Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ang mga anghel ay espiritu, walang materyal na mga katawan, kaya bakit ninyo ipinakikita sila sa mga ilustrasyon bilang may mga pakpak? Ito ba ay relihiyosong tradisyon lamang?
Kadalasan aming inilalarawan na may mga pakpak ang mga anghel dahilan sa simbolikong paglalarawan na nasa Bibliya.
Tama ang sinabi ninyo na ang espiritung mga nilalang ay walang materyal na mga katawan na may literal na mga pakpak—ni may mukha, mga kamay, paa, o iba pang mga bahagi ng katawan. Subalit, kung minsan, pagka napakita ang mga anghel sa mga lingkod ng Diyos, tiyak na sila’y nagtingin na mistulang normal na mga tao, sapagkat sila’y pinagkamalan na gayon nga.—Genesis 18:2, 22; 19:1; Hukom 6:11-22.
Subalit, kung minsan, ang mga tao ay tumanggap ng mga pangitain ng mga anghel at kanilang inilarawan ang mga iyon. Si propeta Ezekiel ang nakakita ng “apat na nilalang na buháy,” at sa isang pangitain sa dakong huli, kaniyang nakilalang ang mga ito ay mga anghel na nasa ranggo ng tinatawag na mga kerubin. (Ezekiel 1:5; 9:3; 10:3) Bawat isa sa mga anghel na ito ay may apat na pakpak, na nagpapakita ng kanilang abilidad na tumugon nang mabilis tungo sa anumang direksiyon na iniutos ng Diyos. “Sila’y hindi nagsisipihit nang sila’y yumaon; yumaon bawat isa sa kanila na pasulong nang diretso . . . Kung saan naparoroon ang espiritu, doon sila naparoroon. Sila’y hindi nagsisipihit samantalang sila’y yumayaon.”—Ezekiel 1:6, 9, 12.
Subalit ang mga anghel na nakita sa pangitain ay hindi laging magkakapareho. Ang mga anghel na tinatawag na mga serafin na nakita ni Isaias ay may anim na pakpak. (Isaias 6:1, 2) Mayroon pa ring mga pagkakaiba sa nakita ni Ezekiel na mga pangitain. Sa una, ang mga anghel ay may mga paa, mga kamay sa ilalim ng bawat isa sa apat na pakpak, at apat na mukha (tulad ng mukha ng isang tao, isang leon, isang toro, at isang agila). Sa kaniyang sumunod na pangitain, isa sa mga mukha ay katulad ng sa isang kerubin imbis na katulad ng isang toro, marahil upang ipakilala ang malawak na kapangyarihan ng mga kerubin. Sa isa pang pangitain nang malaunan tungkol sa mga palamuti ng isang simbolikong templo, si Ezekiel ay may nakitang mga kerubin na may dadalawa lamang mukha, isa ay mukha ng tao at iyon namang isa ay mukha ng leon. (Ezekiel 1:5-11; 10:7-17; 41:18, 19) Sa Kabanal-banalan ng tabernakulo at gayundin sa templo na itinayo ni Solomon sa Jerusalem, may mga kerubin na may dalawang pakpak. Ang mga ito ay nasa gintong takip ng kaban na tinatawag na kaban ng tipan. Ang dalawang kerubing ginto ay magkaharap, at kapuwa sila may dalawang pakpak na nakayungyong sa Kaban. (Exodo 25:10-22; 37:6-9) Sa ibabaw ng Kaban (at sa takip nito) sa templo ni Solomon ay may nakatayong dalawang mas malalaking kerubin na balót ng ginto, bawat isa’y may dalawang pakpak na nakabuka.—1 Hari 8:6-8; 1 Cronica 28:18; 2 Cronica 5:7, 8.
Si Josephus ay sumulat: “Tungkol sa mga kerubin [na iyon] mismo, walang sinumang makapagsasabi o makaguguniguni kung ano ang anyo nila.” Sa gayon, ang mga ibang iskolar at mga pintor ay ibinabase ang kanilang paglalarawan sa mga anghel (partikular sa mga kerubin) sa tinatawag na sinaunang mga tipo ng mga diyos sa Dulong Silangan na kaanyo ng mga hayop na may pakpak. Subalit ang mas mapanghahawakang giya ay ang komento ni Ezekiel na yaong kaniyang nakita ay “kawangis ng makalupang tao.” (Ezekiel 1:5) Kaya pagka ang makalangit na mga anghel ay inilalarawan sa aming mga publikasyon, karaniwan nang inilalarawan namin sila na kahawig ng tao. Sila’y aming inilalarawan na may mga pakpak sapagkat sa Bibliya malimit na inilalarawan ang iba’t ibang mga anghel bilang may mga pakpak at dahilan sa may binabanggit tungkol sa mga anghel na “lumilipad.”—Apocalipsis 14:6; Awit 18:10.
Bilang pangwakas, sa pahina 288 ng Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! ay inilalarawan ang isang makalangit na nilalang na may pakpak, may korona sa kaniyang ulo at isang susi sa kaniyang kamay. Ito ay isang malinaw na larawan ng binabanggit sa Apocalipsis 20:1: “Nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay.” Ating nauunawaan na ang anghel na itong may susi ay ang niluwalhating si Jesu-Kristo. Sa ilustrasyon ay makikita siyang may mga pakpak kasuwato ng bagay na ang mga anghel na nakikita sa pangitain ay karaniwan nang may mga pakpak.