Ang Dalisay na Wika Pinagkakaisa ang Isang Malaking Pulutong ng Mga Sumasamba
ANG bigay-Diyos na dalisay na wika ay isang puwersa para sa pagkakaisang Kristiyano. Ang katunayan niyan ay nakita sa lahat ng dumalo sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa Kanlurang Berlin mula Martes hanggang Biyernes, Hulyo 24 hanggang 27, 1990, sapagkat mga Saksi mula sa 64 na iba’t ibang bansa ang naroroon.
Nang ang “Maka-Diyos na Debosyon” Pandistritong mga Kombensiyon ay ganapin sa Polandya noong tag-araw ng 1989, libu-libong delegado ang nanggaling sa Rusya at Czechoslovakia, subalit mga ilang daan lamang ang naroroon galing sa Silangang Alemanya. Anong laki ng ipinagbago ng kalagayan ng daigdig sa makapulitikang pamamalakad sapol noon! Ngayon, tinatayang 30,000 delegado buhat sa Silangang Alemanya ang nagtipon kasama ng mga Saksi sa Olympia Stadium sa Kanlurang Berlin. Ang kombensiyon ay isang tipo ng daan-daan na ginanap sa mga ibang panig ng daigdig, karaniwan na kung Huwebes hanggang Linggo.
Sa kaniyang pambungad na pahayag ng pagtanggap noong Martes, inilahad ng chairman ang papel na ginampanan ng mga kombensiyon sapol noong 1919 sa pagtulong sa mga Saksi ni Jehova na sumulong sa pagsasalita ng dalisay na wika. Ang kombensiyong ito ay tutulong din naman sa lahat ng dumalo upang mapahusay pa ang kanilang kakayahan na magsalita ng dalisay na wika at mamuhay ayon doon. Kaniyang ipinaalaala sa mga delegado na sa pamamagitan ng kanila mismong bihis at asal, ipinakikita ng bayan ni Jehova ang pagsulong na kanilang nagawa sa pagsasalita ng dalisay na wika.
“Isang Dalisay na Wika Para sa Lahat ng Bansa”
Angkop naman, ang pahayag na paksa ng kombensiyon ay tumalakay sa nabanggit na tema. Iyon ay batay sa Zefanias 3:9, na kung saan ipinangako ng Diyos: “Kung magkagayon, akin ngang sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.” Ang dalisay na wika ay may kinalaman sa hustong pagkaunawa at pagpapahalaga sa katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Tanging si Jehova ang makapagbibigay nito sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Ang pag-ibig sa katotohanan ang kailangang maging motibo para matuto ng dalisay na wika, na walang anumang karumihang-asal.
Ang pagsasalita ng dalisay na wika ay hindi lamang may kinalaman sa paggamit ng isang talasalitaan. Ang ating paraan ng pamumuhay ay kailangang kasuwato ng mga salitang nanggagaling sa ating mga labi. Ang tono ng ating boses, ang ibinabadya ng ating mukha, at ang mga pagkumpas ay mahalaga rin, sapagkat mababanaag sa mga ito kung ano tayo sa loob. Upang manatiling nakasusubaybay sa lumalawak na dalisay na wika, tayo’y kailangang may magkakatugmang kaayusan sa pag-aaral at regular na dumadalo sa lahat ng pulong ng kongregasyon.
Pagkatuto ng Dalisay na Wika
Gaya ng idiniin ng isang pahayag noong Martes ng hapon, ang pagkatuto ng dalisay na wika ay nangangahulugan ng “Pagsulong Mula sa mga Saligang Turo Tungo sa Pagkamaygulang.” Ang paglaki ay kailangan kung nais nating patuloy na sumulong sa espirituwal. Iyan ay nangangahulugan ng pagsasamantala sa lahat ng mga paglalaan para sa espirituwal na pagsulong at pagkakapit araw-araw ng mga simulain ng Bibliya.
Upang maging mahusay sa dalisay na wika, tayo ay kailangang “Naturuan ni Jehova,” ang titulo ng isang simposyum noong Huwebes ng umaga. Ipinakita ng unang tagapagpahayag kung papaano ito nakita sa ‘Halimbawa ni Jesu-Kristo.’ Na si Jesus ay naturuan ni Jehova at ito’y mahahalata buhat sa kaniyang mga salita at mga kilos. Kaya nais natin na tularan siya sa paraan ng kaniyang pagtuturo. At kung papaanong si Jesus ay laging napaiilalim sa kalooban ng kaniyang Ama, dapat ay gayundin tayo.
Ipinakita ng sumunod na tatlong tagapagpahayag kung papaano nagtuturo si Jehova sa pamamagitan ng mga pulong at mga asamblea. Tayo’y nakikinabang buhat sa lahat ng limang mga pulong ng kongregasyon at hindi natin dapat kaligtaan ang alinman sa mga iyan. Ang bawat pulong ay mahalaga para sa ating espirituwal na pagsulong. Tayo ay tinuturuan din ni Jehova sa pamamagitan ng ating pansirkitong asamblea, pandistritong kombensiyon, at mga programa sa espesyal na asamblea. Upang makinabang sa lahat ng mga ito, tayo’y kailangang puspusang makinig at pagkatapos ay ikapit ang ating natutuhan.
Ang simposyum na ito ay sinundan ng pahayag na “Pagsasakripisyo Para sa Personal na Pag-aaral.” Upang makasumpong ng panahon para rito, kailangang sundin natin ang payo sa Efeso 5:15, 16 na bawasin ang panahon buhat sa di-gaanong mahahalagang bagay.
Ang isang makatuwirang tunguhin ng ating pagkatuto ng dalisay na wika ay pag-aalay at bautismo. Itong katotohanang ito ay itinampok sa pahayag na “Pagbabautismo sa mga Natututo ng Dalisay na Wika.” Ang wikang ito ang umaakay sa marami upang mag-alay at pabautismo. Gayunman, ang isang tao ay kailangang pagkatapos ay magpatuloy na sumunod sa halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng mabuting balita, isinusuot ang bagong pagkatao, at nananatiling hiwalay sa sanlibutan.
Matigas na Pagkaing Espirituwal
Ang mga kombensiyonista ay nangagalak din na tanggapin ang matigas na pagkaing espirituwal na salig sa katuparan ng makahulang mga drama. Noong Huwebes ng hapon, dalawang pahayag ang batay sa mga temang kinuha sa hula ni Ezekiel. Ang una, “Tumatakbo Na ang Makalangit na Karo ni Jehova,” ay naglarawan ng isang napakalaki, maningning, nakasisindak na makalangit na sasakyang tumatakbo na simbilis ng kidlat. Ito’y lumalarawan sa makalangit na organisasyon ni Jehova, na sinasakyan ng Diyos yamang kaniyang mapagmahal na inaakay ito sa lahat ng kilos, ginagamit ito upang maisakatuparan ang kaniyang mga layunin. Si Ezekiel ay lumalarawan sa pinahiran-ng-espiritung nalabi, lalo na sapol noong 1919. Lalo na buhat noong 1935 kanilang nakasama ang “malaking pulutong.”—Apocalipsis 7:9.
Ang sumunod na pahayag ay pinamagatang “Makialinsabay sa Nakikitang Organisasyon.” Walang duda na ang nakikitang organisasyon ng Diyos ay patuloy na umaalinsabay sa kaniyang makalangit na organisasyong tulad-karo. Gaya rin ni Ezekiel, ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay kailangang sumunod nang pagganap sa inihulang gawaing iniatas sa kanila sa kabila ng pagwawalang-bahala, panlilibak, o pananalansang. Ang pananatiling nakaalinsabay ay nagdadala ng maraming pagpapala ngayon at ng buhay na walang-hanggan sa mabilis-na-dumarating na bagong sanlibutan ng Diyos.
Noong Biyernes ng umaga, matigas na pagkaing espirituwal ang inilaan din sa pamamagitan ng tatlong pahayag na salig sa Isaias kabanata 28. Mabisang ipinakita ng una sa mga ito na ang espirituwal na mga lasing sa sinaunang Israel at Juda ay lumarawan sa espirituwal na mga lasing ng Sangkakristiyanuhan. At kung papaanong ang una’y dumanas ng mga kahatulan ni Jehova na laban sa kanila, gayundin ang daranasin ng mga nasa Sangkakristiyanuhan.
Ang sumunod na pahayag na pinamagatang “Ang Kanilang Kanlungan—Isang Kasinungalingan!,” ay may mahigpit na babala: Kung papaanong ang pagtitiwala sa Ehipto ng sinaunang Juda ay napatunayang isang walang-kabuluhang kanlungan, gayundin ang mangyayari sa pakikipag-alyansa ng Sangkakristiyanuhan sa makapulitikang mga kapangyarihan sa ating kaarawan. Ang ikatlong pahayag sa Isaias kabanata 28, “Patuloy na Magbabala Tungkol sa Pambihirang Gawain ni Jehova,” ay ukol naman sa bayan ng Diyos. Ang gagawin ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan ay tama namang tawaging pambihira, sapagkat ito’y darating na isang lubusang sorpresa sa kaniya. Sa ngayon, si Jehova ay isang putong ng kaluwalhatian sa munting grupo ng pinahirang mga Kristiyano at sa mahigit na apat na milyong “mga ibang tupa.” (Juan 10:16) Ang tagapagpahayag ay nagtapos sa pamamagitan ng nakapupukaw na salitang: “Harinawang ang ating sigasig, determinasyon, at katapatan ay magkatulung-tulong tungo sa walang-hanggang ikapupuri ng ating Diyos, si Jehova!”
Ang Pagsasalita ng Dalisay na Wika ay Nangangahulugan ng Pagpapakita ng Pag-ibig Pangkapatiran
Miyerkules ng hapon tinalakay sa mga kombensiyonista na sa pagsasalita ng dalisay na wika kailangan na “Alalahanin ang mga Ulila at mga Babaing Balo sa Kanilang Kapighatian.” Ang mga batang lalaking walang ama ay matutulungan sa pamamagitan ng pagtanggap nila ng personal na pagsasanay. Tayo’y makapagpapakita ng konsiderasyon sa mga babaing balo sa pamamagitan ng mga pananalitang may kabaitan na magpapalakas-loob sa kanila, ating isali sila sa ating Kristiyanong mga gawain at mga sosyal na pagtitipon, at bigyan sila ng materyal na tulong kung sila’y karapat-dapat bigyan at talagang nangangailangan. Ipinakita ng mga pakikipagpanayam kung papaano ginagawa ang mga bagay na ito.
Noong Huwebes ng hapon, may isa pang nakagagalak na pahayag na “Kung Papaano Kinakalinga ng mga Kristiyano ang Isa’t Isa.” Ang mga Saksi ni Jehova ay may mainam na rekord ng pagkalinga sa isa’t isa, lalo na pagka may dumating na gayong mga kapahamakan na gaya ng bagyo at lindol, na kailangang sumulat sa mga opisyales, o pagka sila ay may lokal na mga pangangailangan. Pagka may bumangon na mga di-pagkakaunawaan dahilan sa di-kasakdalan ng tao, dapat nating ikapit ang mga simulain sa payo ni Jesus sa Mateo 5:23, 24 at 18:15-17. Lalo na sa mga kaayusan sa negosyo sa pagitan ng mga kapatid kinakailangan ang paggalang sa isa’t isa at ang pag-iingat upang ang may patrabaho ni ang empleyado ay huwag samantalahin ang espirituwal na relasyon nila.
Ang Pagsasalita ng Dalisay na Wika ay Nangangahulugan ng Pag-iingat sa Ating Asal
Ang pangangailangan na mag-ingat sa ating asal ay paulit-ulit na idiniin. Sa gayon, ang unang tagapagpahayag noong Martes ng hapon ay nagpahayag sa temang “Pakikinig at Pagtupad sa Salita ng Diyos.” Kaniyang ipinakita na may dalawang pangunahing dahilan sa ating pagdalo sa mga kombensiyon: upang kumuha ng tumpak na kaalaman at upang mapukaw na kumilos ayon sa kaalamang iyan.
Ang unang pahayag noong Miyerkules ng umaga ay nagbangon ng katanungang “Si Kristo ay ‘Napoot sa Katampalasanan’—Ikaw Rin Ba?” Hindi sapat na ibigin ang katuwiran. Tayo’y kailangan ding mapoot sa katampalasanan upang magkaroon ng isang mabuting budhi, mapanatili ang mabuting kaugnayan kay Jehova, maiwasan na mapulaan ang kaniyang pangalan, at maiwasan ang tayo’y umani ng mga bunga ng katampalasanan—kalikuan at kamatayan.
May malapit na kaugnayan sa temang iyan ang sumunod na pahayag, na pinamagatang “Tanggihan ang Makasanlibutang mga Guniguni, Itaguyod ang Katotohanan ng Kaharian.” Si Satanas, si Eva, at ang nagkasalang mga anghel ay pawang nagtaguyod ng mga guniguni sa kanilang maling ginawa. Ang makasanlibutang mga guniguni, na binubuo ng materyalistikong mga pangarap o yaong may kinalaman sa ibinabawal na mga bagay, ay nagdadala ng pagkagising sa katotohanan kung hindi man malaking pagkakamali. Upang makasalunga sa mga guniguning ito, kailangang itaguyod natin ang mga katotohanan ng Kaharian sa pamamagitan ng pag-aaral, panalangin, pagdalo sa mga pulong, at ng pangmadlang ministeryo.
Upang makapamuhay bilang matuwid na mga Kristiyano, kailangan ding pakinggan natin ang payo noong Miyerkules ng hapon sa pahayag na “Mga Kristiyano—Mamuhay Ayon sa Inyong Kinikita.” Ang hindi pagsunod sa payong ito ay makapipinsala kapuwa sa pisikal at sa espirituwal. Ang landas ng karunungan ay ang sugpuin ang mapag-imbot na paghahangad ng isang tao sa pamamagitan ng hindi pangungutang kung hindi naman kinakailangan at pagpaplano ng isang makatotohanang budget at pagkatapos ay ang pagsunod doon. Sa lahat ng panahon kailangang pagyamanin natin ang maka-Diyos na debosyon. Kalakip ang pagkakontento sa anumang mayroon ang isa, ito ay nagdudulot ng malaking pakinabang.—1 Timoteo 6:6-8.
Ang kahalagahan ng pag-iingat sa ating kasama ay itinampok sa pahayag noong Martes na “Ang mga Kaibigan ba Ninyo ay mga Kaibigan ni Jehova?” Ang ating mga kaibigan ay dapat na mga Kristiyanong nagbihis ng tulad-Kristong pagkatao at masigasig sa pangangaral. Ang makasanlibutang mga kakilala ay hindi mga kaibigan ng Diyos, at tayo’y hindi maaaring makisama sa kanila na hindi pinipinsala ang ating sarili. Kahit na sa loob ng kongregasyon, kailangang tayo’y maging pihikan kung ibig nating ang ating mga pakikisama ay tunay na nakapagpapatibay.
Ang naunang payo tungkol sa asal ay ipinakadiin sa modernong-panahong drama. Iyon ay pinamagatang “Magpunyagi Laban sa mga Katusuhan ng Diyablo.”
Payong Dalisay na Wikang Para sa mga Pamilya
Totoong kinakailangan ang pahayag noong Miyerkules na “Mga Magulang—Ganapin ang Inyong mga Tungkulin!” Ang mga magulang mismo ay kailangang makaalam ng kalooban ng Diyos at gawin iyon sa pinakamagaling na magagawa nila. Kailangan ding ituro nila ang Salita ng Diyos sa kanilang mga anak. Isa pa, hindi sapat ang ipagsama lamang ang mga anak sa mga pulong Kristiyano at sa ministeryo sa larangan. Sila’y kailangang turuan na ibigin si Jehova at makita ang praktikal na karunungan ng paggawa ng maka-Diyos na mga bagay.
Sumunod ay isang simposyum sa “Ang Pamilya sa Ating Panahon.” Ipinakita ng unang tagapagpahayag na ang pamilya ay nagmula sa Diyos. Ang mga ama ay kailangang makipagtalastasang mainam tungkol sa espirituwal na mga bagay. Ang mga ina naman ay kailangang maging mabubuting tagapag-asikaso ng tahanan, at ang mga anak ay kailangang magpakita ng paggalang kay Jehova sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kanilang mga magulang.
Ipinakita ng sumunod na tagapagpahayag na ang pamilya ay “Nasa Ilalim ng Pagsalakay ng mga Kaaway.” Ang mga kagipitan sa pamumuhay ay mayroon nang mga biktima. Sa lugar na pinapasukan sa trabaho ay maraming mga tukso na gumawa ng masama, at sa mga pagtatanghal ng media ay halos wala kang maririnig kundi karahasan, bawal na sekso at pang-aakit sa materyalismo. Ang pagtuturo ay kailangang magsimulang maaga, at malaking sigasig ang kailangan upang madaig ang impluwensiya ng sanlibutan. Kailangang gamiting mabuti ang mga kagamitan na inilaan ng Watch Tower Society.
Ang sumunod na pahayag, may kinalaman sa ‘Pag-iingat Tungo sa Bagong Sanlibutan’ ng pamilya, ay higit pang nagpatingkad sa mabigat na pananagutan ng mga magulang. Ang pagsasanay sa mga anak ay kailangang gawin nang puspusan. Nagbigay ng mainam na payo tungkol sa pampamilyang mga pag-aaral sa Bibliya at kung ano ang dapat pag-aralan, pawang may layuning maabot ang puso ng mga anak. Tanging sa ganiyan lamang makaaasa ang mga magulang at mga anak na makaligtas tungo sa bagong sanlibutan bilang isang pamilya.
Nagbibigay ng mainam na payo para sa kalagayan ng isang pamilya na napapaharap sa maraming mga Saksi ay ang pahayag na “Pakikipagpunyagi sa Loob ng Nababahaging Sambahayan.” Ang mga nasa ganiyang kalagayan ay pinayuhan na huwag kailanman mawawalan ng pag-asa na ang di-sumasampalataya ay maging isang sumasampalataya balang araw. Gumugol ng panahon kapiling ng di-sumasampalatayang asawa at tiyakin na ikaw ay nakaaabot sa lahat ng kahilingan sa isang kabiyak na Kristiyano. Ikaw ay makahihingi ng tulong sa matatanda o marahil sa mga iba na may nababahaging sambahayan.
Pagsasalita sa Iba ng Dalisay na Wika
Malaking atensiyon ang ibinigay sa ating paggamit ng mga pagkakataon na magturo sa iba ng dalisay na wika. Kaya, noong Miyerkules ng umaga napakinggan ng mga kombensiyonista ang pahayag na “Gamitin ang Inyong Mahalagang Panahon Nang May Katalinuhan.” Upang magawa iyan kailangang alamin natin kung ano ang dapat unahin, sa pagsunod sa Mateo 6:33, na nagsasabi: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” Kasali na riyan ang paglalaan ng panahon para sa personal na pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa lahat ng mga pulong, at pagiging palagian sa ministeryo sa larangan. Kailangan na bawasin natin ang panahon buhat sa di-gaanong mahalaga bagaman nakalulugod na mga gawain. Maraming kinapanayam na nagpakita kung papaano may mga gumagawa nito.
Huwag nating kalilimutan na tayo ay mga Saksi ni Jehova. Noong Huwebes ng hapon, ang ilang pagtatanghal ay nagdiin ng puntong iyan sa ilalim ng temang “Patuloy na Salitain ang Dalisay na Wika sa Bawat Pagkakataon.” Ipinakita ng mga pagtatanghal na ito kung papaano magagawa ito sa pagpapatotoo sa lansangan, sa impormal na pagpapatotoo, at sa paggamit ng mga telepono. Ang walang-imbot na pag-ibig sa Diyos na Jehova at sa ating kapuwa ang mag-uudyok sa atin na salitain ang dalisay na wika sa bawat pagkakataon.
May kaugnayan sa temang ito ang sumunod na presentasyong, “Pagpapala sa mga Hindi Umuurong.” May kapuna-punang pagkakaiba ang Sangkakristiyanuhan sa pambuong-daigdig na organisasyon sa pagtuturo na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Labanan natin ang lahat ng mga panggigipit, tulad halimbawa ng pananalansang ng mga opisyales, ang malaganap na kawalang-interes, at mga suliranin sa pamumuhay. Ang mga pagtatanghal na salig sa aklat na Nangangatuwiran Mula sa mga Kasulatan ang nagpakita kung papaano mapagtatagumpayan ang mga kagipitang ito.
Ang isa pa ring nagpapatibay-loob upang masigasig na mangaral ay ang drama sa Bibliya na Pagganap sa Kalooban ng Diyos Nang Buong-Sigasig. Ipinakita nito kung papaano ang masigasig na si Jehu ay nasa panig ng pangalan ni Jehova at kung gaano kahalaga para sa atin na magpakita ng nakakatulad na tibay ng loob at sigasig sa gawain ng Diyos.
Mga Lathalain na Inilabas sa Kombensiyon
May dalawang natatanging lathalain sa Ingles at sa Aleman na inilabas sa panahon ng kombensiyon. Ang una sa mga publikasyong ito ay ipinakilala may kaugnayan sa pahayag na pinamagatang “Pagliligtas ng Iyong Buhay sa Pamamagitan ng Dugo—Papaano?” Unang binanggit ng tagapagpahayag ang mga panganib sa pagsasalin ng dugo. Binanggit niya na may maraming maihahalili sa dugo para may makapalit ang tumagas na dugo. Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay umiiwas sa dugo hindi dahil sa ito’y marumi kundi dahilan sa kung pasasalin nito ay masama. Sila’y tumatanggi, hindi dahilan sa ang dugo ay baka marumi, kundi dahilan sa ito ay mahalaga sa Diyos. Ang dugo na talagang nagliligtas-buhay ay ang tumutubos na dugo ni Jesu-Kristo. Bilang pagtatapos ang tagapagpahayag ay nakalugod sa lahat ng kaniyang mga tagapakinig nang ilabas niya ang 32-pahinang brosyur na How Can Blood Save Your Life?
Ang pangalawang mahalagang lathalaing inilabas ay may kinalaman sa pahayag na “Hanapin si Jehova, Kayong mga Bansa.” Sa pangkalahatan, ang mga tao ay hindi humahanap sa Diyos. Ang pag-iral ng iba’t ibang relihiyon ay nagpapakita kung papaano ligáw na ligáw ang tao sa paghahanap sa Diyos dahilan sa hindi niya pinapansin ang Salita ng Diyos. Gaya ng makikita sa ating mga ulat sa Memoryal sa taun-taon, milyun-milyon ang nangangailangang tulungan na manindigan sa panig ni Jehova. Ipinakikita ng Isaias 55:6, 7 na si Jehova’y tunay ngang isang maibigin at maawaing Diyos, handang “magpatawad nang sagana.” Bilang kaniyang mga Saksi, tayo’y binigyan ng dalisay na wika upang matulungan ang iba na sumama sa atin sa paglilingkod kay Jehova nang balikatan.
Sa ngayon, ang bayan ni Jehova ay nakaharap sa isang hamon dahilan sa lansakang paglilipatán ng mga populasyon. Bilang resulta, sa ating teritoryo ay makikita na ang mga tao roo’y may lahat na ng uri ng relihiyon. Upang ating matulungan ang mga Hindu, Buddhista, Shintoista, at yaong mga nasa iba pang relihiyon, ang Samahan ay naghanda ng napakainam na 384-pahinang aklat na Mankind’s Search for God. Ito’y may autoridad na tumatalakay sa saligang mga turo ng pangunahing mga relihiyon sa labas ng Sangkakristiyanuhan. Ngunit tinatalunton din nito ang rekord ng huwad na relihiyon sa loob ng Sangkakristiyanuhan. Ang aklat na ito ay makapagbubukas ng daan upang tayo’y makapagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong nasa maraming iba’t ibang relihiyon.
Pahayag Pangmadla at Pantapos na mga Komento
“Magkaisa sa Pamamagitan ng Dalisay na Wika” ang titulo ng pahayag pangmadla noong Biyernes. Ipinakita ng tagapagpahayag na bagaman tatlong libong iba’t ibang wika ang nagsisilbing hadlang ngayon sa pagkakaisa, ang dalisay na wika ay isang malakas na puwersang tagapagkaisa. Iningatan nito ang mga Saksi ni Jehova laban sa mga katiwaliang maka-Babilonya, naituro sa kanila ang paggalang sa kabanalan ng buhay at ng dugo, at sa gayo’y natulungan sila na mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya na mapapakinabang nila sa paraang espirituwal at pisikal. Lahat ay kailangang maging abala tungkol sa pagkatuto at sa pagsasalita ng dalisay na wika, sapagkat yaon lamang gumagawa ng gayon ang makaliligtas sa Armagedon. Walang panahong dapat sayangin sa pakikinig sa payo na nasa Zefanias 2:1-3.
Pagkatapos ng ilang maiinam na payo ng Kasulatan tungkol sa pangangailangan na “Maging Mapagpuyat sa Pananalangin,” sumapit ang pantapos na mga pangungusap na nakasalig sa temang “Paglakad Ayon sa Dalisay na Wika.” Ang bilang na ngayo’y lumalakad na kaayon ng dalisay na wika ay tunay na dumarami. At ang pagpapakundangan sa dalisay na wika ay ipinakita ng mga taong dumadalo sa mga kombensiyong ito sa pamamagitan ng kanilang kalinisan, pagkamaayos, at pang-organisasyong pagkakaisa. Ang bagong kalalabas na mga lathalain ay tutulong sa lahat ng mga Saksi ni Jehova na mapalaganap nang lalong mabisa ang dalisay na wika.
Ang pangkatapusang tagapagpahayag sa kombensiyon ay nagpaalaala sa lahat ng pangangailangan na magtiis. Kaniyang ipinakita na bilang resulta ng kombensiyong ito, lahat ay dapat mapalakas sa kanilang determinasyon na patuloy na sumulong. Pagkatapos ay nagtapos siya sa mga salitang: “Harinawang tayo’y patuloy na manatiling lumalakad kasuwato ng bigay-Diyos na dalisay na wika upang ating maluwalhati ang ating maibiging Ama sa kalangitan, si Jehovang Diyos, ngayon at magpakailanman!”
[Kahon sa pahina 26]
Ang sukdulang bilang ng mga dumalo sa kombensiyon sa Kanlurang Berlin ay 44,532, at 1,018 ang nabautismuhan. Ang mga kandidato sa bautismo ay gumugol ng 19 na minuto sa pagpila para makalabas sa Olympia Stadium, at sa loob ng panahong ito ay patuloy ang palakpakan. Nagkaroon ng isang pantanging seksiyon para sa mga delegadong Ingles ang wika. Mga 6,000 nito ang nakapakinig ng buong programa sa kanilang wika. Sa kombensiyong ito, mayroon ding 4,500 na galing sa Polandya; dalawang oras sa tanghali, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay nagbigay ng maiikling pahayag ukol sa kanilang kapakinabangan.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
1. Olympia Stadium, Kanlurang Berlin
2. Limbag na programa sa kombensiyon
3. Dalawang daang bus ang nagdala sa mga delegado na galing sa Silangang Alemanya
4. Mga kombensiyonistang Polako na masayang tumatanggap ng nilimbag na mga lathalain
5. Ang mga palamuting bulaklak ang nagpaganda sa tanawin
6. Si A. D. Schroeder, isa sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala sa programa sa Kanlurang Berlin