Isang Modelong Manuskritong Hebreo ng Bibliya
BAGO natuklasan ang Dead Sea Scrolls noong 1947, ang pinakamaagang nakilalang mga manuskrito ng Bibliyang Hebreo—maliban sa mga ilang piraso—ay mula noong may bandang huli na ng ika-9 hanggang ika-11 siglo C.E. Iyan ay halos wala pang isang libong taon na ngayon. Ibig bang sabihin na bago sumapit ang 1947 ay walang kasiguruhan ang tekstong Hebreo ng Bibliya? At bakit iilan-ilan lamang ang sinaunang mga manuskritong Hebreo?
Sa pagsasaalang-alang muna ng huling katanungang iyan, sa ilalim ng sistemang ortodoksong Judio, anumang manuskrito ng Bibliyang Hebreo na itinuturing na lumang-luma para gamitin pa ay inilalagak at sinususian sa isang genizah, isang bodega sa sinagoga. Nang malaunan, ang natipong lumang-lumang mga manuskrito ay inilalabas at ibinabaon. Ito’y ginagawa ng mga Judio upang ang kanilang Kasulatan ay huwag malapastangan o gamitin sa maling paraan. Bakit? Sapagkat ang mga ito ay may taglay na Tetragrammaton, ang mga letrang Hebreo na kumakatawan sa sagradong pangalan ng Diyos, na karaniwan nang sa Tagalog ay “Jehova.”
Ang “Putong”
Sa kalakhang bahagi, ang sinaunang tekstong Hebreo ay may katapatang naingatan buhat pa nang pinakamaagang panahon. Halimbawa, may isang mahalagang manuskritong Hebreo, tinatawag na Keter, ang “Putong,” na taglay ng orihinal ang lahat ng Kasulatang Hebreo o ang “Matandang Tipan.” Ito ay binabantayan sa pinakamatandang sinagoga ng isang sinauna, munting pamayanan ng mga Judio na naninirahan sa Aleppo, Syria, isang bayang mga Muslim ang nakararami. Mas maaga, ang manuskrito ay naiwan sa mga Judiong Karaite sa Jerusalem, subalit ito’y nabihag ng mga Krusadero noong 1099. Nang malaunan, ang manuskrito ay nabawi at dinala sa Old Cairo, Ehipto. Nakarating ito sa Aleppo humigit-kumulang noong ika-15 siglo at sa dakong huli ay nakilala bilang ang Aleppo Codex. Ang manuskritong ito, na tinantiya ang petsa na hindi lalampas sa 930 C.E., ay itinuturing na siyang putong ng pagkadalubhasang Masoretico, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito. Ito ay isang mainam na halimbawa ng pag-iingat na ginawa sa paghahatid ng teksto ng Bibliya at, totoong-totoo nga, isang modelong manuskritong Hebreo.
Sa mas modernong panahon, ang mga tagapag-ingat ng mahalagang manuskritong ito, taglay ang pangamba na dahil sa pamahiin ay malapastangan ang kanilang banal na manuskrito, ay hindi pumayag na ito ay makonsulta ng mga iskolar. Isa pa, yamang iisang pohas lamang ang nakunan ng larawan, hindi maaaring maglathala ng isang reproduksiyon para pag-aralan.
Nang ang mga Britano ay umalis na sa Palestina noong 1948, may bumangong mga kaguluhan sa Aleppo laban sa mga Judio. Ang kanilang sinagoga ay sinunog; nawala ang mahalagang codex at inakalang nasira na. Anong laki ng pagkamangha, kung gayon, nang pagkalipas ng sampung taon, napag-alaman na mga tatlong kaapat na bahagi nito ay hindi nasira at naipuslit sa Jerusalem galing sa Syria! Noong 1976 isang mainam na reproduksiyon ng 500 kopya na may kumpletong kulay ang sa wakas ay ipinalabas.
Ang Obra Maestra ng Isang Dalubhasa
Bakit ba napakahalaga ng manuskritong ito? Sapagkat ang orihinal na teksto nito na may mga katinig ay iniwasto at nilagyan ng mga bantas noong mga dakong 930 C.E. ni Aaron ben Asher, isa sa pinakadalubhasang iskolar na sinanay sa pagkopya at paghahatid ng Bibliyang Hebreo. Samakatuwid ito ay modelong codex, na nagsilbing pamantayan para sa hinaharap na mga kopya na gawa ng eskribang di-gaanong dalubhasa.
Sa orihinal ay mayroon itong 380 folios (760 pahina) at isinulat karaniwan na sa tatlong tudling sa mga pilyego ng pergamino. Ito ngayon ay may 294 na folio at kulang ng karamihan ng Pentateuch at ng huling section, binubuo ng Panaghoy, Awit ni Solomon, Daniel, Esther, Ezra, at ng Nehemias. Ito’y tinutukoy na “Al” sa New World Translation of the Holy Scriptures—Reference Bible (Josue 21:37, talababa). Para kay Moises Maimonides (nakalarawan dito), isang kilalang iskolar na Judio noong edad medya ng ika-12 siglo C.E., ang nagpahayag na ang Aleppo Codex ang pinakamagaling na kaniyang nakita.a
Ang tekstong Hebreo na kinopya ng kamayan mula noong ika-13 hanggang noong ika-15 siglo ay isang haluan na kuha sa dalawang pangunahing pamilya ng tekstong Masoretico, ang kay Ben Asher at kay Ben Naphtali. Noong ika-16 na siglo, si Jacob ben Hayyim ang lumikha ng teksto para sa isang nilimbag na Bibliyang Hebreo na kuha sa haluang tradisyong ito, at ito ang naging saligan ng halos lahat ng Bibliyang Hebreo na nilimbag para sa sumunod na 400 taon.
Nang ikatlong edisyon noong 1937 ng Biblia Hebraica (ang limbag ng tekstong Hebreo), ang tradisyon ni Ben Asher ay kinunsulta yamang ito ay naingatan sa isang manuskritong iniingatan sa Russia, kilala bilang ang Leningrad B 19A. Ang Leningrad B 19A ay mula pa noong 1008 C.E. Ang Pamantasang Hebreo sa Jerusalem ay nagpaplanong ilathala ang Aleppo Hebreong teksto nang buo sa isang yugto ng panahon, kasama na ang mga pagbasa buhat sa lahat ng iba pang importanteng mga manuskrito at mga bersiyon, kasali na ang Dead Sea Scrolls.
Ang teksto ng Bibliya na ginagamit natin sa ngayon ay mapanghahawakan. Ito ay kinasihan at inihatid sa lumipas na mga siglo ng mga eskribang tagakopya na kumopya nito nang buong ingat. Ang labis na pag-iingat ng mga tagakopyang ito ay makikita sa bagay na ang paghahambing ng balumbon ng Isaias na natagpuan sa tabi ng Dead Sea noong 1947 at ng tekstong Masoretico ay nakapagtataka na makitaan ng ilan lamang mga pagkakaiba, kahit na ang Dead Sea Scroll ay mahigit na isang libong taon ang tanda kaysa pinakamatandang umiiral pang Bibliyang Masoretico. Isa pa, ngayon na ang Aleppo Codex ay maaari nang gamitin ng mga iskolar, ito’y magbibigay ng higit pang dahilan para sa pagtitiwala sa autentisidad ng teksto ng Kasulatang Hebreo. Oo, “kung tungkol sa salita ng ating Diyos, ito ay mamamalagi magpakailanman.”—Isaias 40:8.
[Talababa]
a Sa loob ng mga ilang taon may mga iskolar na nag-alinlangan na ang Aleppo Codex ang manuskritong nilagyan ng mga bantas ni Ben Asher. Subalit, yamang ang codex ang pinayagang pag-aralan, may ebidensiya na ito ang aktuwal na manuskrito ni Ben Asher na binanggit ni Maimonides.
[Picture Credit Line sa pahina 28]
Bibelmuseum, Münster
[Picture Credit Line sa pahina 29]
Jewish Division / The New York Public Library / Astor, Lenox, and Tilden Foundations