga cossack ay mahilig sa mga bata, at minsan isa sa kanila ang yumakap sa akin. Palibhasa’y nabigla ako, lalo na dahilan sa kaniyang malagong balbas, ako’y nagtatakbo sa mahabang koridor ng kastilyo upang makatakas.
Nang minsan si Czar Nicholas II, si Emperador Wilhelm II ng Alemanya, at ang anak ni Reyna Victoria, na noong bandang huli naging si Haring Edward VII ng Inglatera, ay dumalaw sa Danesong haring si Christian IX. Samantalang sila’y naglalakad sa mga kalye ng Fredensborg, nakikipag-usap nang may kabaitan sa mga tao, ako’y tinapik ni Czar Nicholas sa ulo samantalang ako’y nagpupugay sa kaniya. Noon ay isang mapayapang panahon pa, at ang mga pangulo ng mga bansa ay hindi nangangamba na may tatampalasan sa kanila di-gaya ngayon.
Nawala ang Kapayapaan
Noong 1912 ako’y nagsimulang magtrabaho bilang isang nars sa South Jutland, na naglilingkod sa pro-Danesong mga mamamayan sa panig Aleman ng hangganan. Ang South Jutland ay nasa ilalim ng pamamahalang Aleman sapol ng digmaan noong 1864 sa pagitan ng Denmark at Prussia. Tinulungan ko ang ilan sa kanilang bagong silang na mga sanggol at lubhang nakilala ko ang marami sa mga nakababatang pamilyang ito.
Noong 1914 ako’y nag-asawa ng isang Daneso na guwardiya sa hangganan at ang nangyari’y doon ako nanirahan sa panig Daneso ng hangganan. Hindi naman nagtagal at sumiklab ang digmaan. Nang maglaon ay tinawag iyon na ang Dakilang Digmaan at, sa bandang huli, Digmaang Pandaigdig I. Isang umaga, ang baybayin ng hangganan ay kinabitan ng tinik-tinik na alambre, kung kaya’t hindi na malayang makatatawid doon. Ang kapayapaan at katiwasayan na aming naranasan magpahanggang noon ay naglaho.
Ang kakilabutan at karahasan ng digmaan ay damang-dama namin nang aming mabalitaan na ang mga kabataang ama sa lahat ng pamilya na aking dinalaw bilang isang nars ay tinatawag na magserbisyo sa hukbo. At lahat maliban sa isa ay nasawi sa Western Front sa Marne! Kakila-kilabot na pag-isipan ang mga maagang nabiyuda, na nawalan ng kani-kanilang asawa at ang mga maliliit na bata na nawalan ng kani-kanilang ama. Papaano nga maaasikaso ng mga kabataang babaing ito ang kani-kanilang bukid? “Nasaan ang Diyos?” ang tanong ko.
Sa panahon ng digmaan, ang kalagayan sa hangganan ay kalimitan napakamaigting habang sinisikap ng mga takas na makatawid doon. Ako’y inatasan na kapkapan ang mga babaing pinaghihinalaan na nagpupuslit ng mga bagay-bagay. Kadalasan, pagkain ang kanilang dala-dala, at kalimitan ay hindi ko na pinupuna iyon at sila’y pinalalampas ko. Ang digmaan ay natapos noong 1918, at noong 1920 ang South Jutland ay muling napasama sa Denmark.
Pagkasumpong ng Pananampalataya sa Diyos
Bagaman ang aking pananampalataya sa Diyos ay nanghina dahilan sa lahat ng mga kaapihan na nasaksihan ko, ang hinahanap ko’y ang makita ang kahulugan ng buhay. Si Alfred, na aking asawa, at ako ay regular na nagsisimba, ngunit ang aming mga tanong ay hindi nasasagot.
Noong 1923 kami ay lumipat sa isang munting nayon na pangisdaan sa Flensburg Fjord, at si Alfred ay nagsimulang magtrabaho bilang isang mamamalakaya. Hindi nagtagal at nakilala namin ang isang pamilya ng mga Baptist. Bagaman kami ay mga Lutherano, isang araw ay tinanggap namin ang kanilang imbitasyon sa isang pahayag sa Bibliya sa Ferry Inn sa Egernsund. Bago kami naparoon, ako’y lumuhod at nanalangin: “Kung may isang Diyos, pakisuyong pakinggan ang aking panalangin!”
Ang pahayag ay tungkol sa babae sa balon ng Sychar, at iyon ay nagbigay sa akin ng hangarin na basahin ang Bibliya. Kaya naman, ako’y naging isang mistulang bagong tao! Sumulat ako sa aking inay: “Sa tuwina’y sinasabi ninyo na ako’y dapat makumberte sa Diyos. Sa palagay ko’y nangyari na ito ngayon; dati ako’y natatakot na sabihin iyan sa inyo sa pangamba na ang kagalakang nararanasan ko ay mawala. Ngunit ito’y naririto pa rin!”
Minsan pagkatapos nito, noong 1927, nakasumpong ako sa aming attic ng isang pulyetong pinamagatang Freedom for the Peoples. Ito’y napagpakuan ko ng pansin, at ako’y lubhang nabighani ng nilalaman nito na anupa’t nakalimutan ko ang oras at lugar. Saka lamang nang nasa bahay na ang mga bata galing sa paaralan at ibig nang kumain pilit kong iniwalay ang aking sarili sa pagbabasa niyaon.
Nang umuwi si Alfred ng gabing iyon, buong siglang ibinalita ko sa kaniya ang aking nabasa. Sinabi ko sa kaniya na kung totoo ang sinasabi ng pulyetong iyon, kung gayo’y ang simbahan ay hindi siyang bahay ng Diyos, at kami’y dapat na magbitiw at umalis doon karakaraka. Inakala ni Alfred na ito’y medyo padalus-dalos, at ganoon nga ang sinabi niya. Ngunit kami’y nagkasundo na sumulat ng isang liham sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Copenhagen at humingi ng higit pang literatura.
Bilang sagot sa aming kahilingan, isang naglalakbay na tagapangasiwa, si Christian Rømer, ang pinapunta upang dumalaw sa amin. Ibinigay namin sa kaniya ang kuwarto ng mga bata at ang kanilang mga higaan ay inilagay namin sa attic. Sa umaga at sa hapon, si Brother Rømer ay lumalabas upang mangaral sa bahay-bahay, at gabi-gabi siya’y nakikipag-aaral sa amin. Siya’y lumagi ng apat na araw, at talagang nagkaroon kami ng napakasayang pagsasama-sama. Nang siya’y lumisan, muling binanggit ko kay Alfred ang tungkol sa pagbibitiw sa simbahan. Ngayon ay masiglang sumang-ayon siya.
Kaya’t si Alfred ay naparoon sa ministro dala ang aming kahilingan sa pagbibitiw. Ang akala ng ministro si Alfred ay naparoon dahil sa mayroon na namang isang sanggol na babautismuhan. Gayunman, nang kaniyang maunawaan kung bakit naparoon si Alfred, hindi siya makapaniwala. “Ano ba ang masama sa simbahan?” ang ibig niyang malaman. Binanggit ni Alfred ang mga doktrina ng Trinidad, ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, at ng walang-hanggang pagpapahirap. “Ang Bibliya ay hindi nagtuturo ng mga bagay na ito,” ang sabi ni Alfred. Nang magbigay ang ministro ng isang napakahinang kasagutan na hindi siya makikipag-usap tungkol sa mga bagay na ito sa mga taong nakapag-iisip para sa kanilang sarili, matatag na sinabi ni Alfred: “Ibig naming lumabas na sa iglesiya!”
Isang Sorpresang Huli at Bautismo
Isang kombensiyon ang nakatakdang ganapin sa Copenhagen, ngunit kami’y kapos ng salapi at hindi namin kayang gastusan ang biyahe. Ako’y nanalangin sa Diyos na ipakita sa amin ang paraan upang kami’y makarating doon, yamang ibig naming pabautismo. Ilang saglit bago magsimula ang kombensiyon, si Alfred ay humayo upang mangisda sa katubigan. Napakaraming isda ang kaniyang nahuli na anupa’t napuno ang bangka, at kami’y may magagastos na sa aming paglalakbay. Ganiyan na lamang ang panggigilalas ng mga mamamalakayang tagaroon, yamang kakaunting isda ang nahuli ng taon na iyon sa katubigan. Sa katunayan, mahigit na 50 taon ang nakalipas, ang mga mamamalakayang tagaroon ay nag-uusap-usap pa rin tungkol sa “himala.” Ang tawag namin doon ay ang húling mga isda ni Pedro. Kaya noong Agosto 28, 1928, kami ay nabautismuhan.
Ang bautismo ay naiiba sa mga bautismo sa ngayon. Nasa likod ng isang tabing ang pool na pinagbabautismuhan. Pagka hinawi na ang tabing, naroon si Brother Christian Jensen na handang magsagawa ng paglulubog. Siya’y nakasuot ng isang tailcoat, nakatayo sa gitna ng pool na ang tubig ay hanggang baywang. Kaming mga kandidatong babautismuhan ay nakasuot ng mahahabang puting kasuotan. Unang binautismuhan ang mga lalaki at pagkatapos ay ang mga babae.
Sa panahon ng kombensiyon sa Copenhagen, kami’y nakituloy sa aking mga magulang. Nang ako’y umuwi ng gabing iyon, tinanong kami ng aking ama kung saan kami nanggaling.
“Kami’y galing sa isang pulong,” ang sabi ko.
“Ano ba ang nangyari roon?”
“Kami’y nabautismuhan,” ang sagot ko.
“Kayo’y nabautismuhan?” ang malakas na tanong niya. “Ang bautismo ba ninyo nang kayo’y isang bata ay hindi pa sapat?”
“Hindi po, Itay,” ang tugon ko. Biglang binigyan niya ako ng isang matinding suntok sa tainga, kasabay ang sigaw na: “Ako ang magbabautismo sa iyo!”
Ako noon ay 39 anyos at may limang anak nang mangyari ang ganoong pagsuntok sa tainga buhat sa aking ama na sa ibang bagay naman ay napakabuti at mabait. Hindi na niya kailanman binanggit pa uli ang nangyaring iyon. Mabuti naman, wala pa noon sa bahay si Alfred, at hindi nangyari kundi makalipas ang mga taon nang sabihin ko sa kaniya ang nangyari.
Isang Panahon ng Pagbistay
Nang kami’y makauwi na, ako’y dumalaw sa itinuturing kong isang kapatid na babae at masiglang ibinalita ko sa kaniya ang kombensiyon at ang aming pagkabautismo. Siya’y nakaupong tahimik na tahimik at pagkatapos ay nagsabi: “Kaawa-awang Sister Berg. Hindi ka dapat maniwala rito. Isang araw ay darating ang isang kapatid na lalaki buhat sa Flensburg, at kaniyang ipaliliwanag sa atin ang katotohanan.”
Ako’y natigilan. Halos hindi ako makapamisikleta pauwi. Isang batingaw ng simbahan na karatig ang inirurupeke, at sa bawat tunog ay para bang ang naririnig ko’y ang sigaw na “kamatayan, kamatayan” sa aking pandinig. Sa loob ko’y humingi ako ng tulong kay Jehova at ang mga salita ng Awit 32:8, 9 ay sumaisip ko: “Aking ipaaalam sa iyo at ituturo sa iyo ang daan na iyong lalakaran: papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo. Huwag nawa kayong maging gaya ng kabayo, o gaya ng mola, na walang unawa: na ang bibig ay kailangang lagyan ng busal at paningkaw, upang huwag makalapit sa iyo.”—King James Version.
Nang ako’y makarating sa bahay, kinuha ko ang aking Bibliya at binasa ang Panalangin ng Panginoon. Nag-ibayo ang aking pagtitiwala. Sumaisip ko ang talinghaga ng mamahaling perlas. (Mateo 13:45, 46) Ang Kaharian ay katulad ng perlas na ito. Ang ibig ko’y maibigay ang lahat na taglay ko upang kamtin ang Kaharian. Ang mga kaisipang ito ay nakaaliw sa akin. At mayroon pang mga ibang pagpapala.
Noong 1930 ang magasing The Golden Age (ngayo’y Gumising!) ay sinimulang ilathala sa Daneso sa ilalim ng pangalang Ang Bagong Sanlibutan. At nang sumunod na taon, kaming mga Estudyante ng Bibliya ay may kagalakang tumanggap ng pangalang mga Saksi ni Jehova. Iilan-ilan lamang kami sa aming lugar noong panahong iyon, at kung minsan ay sa aming tahanan ginaganap ang mga pulong. Palibhasa ang kalye na kinatitirhan namin ay tinatawag na The Staircase, kami’y tinawag na The Staircase Congregation.
Pagtitiis ng Higit Pang mga Pagsubok
Noong 1934 ako’y dumaan sa isang grabeng operasyon at ang resulta, ako’y naging paralisado. Náhigâ ako nang may dalawa at kalahating taon, at nahulaan ng mga manggagamot na ako’y magiging isang paralisadong nakasilyang de-gulong sa nalalabing bahagi ng aking buhay. Iyon ay isang napakahirap na panahon para sa akin, ngunit ang aking pamilya ay isang kahanga-hangang tulong.
Ako’y ibinili ni Alfred ng isang Bibliya na may malalaking letra at ang aming bunsong lalaki ay gumawa ng isang patungan para doon upang ako’y makahiga at mabasa ko iyon. Ngunit ibig ko ring mangaral, kaya’t si Alfred ay naglagay ng isang placard sa daan na nag-aanunsiyo ng mga bagong magasin. Yaong mga interesado ay nagsilapit, at sila’y kinausap ko. Ang epekto ng placard na ito ay na tinawag ng mga tao sa lugar na iyon ang aming pamilya na Ang Bagong Sanlibutan.
Ang naglalakbay na tagapangasiwa ay alisto sa pagdalaw sa akin. Sa ganoo’y nakilala kong mainam ang maygulang at may karanasang mga kapatid na ito, at ako naman ay lubhang napatibay-loob nila. Gayundin, ginamit ko ang panahon upang mag-aral ng Bibliya, at ang kaalaman ang nagbigay sa akin ng lakas. Pakiwari ko ba’y ‘ako’y pumailanlang na may mga pakpak na parang agila.’—Isaias 40:31.
Noong 1935, nagliwanag kung sino ang “malaking pulutong,” kaya ang karamihan ng mga kapatid na lalaki at babae sa aming lugar, kasali na ang aming mga panganay na lalaki at babae ay huminto na ng pakikibahagi sa tinapay at sa alak kung Memoryal. Gayunman, ang ilan sa amin ay hindi kailanman nag-alinlangan sa makalangit na pagkatawag sa amin. Sa kabila nito, kami’y nagagalak din tungkol sa aming bagong pagkaunawa sa dakilang layunin ni Jehova tungkol sa malaking pulutong at sa kanilang gantimpalang buhay na walang-hanggan sa lupa.—Apocalipsis 7:9; Awit 37:29.
Unti-unti ang aking kalusugan ay humusay, salungat sa inaasahan ng mga manggagamot, at muli na naman akong nagkaroon ng ganap na bahagi sa mahalagang gawaing pangangaral at pagtuturo.
Digmaang Pandaigdig II at Pagkatapos
Sa kabila pa roon ng katubigan ay aming natatanaw ang Alemanya, at unti-unting nahalata namin ang impluwensiya ng Nazismo. Ang ilan sa aming mga kapitbahay ay naging mga Nazi, at kami’y binalaan nila: “Hintayin ninyo si Hitler. Kung magkagayo’y doon kayo hahantong sa isang malungkot na isla!”
Inakala naming ang pinakamagaling ay lumipat. Tinulungan kami ng ilang palakaibigang mga tao na makakita ng isang apartment sa Sønderborg, isang malaking bayan na hindi naman kalayuan. Ang Digmaang Pandaigdig II ay nagsimula noong Setyembre 1939; kami’y lumipat noong Marso 1940; at noong Abril 9, sinakop ng mga tropang Aleman ang Denmark. Gayunman, katakataka at ang mga Saksi ni Jehova sa Denmark ay hindi napag-ukulan ng atensiyon ng mga Aleman.
Nang ang pangarap ni Hitler na makapanakop ay gumuho sa wakas, ako’y nakapagtatag ng mga pag-aaral sa Bibliya sa maraming Alemang taga-Sønderborg na nagising sa katotohanan. Anong laking kagalakan hindi lamang ang makita ang marami sa mga estudyanteng ito ng Bibliya na mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova kundi pati karamihan ng aking mga anak at mga apo ay aktibo sa paglilingkurang Kristiyano!
Namatay ang aking asawa noong 1962, ang isang apo noong 1981, at ang aking panganay na babae noong 1984. Ang pananatiling aktibo sa paglilingkod kay Jehova ang tumulong sa akin sa mga panahong ito ng kadalamhatian.
Kagila-gilalas na makita ang pagsulong ng gawaing pang-Kaharian sa Denmark mula ng panahon na nagsimula ako noong 1928. Noon ay mayroon lamang kaming mga 300 mamamahayag, ngunit ngayon ay may mahigit na 16,000! Ako’y napasasalamat na, sa edad na isandaang taon, ako ay nakapaglilingkod pa rin. Tunay na naranasan ko ang katuparan ng mga salitang nasa Isaias 40:31: “Ngunit yaong mga nagsisiasa kay Jehova ay manunumbalik ang lakas. Sila’y paiilanlang na may mga pakpak na parang mga agila. Sila’y magsisitakbo at hindi mangapapagod; sila’y magsisilakad at hindi manghihina.”
[Larawan sa Ingeborg Berg sa pahina 26]