Ang Pag-ibig kay Jehova ang Nagpapasigla sa Tunay na Pagsamba
“Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na tupdin natin ang kaniyang mga utos.”—1 JUAN 5:3.
1, 2. Taglay ang anong motibo dapat tayong maglingkod kay Jehova?
ISANG grupo ng 80 bisita na buhat sa Hapón ang namamasyal sa isang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa California, E.U.A. Kaakit-akit na mga kapaligiran, pati na isang halamanan na kumpleto sa mga blue jay, mga kalapati, at hummingbirds, ang nagpadama sa kanila na sila’y lalong malapit sa kanilang Dakilang Maylikha, ang Diyos na Jehova. Hindi nagluwat at napag-alaman ng kanilang tour guide na halos lahat sa grupong iyon ay naglilingkod ng buong-panahon bilang isang payunir. Kaya, nang bandang huli, ang grupo ay tinanong ng malimit ding tanong na inihaharap: “Bakit kaya napakaraming mga payunir sa Hapón?” Sandaling naghari ang katahimikan. Pagkatapos isang kabataang babae ang sumagot na kusa: “Sapagkat iniibig namin si Jehova.”
2 Ang pag-ibig kay Jehova—anong laking pampasigla ito sa atin na maging masigasig sa paglilingkod sa kaniya! Totoo, hindi lahat ay makapagpapayunir. Oo, ang karamihan ng ating mahigit na apat na milyong mamamahayag ng Kaharian ay hindi pa nakapagbibigay ng dako sa pribilehiyong ito. Ngunit maraming nasa kalagayang magpayunir ang nagsisikap maabot ito. Ang iba sa atin ay “makapagtitiwala rin kay Jehova at makagagawa ng mabuti,” na ipinakikita ang ating pag-ibig sa pamamagitan ng pakakaroon ng ilang bahagi sa gawaing paggawa ng mga alagad. (Awit 37:3, 4) At lahat ng nag-alay na mga mananamba kay Jehova ay maaaring makibahagi sa pagpapaunlad ng espiritu ng pagpapayunir, na nagbibigay ng maibiging pagsuporta sa mga nagpapayunir.—Mateo 24:14; 28:19.
3. Anong pagkakaiba ang mapapansin sa pagitan ng karamihan ng nag-aangking mga Kristiyano at ng mga Saksi ni Jehova?
3 May pagkakaiba sa karamihan ng nag-aangking mga Kristiyano, na upang maging kumbinyente ay itinuturing ang relihiyon bilang isang pandagdag sa kanilang pamumuhay, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita ng kanilang matinding pag-ibig sa Diyos na nagpapakilos sa kanila na patuloy na “hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” Ito’y nangangailangan ng pagsasakripisyo, ngunit tunay na karapat-dapat nga ang pagsasakripisyong iyan! (Mateo 6:33; 16:24) Iyan ay kasuwato ng unang dakilang utos, na ang unang nagsabi ay si Moises at inulit ni Jesu-Kristo: “Si Jehova na ating Diyos ay isang Jehova, at iyong iibigin si Jehova mong Diyos ng iyong buong puso at ng iyong buong kaluluwa at ng iyong buong pag-iisip at ng iyong buong lakas.”—Marcos 12:29, 30; Deuteronomio 6:4, 5.
4, 5. Sino ang maituturing na tapat, at papaano maipakikita ang katapatan?
4 Isa sa mga kagawad ng punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ay nagsabi kamakailan kay F. W. Franz, ang 98-taóng gulang na presidente ng Watch Tower Society na gumugol nang mahigit na 70 taon sa buong-panahong paglilingkod: “Kayo po ay isang mainam na halimbawa ng katapatan, Brother Franz.” At si Brother Franz ay tumugon naman: “Oo! Kailangang ikaw ay maging tapat.” Iyan ang kabuuan ng bagay na iyon. Sa anumang pitak ng gawaing pang-Kaharian tayo naglilingkod, tayo ay maaaring maging tapat.—1 Corinto 4:2; Galacia 3:9.
5 Totoo, marami ang nagnanais gumawa nang higit pa sa paglilingkod kay Jehova, subalit dahilan sa maka-Kasulatang mga pananagutan o mga suliranin sa kalusugan ay maaaring medyo limitado ang nagagawa nila. Gayunman, ang mga hindi makapagpayunir ay hindi dapat ituring na di-gaanong tapat. Ang iba ay nanatiling tapat sa ilalim ng pinakamahigpit na mga kalagayan at kalimitan ay sa loob ng napakaraming taon. Oo, sila’y naging tapat! Sila’y nagpakita ng pag-ibig kay Jehova at masigasig na naglingkod sa buong-pusong pagtangkilik sa kaniyang mga kaayusang teokratiko. Sila’y nagkaroon ng matinding interes sa gawain ng mga payunir at nagbigay ng pampatibay-loob sa mga nais magpayunir, kalimitan ay ang kanilang sariling mga anak, upang gawing tunguhin ang pagpapayunir bilang isang karera sa buhay na nakahihigit sa lahat ng iba pa.—Ihambing ang Deuteronomio 30:19, 20.
6, 7. Papaanong ang simulain sa 1 Samuel 30:16-25 ay kumakapit sa ngayon?
6 Ang may pag-ibig na pagkakaisa ng pagkilos ng lahat ng mga lingkod ng Diyos ngayon ay maipaghahalimbawa ng ulat sa 1 Samuel 30:16-25. Sa pakikipagbaka sa mga Amalekita, “sila’y sinaktan ni David mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa paglubog ng araw” at siya’y nakasamsam nang malaki. Sa pagbabalik sa kampamento, hiniling ng iba sa mga kawal ni David na huwag bigyan ng samsam yaong mga hindi sumama sa kanila ng paglusob sa kainitan ng labanan. Subalit sumagot si David: “Sino ang makikinig sa inyo sa bagay na ito? Sapagkat kung gaano ang bahagi ng lumusong sa pakikipagbaka ay gayundin ang magiging bahagi ng naiwan sa dala-dalahan. Lahat ay magkakaroon ng pare-parehong bahagi.”
7 Ang ganiyang ding simulain ang kumakapit ngayon. Ang mga payunir ang nasa unahan sa ating espirituwal na pakikipagbaka. Subalit lahat ng iba pa sa kongregasyon ay nagbibigay ng buong-puso, tapat na pagtangkilik. At ang dakilang resulta ng kanilang sama-samang paglilingkod sa 1991 ay makikita sa tsart na kasunod nito.
Isang Namumukod-Tanging Report
8. (a) Ano ang ipinakikita ng pandaigdig na ulat kung tungkol sa kabuuang bilang ng mga mamamahayag at sa mga oras na kanilang ginugol sa paglilingkod kay Jehova? (b) Anong nakasasabik na mga punto ang mapapansin mo sa mga bansang bago lamang nakasali sa report?
8 Oo, ang nauunang apat na pahina ng magasing ito ay nagpapakita kung papaano ang nagkakaisang pagsisikap ng lahat ng masigasig na mga sumasamba kay Jehova ay may bahagi sa isang kapana-panabik na pandaigdig na paglawak para sa 1991. Isang natatanging bagong peak na 4,278,820 mamamahayag ng Kaharian ang iniuulat—isang 6.5-porsiyentong pagsulong. Ang mga ito ay gumugol ng 951,870,021 oras (halos mahigit na isang bilyon!) sa paglilingkod. At pansinin ang pinakaulirang pagsisikap na ipinakita ng ating mga kapatid sa mga bansang dati’y hinihigpitan ngunit ngayon ay makikita na sa pandaigdig na ulat—Bulgaria, Cameroon, Czechoslovakia, Etiopia, Mozambique, Nicaragua, Rwanda, at U.S.S.R.
9, 10. (a) Papaanong ang mga payunir ay tumugon sa hamon ng mga panahon ng kahirapan? (b) Anong pampatibay-loob ang ibinibigay para sa pagpasok sa pagpapayunir?
9 Noong nakaraang mga taon ang espiritu ng pagpapayunir ay lumaganap sa buong daigdig. Kahit na sa mga bansang kamakailan lamang pinagkalooban ng kalayaan sa pagsamba, ang mga payunir ay mabilis na dumarami. Ang mga kalagayan ng kahirapan sa kabuhayan ay hindi na makapipigil sa matatapang na mga Saksing ito na lahat ng bagay na mayroon sila ay gamitin sa pagsamba kay Jehova. (Ihambing ang 2 Corinto 11:23, 27.) Sa buwanang promedyo, 14 porsiyento ng lahat ng mga mamamahayag ng Kaharian ay nagpapayunir na. Ang pinakamataas na bilang ng mga payunir ay 780,202, na isang ekselenteng 18 porsiyento ng lahat ng mga mamamahayag.
10 Sa pagmamasid sa mga kagalakang naranasan ng mga payunir, ang iba rin ay pinatitibay-loob na gumawa ng ganitong paglilingkod. Kung ikaw ay hindi pa nagpapayunir, ang iyo kayang pag-ibig kay Jehova ay hindi makapag-udyok sa iyo na magsabi, ng gaya ng mababasa natin sa Isaias 6:8 na, “Narito ako! Suguin mo ako”? O sa pamamagitan ng iyong masigasig na pag-aaral ng Bibliya, hindi kaya paningasin ng Salita ng Diyos ang isang nag-aalab na hangarin sa iyong puso, kung kaya ikaw ay talagang kukuha ng isa pang hakbang na pagpasok sa pagpapayunir? Kahit na sa isang panahon ng pagsubok, ang salita ni Jehova ang nagpasigla kay Jeremias, na anupa’t hindi siya makaurong.—Jeremias 20:9.
Maibiging Paglilingkod sa Sangkatauhan
11. Papaanong sumulong ang pantahanang pag-aaral sa Bibliya?
11 Isa sa natatanging bahagi ng taunang pag-uulat ay ang pagsulong sa bilang ng walang-bayad na pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya, 3,947,261, ang regular na idinaraos buwan-buwan sa buong daigdig. Ito ay isang maibiging kaayusan na kung saan sinusubaybayan ng mga Saksi ni Jehova ang natagpuang interes sa kanilang pagbabahay-bahay. Tayo’y nagagalak na magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga tao sa lahat ng bansa at lahi, na taglay ang gayunding sigasig na ipinakita ni apostol Pablo. Ang kaniyang ‘lubusang pagpapatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego’ ay tiyak na nangailangan ng maraming oras ng pagtuturo ng katotohanan. (Gawa 20:20, 21) Ganiyan din sa ngayon. Ang mga Saksi ni Jehova ay tumutulong “sa lahat ng uring mga tao [upang] maligtas at dumating sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.
12-14. Anong nakagagalak na mga ulat ang nanggagaling sa Europa?
12 Anong laking kagalakan ang dulot ng mga ulat ng pagsulong ng gawaing pag-aaral sa Bibliya sa Silangang Europa! Sa loob ng maraming taon ang mga kapatid natin doon ay kinailangang magtipon sa maliliit na grupo, taglay marahil ang isa lamang gamít na gamít, na mimeograpong kopya ng isang lumang Bantayan para sa lahat sa grupo. Subalit ngayon saganang-sagana ang mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya na dumaragsa sa mga bansang iyon. Ito’y nagpapagunita sa isang tao ng Awit ni Solomon 2:4, King James Version: “Siya [si Kristo Jesus] ang nagdala sa akin sa [espirituwal] na bahay ng piging, at ang kaniyang bandera na nakapaibabaw sa akin ay pag-ibig.” Yamang mayroon na silang kani-kanilang kopya ng mga magasin, marami ang nasasangkapang mainam upang gamitin “nang tama ang salita ng katotohanan.”—2 Timoteo 2:15.
13 Isang kongregasyon na may 103 mamamahayag sa St. Petersburg, Rusya, ang kamakailan nag-ulat ng mahigit na 300 pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Bilang ibinunga ng pagsisikap na ito sa pag-aaral ng Bibliya, 53 bagong Saksi ang nabautismuhan sa loob lamang ng walong buwan. Mahigit na kalahati ng kongregasyon ang nasa katotohanan nang walong buwan o kulang pa rito! At wala silang mga elder—iisa-isa lamang ang ministeryal na lingkod upang mangalaga sa kanilang espirituwal na pagsulong.
14 Isang mamamahayag ng Kaharian sa Estonia ang tinanong ng isang nag-aaral ng Bibliya kung maaari niyang anyayahan upang makipag-aral ang ilan sa kaniyang mga kaibigan. Nang dumating ang Saksi sa tahanan nang sumunod na linggo, kaniyang dinatnan na 50 katao ang nagtitipon! Mangyari pa, pantanging kaayusan ang kailangan para sa patuluyang pangangalaga sa lahat ng mga interesadong iyan.
15. Ano ang masasabi tungkol sa bilang ng mga dumalo sa Memoryal at sa mga nabautismuhan?
15 Marami sa mga nag-aaral ang nakaranas ng kanilang unang tikim ng Kristiyanong pagsasamahan sa pamamagitan ng pagdalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Sa nakalipas na taóng ito, ang bilang ng mga dumalo ay mahigit na 10,000,000 sa unang-unang pagkakataon, 10,650,158 ang nagtipon sa buong daigdig sa 66,207 na mga kongregasyon para sa masayang okasyong ito. Sa maraming Latin-Amerikano, Aprikano, at Silangang Europeong mga bansa, ang bilang ng mga dumalo ay tatlo o apat na beses ang dami kaysa bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian. Ngayon ay kailangang magsimula tayo ng paghahanda para sa Memoryal na gaganapin sa taóng ito sa Biyernes, Abril 17. Inaasahan na isang malaking bilang ng bagong mga nag-aaral ng Bibliya na dumadalo sa Memoryal ang magpapatuloy na sumulong tungo sa bautismo. Kung tungkol sa bautismo, noong 1991 nakita nating muli ang mahigit na 300,000 nagsagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig.
Mga Mangingibig sa maka-Diyos na Kalayaan
16. Anong nakatutuwang mga ulat ang nanggagaling sa “Mga Umiibig ng Kalayaan” na Pandistritong Kombensiyon?
16 Isang kapuna-punang bahagi ng 1991 taon ng paglilingkod ay ang mga serye ng “Mga Umiibig sa Kalayaan” na Pandistritong Kombensiyon, ngayo’y natapos na sa Hilagang Hemispiro ngunit nagpapatuloy hanggang 1992 sa Timugang Hemispiro. Sa unang-unang pagkakataon, ang buong programa ng kombensiyon ay ginanap sa ilang bansa sa Silangang Europa, na kung saan ang ating mga kapatid ay nagagalak na gamitin ang kanilang bagong-tuklas na mga kalayaan sa ikapupuri ni Jehova. Noong Oktubre 1991 ang kabuuang bilang ng dumalo na naiulat sa unang 705 kombensiyon sa 54 na bansa ay 4,774,937.
17, 18. (a) Anong mga kalayaan ang tinatamasa at inaasahan ng mga mananamba kay Jehova? (b) Papaanong ang maka-Diyos na kalayaan ay naiiba sa makasanlibutang mga kalayaan?
17 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Sa ngayon, milyun-milyon ang pinalaya ng katotohanan ng Bibliya buhat sa mga turo ng Sangkakristiyanuhan. Nalaman ng milyung-milyong mga ito na dahil sa paglalaan ni Jehova ng haing pantubos ay posible para sa sangkatauhan na “mapalaya buhat sa pagkaalipin sa kabulukan at magkaroon ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:19-22) Anong dakilang kalayaan ang magiging resulta niyan—ang pamumuhay magpakailanman sa isang lupang paraiso na natatakdaan ng wastong mga hangganan na buong-pag-ibig na itinakda ni Jehova!—Isaias 25:6-8; ihambing ang Gawa 17:24-26.
18 Ang mga kalayaan na tinatamasa ngayon ng mga Saksi ni Jehova, at inaasahang tatamasahin ng lalong higit pa sa bagong sistema ng mga bagay ng Diyos, ay galing sa ating Diyos, si Jehova. (2 Corinto 3:17) Ang mga ito ay hindi depende sa anumang makapulitika o rebolusyonaryong kilusan. (Santiago 1:17) Upang maiwasan ang anumang di-pagkakaunawaan sa puntong ito, ang 1991 mga badges ng kombensiyon na ginamit ng mga Saksi ni Jehova sa ilang mga bansa sa Silangang Europa ay may pananalitang “Lovers of Godly Freedom” sa halip na basta “Lovers of Freedom.”
Napakalaking Pag-ibig kay Jehova
19. Papaano tayo patuloy na makapagtitiis dahil sa malapit na kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin?
19 Ang ating pag-ibig kay Jehova at ang ating pagtitiwala sa kaniya ay mag-uudyok sa atin na manatiling malapit sa kaniya sa panalangin. Itong malapít na kaugnayan kay Jehova ang tumulong sa ating mga kapatid na mapagtiisan ang maraming mga kahirapan at mga pag-uusig. (Awit 25:14, 15) Sa oras ng pinakamalaking pagsubok sa kaniya, si Jesus ay nanatiling may malapit na kaugnayan sa kaniyang Ama sa pamamagitan ng panalangin. (Lucas 22:39-46) Ang ganiyang malapit na kaugnayan sa pamamagitan ng pananalangin kay Jehova ang tumulong kay Esteban upang matiis ang hapdi ng kaniyang dinanas na hirap sa pagkamartir. Samantalang nakatingin sa langit mga ilang saglit bago siya binato hanggang mamatay, sinabi niya: “Narito! nakita kong nabuksan ang langit at ang Anak ng tao [si Jesus] na nakatayo sa kanan ng Diyos.”—Gawa 7:56.
20-22. Papaano ipinakikita ng isang karanasan na dinirinig ng Diyos ang mga panalangin?
20 Gaya ng napakadalas maranasan ng mga mananamba kay Jehova, sinasagot ni Jehova ang mga panalangin na naaayon sa kaniyang kalooban. Halimbawa, sa isang bansa sa Aprika na kung saan bawal ang gawain ng mga Saksi, isang special pioneer na naglalakbay sa hilaga ang may dalang malaking sako ng mga literatura sa Kaharian at mga sobre na ihahatid. Ang katulong na naglululan ng mga kargada sa bus ay nagtanong sa kapatid: “Ano ho ba ang laman ng sako?” Sinabi ng kapatid ang unang-unang bagay na naisip niya: “Koreo.”
21 Nagpatuloy ang bus sa mabilis na pagbibiyahe sa isang checkpoint sa kalye na talagang ruta nito, at hinabol naman ng pulis trapiko at napahinto iyon, palibhasa’y may hinala na may kargada iyon na kontrabando. Kanilang iniutos na magsibaba ang lahat ng pasahero ng bus at inspeksiyunin ang lahat ng kargada. Ito’y isa ngang krisis! Ang kapatid ay lumakad nang maikling distansiya palayo sa nagbubulung-bulungang karamihan ng tao at, nang makaluhod, nanalangin kay Jehova. Nang magbalik siya sa karamihan ng tao, bawat dala-dalahan ng biyahero ay binuksan at buong-ingat na siniyasat. Nang bubuksan na ang sako ng kapatid, tahimik na nanawagan siya kay Jehova na siya’y tulungan.
22 “Kaninong sako ito, at ano ang laman nito?” ang sigaw ng pulis. Bago nakapagsalita ng anuman ang kapatid, agad sumagot ang katulong sa bus at ang sabi: “Ito po’y koreo galing sa —— post office patungo sa —— post office.” “Mabuti,” anang opisyal. Kaniyang kinuha ang sako at iniabot iyon sa katulong. “Siguruhin mo na maitago iyan sa isang ligtas-na-ligtas na dako habang nagbibiyahe,” ang habilin niya. Muling lumuhod ang special pioneer upang pasalamatan ang Nakikinig ng panalangin.—Awit 65:2; Kawikaan 15:29.
23. Ano ang pinatunayan ni Jehova, subalit bakit kung minsan ay hinahayaan niyang ang pag-uusig ay lubusang maganap?
23 Datapuwat, ito’y hindi nangangahulugan na ang sumasamba kay Jehova ay libre na sa mga kapahamakan. Sa ilang situwasyon, kapuwa noong sinaunang panahon sa Bibliya at ngayon man, pinatunayan ni Jehova na maaari niyang iligtas ang kaniyang bayan. Subalit kaayon ng paglutas sa isyu ng katapatan, kung minsan ay waring hinahayaan niyang ang pag-uusig ay lubusang maganap. (Ihambing ang Mateo 26:39.) Isa pa, hindi kusang ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan buhat sa mga aksidente, sa gera sibil, sa krimen, bagaman ang paggamit ng salig-sa-Bibliyang praktikal na karunungan ay maaaring pakinabangan. (Kawikaan 22:3; Eclesiastes 9:11) Kaya, tayo’y makapagtitiwala na iligtas man tayo o hindi buhat sa mga situwasyong nagsisilbing pagsubok, ang ating katapatan hanggang wakas ay gagantimpalaan maging sa pamamagitan man ng pagkabuhay-muli kung kinakailangan.—Mateo 10:21, 22; 24:13.
24. Anong mapagmahal na mga kaloob ang inilaan ni Jehova, at papaano tayo makatutugon sa kaniyang pag-ibig?
24 Kahanga-hanga ang mapagmahal na mga kaloob ni Jehova! Ang kaniyang kaloob sa sangkatauhan na lupang ito at lahat ng naririto ay isang natatanging kapahayagan ng kaniyang pag-ibig. (Awit 104:1, 13-16; 115:16) Ang pagkakaloob ng mahabaging Diyos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, upang tubusin ang sangkatauhan sa kasalanan at kamatayan ang pinakamapagmahal na kaloob kailanman. “Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin, sapagkat ang kaniyang bugtong na Anak ay sinugo ng Diyos sa sanlibutan upang tayo’y magkamit ng buhay sa pamamagitan niya. Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo’y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at sinugo ang kaniyang Anak bilang isang pampalubag-loob na hain ukol sa ating mga kasalanan.” (1 Juan 4:9, 10) Bilang tugon sa pag-ibig na iyan, harinawang tayo’y maniwalang lubos “na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamahalaan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alinmang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na Panginoon natin.”—Roma 8:38, 39.
Bilang Repaso sa Artikulong Ito
◻ Ano ba ang ibig sabihin ng maging tapat?
◻ Sa anong mga pitak ng gawain makapagpapakita tayo ng pag-ibig kay Jehova?
◻ Sa anong mga bahagi ng report sa taon ng paglilingkod naging lubhang interesado ka?
◻ Papaano tayo makapagpapakita ng pagpapahalaga sa mapagmahal na mga kaloob ni Jehova?
[Kahon sa pahina 15]
BAKIT NAPAKARAMING PAYUNIR?
Iniulat, may 2,600 taon na ang mga Hapones ay masisigasig na mga mananamba sa kanilang mga emperador. Sa mga digmaan ng ika-20 siglong ito lamang, mahigit na tatlong milyong kawal Hapones ang nagsakripisyo ng kanilang buhay, sapagkat kanilang inaakala na wala nang higit pang karangalan kaysa mamatay alang-alang sa kanilang emperador-diyos. Subalit ang Buddhista-Shinto na militarismo ay bigo noong Digmaang Pandaigdig II, at pagkatapos nito ay itinakwil na ng emperador ang kaniyang pagkadiyos. Ano kaya ang hahalili sa relihiyosong puwang na ito? Nakatutuwa naman, mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya na ginampanan ng mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova at nang malaunan ng mga Saksing Hapones ang tumulong sa marami upang masumpungan ang tunay na Diyos, si Jehova, at ialay sa kaniya ang kanilang buhay. Ang pag-aalay na ito ay malaki ang kahulugan sa mga Saksing Hapones na iyan. Kung noong nakaraang mga panahon ay kanilang isinasakripisyo ang kanilang buhay ukol sa emperador-diyos, di-lalo nang sila’y higit na masigasig ngayon sa paggugol ng kanilang mga lakas bilang mga payunir sa pagsamba sa buháy na Diyos at Maylikha ng sansinukob—ang Soberanong Panginoong Jehova!
[Chart sa pahina 10-13]
1991 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)
[Larawan sa pahina 16]
Mga umiibig sa maka-Diyos na kalayaan—ang mga mananamba kay Jehova ay nagkombensiyon sa Prague, Agosto 9-11, 1991