“Ang Isang Tagapangasiwa ay Kailangang may . . . Pagpipigil-sa-Sarili”
“Ang isang tagapangasiwa ay kailangang may . . . pagpipigil-sa-sarili.”—TITO 1:7, 8.
1, 2. Anong halimbawa ng pagpipigil-sa-sarili ang ipinakita ni William of Orange, at ano ang natamong kapakinabangan?
SA KASAYSAYAN ay may isang kapuna-punang halimbawa tungkol sa pagpipigil ng damdamin. Noong kalagitnaan ng ika-16 na siglo, ang kabataang prinsipeng Olandes na si William of Orange ay naglalakbay sa pangangaso kasama si King Henry II ng Pransiya. Isiniwalat kay William ng hari ang plano na siya at ang hari ng Espanya ay nagkasundo na lilipulin ang lahat ng Protestante sa Pransiya at sa Olandiya—sa katunayan, sa buong Sangkakristiyanuhan. Si King Henry ay nasa ilalim ng impresyon na ang kabataang si William ay isang saradong Katoliko na katulad ng kaniyang sarili at sa gayon ay isiniwalat na lahat ang mga detalye ng pakana. Ang narinig ni William ay lubusang nakapagpangilabot sa kaniya sapagkat marami sa kaniyang pinakamatatalik na kaibigan ang mga Protestante, ngunit hindi niya ipinahalata ang kaniyang damdamin; sa halip, siya’y nagpakita ng malaking interes sa lahat ng detalye na ibinigay sa kaniya ng hari.
2 Gayunman, siya’y nagsimulang bumuo ng mga plano upang biguin ang pakana, at ang resulta nito sa wakas ay ang palayain ang Olandiya buhat sa kapangyarihan ng Kastilang Katoliko. Dahilan sa si William ay patuloy na nagpigil-sa-sarili nang kaniyang unang mabalitaan ang pakana, siya’y nakilala bilang si “William na Tahimik.” Ganiyan na lang ang tagumpay ni William of Orange kung kaya sinasabi sa atin: “Siya ang tunay na pundador ng kasarinlan at kadakilaan ng republikang Olandes.”
3. Sino ang nakikinabang pagka ang mga Kristiyanong matatanda ay patuloy na nagpipigil-sa-sarili?
3 Dahilan sa kaniyang pagpipigil, natamo ni William na Tahimik ang malaking pakinabang kapuwa sa kaniyang sarili at sa kaniyang bayan. Sa katulad na paraan, ang bunga ng espiritu ng pagpipigil-sa-sarili ay dapat makita sa ngayon sa mga Kristiyanong matatanda o mga tagapangasiwa. (Galacia 5:22, 23) Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapakita ng katangiang ito, sila’y nagtatamo ng pakinabang kapuwa para sa kanilang sarili at sa mga kongregasyon. Sa kabilang panig naman, ang hindi nila patuloy na pagpipigil-sa-sarili ay makagagawa ng pinsala na walang kaparis.
Ang Pagpipigil-sa-Sarili—Isang Kahilingan sa Matatanda
4. Anong payo ni apostol Pablo ang nagdiriin ng pangangailangan na ang matatanda ay patuloy na magpigil-sa-sarili?
4 Si Pablo, na isang matanda mismo, ay nagpahalaga sa pagpipigil-sa-sarili. Nang pinapayuhan ang matatanda na dumating sa kaniya galing sa Efeso, sinabihan niya sila: “Asikasuhin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan.” Bukod sa iba pang mga bagay, sa pag-aasikaso sa kanilang sarili ay kasali ang pangangailangan na patuluyang magpigil-sa-sarili, bantayan ang kanilang asal. Sa pagsulat kay Timoteo, ang ganoon ding punto ang binanggit ni Pablo, na ang sabi: “Palaging asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo.” Ang ganiyang payo ay nagpapakita na palaisip si Pablo tungkol sa makataong hilig ng iba na higit na mabahala sa pangangaral kaysa pagsasagawa ng kanilang ipinangangaral. Samakatuwid, kaniya munang idiniin ang pangangailangan na bantayan ang kanilang sarili.—Gawa 20:28; 1 Timoteo 4:16.
5. Papaano hinihirang ang mga Kristiyanong matatanda, at saan nakaulat sa Kasulatan ang kanilang mga kuwalipikasyon?
5 Sa buong nalakaran ng mga taon, ang papel na ginagampanan ng matatanda sa Kasulatan ay patuloy na nagliliwanag. Sa ngayon, nakikita natin na ang pagiging matanda ay isang posisyon na doon hinihirang ang isa. Ang matatanda ay hinihirang ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova o ng tuwirang mga kinatawan nito. Ang lupon na iyan naman ang kumakatawan sa “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Ang mga kuwalipikasyon para sa pagiging isang tagapangasiwang Kristiyano, o matanda, ay pangunahing iniuulat ni apostol Pablo sa 1 Timoteo 3:1-7 at Tito 1:5-9.
6, 7. Anong espisipikong mga kuwalipikasyon ng matatanda ang nangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili?
6 Sinasabi ni Pablo sa 1 Timoteo 3:2, 3 na ang isang tagapangasiwa ay kailangang makatuwiran sa pag-uugali. Ito at ang pangangailangan na ang isang matanda ay maging maayos ay humihingi ng patuloy na pagpipigil-sa-sarili. Ang isang taong kuwalipikado na maging isang tagapangasiwa ay hindi magaan ang kamay at hindi palaaway. Ang mga kuwalipikasyong ito ay humihiling din na ang isang matanda ay magpigil-sa-sarili. Isa pa, upang ang isang matanda ay huwag maging isang lasenggong basag-ulero, na mahilig sa alak, siya’y kailangang patuloy na magpigil-sa-sarili.—Tingnan din ang mga talababa sa 1 Timoteo 3:2, 3.
7 Sa Tito 1:7, 8, espisipikong binanggit ni Pablo na ang isang tagapangasiwa ay kailangang magpigil-sa-sarili. Gayunman, pansinin kung ilan pa sa ibang mga kahilingan na binabanggit sa mga talatang ito ang may kaugnayan sa pagpipigil-sa-sarili. Halimbawa, ang tagapangasiwa ay kailangang walang anumang kapintasan, oo, walang maipipintas sa kaniya. Tunay, ang isang matanda ay hindi makatutugon sa mga kahilingang iyon maliban sa siya’y patuloy na nagpipigil-sa-sarili.
Kapag Nakikitungo sa Iba
8. Anong mga katangian na kailangan ng matatanda sa pagbibigay ng payo ang nagbibigay-diin sa pangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili?
8 Muli, ang isang tagapangasiwa ay kailangang matiyaga at matiisin sa pakikitungo sa mga kapananampalataya, at ito’y nangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili. Halimbawa, sa Galacia 6:1, ating mababasa: “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon [pangunahin ang mga matatanda] sikapin ninyo na muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso rin.” Upang makapagpakita ng espiritu ng kahinahunan ay kailangan ang pagpipigil-sa-sarili. Dahilan diyan, nasasangkot din ang pagpipigil-sa-sarili samantalang minamataan ng isang tao ang kaniyang sarili. Gayundin, pagka ang isang matanda ay hinihingan ng tulong ng isang taong nasa kahirapan, ang pagpipigil-sa-sarili ay napakahalaga. Anuman ang isipin ng matanda tungkol sa binanggit na tao, siya ay kailangang maging mabait, matiyaga, at maunawain. Imbes na mabilis na magbigay ng payo, ang matanda ay kailangang handang makinig at pagsalitain ang taong iyon upang maalaman kung ano talaga ang waring bumabagabag sa kaniya.
9. Dapat isaisip ng matatanda ang anong payo kung nakikitungo sa naliligalig na mga kapatid?
9 Lalo na kapag nakikitungo sa mga taong naliligalig naaangkop ang payo sa Santiago 1:19: “Alamin ito, minamahal kong mga kapatid. Bawat tao ay kailangang maging mabilis tungkol sa pakikinig, mabagal tungkol sa pagsasalita, mabagal tungkol sa pagkagalit.” Oo, lalo na pagka napapaharap sa mga taong nagagalit o nababagabag kailangang pakaingat ang isang matanda na huwag tumugon na may gayon ding damdamin. Kailangan ang pagpipigil-sa-sarili upang ang mga pananalita ng isang nababagabag ay huwag gantihin ng ganoon ding mga salita ng isang nababagabag, “huwag gantihin ng masama ang masama.” (Roma 12:17) Kung ang isa’y tutugon sa gayon ding paraan ay lalo lamang lalala ang sigalot. Kaya ang Salita ng Diyos ay muling nagbibigay sa matatanda ng mainam na payo, pinaaalalahanan sila na “ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot.”—Kawikaan 15:1.
Pagpipigil-sa-Sarili sa mga Pulong ng Matatanda at sa mga Paglilitis
10, 11. Ano ang nagaganap sa mga pulong ng matatanda, na nagpapakita ng pangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili sa gayong mga okasyon?
10 Ang isa pang larangan na kung saan ang mga tagapangasiwang Kristiyano ay nangangailangang pakaingat na patuloy na magpigil-sa-sarili ay sa panahon ng mga pagpupulong ng mga matatanda. Ang pagsasalita nang mahinahon sa kapakanan ng katotohanan at katarungan ay nangangailangan kung minsan ng malaking pagpipigil-sa-sarili. Nangangailangan din ng pagpipigil-sa-sarili upang maiwasan ang pangingibabaw ninuman sa isang talakayan. Pagka may gayong hilig ang isang matanda, isang kabaitan na siya’y payuhan ng isang matanda rin.—Ihambing ang 3 Juan 9.
11 Gayundin, sa mga pulong ng matatanda, ang isang labis na masigasig na matanda ay baka matukso na padala sa silakbo ng damdamin, baka magtaas pa ng kaniyang boses. Ang gayong mga kilos ay nagpapakilala ng malaking kawalan ng pagpipigil-sa-sarili! Ito ay tunay na makaibayong isang pagkabigo ng sarili. Sa kabilang panig, sa sukdulang mawalan ang isang tao ng pagpipigil-sa-sarili, ganoon niya pahihinain ang kaniyang sarili dahil sa pagpapahintulot sa silakbo ng damdamin na manaig sa katuwiran. Sa kabilang panig, sa sukdulan na ang isang tao ay madaig ng silakbo ng damdamin, ang tendensiya ay sirain ang loob o salungatin pa nga ang kaniyang kapuwa matatanda. Isa pa, maliban sa pakaingat ang matatanda, ang malalaking pagkakaiba ng opinyon ay maaaring maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa gitna nila. Ito’y pipinsala sa kanila at sa kongregasyon.—Ihambing ang Gawa 15:36-40.
12. Sa pakikitungo sa anong mga kalagayan kailangan na ang matatanda ay maingat na magpigil-sa-sarili?
12 Ang pagpipigil-sa-sarili ay lubhang kailangan din ng matatanda upang maiwasan ang pagtatangi o pag-aabuso sa kanilang kapangyarihan. Napakadali na padala sa tukso, na hayaang ang mga kaisipan ng di-sakdal na mga tao ang umimpluwensiya sa sinasabi o ginagawa ng isa! Ulit at ulit, nabigo ang matatanda na kumilos na taglay ang mabuting pagpapasiya pagka ang isa sa kanilang mga anak o ang iba pang mga kamag-anak ang napatunayan na nagkasala. Sa ganiyang mga kalagayan kailangan ang pagpipigil-sa-sarili upang huwag hayaang ang kanilang kamag-anak ay makahadlang sa paghatol na naaayon sa katuwiran.—Deuteronomio 10:17.
13. Bakit ang pagpipigil-sa-sarili ay lalong higit na kailangan ng matatanda sa paglilitis?
13 Ang isa pang situwasyon na kung saan napakahalaga ang pagpipigil-sa-sarili ay kapag mayroong paglilitis. Ang mga matatanda ay kailangang patuloy na magpigil-sa-sarili upang sila’y huwag maimpluwensiyahan ng emosyon o silakbo ng damdamin. Huwag sanang madaling mabagabag ang kanilang damdamin sa pamamagitan ng mga luha. Gayundin, pakaingat ang isang matanda na huwag mawalan ng kahinahunan pagka may pagpapalitan na ng mga akusasyon at siya’y sinusumbatan na, gaya ng maaaring mangyari pagka ang pinakikitunguhan ay ang mga apostata. Dito ang salita ni apostol Pablo ay angkop na angkop: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging malumanay sa lahat.” Pagpipigil-sa-sarili ang kailangan upang makapanatiling malumanay ang sinuman pagka nasa kagipitan. Si Pablo ay nagpatuloy ng pagsasabing ang “alipin ng Panginoon” ay kailangang “nagtitimpi laban sa kasamaan, mahinahong nagtuturo sa mga sumasalansang.” Upang maging mahinahon at manatiling nagtitimpi pagka nasa harap ng pananalansang ang kailangan ay malaking pagpipigil-sa-sarili.—2 Timoteo 2:24, 25.
Pagpipigil-sa-Sarili sa Pakikitungo sa mga Di-Kasekso
14. Anong mainam na payo ang dapat pakinggan ng matatanda sa kanilang pakikitungo sa mga di-kasekso?
14 Ang matatanda ay kailangang lubhang alertong patuloy na magpigil-sa-sarili kung tungkol sa kanilang pakikitungo sa mga hindi kasekso. Hindi mabuti na ang isang matanda ay magsagawa nang nag-iisa ng mga pagdalaw bilang pastol sa isang sister kung ito’y nag-iisa. Ang matanda ay dapat na may kasama pang isang matanda o isang ministeryal na lingkod. Marahil dahil sa ganitong suliranin, pinayuhan ni Pablo si Timoteo na isang matanda: “Pangaralan mo . . . ang mga nakatatandang babae tulad sa mga ina, ang nakababatang mga babae tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisang-puri.” (1 Timoteo 5:1, 2) May mga matatanda na nagpapatong pa ng kanilang mga kamay sa balikat ng isang sister na taglay ang mistulang damdaming makaama. Ngunit baka dinadaya nila ang kanilang sarili, sapagkat baka isang mistulang romantikong damdamin ang kanilang nadarama at hindi ang dalisay na pagmamahal-kapatid na Kristiyano ang nagtutulak sa kanila sa gayong pagkilos. —Ihambing ang 1 Corinto 7:1.
15. Papaanong ang isang pangyayari ay nagtatampok sa kasiraan sa pangalan ni Jehova na maaaring maging resulta pagka ang isang matanda ay hindi nagpigil-sa-sarili?
15 Anong laking pinsala sa katotohanan ang naging resulta dahil sa ilang matatanda na hindi nagpigil-sa-sarili sa kanilang pakikitungo sa mga kapatid na babae sa kongregasyon! Mga ilang taon na ngayon ang nakalipas, isang matanda (elder) ang itiniwalag dahil sa siya’y nagkasala ng pangangalunya sa isang kapatid na babaing Kristiyano na ang asawa ay hindi isang Saksi. Nang mismong gabi na ihahayag ang pagtitiwalag sa dating elder, ang pinagkasalahang asawang lalaki ay sádarating sa Kingdom Hall may dalang baril at kaniyang pinaputukan ang dalawang nagkasala. Walang isa man sa kanila ang napatay, at agad namang naagaw ang baril ng lalaki, subalit kinabukasan isang malaking pahayagan ang nagbalita sa pangharap na pahina tungkol sa ‘barilan sa isang simbahan.’ Anong laking kasiraan sa kongregasyon at sa pangalan ni Jehova ang idinulot ng elder na iyon dahilan sa kaniyang kawalang pagpipigil-sa-sarili!
Pagpipigil-sa-Sarili sa mga Ibang Larangan
16. Bakit ang matatanda ay dapat pakaingat na magpigil-sa-sarili pagka nagpapahayag sa madla?
16 Ang pagpipigil-sa-sarili ay lubhang kailangan din pagka ang isang matanda ay nagpapahayag sa madla. Ang isang tagapagpahayag sa madla ay dapat na isang modelo ng kompiyansa at tindig. Ang iba ay sumusubok na magpatawa sa kanilang mga tagapakinig sa pamamagitan ng maraming mga pananalitang may himig na biro para makapagpatawa lamang. Baka dito’y nais ng mga tagapagpahayag na padala sa tuksong mapaluguran ang kanilang tagapakinig. Mangyari pa, ang gayong pagpapadala sa tukso ay nagpapakita ng kawalan ng pagpipigil-sa-sarili. Masasabi pa rin na ang paglampas sa takdang oras para sa isang pahayag ay nagpapakita ng kawalan ng pagpipigil-sa-sarili, at ng di-sapat na paghahanda.
17, 18. Anong bahagi ang ginagampanan ng pagpipigil-sa-sarili sa pagsisikap ng isang matanda na gawing timbang ang kaniyang sarisaring pananagutan?
17 Bawat masigasig na matanda ay kailangang makatugon sa hamon ng sarisaring kahilingan sa kaniya kung tungkol sa kaniyang panahon at lakas. Kailangan ang pagpipigil-sa-sarili na huwag lumabis sa isang bagay o magkulang naman sa iba. Ang ibang matatanda ay lubhang nababahala sa mga kahilingan ng kongregasyon na anupat kanilang napabayaan ang kani-kanilang pamilya. Sa gayon, nang isang sister ang nagbalita sa asawa ng isang elder tungkol sa mahusay na pagdalaw bilang pastol na kaniyang ginawa sa sister na ito, ang asawa ng elder ay bumulalas: “Sana naman ay ako ang dalawin niya balang araw sa kaniyang pagpapastol!”—1 Timoteo 3:2, 4, 5.
18 Kailangan din ng isang matanda ang pagpipigil-sa-sarili upang gawing timbang ang kaniyang panahon na ginugugol sa personal na pag-aaral at sa kaniyang ginugugol sa kaniyang ministeryo sa larangan o sa mga pagdalaw bilang isang pastol. Dahilan sa pagkamagdaraya ng puso ng tao, napakadali para sa isang matanda na gumugol ng higit na panahon kaysa nararapat sa gawain na lubhang nakalulugod sa kaniya. Kung mahilig siya sa mga aklat, higit na panahon ang ginugugol niya sa personal na pag-aaral kaysa nararapat na gugulin niya roon. Kung medyo nahihirapan siya sa ministeryo sa pagbabahay-bahay, baka humanap siya ng mga dahilan para pabayaan ito alang-alang sa inihahaliling mga pagdalaw bilang pastol.
19. Anong obligasyon ng matatanda ang nagdiriin sa pangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili?
19 Dahil sa obligasyon na ilihim ang mga bagay na dapat ilihim, ang isang matanda ay dapat na alerto upang patuloy na makapagpigil-sa-sarili nang may katatagan. Tungkol dito ay ipinapayo: “Huwag mong ihayag ang lihim ng iba.” (Kawikaan 25:9) Ipinahihiwatig ng karanasan na baka ito ang isa sa pinakamadalas nilalabag na kahilingan sa gitna ng matatanda. Kung ang isang matanda ay may matalino at maibiging asawang babae na anupat sila’y may mabuting pagtatalastasan, baka ang tendensiya ng matanda ay talakayin o kahit banggitin lamang ang mga bagay na dapat ilihim. Ngunit ito’y hindi nararapat at napakasama. Unang-una, ito’y pagtataksil tungkol sa isang ipinagkatiwala sa iyo. Ang espirituwal na mga kapatid ay lumalapit sa mga matatanda at sila ay nagtatapat dito ng mga bagay na lihim sapagkat sila’y may tiwala na ang lihim ay pakakaingatan laban sa mga taong hindi dapat makaalam. Ang paghahayag ng mga bagay na dapat ilihim sa asawang babae ay mali, masama, at kawalang pag-ibig din sapagkat ito’y naglalagay ng pabigat sa kaniya na hindi naman nararapat.—Kawikaan 10:19; 11:13.
20. Bakit lubhang mahalaga na ang matatanda ay magpigil-sa-sarili?
20 Tiyak, ang pagpipigil-sa-sarili ay, sa totoo, napakahalaga, at lalo na para sa mga matatanda! Dahilan sa sila’y pinagkatiwalaan ng pribilehiyo na manguna sa gitna ng bayan ni Jehova, sila’y may lalong malaking pananagutan. Yamang malaki ang ibinigay sa kanila, malaki rin ang hihilingin sa kanila. (Lucas 12:48; 16:10; ihambing ang Santiago 3:1.) Pribilehiyo at tungkulin ng matatanda ang magpakita ng mainam na halimbawa sa iba. Higit sa riyan, ang hinirang na matatanda ay nasa posisyong gumawa ng mabuti o dili kaya ay ng higit na nakapipinsala sa iba, malimit na depende sa kung sila’y patuloy na nagpipigil-sa-sarili o hindi. Hindi kataka-takang sabihin ni Pablo: “Ang isang tagapangasiwa ay kailangang may . . . pagpipigil-sa-sarili.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong mga kahilingan ng Kasulatan sa matatanda ang nagpapakita na sila’y kailangang magpigil-sa-sarili?
◻ Bakit ang pagpipigil-sa-sarili ay kailangan ng matatanda pagka nakikitungo sa mga kapananampalataya?
◻ Papaano dapat magpigil-sa-sarili sa pulong ng matatanda?
◻ Anong hamon ang inihaharap ng pangangailangan na huwag ihayag ng matatanda ang mga bagay na dapat panatilihing lihim?
[Larawan sa pahina 20]
Ang pagpipigil-sa-sarili ay kailangan sa mga pulong ng matatanda
[Larawan sa pahina 23]
Ang Kristiyanong matatanda ay kailangang patuloy na magpigil-sa-sarili at panatilihing lihim ang mga bagay na dapat ilihim