Kayamanan Buhat sa mga Bunton ng Basura sa Ehipto
AASAHAN mo bang makasusumpong ka ng mahalagang mga manuskrito ng Bibliya sa isang bunton ng basura? Sa gitna ng mga buhanginan ng Ehipto, sa dulo ng nakalipas na siglo, ganiyan ang nangyari. Papaano?
Pasimula noong 1778 at nagpapatuloy hanggang sa dulo ng ika-19 siglo, maraming mga tekstong papiro ang sa di-sinasadya ay natuklasan sa Ehipto. Gayunman, hindi nakagawa ng ganoong sistematikong pagsasaliksik hanggang sa lumipas ang isang daang taon. Noon ay isang patuluyang agos ng mga sinaunang dokumento ang natagpuan ng katutubong mga magsasaka, at ang taguyod-Britanikong Egypt Exploration Fund ay nagising sa pangangailangan na magpadala ng isang ekspedisyon bago maging huli ang lahat. Sila’y pumili ng dalawang Oxford iskolar, si Bernard P. Grenfell at si Arthur S. Hunt, na pinayagang magsaliksik sa gawing timog ng rehiyong sakahan ng distrito ng Faiyūm (makikita sa itaas).
Isang lugar na tinatawag na Behnesa ay may magandang inaasahan para kay Grenfell dahilan sa taglay niyaon na sinaunang pangalang Griego na Oxyrhynchus. Bilang isang sentro ng Kristiyanismong Ehipsiyo, ang Oxyrhynchus ay isang mahalagang lugar noong ikaapat at ikalimang siglo C.E. Sa karatig niyaon ay maraming sinaunang mga monasteryo, at ang mga kaguhuan ng bayang ito ng isang lalawigan ay malawak. Si Grenfell noon ay umasang makasusumpong doon ng mga labí ng literaturang Kristiyano, subalit pagkatapos na saliksikin ang mga libingan at ang gumuhong mga bahay ay walang nakitang anuman. Walang natira kundi mga bunton ng basura ng bayan, ang iba ay may taas na 9 na metro. Ang paghuhukay para makatagpo ng papiro ay waring halos pag-amin ng pagkatalo; subalit ang mga manggagalugad ay nagpasiyang subukan iyon.
Isang Kabang-Yaman
Noong Enero 1897 sinubukang humukay ng isang bambang, at sa loob lamang ng kung ilang mga oras nakatuklas doon ng sinaunang materyales na papiro. Kasali na roon ang mga liham, kontrata, at opisyal na dokumento. Ang mga ito ay napabaon sa buhanginan na dala ng hangin, at dahil sa tigang na klima ay napanatili itong gayon sa loob nang halos 2,000 taon.
Sa loob lamang nang mahigit na tatlong buwan, halos dalawang tonelada ng papiro ang nabawi sa Oxyrhynchus. Dalawampu’t limang malalaking kahon ang pinunô at ikinarga upang ibalik sa Inglatera. At tuwing tagyelo sa loob nang sumunod na sampung taon, ang dalawang matatapang na mga iskolar na ito ay nagbabalik sa Ehipto upang may maidagdag sa kanilang koleksiyon.
Minsan, samantalang naghuhukay ng isang sementeryo sa Tebtunis, wala silang nahukay kundi mga labí ng mga buwaya. Isa niyaon ang kinuha ng isang manggagawa at sa laki ng pagkabigo ay pinagdurug-durog. Sa laking pagtataka, kaniyang natuklasan na iyon ay nakabalot sa mga pilyego ng papiro. Ang mga ibang buwaya, na kanilang natuklasan, ay gayundin ang ayos, at ang iba ay mayroon ding mga rolyo ng papiro na nakapasak sa kanilang mga lalamunan. May natuklasang mga piraso ng sinaunang klasikal na mga kasulatan, kalakip ng mga ordinansa ng hari at mga kontratang nakahalo sa mga kuwenta ng negosyo at pribadong mga liham.
Ano ba ang kabuluhan ng lahat ng mga dokumentong ito? Napatunayan na ito’y kawili-wiling pag-ukulan ng pansin, sapagkat karamihan ay isinulat ng ordinaryong mga tao sa Koine, ang karaniwang Griego noong kaarawang iyon. Yamang marami sa mga salitang kanilang ginamit ay matatagpuan din sa Kasulatang Griego ng Bibliya, ang “Bagong Tipan,” naliwagan na ang wika ng Kasulatan ay hindi naman isang pantanging Biblikong Griego, gaya ng ipinahiwatig ng ilang iskolar, kundi iyon ay karaniwang wika ng karaniwang tao. Kaya sa pamamagitan ng paghahambing ng paraan ng paggamit sa mga salita sa araw-araw na kalagayan, nagkaroon ng isang lalong malinaw na unawa sa kanilang mga kahulugan sa Kasulatang Griegong Kristiyano.
Mga Manuskrito ng Bibliya
Nabawi rin ang mga bahagi ng mga manuskrito ng Bibliya, at ang mga ito, kalimitan nasusulat sa isang karaniwang anyo ng pagsulat na hindi gaanong makinis at nakasulat sa marupok na uri ng materyal, ay nagpapakita kung ano ang Bibliyang ginamit ng karaniwang tao. Suriin nating ang ilan sa mga natuklasan.
Nakatuklas si Hunt ng isang kopya ng unang kabanata ng Ebanghelyo ni Mateo, Mat 1 talatang 1 hanggang 9, 12, at Mat 1 tal 14 hanggang 20, isinulat noong ikatlong siglo C.E. sa uncial (kapital) na mga letra. Ito ay siyang naging P1, ang unang makikita sa isang katalogo ng mga tekstong papiro buhat sa sari-saring lugar, ngayo’y halos isandaang mga manuskrito o mga bahagi ng mga manuskrito ng Kasulatang Griegong Kristiyano. Ano ang gamit ng ibang talata na natagpuan ni Hunt? Ang uri ng pagkasulat ay maliwanag na makikitang ang petsa niyaon ay ang ikatlong siglo C.E., at ang pagsusuri ng mababasa roon ay nagpapakita na iyon ay kaayon ng noo’y tekstong kabubuo lamang ni Westcott at Hort. Ang P1 ay naroroon na ngayon sa University Museum sa Philadelphia, Pennsylvania, E.U.A.
Isang pilyegong papiro buhat sa isang codex, o aklat, ang mayroon sa kaliwang bahagi ng mga pohas ng Juan kabanata 1 at sa kanang pohas ng mga bahagi ng Juan kabanata 20. Kung muling bubuuin ang nawalang mga bahagi ay makikita na ang orihinal na mga pilyego ay 25 para sa buong Ebanghelyo, at mula noong pinakamaagang panahon, tiyak na kasali sa mga ito ang Ju kabanata 21. Iyon ay ninumeruhan ng P5, may petsa na ikatlong siglo C.E., at ngayon ay naroon sa British Library sa London, Inglatera.
Isang bahagi naman na katatagpuan ng Roma 1:1-7 ang isinulat sa napakalalaki, magagaspang na letra na inakala ng ilang iskolar na marahil daw ay isang pinagsanayan iyon ng isang batang lalaking nag-aaral. Iyon ay ninumeruhan ngayon na P10 at pinetsahan na yao’y mula noong ikapat na siglo C.E.
Ang isang lalong malaking tuklas ay may isang katlo ng liham sa mga Hebreo. Iyon ay kinopya sa likod ng isang balumbon na may klasikal na mga isinulat ng Romanong historyador na si Livy sa harap. Bakit nagkakaiba ang materyal sa harap at sa likod? Noong mga kaarawang iyon dahilan sa kakapusan at sa halaga ng mga materyales na sulatan kinakailangan na walang masayang na lumang papiro. Ngayon ay nakatala bilang P13, iyon ay pinetsahan nang ikatlo o ikaapat na siglo C.E.
Isang pohas na papiro na may bahagi ng Roma kabanata 8 at 9, na isinulat sa napakaliliit na letra, ay galing sa isang aklat na humigit-kumulang onse punto singko sentimetro ang taas at dalawang lamang pulgada ang luwang. Kung gayon, waring noong ikatlong siglo C.E. ay mayroon nang umiiral na pambulsang mga edisyon ng Kasulatan. Ang isang ito ay naging P27 at pangkarinawan nang naaayon sa Codex Vaticanus.
Ang mga bahagi ng apat na pohas buhat sa isang Griegong Septuagint codex ay may mga bahagi ng anim na mga kabanata ng Genesis. Ang codex na ito ay mahalaga dahilan sa petsa nito na ikalawa o ikatlong siglo C.E. at dahilan sa ang mga kabanatang ito ay wala sa Codex Vaticanus at may depekto naman sa Codex Sinaiticus. Ninumeruhan bilang Papyrus 656, ang mga pohas na ito ay naroon ngayon sa Bodleian Library, Oxford, Inglatera.
Sa lahat ng mga bahaging ito ay walang makikitang mga malalaking kaibahan sa ating umiiral na sinaunang mga manuskrito, kaya pinatutunayan lamang ng mga ito na ang teksto ng Bibliya ay malaganap na ginagamit ng maagang panahong iyan ng karaniwang mga tao sa isang malayong panig ng Ehipto. Pinagtitibay rin nito ang ating pananampalataya sa pagkamaaasahan at pagkawalang-kamalian ng Salita ng Diyos.
[Larawan sa pahina 27]
Papiro na galing sa Faiyūm na may mga bahagi ng Juan, kabanata 1
[Credit Line]
Sa pahintulot ng British Library
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.