Ang Sangkakristiyanuhan at ang Pangangalakal ng mga Alipin
NOONG ika-19 na siglo, ang mga misyonerong Katoliko at Protestante ay nagkakaisa sa kanilang pagsalansang sa pangangalakal ng mga alipin. Gayunman, hindi laging ganiyan ang kanilang paninindigan. Sa naunang mga siglo, sila’y sumang-ayon at sumali sa pangangalakal ng mga alipin sa kabila ng kakila-kilabot na pagdurusang nilikha nito.
Ang mga misyonero ay nagsimulang pumaroon sa silangang baybayin gayundin sa kanlurang baybayin ng Aprika nang ang ruta ng pangangalakal sa pamamagitan ng biyahe sa palibot ng Cape of Good Hope ay madiskubre noong ika-15 siglo. Gayunman, pagkaraan ng tatlong siglo, ang gawaing misyonero sa Aprika ay halos napahinto na. Kakaunting mga Aprikano ang nakumberte. Ang isang dahilan sa ganitong pagkabigo ay ang pagkasangkot ng Sangkakristiyanuhan sa pangangalakal ng mga alipin. Si C. P. Groves ay may ganitong paliwanag sa The Planting of Christianity in Africa:
“Ang aktibong pagtataguyod sa pangangalakal ng mga alipin ang kasama ng misyong Kristiyano at hindi inakalang mali. Oo, ang mismong misyon ay may sariling mga alipin; isang monasteryong Jesuita sa Loanda [ngayon ay Luanda, ang kabisera ng Angola] ay pinagkalooban ng 12,000. Nang mapaunlad ang pangangalakal ng alipin sa pagitan ng Angola at Brazil, ang obispo ng Loanda, na nakaupo sa isang silyang bato sa tabi ng pantalan, ay nagbendisyon sa tutulak na mga kargada, pinangakuan sila ng kaligayahan sa hinaharap pagka ang maunos na mga pagsubok sa buhay ay tapos na.”
Ang mga misyonerong Jesuita ay walang “tutol laban sa pang-aalipin sa mga Negro,” ang patotoo ni C. R. Boxer na sinipi sa aklat na Africa From Early Times to 1800. Sa Luanda, bago lumulan ang mga alipin sa mga barkong patungo sa mga kolonyang Kastila at Portuges, isinusog ni Boxer, “sila’y dinala sa isang malapit na simbahan . . . at doon bininyagan ng isang pari ng parokya sa grupu-grupong daan-daan minsanan.” Ngayon, pagkatapos wisikan ng “agua bendita,” sinasabihan ang mga alipin: “Kayo ay mga anak na ng Diyos; kayo ay pupunta sa lupain ng mga Kastila na kung saan matututuhan ninyo ang mga bagay sa Pananampalataya. Huwag ninyong isipin pa kung saan kayo nanggaling . . . Pumunta kayo na taglay ang mabuting kalooban.”
Mangyari pa, ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay hindi nag-iisa sa pagsang-ayon sa pangangalakal ng mga alipin. “Hanggang noong huling kakalahatian ng ikalabing walong siglo,” ayon sa paliwanag ni Geoffrey Moorhouse sa kaniyang aklat na The Missionaries, “iyon ang saloobin sa sanlibutan ng karamihan.” Binanggit ni Moorhouse ang halimbawa ng isang misyonerong Protestante noong ika-18-siglo, na si Thomas Thompson, na sumulat ng isang tract na pinamagatang The African Trade for Negro Slaves Shown to Be Consistent With the Principles of Humanity and With the Laws of Revealed Religion.
Subalit, sa kaniyang pakikisali ay may bahagi ang Sangkakristiyanuhan sa kakila-kilabot na pagdurusang sumapit sa milyun-milyong aliping Aprikano. “Maliban sa mga alipin na namatay bago sila naglayag buhat sa Aprika,” ang sabi ng The Encyclopædia Britannica, “12 1/2% ang nasawi sa kanilang pagdaraan sa West Indies; sa Jamaica 4 1/2% ang namatay habang nasa mga daungan o bago maibenta at isang-katlo pa ang naparagdag dahil sa masamang trato.”
Hindi na magtatagal at kapuwa ang Sangkakristiyanuhan at ang iba pang anyo ng huwad na relihiyon ay magsusulit sa Diyos na Jehova sa lahat ng kakila-kilabot na mga gawang pagbububo ng dugo na kanilang sinang-ayunan at binasbasan pa nga.—Apocalipsis 18:8, 24.
[Dayagram sa pahina 8]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Banghay ng kung papaano sinisiksik ang mga alipin sa isang barko ng alipin
[Credit Line]
Schomburg Center for Research in Black Culture / The New York Public Library / Astor, Lenox and Tilden Foundations