Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Siya’y Naglaan Para sa Israel sa Sinai
GUNIGUNIHIN ang milyun-milyon—mga lalaki, babae, at mga bata—patungo sa isang “malawak at nakasisindak na kagubatan, na may makamandag na mga ahas at mga alakdan at may tigang na lupa na walang katubig-tubig”!
Ang mga salitang iyan ng Diyos na nasa Deuteronomio 8:15 ay tumatawag-pansin sa isang wari’y kasindak-sindak na paglalakbay na susuungin ng mga Israelita pagkalabas nila sa Ehipto at patungo na sa ilang ng Sinai. Isang mahirap na suliranin: “Sino ang maglalaan ng sapat na pagkain at tubig?
Ang mga Israelita ay mga alipin noong sila’y nasa wawa ng ilog Nilo, ngunit hindi sila nagkulang ng anuman. Ang mga ipinintang larawan sa pader ng sinaunang mga libingan ay makikitaan ng mga tanawing may mga ubas, milon, at iba pang mga pananim, gayundin ang mga isda at manok na nagsisilbing sari-saring pagkain. Totoo, kung gayon, ang may pananabik na reklamo sa ilang: “Sino ang magbibigay sa atin ng karneng makakain? Ating naaalaala ang isda na ating kinakain sa Ehipto na walang bayad, ang mga pipino at mga pakwan at mga puero at mga sibuyas at mga bawang!”—Bilang 11:4, 5; 20:5.
Nang makatawid na ang mga Israelita sa Pulang Dagat, hindi nagtagal at naunawaan nila kung ano talaga ang Sinai. Hindi sila roon dumaan sa ruta sa hilaga na dinaraanan ng maraming mangangalakal kundi sila’y bumaling patungo sa dulo ng hugis trianggulong peninsula. Nang sandaling sila’y makapaglakbay na ng layong mga 80 kilometro sa ilang, lalong nadama nila ang lubhang pangangailangan nila ng tubig. Hindi naman nila mainom ang kanilang natuklasan, sapagkat iyon ay mapait at maaaring magdala ng mga sakit. “Ano ba ang ating iinumin?” Ang bulalas nila. Ang Diyos naman ay namagitan, at pinatamis ang tubig.—Exodo 15:22-25.
Pansinin ang tanawin kaugnay ng umuusad na pila ng mga kamelyo sa itaas. Mauunawaan mo ang tungkol sa kung papaano nakapagpatuloy ang Israel sa paglalakbay sa ilang patungo sa Bundok Sinai. Papaano sila makapagpapatuloy na makasumpong ng sapat na tubig—at pagkain—para sa kanilang sarili at pati na rin sa kanilang mga kawan at mga hayupan na kailangan nilang panatilihing buháy?—Exodo 12:38.
Sila’y naglakbay na patimog at di-nagtagal ay nakasumpong ng sariwang tubig at pagkain sa Elim. (Exodo 15:27) Subalit, hindi iyon ang kanilang pupuntahan. Sila’y patungo sa “bundok ng tunay na Diyos,” ang Bundok Sinai. (Exodo 3:1; 18:5; 19:2; 24:12-18) Iyon ay 120 kilometro ang layo—kilu-kilometro ng baku-bako, tigang na lupain.
Samantalang umaabante ang malaking grupong iyon patungo sa Bundok Sinai, sila’y nakarating malapit sa—at malamang na huminto sa—malaking oasis na kilala sa tawag na Feiran. Ang munting bahagi nito ay makikita sa larawan sa katapat na pahina.a Ito’y dumaraan sa isang daanan sa ilang, patungo sa Dagat na Pula (Gulpo ng Suez). Anong dami ng nakarerepreskong tubig na masusumpungan nila roon!
Bagaman ang ilang ng Sinai ay maaaring pangkaraniwang umaangkop sa paglalarawan ng isang “malawak at kakila-kilabot na ilang,” ang mga Israelita ay makapagpapahingalay sa lilim ng matatangkad na mga palma at iba pang mga punungkahoy sa Feiran oasis. Sila’y makasusumpong ng maraming matatamis na dates, na pagkaing karaka-rakang makakain at makapagbabaon pa sila niyaon.
Lahat na ito ay posible sapagkat ang tubig sa ilalim ng lupa ay umaakyat sa ibabaw sa Feiran. Gunigunihin kung ano ang madarama mo kung ikaw ay nasa ilang na disyerto at biglang nakasumpong ng sariwang tubig na maiinom! Ipinakikita nito na maging sa Sinai ay may mga lugar na makukunan ng tubig. Kung minsan kailangang humukay ng balon na may kalaliman. Kung magkagayo’y mangangailangan ng trabaho na sumalok ng tubig o punuin ang mga banga ng mahalagang likido, lalo na kung kailangang mabigyan ng tubig ang mga kawan at mga hayupan. Magpahanggang sa araw na ito ang mga Bedouin ng Sinai ay naaakit sa mga balon na kanilang mapag-iigiban ng tubig para sa kanilang sarili at sa kanilang mga kamelyo.—Ihambing ang Genesis 24:11-20; 26:18-22.
Oo, bagaman may mga pagkakataon na sila’y nagmamaktol dahil sa nakaharap sila sa waring di-mapagtatagumpayang kakulangan, ang mga Israelita ay may tubig at pagkain. Kung minsan ang Diyos ay makahimalang naglalaan ng gayong mga pangangailangan. (Exodo 16:11-18, 31; 17:2-6) Kung minsan waring inaakay niya sila tungo sa “isang dakong pahingahan” na doon matutustusan ang kanilang tunay na mga pangangailangan sa pamamagitan ng likas na mga paglalaan. (Bilang 10:33-36) Samantala, kaniyang inaalok sa kanila ang kasaganaan na naghihintay sa mga may pananampalataya sa Lupang Pangako.—Deuteronomio 11:10-15.
[Talababa]
a Ang mas malaking larawan ay makikita sa 1992 Calendar of Jehovah’s Witnesses
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 24, 25]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.