Natatandaan Mo Ba?
Minamahalaga mo ba ang pagbabasa ng kamakailang mga labas ng Ang Bantayan? Bueno, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
◻ Ano ang inilalarawan ng karagdagang mga pribilehiyo ng paglilingkod na ibinigay sa mga Netineo at sa mga anak ng mga lingkod ni Solomon pagkabalik nila buhat sa pagkabihag sa Babilonya?
Sa ngayon, samantalang ang nalabi ng espirituwal na Israel sa lupa ay patuloy na kumakaunti, ang mga ibang tupa naman ay patuloy na dumarami. Ang iba sa tulad-tupang ito, gaya ng mga Netineo at ng mga anak ng mga lingkod ni Solomon, ay nabigyan ngayon ng mabibigat na mga pananagutan sa ilalim ng pangangasiwa ng nalabi. (Isaias 61:5)—4/15, pahina 16-17.
◻ Ano ba ang ibig sabihin ni propeta Zefanias nang magsabi: “Kaipala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova”? (Zefanias 2:2, 3)
Upang ang sinuman ay maligtas sa dumarating na “malaking kapighatian,” ito ay hindi isang kaso ng minsang ligtas, laging ligtas. (Mateo 24:13, 21) Ang pagkakubli sa araw na iyan ay depende sa patuloy na paggawa ng isang tao ng tatlong bagay: Kailangang hanapin niya si Jehova, hanapin ang katuwiran, at hanapin ang kaamuan.—5/1, pahina 15-16.
◻ Sa anong diwa “tumatayo” si Miguel sa “panahon ng kawakasan”? (Daniel 12:1, 4)
Buhat nang siya’y iluklok bilang Hari noong 1914, si Miguel ay “tumatayo” sa kapakanan ng bayan ni Jehova. Subalit malapit nang ‘tumayo’ si Miguel sa isang lubhang natatanging diwa—bilang Ahente ni Jehova na mag-aalis ng lahat ng kabalakyutan sa lupa at bilang Tagapagligtas ng bayan ng Diyos.—5/1, pahina 17.
◻ Sa ano depende ang tunay na kaligayahan?
Ang tunay na kaligayahan ay depende sa ating mahalagang kaugnayan kay Jehova, sa kaniyang pagsang-ayon, at sa kaniyang pagpapala. (Kawikaan 10:22) Samakatuwid, ang tunay na kaligayahan ay hindi makakamtan na hiwalay sa pagsunod kay Jehova at sa may kagalakang pagpapasakop sa kaniyang kalooban. (Lucas 11:28)—5/15, pahina 16, 19.
◻ Nang ganapin ni Jesus ang kaniyang mga himala sa pagpapagaling, kailangan ba ang pananampalataya ng isang pinagaling?
Kailangan ang pananampalataya para sa marami upang pumaroon kay Jesus para mapagaling. (Mateo 8:13) Gayunman, walang pangungumpisal ng pananampalataya ang kinailangan upang magawa ni Jesus ang kaniyang mga himala, gaya nang kaniyang pagalingin ang isang pilay na hindi nakakakilala kay Jesus. (Juan 5:5-13) Ibinalik pa man din ni Jesus ang tinagpas na tainga ng utusan ng mataas na saserdote, na kabilang sa grupo ng mga kaaway ni Jesus. (Lucas 22:50, 51) Ang mga himalang ito ay ginanap sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos, hindi dahilan sa pananampalataya ng maysakit.—6/1, pahina 3.
◻ Ano ba ang kinakatawan ng “lambat” na binanggit sa ilustrasyon ni Jesus sa Mateo 13:47-50?
Ang “lambat” ay kumakatawan sa isang makalupang instrumento na nag-aangking kongregasyon ng Diyos at tumitipon ng “mga isda.” Nakasali rito kapuwa ang Sangkakristiyanuhan at ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, ang hulí ang patuloy na nagtitipon sa ‘mabubuting isda,’ sa ilalim ng patnubay ng mga anghel, kasuwato ng Mateo 13:49.—6/15, pahina 20.
◻ Ano ang ilan sa mga simulain na kailangang ikapit ng mga hukom sa Israel sa pagganap sa kanilang mga atas?
Parehong katarungan para sa mayayaman at sa mahihirap, lubusang kawalang-itinatangi, at hindi pagtanggap ng suhol. (Levitico 19:15; Deuteronomio 16:19)—7/1, pahina 13.
◻ Ano ang dapat sikaping makamtan ng matatanda sa pamamagitan ng kanilang mga paglilitis?
Ang isang layunin ay alamin ang mga pangyayari sa kaso, na ginagawa ito nang may pag-ibig. Minsang malaman ang mga ito, gagawin ng matatanda ang anuman na kinakailangan upang mabigyan ng proteksiyon ang kongregasyon at mapanatili rito ang matataas na pamantayan ni Jehova at ang malayang pagdaloy ng espiritu ng Diyos. Ang paglilitis ay upang magligtas din, kung posible, ng isang nanganganib na nagkasala. (Ihambing ang Lucas 15:8-10.)—7/1, pahina 18-19.
◻ Bakit ang mga guniguni may kaugnayan sa bawal na pagtatalik sa sekso ay totoong nakapipinsala?
Sa liwanag ng mga salita ni Jesus sa Mateo 5:27, 28, lahat ng patuloy na nahuhumaling sa bawal na pakikipagtalik ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanilang puso. At nariyan ang totohanang panganib na ang gayong mga guniguni ay humantong sa imoralidad.—7/15, pahina 15.
◻ Sa papaano matutulungan tayo ni Jehova sa tumpak na pagkakilala sa mga pagsubok sa atin at mapagtiisan iyon?
May mga teksto sa Kasulatan na maaaring itawag pansin sa atin ng mga kapananampalataya o sa panahon ng pag-aaral sa Bibliya. Mga pangyayaring minamaneobra sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos ang maaaring tumulong sa atin na makita kung ano ang dapat gawin. Ang mga anghel ay maaaring tumulong sa pagpatnubay sa atin, o makatatanggap tayo ng patnubay sa pamamagitan ng banal na espiritu. (Hebreo 1:14)—7/1, pahina 21.
◻ Itinatag ba o pinagtibay ng Konsilyo ng Nicaea noong 325 C. E. ang doktrina ng Trinidad?
Hindi, ang ginawa ng Konsilyo ng Nicaea ay ang ipantay lamang ang Anak sa Ama sa pagiging “kaisang sangkap.” Ang idea na ang Ama, Anak, at banal na espiritu ay tunay na Diyos bawat isa—tatlo sa iisang Diyos—ay hindi nanggaling sa konsilyong iyan ni sa mas maagang mga Ama ng Iglesya.—8/1, pahina 20.
◻ Si Job ba lamang ang taong tapat kay Jehova sa panahon na siya’y nabubuhay? (Job 1:8)
Hindi, ang aklat ni Job ang mismong nagpapakita na si Elihu ay tinanggap ng Diyos. At, nang panahon na nabubuhay si Job, maraming mga Israelita ang namumuhay sa Ehipto, at walang dahilang isipin na lahat na ito ay di-tapat at di-nakalugod sa Diyos.—8/1, pahina 31.