Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 7/1 p. 28-30
  • Lubusang Pag-aabala sa Mabuting Balita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Lubusang Pag-aabala sa Mabuting Balita
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Halimbawa Para sa Atin Ngayon
  • Ginagawa ba Ninyo ang Inyong Bahagi?
  • Mga Gantimpala ng Isang Timbang na Ministeryo
  • Tularan Ninyo Sila!
  • Maging “Lubhang Abala” sa Iyong Ministeryo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • “Patuloy Kang Magsalita at Huwag Kang Manahimik”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • “Hanapin Muna ang Kaharian”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Isa Bang Ministeryo Para sa Iyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 7/1 p. 28-30

Lubusang Pag-aabala sa Mabuting Balita

SI APOSTOL Pablo ay nasa isang kalagayan noon na alam na alam ng mga Saksi ni Jehova na buong-panahong mga ministro​—siya’y kinakapos ng pondo. Kaya sa Corinto siya’y pumasok sa isang hamak na hanapbuhay na paggawa ng tolda na kaniyang natutuhan bilang isang kabataan. Mahirap ang trabaho, at kung minsan nagdurugo marahil ang kaniyang mga kamay sa paghawak ng matigas na tela ng tolda. Ang kita ay halos hustung-husto lamang sa kaniyang pagkain at pananamit, ngunit siya’y kuntento, sapagkat pagkatapos ng kaniyang paghahanapbuhay bawat araw, kaniyang itinatabi muna ang kasangkapan niya sa kaniyang paghahanapbuhay at ginagawa ang trabahong dahilan ng kaniyang pagkanaroroon sa Corinto na dapat unahin​—siya’y nangangaral ng mabuting balita!​—Filipos 4:11, 12.

Pagdating ng Sabbath, si Pablo ay patungo na sa sinagoga. Totoo, sa simula ay humaharap si Pablo sa kaniyang mga tagapakinig sa Corinto “nang may kahinaan at nangangamba at nanginginig na mainam.” (1 Corinto 2:1, 3) Subalit pinasisigla ng tugon ng iba sa kaniyang mensahe, si Pablo ay nagpapatuloy na “nagbibigay ng pahayag sa sinagoga tuwing sabbath at nanghihikayat sa mga Judio at mga Griego.”​—Gawa 18:1-4.

Ngunit pansamantala si Pablo ay nangangaral hindi ng pambuong-panahon. At dumating si Silas at Timoteo galing sa Macedonia na may dalang marami-raming abuloy na ‘saganang nagtakip sa kaniyang pangangailangan.’ (2 Corinto 11:9; Filipos 4:15) Nakapagpapatibay-loob din ang balita na ang mga kapatid sa Tesalonica ay naninindigang matatag sa kabila ng pag-uusig.​—1 Tesalonica 3:6.

Ang epekto kay Pablo? “Si Pablo ay nagsimulang lubusang maging abala sa salita [“gumugol ng lahat ng kaniyang panahon sa pangangaral,” The Jerusalem Bible; Today’s English Version], nagpapatotoo sa mga Judio upang patunayan na si Jesus ang Kristo.” (Gawa 18:5) Pagkatapos na guminhawa pansamantala sa kakapusan sa pananalapi, si Pablo ay hindi mapakali hangga’t hindi siya bumabalik sa buong panahong pangangaral. Siya’y bumalik sa kaniyang gawain nang buong sigla at init, hindi lamang nangangaral sa mga Judio kundi gumugol pa siya ng panahon na isulat ang una sa kaniyang kinasihang mga liham​—ang sulat sa mga taga-Tesalonica!

Isang Halimbawa Para sa Atin Ngayon

Ang ulat ng puspusang paggawa ni Pablo sa Corinto ay naingatan hanggang ngayon upang patibaying-loob ang lahat ng Kristiyano upang puspusang maging abala sa mabuting balita. Natalos ni Pablo na ang Panginoong Jesus mismo ang nagpasa sa kaniyang mga alagad ng mataas na karangalan ng pagiging “ang ilaw ng sanlibutan.” Hindi nila dapat itago ang ilaw na ito. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Ang inyong liwanag ay sumikat nawa sa harap ng mga tao, upang kanilang makita ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:14-16) Ito’y nangangahulugan ng pagkakaroon ng lubos na bahagi sa pangangaral na inihula ni Jesus. (Mateo 24:14; 28:19, 20; Gawa 1:6-8) Ang pangangaral ng mabuting balitang ito ng Kaharian ay isang pangunahing dahilan ng pag-iral ng kongregasyong Kristiyano.

Ang mga unang Kristiyano, tulad ni Pablo, ay dibdibang nagsagawa ng pangangaral na ito. Kaya naman, nang akalain ng mga kaaway ng Diyos na kanila nang napawi ang tunay na ilaw sa pamamagitan ng malupit na pamamaslang sa “Punong Ahente ng buhay,” ang kaniyang mga tagasunod ay nagpatuloy bilang ang ilaw ng sanlibutan, sa puspusang pangangaral. (Gawa 3:15) Maging ang pag-uusig man ay hindi nakahadlang sa kanilang pagsisikap. Ang sabi ng ulat ng Bibliya: “Araw-araw sa templo at sa bahay-bahay sila’y nagpatuloy nang walang lubay sa pagtuturo at pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42) Walang anumang bagay na nakapigil sa kanila!

Sa modernong panahon, ang mga Kristiyano ay katulad din noon na lubusang abala sa pagpapatotoo. Sa may dulo ng ika-19 na siglo, ang masigasig na mga estudyante ng Salita ng Diyos ay nakakita ng pangangailangan na ipamahagi sa iba ang mga katotohanan ng Bibliya. Ang Zion’s Watch Tower Tract Society​—isang organisasyon na naging internasyonal ang lawak​—​ay binuo bilang isang legal na korporasyon noong 1884. Ang mga estudyante ng Bibliyang ito, na nakilala sapol noong 1931 bilang mga Saksi ni Jehova, ay literal na pinunô ang lupa ng kaalaman ng Salita ng Diyos. Ang kanilang puspusang paggawa ay nagbunga ng isang malaking pulutong na mahigit na apat na milyon! At walang alinlangan na sila’y patuloy na darami sa ilalim ng patnubay ni Jehova.​—Isaias 60:22.

Ginagawa ba Ninyo ang Inyong Bahagi?

Sinabi ni Jesus: “Marami ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa.” (Mateo 9:37, 38) Noong 1990 halos sampung milyong katao ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Anong kahanga-hangang potensiyal para sa lalo pang maraming aanihin sa buong daigdig! Subalit samantalang nagsasaya sa patuloy na paglawak na ito bawat isa ay kailangang magtanong sa kaniyang sarili, ‘Gaano ba ang aking bahagi sa dakilang gawaing ito? Ginagawa ko ba ito nang palagian​—linggo-linggo kung maaari?’

Ang matatanda ay kailangang manguna sa gawaing ito bilang “mga halimbawa sa kawan.” (1 Pedro 5:3) Totoo, karamihan ng matatanda ay naghahanapbuhay. Gayundin si apostol Pablo noong siya’y nasa Corinto. Gayunman, siya’y naglaan ng panahon para sa regular na pangangaral. Maraming matatanda sa ngayon ang lubusang abala rin sa espirituwal na mga gawain kung mga dulo ng sanlinggo. Ito’y makapagdudulot ng isang matindi at nagpapatibay-loob na epekto sa lahat na nasa kongregasyon. Sa ilang buwan pagka gumawa ng pantanging pagsisikap, sa maraming kongregasyon karamihan ng kanilang mga mamamahayag ay nagpapayunir. Ang lihim? Ang matatanda ay nangunguna kapuwa sa pangangaral at sa pagsasaayos ng paglilingkod sa larangan.

Ang ministeryal na mga lingkod ay maaari ring panggalingan ng mainam na impluwensiya sa kongregasyon kung sila’y regular na makikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Tandaan, hinihiling ng Kasulatan na sila ay maging “seryoso, . . . na mga lalaking naglilingkod sa mainam na paraan.” (1 Timoteo 3:8, 13) Ang katapatan ng paglilingkod sa larangan ay kailangan para sa isang kapatid na lalaki upang maging kuwalipikado ang isa bilang matanda o ministeryal na lingkod.​—Tito 1:8, 9.

Tulad ni Pablo, nagagawa ng iba na bawasan ang panahon nila sa paghahanapbuhay at sa gayo’y nakapagpapayunir sila. Ang bilang ng regular, auxiliary, at special pioneer ay naragdagan makalipas lamang ang sampung taon mula sa 137,861 tungo sa 536,508 noong 1990. Tiyak, tanging ang pagpapala at pagsang-ayon dito ni Jehova ang dahilan kung bakit naging gayon. Gayumpaman, dapat pagsikapan ng mga payunir na gamitin nang may katalinuhan ang panahon, hindi lamang ang mangaral ng maraming oras upang makapagbigay ng isang mabuting report. Mga payunir, kayo ba ay handang-handa at epektibo sa ministeryo? Pinagsusumikapan ba ninyo na kayo’y patuloy na sumulong upang ang inyong ministeryo ay maging tunay na mabunga?

Mga Gantimpala ng Isang Timbang na Ministeryo

Inyo bang pinahahalagahan ang panustos-buhay na impormasyon na inihaharap buwan-buwan sa pamamagitan ng Ang Bantayan at ng kasamang magasin, ang Gumising!? Walang-alinlangan na kayo’y nagpapahalaga. Ang inyo bang pagpapahalaga ay nagpapakilos sa inyo na magkaroon ng bahagi sa pamamahagi ng mga magasing ito? Isang sister sa Botswana ang gayon nga ang ginawa. Dati ay salungat siya sa katotohanan, ngunit binasahan siya ng kaniyang asawa mula sa mga magasin. Dumating ang panahon na siya’y nagbago ng kalooban at naging isang Saksi. Bagaman di-marunong bumasa, siya’y lubhang matagumpay sa pamamahagi ng mga magasin, at ang sabi: “Hindi ako marunong bumasa, pero ako’y binabasahan ng aking asawa ng mga magasing ito. Nasisiyahan ako, at natitiyak ko na kayo man ay masisiyahan din.”

Bakit hindi kayo bumahagi sa lingu-linggo sa nagliligtas-buhay na gawaing ito? Sa mga sandaling magkaroon kayo ng espirituwal na mga kuwalipikasyon, malulugod ang kongregasyong Kristiyano na tulungan kayong magsimula na. Gayunman, ang pamamahagi ng mga magasin ay isa lamang pitak ng paglilingkod. Sinumang lubusang abala sa mabuting balita ay magsisikap na magkaroon ng isang timbang na ministeryo. Halimbawa, ang Samahang Watch Tower ay naglalathala ng milyun-milyong pinabalatang mga aklat, at ang mga ito ay iniaalok sa publiko bilang isang lalong permanenteng mapagkukunan ng mabuting espirituwal na pagkain. Kayo ba’y mayroon nang sapat na kakayahan sa inyong ministeryo upang makapamahagi ng mga aklat, tulad halimbawa ng Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa?

At kumusta naman ang mga taong nagpapakita ng interes? Kayo ba’y nag-iingat ng mahuhusay na mga talaan upang sila’y muling mabalikan? Ang gayong mga muling pagdalaw ay maaaring humantong sa bahagi ng paglilingkod na nagdudulot ng pinakamalaking kagalakan sa lahat​—ang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Tandaan, sa atin ay iniutos ni Jesus sa Mateo 28:19, 20 na ‘gumawa ng mga alagad, bautismuhan sila.’ Iyan ay nangangahulugan ng pakikipag-aral sa kanila ng Bibliya. Totoo, ang pagsisimula ng isang pag-aaral ay kadalasan nangangailangan ng pagiging matiyaga. Isang Saksi ang may nakilalang may edad nang mag-asawa na agad pumayag na sila’y pagdausan ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Subalit kanilang ipinagpaliban ang pag-aaral nang may tatlong linggong sunud-sunod. Sa wakas ay nasimulan ang pag-aaral. Pagkatapos, may sandaling panahon na ang mag-asawa’y hindi nakipag-aral nang halos tuwing ikalawang linggo. Sa kabila nito, ang asawang babae ay sumulong hanggang sa punto ng pagbabautismo. “Pagkatapos mabautismuhan,” naaalaala pa ng brother, “siya’y napaluha sa kagalakan, na nagdala rin ng mga luha ng kagalakan sa aming mag-asawa.” Oo, ang pagiging lubusang abala sa mabuting balita ay nagdadala ng di-mailarawang kagalakan!

Tularan Ninyo Sila!

Si Jesu-Kristo at si apostol Pablo ay nagsilbing magagandang modelo ng debosyon na matutularan. At tayo’y maraming dakilang halimbawa sa mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon. Naririto na ang panahon upang lahat ng nakaaalam ng mabuting balita ay lubusang kumilos upang ito’y ibalita sa iba. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang lahat ng gayong paggawa ay “hindi walang kabuluhan.”​—1 Corinto 15:58.

Katulad ni Pablo, karamihan ay maraming obligasyon na dapat balikatin sa pananalapi. Dahilan dito, marami ang marahil hindi makapagpapayunir. Subalit sa tulong ni Jehova, lahat ay makasusunod sa mabuting payo na nasa Roma 12:11: “Huwag magpatigil-tigil sa inyong gawain. Maging maningas sa espiritu. Magpaalipin kay Jehova.” At kung ipahihintulot ng mga kalagayan para sa higit na panahon sa paglilingkuran kay Jehova, sinuman na talagang umiibig kay Jehova ay, tulad ni Pablo, magsasamantala ng pagkakataon. Maging lubusang abala sa mabuting balita! Ang paggawa ng gayon ay hindi lamang magdudulot ng mga pagpapala ngayon kundi sa hinaharap ay magbubunga ng buhay na walang-hanggan na taglay ang walang-katapusang kagalakan at kaligayahan!​—Mateo 19:28, 29.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share