Mula sa Inang Lupa Hanggang sa mga Diyosa sa Pag-aanak
NAKIKILALA mo ba ang diyosang nakalarawan sa pabalat ng magasing ito? Iyan ay si Isis, sinaunang inang-diyosa ng Ehipto. Kung ikaw ay nakadalaw sa isang museum o kaya’y nakapagbuklat ng isang aklat sa sinaunang kasaysayan, marahil ay nakakita ka na ng mga idolong gaya nito. Pag-isipan mo ito: Ikaw ba’y yuyuko at sasamba sa diyosang si Isis?
Kung ikaw ay kabilang sa isa sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, marahil iyan ay isang kakatuwang tanong. Malamang na igigiit mong ang iyong sinasamba ay ang Maylikha, ang Isa na tinatawagan ng, “Ama namin na nasa langit.” (Mateo 6:9, King James Version) Ang ideya na pagyukod sa isang inang-diyosa ay marahil tila kakatuwa, kasuklam-suklam pa nga. Gayumpaman, ang gayong pagsamba sa diyosa ay naging malaganap na sa buong kasaysayan, at marahil ikaw ay mabibiglang malaman kung sino ang sumasamba sa dakilang inang-diyosa sa ngayon.
Datapuwat, bago talakayin iyan, kumuha tayo ng ilang impormasyon sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa lawak ng pagsamba sa inang-diyosa noong sinaunang panahon. Ang ganitong uri ng pagsamba ay lumilitaw na isang napakaagang anyo ng huwad na relihiyon. Maliliit na istatuwa at imahen ng hubu’t hubad na mga inang-diyosa ang nahukay ng mga arkeologo sa sinaunang mga dako sa buong Europa at mula sa mga lupain sa Mediteraneo hanggang sa India.
Ang Inang Lupa ay itinuturing na palaging pinagmumulan ng lahat ng uri ng buhay, nagbibigay ng buhay at pagkatapos kinukuha muli iyon sa ganang kaniya sa kamatayan nila. Kaya naman, siya’y sinasamba at kinatatakutan din naman. Unang-una, may paniwala na ang kaniyang mga sangkap sa pag-aanak ay walang sekso. Pagkatapos, alinsunod sa mitolohiya, siya’y nanganak ng lalaking Amang Lupa at siya’y naging asawa nito. Ang mag-asawang ito ay nagkaanak ng marami pang ibang mga diyos at mga diyosa.
Ang Babiloniong Huwaran
Sa Babiloniong talaan ng opisyal na kinikilalang mga Diyos, si Ishtar ang pangunahing diyosa, na katumbas ng Sumerianong diyosa ng pag-aanak na si Innanna. Balintuna, siya’y kapuwa diyosa ng digmaan at diyosa ng pag-ibig at kalayawan. Sa kaniyang aklat na Les Religions de Babylonie et d’Assyrie (Ang mga Relihiyon ng Babilonia at Asirya), ang iskolar Pranses na si Édouard Dhorme ay nagsabi tungkol kay Ishtar: “Siya ang diyosa, ang ginang, ang maawaing ina na nakikinig sa panalangin at namamagitan sa nagagalit na mga diyos at pinapayapa sila. . . . Siya’y dinarakila higit sa lahat, siya’y naging diyosa ng mga diyosa, reyna ng lahat ng mga diyos, soberano ng mga diyos ng langit at lupa.”
Ang mga mananamba kay Ishtar ay nananawagan sa kaniya bilang “ang Birhen,” “Banal na Birhen,” at “Inang Birhen.” Ang sinaunang Sumero-Akkadiano na “Panalangin ng Pananaghoy kay Ishtar” ay nagsasabi: “Ako’y nananalangin sa iyo, Oh Ginang ng mga ginang, diyosa ng mga diyosa. Oh Ishtar, reyna ng lahat ng bayan. . . . Oh may taglay ng lahat ng banal na kapangyarihan, na may putong ng korona ng kapangyarihan. . . . Ang mga kapilya, dakong banal, sagradong mga lugar, at mga dakong sambahan ay nakikinig sa iyo. . . . Nasaan ang iyong mga kawangis na hindi nahubog? . . . Masdan mo ako Oh aking Ginang; tanggapin mo ang aking mga panalangin.”a
Lumaganap ang Pagsamba sa Inang-Diyosa
Ang Orientalistang si Édouard Dhorme ay nagpapahayag tungkol sa “paglaganap ng pagsamba kay Ishtar.” Ito’y lumaganap sa buong Mesopotamia, at alin sa kay Ishtar mismo o sa mga diyosa na may iba’t ibang pangalan ngunit may nahahawig na mga katangian ang sinamba sa Ehipto, Fenicia, at Canaan, at gayundin sa Anatolia (Asia Minor), Gresya, at Italya.
Ang pangunahing inang-diyosa na sinamba sa Ehipto ay si Isis. Ang historyador na si H. G. Wells ay sumulat: “Nakaakit si Isis ng maraming deboto, na nagpanata ng kanilang buhay sa kaniya. Ang kaniyang mga larawan ay naroroon sa templo, pinuputungan ng korona bilang ang Reyna ng Kalangitan at kalong sa kaniyang mga bisig ang sanggol na si Horus. Ang mga kandila ay nagliliyab at hinihipan ng hangin sa harap niya, at ang mga handog na yari sa pagkit bilang panata ay nangakabitin sa loob ng bahay-sambahan.” (The Outline of History) Ang pagsamba kay Isis ay labis-labis na napatanyag sa Ehipto. Iyon ay lumaganap din sa buong kapaligiran ng Mediteraneo, lalo na sa Gresya at sa Roma, anupa’t nakarating hanggang sa kanluran at hilagang Europa.
Sa Fenicia at sa Canaan, ang pagsamba sa inang-diyosa ay nakapokus kay Ashtoreth, o Astarte, na sinasabing ang asawa raw ni Baal. Katulad ng kaniyang Babiloniang kaparis, si Ishtar, siya ay kapuwa isang diyosa ng pag-aanak at ng digmaan. Sa Ehipto ay nakatuklas ng sinaunang mga inskripsiyon na kung saan si Astarte ay tinatawag na ginang ng langit at reyna ng kalangitan. Ang mga Israelita ay kailangang patuloy na bumaka sa nagpapasamang impluwensiya ng pagsamba sa diyosang ito ng pag-aanak.
Sa gawing hilagang-kanluran sa Anatolia, ang katumbas ni Ishtar ay si Cybele, na kilala bilang ang Dakilang Ina ng mga diyos. Siya’y tinatawag din na ang Ina-ng-Lahat, ang Tagapagpakain-sa-Lahat, ang Ina ng lahat ng Pinagpala. Buhat sa Anatolia ang kulto ni Cybele ay kumalat muna sa Gresya at pagkatapos sa Roma, na kung saan ito’y nanatili hanggang sa Panlahatang Panahon. Bahagi ng pagsamba sa diyosang ito sa pag-aanak ang walang patumanggang pagsasayawan, panunugat sa sarili ng mga pari, pagkapon sa sarili ng mga kandidato para sa pagpapari, at mga prusisyon na kung saan ang istatuwa ng diyosa ay pasan-pasan nang buong kaningningan.b
Ang sinaunang mga Griego ay sumasamba sa isang diyosang Inang-Lupa na tinatawag na si Gaea. Subalit sa kanilang talaan ng mga diyos ay kasali ang tipong-Ishtar na mga diyosa, tulad halimbawa ni Aphrodite, ang diyosa ng pag-aanak at pag-ibig; si Athena, ang diyosa ng digmaan; at si Demeter, ang diyosa ng pagsasaka.
Sa Roma, si Venus ang diyosa ng pag-ibig at, sa pagiging gayon, katumbas ni Aphrodite ng mga Griego at ng Babiloniong si Ishtar. Gayunman, sinasamba rin ng mga Romano ang mga diyosang sina Isis, Cybele, at Minerva (Athena ng mga Griego), na pawang kababanaagan sa anumang paraan ng Babiloniong huwarang si Ishtar.
Maliwanag, sa loob ng libu-libong mga taon, ang pagsamba sa inang-diyosa ay isang malakas na karibal ng dalisay na pagsamba sa dakilang Maylikha, si Jehova. Ang pagsamba ba sa dakilang inang-diyosa ay naparam? O ito ba’y nakapanatili hanggang sa kasalukuyang panahon? Pakisuyong ipagpatuloy ang pagbabasa.
[Mga talababa]
a Ancient Near Eastern Texts, isinaayos ni James B. Pritchard. Princeton University Press, pahina 383-4.
b Ang isa pang diyosa sa pag-aanak na sinasamba sa Asia Minor ay si Artemis ng Efeso, na tatalakayin sa sumusunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 3]
Si ISHTAR ng Babilonia na isinapersona bilang isang bituin
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng The British Museum
[Larawan sa pahina 4]
Si ISIS ng Ehipto kasama ang sanggol na diyos na si Horus
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris