Mga Aksidente—Tadhana ba o Nagkataon?
SAMANTALANG si Cristina, isang kaakit-akit na dalagang fashion model, ay tumatawid sa masasakyang Nove de Julho Avenue sa São Paulo, Brazil, hindi niya nakita ang dumarating na bus. Sa kawalang pag-asa tinangka ng tsuper na ihinto ang kaniyang sasakyan, ngunit huling-huli na. Si Cristina ay nasagasaan at namatay.
Ang malungkot na aksidenteng ito ay iniulat sa pangharap na pahina ng peryodiko ng Brazil na O Estado de S. Paulo. (Hulyo 29, 1990) Subalit iyon ay isa lamang sa 50,000 mga nasasawi sa trapik taun-taon sa Brazil. At samantalang libu-libo pa ang nagiging baldado sa gayong aksidente, ang iba naman ay nakaliligtas nang wala kahit bahagyang galos. Kung gayon, bakit ang dalagang ito ay hindi nakaligtas? Siya ba ay itinadhana na mamatay nang araw na iyon?
Di-mabilang na mga tao ang mangangatuwiran na ganoon nga. Sila’y naniniwala sa tadhana, na ang pangunahing mga pangyayari, tulad bagá ng oras ng kamatayan ng isang tao, ay itinadhana. Ang paniwalang ito ay nagbigay daan sa mga pananalitang gaya ng “Walang maaaring lumaban sa tadhana,” “Sumapit na ang oras niya,” o “Que sera, sera.” May katotohanan ba ang mga popular na kasabihang katulad nito? O tayo baga’y mga laruan lamang ng kapalaran na itulak-kabigin ng tadhana?
Ang fatalismo, o ang paniwala na lahat ng pangyayari ay itinadhana nang patiuna, ay umiral sa gitna ng sinaunang mga Griyego at mga Romano. Kahit na ngayon malakas pa rin ang ideyang iyan sa maraming relihiyon. Halimbawa, ang Islam, ay nanghahawakan sa mga salita ng Koran: “Walang kaluluwa ang maaaring mamatay maliban na ipahintulot ni Allah at sa isang panahon na itinakda.” Ang paniniwala sa tadhana ay karaniwan din sa Sangkakristiyanuhan at lalo pang pinayabong ng doktrina ng predestinasyon, na turo ni John Calvin. Samakatuwid, karaniwan na para sa mga klerigo na sabihin sa namimighating mga kamag-anak na ang isang aksidente ay “kalooban ng Diyos.”
Gayunman, ang paniwala na resulta ng tadhana ang mga aksidente, ay salungat sa sentido komún, sa karanasan, at sa katuwiran. Una, ang mga aksidente sa auto ay hindi maaaring sabihing kagagawan ng Diyos, yamang ang lubusang pagsusuri ay kadalasang nagsisiwalat ng isang lubos na makatuwirang sanhi. Isa pa, malinaw na ipinakikita ng mga estadistika na ang makatuwirang pag-iingat—tulad baga ng pagsusuot ng isang seat belt—ay nakababawas nang malaki sa posibilidad na mangyari ang isang nakamamatay na aksidente. Ang pag-iingat ba ay talagang makahahadlang sa itinadhanang kalooban ng Diyos?
Ang paniniwala sa tadhana ay may negatibong epekto sa naniniwala, wari nga. Hindi baga ito umaakay sa isa upang kumilos nang walang hunos-dili, tulad baga ng hindi pagpansin sa bilis ng pagpapatakbo at sa mga senyas sa trapiko o pagmamaneho samantalang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak o mga droga? Ang lalong malubha, ang paniniwala sa fatalismo na nag-uudyok sa mga iba na sisihin ang Diyos pagka sila ang nasasangkot sa aksidente. Sila’y nagagalit at walang magawa, at kumbinsido na walang malasakit ang Diyos, at sila’y nawawalan pa man din ng pananampalataya. Bagay na bagay ang sinabi ng makatang si Emerson nang sabihin: “Ang pinakamapait na kalungkut-lungkot na bahagi ng buhay ay ang paniniwala sa isang malupit na Tadhana o Kapalaran.”
Ano baga ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sakuna at aksidente? Talaga bang itinuturo nito na ito ay kagagawan ng tadhana? Isa pa, ano ang sinasabi nito tungkol sa ating pag-asa na maligtas? Tayo’ ba’y makagagawa ng anumang pamimilì sa bagay na iyon?
[Blurb sa pahina 4]
“Ang pinakamapait na kalungkut-lungkot na bahagi ng buhay ay ang paniniwala sa isang malupit na Tadhana o Kapalaran.”—Ralph Waldo Emerson