Maging “Lubhang Abala” sa Iyong Ministeryo
1 Nang mabasa natin na si apostol Pablo ay nagtrabaho sa paggawa ng tolda habang nasa Corinto, maaari nating isipin na nalimitahan nito ang kaniyang pagkakataon na mangaral. Gayunman, inilalahad ng Gawa 18:5: “Si Pablo ay nagsimulang maging lubhang abala sa salita, na nagpapatotoo sa mga Judio upang patunayan na si Jesus ang Kristo.” Bakit naging lubhang abala si Pablo sa gawaing pangangaral? Bagaman marami na sa Corinto ang naging mga mananampalataya, tiniyak ng Panginoon na marami pa ring magagawang mga alagad sa lunsod na iyon. (Gawa 18:8-11) Mayroon ba tayong katulad na dahilan upang maging lubhang abala sa ating ministeryo? Oo. Marami pa ring mga tao ang maaaring masumpungan at maturuan ng katotohanan.
2 Gumugol ng Mas Maraming Panahon sa Paglilingkod sa Abril: Malamang na tunguhin mong manatiling abala sa pangangaral ng mabuting balita buwan-buwan. Ngunit may ilang buwan na pantanging nagbibigay sa atin ng higit na pagkakataong maging “lubhang abala” sa gawaing ito. Kabilang sa mga ito ang buwan ng Abril, na tapat sa mismong panahon ng Memoryal. Ipinahihintulot ba ng iyong mga kalagayan na ikaw ay mag-auxiliary pioneer o kaya’y maragdagan ang iyong pagsisikap sa ministeryo sa panahong iyon? Maraming mamamahayag na gumagawa ng gayon ang saganang pinagpala. (2 Cor. 9:6) Kung ginagawa mo ang iyong buong makakaya, tandaan na si Jehova ay nalulugod sa iyong buong-kaluluwang paglilingkod. (Luc. 21:2-4) Anuman ang iyong mga kalagayan, gawin mong tunguhin na maging “lubhang abala” sa iyong ministeryo sa Abril. At huwag kaligtaan na ibigay sa katapusan ng buwan ang iyong ulat ng paglilingkod sa larangan upang ang iyong pagsisikap ay maibilang kasama ng iba pa sa bayan ni Jehova.
3 Dalawin ang mga Baguhan na Dumalo sa Memoryal: Sa Pilipinas noong nakaraang taon, ang bilang ng dumalo sa Memoryal ay 413,023. Ang kabuuang bilang ng dadalo sa taóng ito ay hindi pa alam. Gayunman, ang mga ulat ay nagpapahiwatig na may kamangha-manghang potensiyal para sa mas malaking “aanihin.” (Mat. 9:37, 38) Samakatuwid, sa lalong madaling panahon hangga’t maaari, isaayos na dalawin ang mga taong interesado na nakadalo na ng Memoryal upang alalayan sila sa espirituwal na paraan. Ang pagpapaliban sa gayong mga pagdalaw ay makapagbibigay-daan ‘sa isa na balakyot upang agawin ang salita ng kaharian na naihasik sa kanilang puso.’ (Mat. 13:19) Ang maagap na pagdalaw ay magpapakita na ikaw ay talagang “lubhang abala” sa iyong ministeryo.
4 Patuloy na Alalayan ang mga Di-aktibo: Noong Pebrero, isang pantanging pagsisikap ang pinasimulan upang tulungan ang mga di-aktibo. Kung may ilan na hindi pa nadadalaw sa gawaing pagpapastol, ang matatanda ay dapat magsaayos na dalawin sila nang maaga pa bago matapos ang Abril. Sisikapin ng matatanda na alamin ang pinakadahilan ng suliranin ng indibiduwal at kung paano pinakamabuting matutulungan siya na muling makapaglingkuran nang aktibo kay Jehova. Ang maibiging tulong na ito ay nagpapakitang dinidibdib ng matatanda ang kanilang pananagutan bilang mga pastol ng “kawan ng Diyos.” (1 Ped. 5:2; Gawa 20:28) Ang Setyembre 15, 1993, na isyu ng Ang Bantayan, pahina 22-3, ay naglalaan ng mahuhusay na mungkahi na maaaring gamitin ng matatanda sa pag-aasikaso ng alinman sa limang karaniwang suliranin na nakaaapekto sa mga di-aktibo. Posible na ang ilan ay maaari pang maging aktibong muli sa ministeryo sa larangan sa Abril.
5 Tulungan ang Mas Marami Pa na Maging Di-Bautisadong Mamamahayag: Kuwalipikado na bang maging mga bagong mamamahayag ng mabuting balita ang iyong mga anak? Kumusta naman ang iba pang pinagdarausan mo ng pag-aaral sa Bibliya? Kung sila ay inaprobahan na ng matatanda, hindi kaya magiging angkop na panahon para sa kanila ang Abril upang magsimulang mangaral? Kung sumusulong ang isa at nakapag-aral na ng brosyur na Hinihiling at ng aklat na Kaalaman, ang pag-aaral sa Bibliya ay maaaring ituloy sa ikalawang aklat—alinman sa aklat na Salita ng Diyos, Tunay na Kapayapaan, o Nagkakaisa sa Pagsamba. Ang iyong tunguhin ay ang tulungan ang estudyante na makamit ang higit na kaunawaan sa katotohanan, maging kuwalipikado bilang di-bautisadong mamamahayag, at maging isang naaalay at bautisadong Saksi ni Jehova.—Efe. 3:17-19; 1 Tim. 1:12; 1 Ped. 3:21.
6 Ang iyong patuloy at tunay na interes sa iyong mga estudyante sa Bibliya ay tutulong sa kanila na sa dakong huli ay dibdibin nila ang katotohanan. Natagpuan ng isang Saksi ang isang may-edad nang mag-asawa na malugod na tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya. Ngunit ipinagpaliban ng mag-asawa ang pag-aaral sa loob ng magkakasunod na tatlong linggo. Nang dakong huli ay napasimulan ang pag-aaral. Pagkatapos ay kinakansela ng mag-asawa ang pag-aaral halos tuwing makalawang sanlinggo. Gayunman, sa wakas ay sumulong ang asawang babae hanggang sa punto ng pagpapabautismo. “Pagkatapos niyang mabautismuhan,” naalaala ng kapatid, “ang kaniyang mga mata ay napuno ng mga luha ng kaligayahan, na naging dahilan ng mga luha ng kaligayahan naming mag-asawa.” Oo, ang pagiging “lubhang abala” sa mabuting balita ay nagdudulot ng malaking kagalakan!
7 Ipinahihiwatig ng hula ng Bibliya at ng mga pangyayari sa daigdig na tayo ay nabubuhay sa dulong bahagi na ng panahon ng kawakasan. Ngayon na ang panahon na ang buong bayan ng Diyos ay kailangang maging “lubhang abala” sa pagbibigay-alam sa iba ng mabuting balita. Si apostol Pablo ay nagbigay ng katiyakan na ang gayong pagpapagal “may kaugnayan sa Panginoon ay [talagang] hindi walang kabuluhan.”—1 Cor. 15:58.