Talaga Bang Bumubuti ang mga Bagay?
“Baka lalong mapunô ng pagkaliliit na mga butas ang pader [ng Berlin] habang lumalawak ang ugnayan ng Silangan-Kanluran. Ngunit kakailanganin ang mga taon, mga henerasyon pa nga, bago ito bumagsak. Ang dalawang Alemanya ay hindi kailanman magiging isa.” Ganiyan ang isinulat ng isang kilalang magasin ng balita sa Amerika noong Marso 1989.
Wala pang 250 araw—hindi mga taon, huwag nang sabihin pa ang mga henerasyon—sa bandang huli, ang pader ay nagsimulang gumuho. Sa loob lamang ng mga linggo, libu-libo ng mga pirasong yaon, ang ngayo’y mga souvenir na lamang, na nagsisilbing dekorasyon sa ibabaw ng mga mesang sulatan sa buong daigdig.
ANG matindi ang kalawang na Kurtinang Bakal ay sa wakas nagbukas na rin, anupa’t nagbigay ng pag-asang sa wakas ay malapit na rin ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan. Maging ang Digmaan sa Gulpo sa Gitnang Silangan ay hindi nagpakulimlim sa pag-asa na ang matagal nang pagiging magkaribal ng Silangan at Kanluran ay tapos na, at isang bagong kaayusang pandaigdig ang napipinto.
Naragdagan ng Isang Bagong Dimensiyon
Sapol noong ikalawang digmaang pandaigdig, nahalata na may isang kilusan na patungo sa isang nagkakaisang Europa. Noong 1951, itinatag ng mga bansa sa Kanlurang Europa ang European Coal and Steel Community. Ito’y sinundan noong 1957 ng European Common Market. Noong 1987 ang 12 miyembro nitong internasyonal na komunidad (ngayo’y binubuo ng 342 milyong katao) ay nagtakda ng tunguhin na makaabot sa lubusang pagkakaisa sa ekonomiya pagsapit ng 1992. Ang lubos na pagkakaisang makapulitika ay waring isang matinding posibilidad. Isang nakagiginhawang pagbabago ito buhat sa tigmak-dugong kasaysayan ng Europa noong nakalipas na mga taon!
Gayunman, dahilan sa kamakailang mga kaligaligang makapulitika, ang 1992 ay nagkakaroon ng isang lalong malaking kahulugan. Lumaki ang pala-palagay na ang dating Komunistang mga bansa ng Silangang Europa ay maaaring sa bandang huli ay makasali rin sa isang nagkakaisang Europa.
Diyos ba ang Nasa Likod Nito?
Ang ibang mga grupo ng relihiyon, palibhasa’y hindi sinusunod ang simulain ng pagiging neutral bilang Kristiyano, ay pumayag na ang deka-dekadang panunupil sa relihiyon sa Silangang Europa ay itulak sila sa aktibong pagkasangkot sa pulitika. Bilang komento rito, ang pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung ay nagpahayag na “hindi matututulan na ang mga Kristiyano’y may nagawa upang mapangyari ang mga pagbabago sa Silangan,” at isinusog na tiyakang hindi dapat ipagwalang-bahala ang kanilang nagawa.” Sinabi pa: “Sa Polandiya, halimbawa, ang relihiyon ay nakiisa sa bansa, at ang simbahan ay naging isang matigas na manlalaban sa nagpupunong partido; sa GDR [dating Silangang Alemanya] ang simbahan ay nagbigay ng libreng lugar na magagamit ng mga rebelde at pumayag na gamitin nila ang mga simbahan para sa mga layunin ng organisasyon; sa Czechoslovakia, ang mga Kristiyano at mga demokrata ay nagtipon sa bilangguan, sila’y humanga sa isa’t isa, at sa wakas ay pinagsama na ang kanilang mga puwersa.” Maging sa Romania man, na kung saan “ang mga simbahan ay naging tapat na mga basalyo ng rehimen ni Ceauşescu,” ang bantang pag-aresto sa klerigong si Laszlo Tökes ang nagsilbing titis upang sumiklab ang rebolusyon.
Ang Vaticano ay kasangkot din. Ang magasing Time ay nagkomento noong Disyembre 1989: “Bagaman ang patakaran ni Gorbachev na huwag makialam ang pangunahing sanhi ng sunud-sunod na reaksiyon ng paglaya na lumaganap na bigla sa Silangang Europa noong nakalipas na ilang buwan, si Juan Paolo ang karapat-dapat na bigyan ng malaking bahagi ng pangmatagalang kredito. . . . Sa buong dekada ng 1980 ang kaniyang mga talumpati ay walang humpay na nagdiin sa konsepto ng isang Europang muling pinagkaisa buhat sa Atlantiko hanggang sa Urals at inspirado ng pananampalatayang Kristiyano.” Kaya, gaya ng malimit mangyari, samantalang dumadalaw sa Czechoslovakia noong Abril 1990, ang papa ay nagpahayag ng pag-asa na ang kaniyang pagdalaw ay magbubukas ng mga bagong pintuan sa pagitan ng Silangan at Kanluran. Kaniyang sinabi na magkakaroon ng pagtitipon ng mga obispo sa Europa upang bumuo ng estratehiya sa ikatutupad ng kaniyang pangitain tungkol sa “isang Europa na pinagkaisa salig sa mga pinag-ugatang Kristiyano nito.”
Hindi kaya ang isang nagkakaisang Alemanya na nakasalig sa isang nagkakaisang Europa ay maging isang hudyat ng isang lubusang nagkakaisang Europa, at pagkatapos ay kahit na ng isang nagkakaisang daigdig? Ang pagkasangkot ng relihiyon ay hindi ba nagpapakita na ito ang ipinangangako ng Bibliya? Tiyak iyan, ngayong mga klerigo sa kapuwa Silangan at Kanluran ang ngayo’y gumagawa sa ilalim ng isang makapulitikang saligan ng kapayapaan at katiwasayan, hindi ba natin aasahan na ito’y malapit nang matupad? Tingnan natin.
[Mapa/Larawan sa pahina 4]
Ang Protestanteng Nikolai Church sa Leipzig—isang simbolo ng makapulitikang kaligaligan sa Alemanya
Mga miyembrong bansa ng European Common Market