Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Kailan sinimulang hipan ng pitong anghel ang kani-kaniyang pakakak?
Sa Apocalipsis kabanatang 8, 9, at Apoc 11, mababasa natin ang tungkol sa pitong anghel na humihip ng pitong pakakak, nagbabalita ng matitinding salot sa mga bahagi ng sangkatauhan. Ito’y kumakatawan sa mga paghahayag ng mga hatol ni Jehova na inilathala ng bayan ni Jehova sa buong panahon ng kawakasan pasimula lalung-lalo na sa Cedar Point convention noong 1922.—Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, kabanata 21 hanggang 23 at kabanata 26.
Ang unang apat na mga paghihip ng pakakak ay nagbubunyag sa espirituwal na patay na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan sa bahagi ng “lupa” at ng “dagat,” pati na rin ang pagkahulog ng klero at ng espirituwal na kadiliman ng Sangkakristiyanuhan.—Apocalipsis 8:7-12.
Ipinakikita ng kasaysayan na ang pagbubunyag sa madla ng mga katotohanang ito ay aktuwal na nagsimula bago sumapit ang 1922. Halimbawa, ang pahayag na “Angaw-Angaw na Nabubuhay Ngayon ang Maaaring Hindi Na Mamatay,” na unang ipinahayag noong 1918 at nalathala sa anyong pulyeto noong 1920, ay naglahad tungkol sa kabiguan ng Sangkakristiyanuhan at tungkol sa napipintong wakas ng sanlibutang ito. Ang The Golden Age ng Setyembre 29, 1920, ay buong linaw na nagbunyag sa Sangkakristiyanuhan bilang isang mapakiapid, sinungaling na magdaraya, at isang maling tagaakay sa mga tao.
Kung gayon, bakit nga sinasabi ng aklat na Kasukdulan ng Apocalipsis na ang apat na pakakak na ito ay sinimulang hipan doon lamang sa Cedar Point convention noong 1922? Sapagkat noon lamang lumabas ang panawagan na “ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian,” anupa’t nagbigay ng malaking pampasigla sa gawaing pangangaral. Ang Nobyembre 1, 1922, labas ng The Watch Tower, ay nagsasabi: “Ang mga kaibigan . . . ay sumunod sa pinakapaksa ng kombensiyon na ang tunay na pribilehiyo at tungkulin ng mga konsagradong ngayo’y nasa lupa ay ang ianunsiyo ang pagkanaririto ng Panginoon, ang dakilang Hari ng mga hari, at na ang kaniyang kaharian ay naririto, at na ito ang pinakamahalagang bagay na kailangang gawin nila.”
Dapat ding pansinin na bagaman lahat ng apat na mga mensaheng ito ng kahatulan ay iniaanunsiyo na ng mga Saksi ni Jehova sapol noong 1922, ang bawat isa naman ay tumatanggap ng matinding pampasigla mula nang pagtibayin ang apat na resolusyon sa mga kombensiyon na ginanap sa pagitan ng 1922 at 1925. Milyun-milyong mga sipi ng nilimbag na mga resolusyong ito ang pagkatapos ay ipinamahagi, na mabisang nagbubunyag sa patay sa espirituwal na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan.—Tingnan ang aklat na Apocalipsis, pahina 133, parapo 15.
Ang katapusang tatlong paghihip ng pakakak ay may kaugnayan sa “mga kaabahan.” (Apocalipsis 8:13) Ang mga ito ay naiiba sa unang apat na paghihip ng pakakak dahil sa may kinalaman sa espesipikong mga pangyayari. Ang ikalimang paghihip ng pakakak ay may kaugnayan sa pagkapalaya noong 1919 ng bayan ng Diyos buhat sa “kalaliman.” Ang ikaanim ay may kinalaman sa “hukbong mangangabayo, at sa malawakang kampanya sa pandaigdig na pangangaral na nagsimula noong 1922. Ang ikapito ay kaugnay ng pagsilang ng Kaharian ng Diyos noong 1914.—Apocalipsis 9:1-19; 11:15-19.
Bawat isa sa mga pangyayaring ito ay nagdala ng kaabahan kay Satanas at sa kaniyang sanlibutan. Ang paglaya ng pinahiran noong 1919 buhat sa kalaliman ng pagkahinto ay nagsilbing tibo sa klero ng Sangkakristiyanuhan at nagpakita ng lubusang pagtatakuwil sa kaniya ni Jehova. Mula noong 1922 hanggang sa ngayon, ang napakalaking hukbong mangangabayo ay pumatay sa Sangkakristiyanuhan, sa espirituwal na pangungusap, nagbubunyag ng kaniyang patay na kalagayan at nagbababala ng kaniyang napipintong pagkapuksa. At pagkatapos ng kapanganakan ng Kaharian noong 1914, si Satanas ay pinalayas sa langit, anupa’t nagbangon ng nagpapahamak na kaguluhan sa gitna ng sangkatauhan. Sa di na magtatagal ay aalisin ng Kaharian ang waring matatag na lipunan ng tao (ang lupa) na itinayo ni Satanas, anupa’t malilipol ang mapaghimagsik na sangkatauhan (ang dagat) sa Armagedon.—Apocalipsis 11:17–12:12; 21:1.
Sa Cedar Point convention noong 1922, lahat ng tatlong “kaabahan” ay nahalata ng sanlibutan sa pangkalahatan. Ang kampanya sa pangangaral na sinimulan noon ay nagbigay-liwanag na “ang mga balang” ay pinalaya na buhat sa “kalaliman” at ang pagsalakay ng “hukbong mangangabayo” ay nagaganap na. At ang nakapupukaw na panawagang ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian ay lubusang kasuwato ng pitong paghihip ng pakakak. Ang Marso 1, 1925, labas ng The Watch Tower ay nagpaliwanag na ang mga pangyayari noong 1914, 1919, at 1922 ay inihula sa Apocalipsis kabanata 12. Ito ay isang lalong malalim na unawa tungkol sa pagsilang ng Kaharian, at ito’y buong katapatang inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Isa pa, ang pagbabalita sa mistulang-salot na impormasyong ito ay tumanggap ng malaking pampasigla buhat ng pagtibayin at pagkatapos ay ipamahagi ang matitinding resolusyon sa mga kombensiyon na ginanap noong 1926 hanggang 1928.—Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 147, 149, 172.
Samakatuwid, ang paghihip sa pitong pakakak ay nagsimula noong 1922 at nagpatuloy noong mga taon ng 1920. Magmula noon, ang bayan ni Jehova ay nakipagtulungan nang buong kagitingan sa mga anghel sa paghahayag sa buong sangkatauhan na ang Sangkakristiyanuhan ay patay sa espirituwal, ang kaniyang klero ay bumagsak na mga lider, at sa hindi na magtatagal siya at ang nalalabing bahagi ng maka-Satanas na sanlibutang ito ay pupuksain.