Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 5/15 p. 26-28
  • Ano Ba ang Tekstong Masoretiko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano Ba ang Tekstong Masoretiko?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Salita ni Jehova
  • Ang Pintuan ng Pagkakamali ay Bahagyang Nabuksan
  • Mga Pagtatangkang Ipinid ang Pintuan
  • Makasusumpong Kaya Tayo ng “Dalisay” na Tekstong Masoretiko?
  • Sino ang mga Masoret?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Tekstong Masoretiko
    Glosari
  • Isang Modelong Manuskritong Hebreo ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Aralin Bilang 5—Ang Tekstong Hebreo ng Banal na Kasulatan
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 5/15 p. 26-28

Ano Ba ang Tekstong Masoretiko?

SA ANUMANG wika na doo’y binabasa mo ang Bibliya, ang bahagi ng aklat ay malamang na isinalin nang tuwiran o di-tuwiran buhat sa tekstong Masoretiko, na siyang bumubuo ng Hebreong Kasulatan, o ng “Lumang Tipan.” Ang totoo, hindi lamang iisa ang tekstong Masoretiko. Kung gayo’y alin kaya ang pinili, at bakit? Sa katunayan, ano ba ang tekstong Masoretiko, at papaano natin nalalaman na ito ay maaasahan?

Ang Salita ni Jehova

Sinimulan ang pagsulat ng Bibliya sa Bundok Sinai noong 1513 B.C.E. Sinasabi sa atin ng Exodo 24:3, 4: “Dumating si Moises at isinaysay sa bayan ang lahat ng salita ni Jehova at lahat ng panghukumang pasiya, at ang buong bayan ay nagkakaisang sumagot at nagsabi: ‘Lahat ng salita na sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.’ Kaya naman isinulat ni Moises ang lahat ng salita ni Jehova.”

Patuloy na isinulat ang Hebreong Kasulatan sa loob pa ng mahigit isang libong taon, mula 1513 B.C.E. hanggang mga 443 B.C.E. Yamang ang mga manunulat ay kinasihan ng Diyos, makatuwiran lamang na papatnubayan niya ang mga bagay-bagay upang matapat na maingatan ang kaniyang mensahe. (2 Samuel 23:2; Isaias 40:8) Gayunman, nangangahulugan ba ito na hahadlangan ni Jehova ang lahat ng pagkakamali ng tao upang wala ni isa mang titik ang mababago habang gumagawa ng mga kopya?

Ang Pintuan ng Pagkakamali ay Bahagyang Nabuksan

Bagaman mga lalaking may matinding paggalang sa Salita ng Diyos ang kumopya nito sa loob ng mga salinlahi, gayunma’y unti-unting nakasingit sa mga manuskrito ang ilang antas ng pagkakamali ng tao. Ang mga manunulat ng Bibliya ay kinasihan, subalit ang mga tagakopya ay wala sa ilalim ng banal na pagkasi nang gawin nila ang pagsipi.

Nang makabalik buhat sa pagkabihag sa Babilonya noong 537 B.C.E., gumamit ang mga Judio ng isang bagong istilo ng pagsulat na ginagamitan ng mga kudradong titik na natutuhan sa Babilonya. Ang malaking pagbabagong ito ay nagdulot ng likas na ibubungang suliranin na ang ilang magkakahawig na titik ay mapagkakamalan sa isa’t isa. Yamang ang Hebreo ay isang wikang batay sa mga katinig, na ang mambabasa ang bahalang bumigkas ng mga tunog ng patinig salig sa pagkaunawa niya sa konteksto, ang isang pagbabago ng isang katinig ay maaaring dagling bumago sa kahulugan ng isang salita. Gayunman, maraming pagkakataon na ang gayong pagkakamali ay nasumpungan at naituwid.

Ang karamihan sa mga Judio ay hindi bumalik sa Israel pagkatapos bumagsak ang Babilonya. Kaya naman, ang mga sinagoga ang naging espirituwal na mga sentro para sa mga Judiong pamayanan sa buong Gitnang Silangan at sa Europa.a Bawat sinagoga ay nangailangan ng mga kopya ng mga balumbon ng Kasulatan. Habang dumarami ang mga kopya, gayundin ang posibilidad na pagkakamali ng tagakopya.

Mga Pagtatangkang Ipinid ang Pintuan

Pasimula noong unang siglo C.E., tinangka ng mga eskriba sa Jerusalem na bumuo ng isang orihinal na teksto na sa pamamagitan nito ang lahat ng iba pang balumbon ng Hebreong Kasulatan ay maaaring ituwid. Subalit, walang tiyakang sistema para ipakita ang pagkakaiba sa pagitan ng orihinal ng isang teksto at ng mga manuskritong taglay ang mga pagkakamali ng tagakopya. Mula noong ikalawang siglo C.E. patuloy, ang pang-katinig na teksto ng Hebreong Kasulatan ay waring may-kainamang ginawa alinsunod sa pamantayan, bagaman hindi pa ito naisaayos sa mapanghahawakang paraan. Ang ilang pagsipi buhat sa Hebreong Kasulatan na lumilitaw sa Talmud (tinipon sa pagitan ng ikalawa at ikaanim na siglo C.E.) ay totoong malimit na nagpapahiwatig ng isang pinagmulan na naiiba sa isa na nang maglaon ay nakilala bilang ang tekstong Masoretiko.

Ang salitang “tradisyon” sa Hebreo ay ma·soh·rahʹ o ma·soʹreth. Pagsapit ng ikaanim na siglo C.E., yaong nag-ingat sa tradisyon ng tumpak na pagkopya ng Hebreong Kasulatan ay nakilala bilang mga Masoret. Ang mga kopyang ginawa nila ay tinutukoy bilang mga tekstong Masoretiko. Ano ba ang natatangi tungkol sa kanilang gawain at sa mga tekstong kanilang inihanda?

Lumipas na ang Hebreo bilang isang buháy, pambansang wika, at maraming Judio ang hindi na pamilyar dito. Kaya naman, ang mismong pagkaunawa sa pang-katinig na teksto sa Bibliya ay nanganib. Upang maingatan ito, bumuo ang mga Masoret ng isang sistema ng mga patinig na kinakatawanan ng mga tuldok at mga gatlang, o puntos. Ang mga ito ay inilagay sa itaas at sa ibaba ng mga katinig. Bumuo rin ang mga Masoret ng isang masalimuot na sistema ng mga tanda na nagsilbi kapuwa bilang isang anyo ng pagbabantas at bilang giya para sa mas tumpak na pagbigkas.

Kung saan nadama ng mga Masoret na ang teksto ay binago o di-wastong kinopya ng nakaraang mga salinlahi ng mga eskriba, sa halip na baguhin ang teksto, gumawa sila ng mga nota sa gilid. Itinala nila ang di-karaniwang mga anyo at kombinasyon ng salita at kung ilang beses lumitaw ang mga ito sa indibiduwal na aklat o sa buong Hebreong Kasulatan. Itinala rin ang karagdagang mga komento upang matulungan ang mga tagakopya sa pagsusuri. Isang sistema ng dinaglat na “mga kodigo” ang binuo upang isulat ang impormasyong ito sa pinakamaikling paraan hangga’t maaari. Sa mga gilid na nasa itaas at sa ibaba, nakatala ang isang uri ng maliit na konkordansiya na may mga bahagi ng magkakaugnay na talata na reperensiya para sa mga nakatala sa gilid.

Ang pinakatanyag na sistema ay nabuo ng mga Masoret sa Tiberias, sa tabi ng Dagat ng Galilea. Naging lalo nang prominente ang mga grupo nina Ben Asher at Ben Naphtali noong ikasiyam at ikasampung siglo C.E., malamang na mga Karaite.b Bagaman may mga pagkakaiba sa pagitan ng mga paraan ng pagbigkas at mga nota ng dalawang grupong ito, hindi pa umabot sa sampung pagkakataon na ang mga katinig ng mga teksto nila ay nagkaiba sa buong Hebreong Kasulatan.

Ang dalawang grupo ng mga Masoret, yaong kay Ben Asher at kay Ben Naphtali, ay may malaking naitulong sa pag-aaral ng teksto noong kanilang kapanahunan. Pagkatapos purihin ni Maimonides (isang maimpluwensiyang iskolar sa Talmud noong ika-12 siglo) ang teksto ni Ben Asher, bukod-tangi itong pinili ng iba. Gayon nga kahit wala nang manuskrito ni Ben Naphtali na masusumpungan ngayon. Ang nalalabi na lamang ay mga talaan ng pagkakaiba sa pagitan ng dalawang grupo. Balintuna, ang komento ni Maimonides ay kaugnay sa pagsasaalang-alang ng istilo, tulad ng espasyo sa pagitan ng mga parapo, at hindi sa mas mahahalagang salik ng tumpak na mensahe.

Makasusumpong Kaya Tayo ng “Dalisay” na Tekstong Masoretiko?

Maraming pagtatalo sa gitna ng mga iskolar kung aling codex na makukuha sa ngayon ang “dalisay” na tekstong Ben Asher, na waring ito ang magbibigay sa atin ng “tunay” na tekstong Masoretiko. Ang totoo, kailanman ay hindi nagkaroon ng isang naiiba, “dalisay,” at mapanghahawakang tekstong Masoretiko. Sa halip, may maraming tekstong Masoretiko, na bawat isa ay bahagyang naiiba sa iba pa. Lahat ng umiiral na codex ay pinaghalong mga teksto, na may mga pagbasa kapuwa kay Ben Asher at Ben Naphtali.

Mabigat ang gawaing nakaharap sa sinumang tagapagsalin ngayon ng Hebreong Kasulatan. Kailangang may kabatiran siya hindi lamang sa Hebreong teksto kundi gayundin sa lahat ng makatuwirang mapagpipilian kung saan ang teksto ay maaaring nabago dahil sa pagkakamali ng tagakopya o iba pa. Samantalang nagsisilbing batayan ang iba’t ibang tekstong Masoretiko, kailangan niyang sumangguni sa ibang matibay na basehan na maaaring makatuwirang kumatawan sa mas sinauna at marahil mas tumpak na mga bersiyon ng tekstong pang-katinig.

Sa pambungad ng kaniyang aklat na The Text of the Old Testament, ganito ang paliwanag ni Ernst Würthwein: “Kapag napaharap sa isang mahirap na talata hindi natin basta na lamang titipunin ang iba’t ibang pagbasa at pipiliin ang isa na waring naghaharap ng pinakasimpleng solusyon, anupat kung minsan ay pinipili ang tekstong Hebreo, at kung minsan naman ay ang Septuagint, at maging ang Aramaikong Targum sa ibang pagkakataon. Hindi lahat ng tekstuwal na mga patotoo ay pare-parehong maaasahan. Bawat isa ay may sariling katangian at sariling natatanging kasaysayan. Kailangang may kabatiran tayo sa mga ito kung nais nating makaiwas sa di-sapat o maling mga solusyon.”

Matatag ang ating batayan upang lubusang magtiwala na iningatan ni Jehova ang kaniyang Salita. Sa pamamagitan ng pinagbuklod na pagsisikap ng maraming taimtim na mga tao sa nakalipas na mga siglo, ang diwa, nilalaman, at maging ang mga detalye ng mensahe ng Bibliya ay nasa ating mga palad na. Anumang bahagyang pagbabago sa titik o salita ay hindi nakaapekto sa ating kakayahang maunawaan ang Kasulatan. Ngayon, ang mahalagang tanong ay, Mamumuhay ba tayo kasuwato ng Salita ng Diyos, ang Bibliya?

[Mga talababa]

a Yamang marami sa mga Judio sa labas ng Israel ang hindi na mahusay sa pagbabasa ng Hebreo, di-nagtagal at nakita ng mga pamayanang Judio gaya niyaong nasa Alexandria, Ehipto, ang pangangailangang isalin ang Bibliya sa pang-araw-araw na wika. Upang matugunan ang pangangailangang ito, inihanda ang bersiyon na Griegong Septuagint noong ikatlong siglo B.C.E. Ang bersiyong ito ang nang dakong huli ay naging mahalagang reperensiya sa paghahambing ng teksto.

b Humigit-kumulang noong taóng 760 C.E., iginiit ng isang grupong Judio na kilala bilang mga Karaite ang mas mahigpit na pagsunod sa Kasulatan. Palibhasa’y tinatanggihan ang awtoridad ng mga rabbi, ang “Binigkas na Batas,” at ang Talmud, mas malaki ang dahilan nila na sistematikong ingatan ang teksto ng Bibliya. Ang ilang pamilya sa grupong ito ay naging dalubhasang Masoretikong mga tagakopya.

[Larawan sa pahina 26]

Taglay ng Aleppo Codex ang tekstong Masoretiko

[Credit Line]

Bibelmuseum, Münster

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share