Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 9/15 p. 29
  • Ang Kahulugan ng mga Balita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kahulugan ng mga Balita
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Inamin ang Kanilang Pagkakasalang Pagbububo ng Dugo
  • Kakulangan ng mga Pari
  • Ang Hustong Lunas
  • Kalugud-lugod Ba sa Diyos ang Sektang Pagsamba?
    Gumising!—1988
  • Ano ang Babilonyang Dakila?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Sekta
    Glosari
  • Pagdadalamhati at Pagsasaya sa Katapusan ng Babilonya
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 9/15 p. 29

Ang Kahulugan ng mga Balita

Inamin ang Kanilang Pagkakasalang Pagbububo ng Dugo

“Ating tinatawag ang digmaan [Digmaang Pandaigdig II] na isang banal na digmaan at nagdala ng mga tao sa mga larangan ng labanan,” inamin ni Shingen Hosokawa, ang kalihim-pangkalahatan ng Temple Office of the Buddhist True Pure Land Otani Sect sa Hapon. “Hindi natin maitatatuwa na tayo’y nadaig ng kahihiyan sa harap ng banal na Buddha.” Sa isang kamakailang “Serbisyo ng Pag-alaala Para sa Lahat ng Nangamatay sa Digmaan,” 45 taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, inamin ng sekta, na may mahigit na limang milyong miyembro, ang kaniyang pananagutan sa “kusang pakikipagtulungan sa [pagtataguyod ng digmaan sa] Digmaang Pandaigdig II.” “Walang mapagbabatayan para sa isang tradisyonal na orden ng Buddhista na malinaw na isaysay ang kaniyang sariling responsabilidad sa digmaan sa isang relihiyosong rituwal,” ang banggit ng Asahi Shimbun.

Gayunman, hindi baga dapat na lalong maraming relihiyon ang ‘madaig ng kahihiyan’ dahil sa hinimok ang maraming mga kabataang lalaki na lumahok sa digmaan? Sang-ayon sa Kodansha Encyclopedia of Japan, halos lahat ng Buddhista, “Kristiyano,” at Shinto na mga denominasyon sa Hapon ang bumuo ng isang Liga ng Relihiyon noong 1941 “upang magsilbing isang espirituwal na kanlungan para sa bansa sa panahon ng giyera.”

Hindi naman katakataka, sa pagtukoy sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon bilang “Babilonyang Dakila,” ang Bibliya ay nagsasabi: “Oo, sa kaniya ay nasumpungan ang dugo . . . ng lahat ng mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:2, 24) Ang mga relihiyonista bang iyon ay hihingan ng sulit ng Diyos na Jehova, ang Tagapagbigay-Buhay sa tao ukol sa kanilang kasalanang pagbububo ng dugo? Ang kabanata ring iyan ng Apocalipsis ay buong-linaw na naglalarawan sa mangyayari sa Babilonyang Dakila, na nagsasabi: “Dinampot ng isang malakas na anghel ang isang bato na gaya ng isang malaking gilingang bato at inihagis iyon sa dagat, na sinasabi: ‘Ganiyan na taglay ang isang kakila-kilabot na pagkahulog igigiba ang Babilonya na dakilang lunsod at siya’y hindi na masusumpungan pa.’ ”​—Apocalipsis 18:21.

Kakulangan ng mga Pari

Ang mga sektang Buddhista sa Hapon ay nililigalig ng suliranin ng abandonadong mga templo. Ang mga kapitbahay ng mga templong walang mga paring doo’y naninirahan ay tutol na ang mga taong lagalag ay gumala-gala sa looban ng templo at sa panganib na magkasunog doon. Ang sekta ng Zen Buddhist Myoshinji ay nagpasiyang lunasan ang problema sa pamamagitan ng pagbibili sa mga templong iyon o pagsasanib nito sa mga templong karatig. Sa mahigit na 20 porsiyento ng 3,500 templo ng sektang Myoshinji sa buong Hapon ay walang paring naninirahan doon o dili kaya ay pinaglilingkuran ng mga pari mula sa karatig na mga templo.

Bakit nga nagkakaganito? “Ang sekta ay nahihirapan na makatagpo ng mga hahalili sa rumeretirong mga pari,” ang paliwanag ng The Daily Yomiuri, “at ang mga kabataang pari ay tumanggi na sila’y ilagay sa panunungkulan sa mga templong nasa lugar na madalang ang tao.” Sinubukan ng sektang ito na sanayin ang retiradong mga manggagawa bilang mga pari ngunit hindi na ipinagpatuloy ang gayong pagsubok. Bagaman sinasabi ng Myoshinji na “ito’y hindi na isang panahon na ang bilang ng mga templong umiiral ay patotoo ng lakas,” hindi maikakaila na humihina na ang kanilang impluwensiya.

Kawili-wiling malaman, na ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay humuhula na ang tubig ng Eufrates, na kinauupuan ng pandaigdig na sistema ng relihiyon​—ang “Babilonyang Dakila”​—​ay ‘matutuyo.’ (Apocalipsis 16:12; 18:2, 9, 11) Ano ba ang isinasagisag ng tubig? “Ang tubig na iyong nakita . . . ay nangangahulugan ng mga bayan at mga karamihan at mga bansa at mga wika.” (Apocalipsis 17:15) Ang pagkatuyo ng “tubig,” o mga tagatangkilik, ay malinaw na nagaganap sa Silanganang bahagi ng Babilonyang Dakila.

Ang Hustong Lunas

“Ang nagbabantang panganib na nakaharap sa atin ngayon . . . ay totoong mabilis na dumarating kung kaya’t maliban sa magsimula na ng pagkilos ngayon upang baligtarin ang mga iyan, hindi maiiwasan na iyan ay humantong sa magastos na nakapipigil na mga pag-urong ng kabuhayan at sa pagguho ng sosyal at pulitikal na mga institusyon,” ang sabi ng Worldwatch Institute, na nakabase sa Washington D.C., E.U.A. Noong nakalipas na taon ang taunang report ng institute ay nagbabala na ang nakamamatay na mga singaw ng init, tagtuyot, at mga baha ay tagapagpauna lamang ng lalong malulubhang kalamidad na darating sa bugbog na bugbog nang mundong ito. Sa mga lugar na pinuntirya sa report para bigyan ng karakarakang pansin ay kasali ang pagkontrol sa populasyon, pagpapahusay sa pamamalakad ng enerhiya, pagsasauli ng mga gubat, at paghadlang sa taggutom. Gayunman, sinasabi ng institute na isang karakarakang ‘pangglobong plano ng pagkilos’ at ‘matinding mga pagbabago sa asal ng tao’ ang kailangan upang makamtan ang positibong mga resulta.

Tayo ba’y makaaasa na makakita ng isang pangglobong plano na magdudulot ng matinding mga pagbabago sa panahon natin? Oo, ngunit hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng sinumang tao o grupo ng mga tao. Bakit hindi? Sapagkat ang propetang si Jeremias ay sumulat daan-daang taon na ngayon ang nakalipas: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” Bagkus, ang Bibliya ay nangangako na si Jehovang Diyos ang “magpapahamak sa mga nagpapahamak sa lupa“ at kaniyang “itutuwid ang mga bagay” upang makinabang ang mga tao sa lupa.​—Jeremias 10:23; Apocalipsis 11:18; Mikas 4:3, 4.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share