Pagbubunyi sa Bagong Sanlibutan ng Kalayaan ng Diyos
“Papahirin ng [Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng pananambitan man o ng hirap pa man.”—APOCALIPSIS 21:4.
1, 2. Sino lamang ang makapagdadala ng tunay na kalayaan, at ano ang maaari nating matutuhan buhat sa Bibliya tungkol sa Kaniya?
PINATUNAYAN ng kasaysayan na totoo ang sinabi ni propeta Jeremias: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” Sino lamang ang wastong makapagtutuwid sa hakbang ng tao? Si Jeremias ay nagpatuloy ng pagsasabi: “Ituwid mo ako, Oh Jehova.” (Jeremias 10:23, 24) Oo, tanging si Jehova lamang ang makapagdadala ng tunay na kalayaan buhat sa mga suliranin na nagpapahirap sa sangkatauhan.
2 Ang Bibliya ay maraming halimbawa ng kakayahan ni Jehova na palayain ang mga naglilingkod sa kaniya. “Lahat ng bagay na isinulat noong una ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Ang mga kahatulan ni Jehova na laban sa huwad na pagsamba ay isinulat din, at ang mga ito ay nagsisilbing “isang babala sa atin na dinatnan ng katapusan ng sistema ng mga bagay.”—1 Corinto 10:11.
Pagpapalaya sa Kaniyang Bayan
3. Papaano ipinakita ni Jehova ang kaniyang kakayahan na palayain ang kaniyang bayan sa Ehipto?
3 Ang isang halimbawa ng kakayahan ng Diyos na isagawa ang inihatol laban sa huwad na pagsamba at palayain yaong mga gumagawa ng kaniyang kalooban ay naganap nang ang kaniyang bayan noong sinaunang panahon ay alipin sa Ehipto. Ang Exodo 2:23-25 ay nagsasabi: “Ang kanilang pagdaing sa paghingi ng tulong ay patuloy na pumailanlang sa tunay na Diyos dahil sa pagkaalipin. Nang sumapit ang panahon ay dininig ng Diyos ang kanilang hibik.” Sa isang kasindak-sindak na pagtatanghal ng kaniyang nakahihigit na kalakasan laban sa mga diyus-diyusan ng Ehipto, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nagdala ng sampung salot sa bansang iyan. Bawat salot ay nilayon na tuyain ang isang diyos ng Ehipto, na ipinakikita na sila’y mga diyus-diyusan at hindi makatutulong sa mga Ehipsiyo na sumasamba sa kanila. Sa gayo’y pinalaya ng Diyos ang kaniyang bayan at pinuksa si Faraon at ang kaniyang mga hukbo sa Pulang Dagat.—Exodo, kabanata 7 hanggang 14.
4. Bakit makatuwiran para sa Diyos na isakatuparan ang kaniyang mga kahatulan laban sa mga Cananeo?
4 Nang dalhin ng Diyos sa Canaan ang Israel, ang mananamba-sa-demonyong mga tao roon ay nilipol at ang lupain ay ibinigay sa bayan ng Diyos. Bilang Pansansinukob na Soberano, may karapatan si Jehova na isagawa ang kaniyang mga inihatol sa ubod-samang mga relihiyon. (Genesis 15:16) At tungkol sa relihiyon ng Canaan, ang Bible Handbook ni Halley ay nagsasabi: “Ang pagsamba sa . . . mga diyos ng Canaan ay sukdulang napakasama; ang kanilang mga templo ay sentro ng bisyo. . . . Ang mga Cananeo ay babad na sa hindi masawatang imoralidad na bahagi ng kanilang mga seremonyang relihiyoso, sa harap ng kanilang mga diyos; at saka, pagkatapos na paslangin ang panganay na mga anak, inihahandog na hain ang mga ito sa mga diyos ding iyon. Wari nga, sa kalakhang bahagi, ang lupain ng Canaan ay naging isang mistulang Sodoma at Gomora sa kabuuan bilang isang bansa.” Kaniyang isinusog: “Ang isa bang kabihasnan na may ganiyang totoong karima-rimarim na kasamaan at ubod nang lupit ay may karapatan na umiral? . . . Ang mga arkeologo na humukay ng mga kaguhuan ng mga siyudad ng Canaan ay nagtataka pa nga na hindi sila pinuksa ng Diyos nang mas maaga kaysa ginawa niya.”
5. Papaanong ang pagpapalaya ng Diyos sa kaniyang sinaunang bayan ay nagsisilbing isang parisan para sa panahon natin?
5 Ang ulat na ito ng pagkilos ng Diyos laban sa huwad na pagsamba, na pinalaya ang kaniyang tipang bayan, at pinaglaanan sila ng isang ipinangakong lupain ay nagsisilbing isang parisan ng mga bagay na darating. Ito’y tumutukoy sa napakalapit nang hinaharap na dudurugin ng Diyos ang huwad na mga relihiyon ng sanlibutang ito pati kanilang mga tagatangkilik at ang kaniyang modernong-panahong mga lingkod ay ipapasok sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran.—Apocalipsis 7:9, 10, 13, 14; 2 Pedro 3:10-13.
Ang Tunay na Kalayaan sa Bagong Sanlibutan ng Diyos
6. Ano ang ilan sa kamangha-manghang mga pagpapala ng kalayaan na ibibigay ng Diyos sa bagong sanlibutan?
6 Sa isang bagong sanlibutan, ang kaniyang bayan ay bibigyan ng Diyos ng lahat ng kamangha-manghang mga pagpapala na dulot ng kalayaan na kaniyang nilayon na kamtin ng sangkatauhan. Magkakaroon doon ng kalayaan buhat sa paniniil na dulot ng sistemang pampulitika, pangkabuhayan, at ng huwad na relihiyon. Lalaya na buhat sa kasalanan at kamatayan, at ang mga tao ay may pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupa. “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila ay maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37:29; Mateo 5:5.
7, 8. Ano ang mararanasan sa pagsasauli ng sakdal na kalusugan sa bagong sanlibutan?
7 Pagkatapos na maipasok na ang bagong sanlibutang iyon, di-matatagalan at ang mga tao roon ay makahimalang isasauli sa sakdal na kalusugan. Ang Job 33:25 ay nagsasabi: “Ang kaniyang laman ay magiging sariwa kaysa laman ng isang bata; siya’y bumabalik sa mga kaarawan ng kaniyang kabataan.” Ang Isaias 35:5, 6 ay nangangako: “Sa panahong iyon madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.”
8 Yaong iba sa inyo na may pisikal na karamdaman dahilan sa katandaan o pagkamasasakitin, gunigunihin ninyo na kayo’y nasa bagong sanlibutan at gumigising tuwing umaga na malusog at malakas. Ang inyong mga kulubot ay hinalinhan ng makinis, malusog na balat—hindi na kailangan ang mga losyon sa balat. Ang inyong malabo o nabulag na mga mata ay naisauli na upang lubusang makakita—hindi na kailangang magsalamin pa. Ang inyong pandinig ay naisauli na upang lubusang makarinig—itapon na ninyo ang mga hearing aid. Ang mga pilay ay malalakas na ngayon at nagsigaling na—itapon na ninyo ang mga tungkod na iyan, saklay, at mga silyang de gulong. Wala nang magkakasakit—itapon na ninyo ang lahat ng mga gamot na iyan. Sa gayon, nahuhula sa Isaias 33:24: “Walang mamamayan doon na magsasabi: ‘Ako’y maysakit.’ ” Sinabi rin niya: “Sila’y magsasaya at magagalak, at ang pagdadalamhati at pagbubuntong-hininga ay mapaparam.”—Isaias 35:10.
9. Papaano wawakasan magpakailanman ang digmaan?
9 Sinuman ay hindi na ihahandog sa digmaan. “Pinatitigil [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo ay kaniyang sinusunog sa apoy.” (Awit 46:9) Ang mga sandata ng digmaan ay hindi na kailampaman papayagan ng Pinuno ng Kaharian ng Diyos, si Kristo Jesus, na sa Isaias 9:6 ay tinutukoy na “Prinsipe ng Kapayapaan.” Isinususog ng Isa 9 talatang 7: “Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”
10, 11. Ano ang kahulugan para sa lupa ng lubos na kapayapaan?
10 Anong laking pagpapala para sa sangkatauhan, at sa lupang ito, na mawala rito ang mga armas ng digmaan! Aba, sa kasalukuyan, ang mga armas na ginamit noong nakaraang mga digmaan ay nagpapahamak pa rin sa mga tao. Sa isang bansa, sa Pransiya, mahigit na 600 mga eksperto sa pag-aalis ng mga bomba ang nangamatay sapol noong 1945 samantalang winawasak ang mga dinamitang labí ng nakaraang mga digmaan. Ang ulo ng ahensiyang nag-aalis ng mga bomba roon ay nagsabi: “Kami’y nakasusumpong pa rin ng buháy na mga bala ng kanyon na labí ng Digmaang Franco-Prussian ng 1870. May mga look na punô ng nakalalasong mga granada na labí ng Digmaang Pandaigdig I. Manaka-naka, ang isang magsasaka na nakasakay sa isang traktora ay nakasasagasa ng isang mina sa pagwawasak ng mga tangke na labí ng Digmaang Pandaigdig II at sumasabog ito at siya’y namamatay. Ang mga bagay na ito ay nasa lahat ng dako.” Dalawang taon na ngayon ang nakalipas nang magkomento ang The New York Times: “Sa 45 taon sapol noong matapos ang Digmaang Pandaigdig II, [mga pangkat na nag-aalis ng mga bomba] ang nakapag-alis na sa lupaing [Pranses] ng 16 na milyong mga kortadilya, 490,000 mga bomba at 600,000 mga mina sa ilalim ng tubig. . . . Milyun-milyong mga ektarya ang nababakuran pa rin, hanggang-tuhod ang nalalaganapan ng mga armas at napalilibutan ng nakapaskil na mga paunawa: ‘Huwag Hihipuin. Ito’y Nakamamatay!’ ”
11 Ibang-iba ang bagong sanlibutan! Lahat doon ay magkakaroon ng maayos na bahay, saganang pagkain, at ng kapaki-pakinabang, mapayapang gawain na pag-aayos sa buong lupa upang maging isang paraiso. (Awit 72:16; Isaias 25:6; 65:17-25) Ang mga tao, at ang lupa, ay hindi na kailanman bobombahin ng milyun-milyong pampasabog na mga bomba. Ang gayong isang bagong sanlibutan ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya sa isa na nagpakita ng pananampalataya: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”—Lucas 23:43.
Pambuong-Mundong Pagtuturo Para sa Buhay
12, 13. Anong pambuong-mundong pagtuturo ang inihula ni Jesus at ni Isaias para sa panahon natin?
12 Pagka natutuhan ng isang tao ang tungkol sa bagong sanlibutan ng Diyos, kaniya ring natututuhan na sa ating kaarawan, si Jehova ay nakabuo ng isang pambuong-daigdig na kongregasyong organisado ukol sa tunay na pagsamba. Ito ang magiging pinaka-sentro ng bagong sanlibutan, at ginagamit ito ngayon ng Diyos upang turuan ang mga iba pa tungkol sa kaniyang mga layunin. Ang Kristiyanong organisasyong ito ay nagsasagawa ng pambuong-mundong gawaing pagtuturo na wala pang nakatutulad kung sa uri at laki. Inihula ni Jesus na ito ay gagawin. Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
13 Binanggit din ni Isaias ang pambuong-mundong pagtuturong ito: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw [sa ating panahon] na ang bundok ng bahay ni Jehova [ang kaniyang napataas na tunay na pagsamba] ay matatag na matatayo . . . at daragsa roon ang lahat ng bansa. At maraming bayan ang tiyak na paroroon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, . . . at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ ”—Isaias 2:2, 3.
14. Papaano natin makikilala ang bayan ng Diyos sa ngayon?
14 Kung gayon, ang pambuong-mundong pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos ay matibay na katunayan na tayo’y malapit na sa katapusan ng balakyot na sistemang ito at kaylapit-lapit na ng tunay na kalayaan. Ang mga dumadalaw sa mga tao dala ang puspos-ng-pag-asang balita ng bagong sanlibutan ng Diyos ay tinutukoy sa Gawa 15:14 bilang “isang bayan ukol sa pangalan ng [Diyos].” Sino ba ang nagtataglay ng pangalan ni Jehova at gumagawa ng pambuong-mundong pagpapatotoo tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian? Ang ulat ng kasaysayan sa ika-20 siglo ang sumasagot: tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang. Sa ngayon sila ay may bilang na mahigit na apat na milyon sa mahigit na 66,000 kongregasyon sa buong daigdig.—Isaias 43:10-12; Gawa 2:21.
15. Tungkol sa pamamalakad pulitika, papaano natin makikilala ang mga tunay na lingkod ng Diyos?
15 Ang isa pang katibayan na nagpapakitang tinutupad ng mga Saksi ni Jehova ang mga hula tungkol sa pangangaral ng Kaharian ay mapapansin sa Isaias 2:4: “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Kaya yaong gumagawa ng pambuong-mundong pangangaral tungkol sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos ay kailangang ‘hindi na mag-aral ng pakikipagdigma.’ Sinabi ni Jesus na sila ay kailangang “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Ito’y nangangahulugan na sila’y hindi magkakaroon ng anumang pakikialam sa mga pamamalakad pulitika, ni kumakampi sa anumang panig ng mga alitan at mga digmaan ng mga bansa. Sino ba ang hindi bahagi ng sanlibutan at hindi na nag-aaral tungkol sa pakikipagdigma? Muli, ang makasaysayang ulat ng ika-20 siglo ay nagpapatotoo: tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang.
16. Gaano kalubos ang pambuong-mundong pagtuturo ng Diyos?
16 Ang pambuong-mundong pagtuturo na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ay magpapatuloy kahit na pagkatapos na wakasan ng Diyos ang kasalukuyang balakyot na sanlibutang ito. Ang Isaias 54:13 ay nagsasabi: “At lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova.” Lubus-lubusan ang pagtuturong ito na anupa’t inihula ng Isaias 11:9: “Ang lupa ay mapupuno nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” Patuloy na pagtuturo ang kakailanganin hindi lamang sa mga makaliligtas sa katapusan ng matandang sanlibutang ito at sa mga anak na marahil isisilang sa bagong sanlibutan kundi pati rin sa bilyun-bilyon na manunumbalik sa buhay sa pagkabuhay-muli. Sa wakas, bawat tao na mabubuhay sa lupa ay tuturuan ng paggamit ng kaniyang malayang kalooban sa wastong paraan sa loob ng mga hangganan ng mga batas ng Diyos. Ang resulta? “Ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
May mga Dakilang Kalayaan Kahit Ngayon
17. Ano ang sinabi ni Moises na gawin ng sinaunang bayan ng Diyos?
17 Nang papasok na lamang sa Lupang Pangako ang sinaunang mga Israelita, si Moises ay nagsalita sa kanila at nagsabi: “Tinuruan ko kayo ng mga alituntunin at mga kahatulan, gaya ng iniutos sa akin ni Jehova na aking Diyos, upang inyong gawing gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin. Ingatan nga ninyo at inyong isagawa, sapagkat ito ang inyong karunungan at ang inyong kaunawaan sa paningin ng mga tao na makaririnig ng lahat ng mga alituntuning ito, at sila’y tiyak na magsasabi, ‘Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maunawaing bayan.’ Sapagkat anong dakilang bansa nga ang may mga diyos na napakalapit sa kanila na gaya ni Jehova na ating Diyos kailanman tayo tumawag sa kaniya?”—Deuteronomio 4:5-7.
18. Anong mga dakilang kalayaan ang nakakamit kahit na ngayon ng mga naglilingkod sa Diyos?
18 Sa ngayon ang milyun-milyon na sumasamba kay Jehova ay papasok na rin sa isang ipinangakong lupain—ang bagong sanlibutan. Palibhasa’y sumusunod sila sa mga batas ng Diyos, siya’y malapit na malapit sa kanila at mapagkikilala buhat sa lahat ng iba pang mga bayan. Nagawa na ng Diyos na sila’y palayain buhat sa mga turo ng huwad na relihiyon, sa pagtatangi-tangi ng lahi, sa ilegal na paggamit ng droga, sa nasyonalismo, digmaan, at sa salot ng mga sakit na naililipat ng pagtatalik. Gayundin, kaniyang pinagkaisa-isa sila sa isang di-masisirang pambuong-daigdig na pagkakapatiran at pag-iibigan. (Juan 13:35) Sila’y hindi nagagambala tungkol sa hinaharap kundi “masayang nagsisiawit dahil sa kagalakan ng puso.” (Isaias 65:14) Anong pagkadakilang mga kalayaan ang kanilang tinatamasa kahit na ngayon sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos bilang Pinuno!—Gawa 5:29, 32; 2 Corinto 4:7; 1 Juan 5:3.
Pagpapalaya sa Iba Buhat sa Huwad na mga Paniwala
19, 20. Papaano pinalalaya ang mga tao ng turo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay?
19 Marami sa mga taong pinangangaralan ng mga Saksi ni Jehova ay nakasusumpong din ng mga kalayaang ito. Halimbawa, sa mga lupain na kung saan may mga sumasamba sa mga ninuno, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo sa iba na hindi nabubuhay saanman ang mga patay at hindi nila mapipinsala ang mga buháy. Binabanggit ng mga Saksi ang Eclesiastes 9:5, na nagsasabi na “nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman.” Kanila ring binabanggit ang Awit 146:4, na nagsasabing pagka namatay ang isang tao “siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw na iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” Samakatuwid ay ipinakikita ng Bibliya na walang espiritung nagmumulto o kaluluwang di-namamatay upang magsagawa ng mga pagpapagaling o tumakot sa mga buháy. Kung gayon, hindi na kailangang sayangin ang salaping pinaghirapan sa paghahanapbuhay sa pamamagitan ng pagbabayad nito sa serbisyo ng mga doktor sa kulam o mga pari.
20 Ang ganiyang tumpak na kaalaman sa Bibliya ay nagpapalaya sa mga tao buhat sa kasinungalingang mga turo na apoy ng impiyerno at purgatoryo. Pagka nalaman ng mga tao ang katotohanan ng Bibliya na ang mga patay ay walang malay, na para bang nasa mahimbing na pagkatulog, hindi na sila nag-aalala tungkol sa kung ano kaya ang nangyayari sa kanilang mga mahal sa buhay. Sa halip, sila’y naghihintay sa kagila-gilalas na panahon na tinukoy ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at ng mga di-matuwid.”—Gawa 24:15.
21. Sino ang walang alinlangang kasali sa mga bubuhayin, at ano ang malamang na ibulalas nila?
21 Sa pagkabuhay-muli ang mga patay ay muling mabubuhay sa isang lupa na pinalaya na magpakailanman buhat sa minana kay Adan na kamatayan. Walang alinlangan na sa mga bubuhayin ay kasali ang mga bata na inihain sa mga diyos ng mga Cananeo, gaya ni Moloch, ang mga kabataang lalaki na inihain sa mga diyos ng Aztec, at ang di-mabilang na milyun-milyong inihain sa diyos ng digmaan. Anong laki marahil ng panggigilalas at ng katuwaan ng dating mga biktimang ito ng huwad na mga paniwala! Ang gayong mga bubuhayin ay masayang makabubulalas nga sa panahong iyon: “Nasaan ang iyong mga tibo, Oh Kamatayan? Nasaan ang iyong nagagawang kasiraan, Oh Sheol?”—Oseas 13:14.
Paghahanap kay Jehova
22. Kung ibig nating mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos, ano ang kailangang laging isaisip natin?
22 Ibig mo bang mabuhay sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos, na kung saan magkakaroon ng tunay na kalayaan? Kung gayon, isapuso mo ang mga salita sa 2 Cronica 15:2: “Si Jehova ay sumasainyo habang pinatutunayan ninyong kayo ay sumasakaniya; at kung inyong hahanapin siya, kaniyang hahayaang siya’y matagpuan ninyo, ngunit kung iiwanan ninyo siya ay iiwanan niya kayo.” At laging isaisip na ang iyong taimtim na pagsisikap na matuto tungkol sa Diyos at palugdan siya ay hindi mawawalang-kabuluhan. Ang Hebreo 11:6 ay nagsasabi na ang Diyos “ang tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.” At ang Roma 10:11 ay nagsasabi: “Sinuman ang naglalagak sa kaniya ng pananampalataya ay hindi mapapahiya.”
23. Bakit dapat nating ipagbunyi ang bagong sanlibutan ng Diyos ng kalayaan?
23 Nasa abot-tanaw na natin ang bagong sanlibutan ng Diyos ng tunay na kalayaan. Doon “ang sangnilalang ay palalayain din mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” At “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng pananambitan man o ng hirap pa man.” (Roma 8:21; Apocalipsis 21:4) Kung magkagayon lahat ng mga lingkod ni Jehova ay magtataas ng kanilang mga ulo at masayang ipagbubunyi ang bagong sanlibutan ng Diyos ng kalayaan sa pamamagitan ng pagbulalas, ‘Salamat sa iyo, Jehova, ukol sa tunay na kalayaan sa wakas!’
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano ipinakita ni Jehova ang kaniyang kakayahan na palayain ang kaniyang bayan?
◻ Anong kagila-gilalas na mga kalayaan ang iiral sa bagong sanlibutan ng Diyos?
◻ Papaano tinuturuan ni Jehova ang mga tao ng ukol sa buhay?
◻ Ano ang ilan sa kalayaan na tinatamasa ng bayan ng Diyos kahit na ngayon sa pamamagitan ng paglilingkod kay Jehova?
[Larawan sa pahina 10]
Ipinakita ni Jehova ang kaniyang higit na lakas sa mga diyus-diyusan ng Ehipto, na anupa’t napalaya ang mga sumasamba sa kaniya
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Sa ngayon, ang tunay na mga lingkod ng Diyos ay nakikilala sa pamamagitan ng pagsasagawa sa kaniyang pambuong-mundong pagtuturo at pagtataglay ng kaniyang pangalan