Sino ang mga Masoret?
INIINGATAN ni Jehova, na siyang “Diyos ng katotohanan,” ang kaniyang Salita, ang Bibliya. (Awit 31:5) Ngunit yamang sinikap ni Satanas, ang kaaway ng katotohanan, na pasamain at sirain ito, papaano nakarating sa atin ang Bibliya ayon sa talagang pagkasulat nito?—Tingnan ang Mateo 13:39.
Ang bahagi ng sagot ay masusumpungan sa komento ni Propesor Robert Gordis: “Di-sapat ang naging pagpapahalaga sa nagawa ng mga Hebreong eskriba, na tinatawag na mga masoret o ‘mga tagapag-ingat ng tradisyon.’ Ang di-kilalang mga eskribang ito ang kumopya ng Sagradong Aklat taglay ang maingat at maibiging pagmamalasakit.” Bagaman karamihan sa mga tagakopyang ito ay nanatiling hindi natin kilala ngayon, ang pangalan ng isang pamilya ng mga Masoret ay malinaw na iniulat—Ben Asher. Ano ang alam natin tungkol sa kanila at sa kanilang mga kapuwa Masoret?
Ang Pamilyang Ben Asher
Ang bahagi ng Bibliya na orihinal na isinulat sa Hebreo, malimit tawaging ang Lumang Tipan, ay buong-katapatang kinopya ng mga Judiong eskriba. Mula noong ikaanim hanggang sa ikasampung siglo C.E., ang mga tagakopyang ito ay tinatawag na mga Masoret. Ano ang kasangkot sa kanilang gawain?
Sa loob ng mga siglo ang Hebreo ay isinusulat sa pamamagitan lamang ng mga katinig, ang bumabasa ang siyang naglalagay ng patinig. Gayunman, pagsapit ng panahon ng mga Masoret, ang wastong pagbigkas sa Hebreo ay hindi na alam dahil sa maraming Judio ang hindi na matatas sa wikang iyan. Ang mga grupo ng mga Masoret sa Babilonya at sa Israel ay nag-imbento ng mga tanda na ilalagay sa palibot ng mga katinig upang ipahiwatig ang diín at wastong bigkas ng mga patinig. Di-kukulangin sa tatlong iba’t ibang sistema ang nabuo, pero ang isa na napatunayang pinakamaimpluwensiya ay yaong sa mga Masoret sa Tiberias, sa tabi ng Dagat ng Galilea, ang tahanan ng pamilyang Ben Asher.
Ang mga pinagmumulan ng impormasyon ay nagtatala ng limang salinlahi ng mga Masoret buhat sa di-pangkaraniwang pamilya na ito, pasimula kay Asher na Matanda ng ikawalong siglo C.E. Ang iba ay sina Nehemiah Ben Asher, Asher Ben Nehemiah, Moses Ben Asher, at, ang pinakahuli, si Aaron Ben Moses Ben Asher ng ikasampung siglo C.E.a Ang mga lalaking ito ang nanguna doon sa mga nagsasaayos ng mga tanda na siyang pinakamainam na magpapahayag ng inaakala nilang wastong bigkas ng tekstong Hebreo ng Bibliya. Upang mabuo ang mga tandang ito, kailangang tiyakin nila ang saligan sa sistema ng balarilang Hebreo. Wala pang naisulat na tiyak na sistema ng mga alituntunin para sa balarilang Hebreo. Kaya masasabi ng isa na ang mga Masoret na ito ay kabilang sa mga unang dalubhasa sa balarilang Hebreo.
Si Aaron, ang pinakahuling Masoret sa tradisyon ng pamilyang Ben Asher, ang unang nagtala at nagsaayos ng impormasyong ito. Ginawa niya ang gayon sa isang akdang pinamagatang “Sefer Dikdukei ha-Te‘amim,” ang unang aklat ng mga alituntunin sa balarilang Hebreo. Ang aklat na ito ang naging saligan sa mga gawain ng ibang dalubhasa sa balarilang Hebreo sa loob ng sumunod na mga siglo. Ngunit ito ay isang produkto na nalikha lamang bunga ng isang mas mahalagang gawain ng mga Masoret. Ano iyon?
Kailangan ang Isang Pambihirang Memorya
Ang pangunahing layunin ng mga Masoret ay ang tumpak na paghahatid ng bawat salita, maging ng bawat titik, ng teksto sa Bibliya. Upang tiyakin ang katumpakan, ginamit ng mga Masoret ang mga mardyin ng bawat pahina upang itala ang impormasyon na magpapakita ng anumang posibleng pagbabago ng teksto na alinman sa di-sinasadya o kusang ginawa ng naunang mga tagakopya. Sa mga panggilid na talang ito, itinala rin ng mga Masoret ang mga di-pangkaraniwang anyo o kombinasyon ng mga salita, anupat minamarkahan kung gaano kadalas lumitaw ang mga ito sa isang aklat o sa buong Hebreong Kasulatan. Ang mga komentong ito ay isinulat sa pamamagitan ng pinakamaiikling daglat, yamang limitado ang espasyo. Bilang karagdagang kasangkapan sa pagsusuri, minamarkahan nila ang panggitnang salita at ang titik ng ilang aklat. Umabot pa sila sa punto na binibilang nila ang bawat titik ng Bibliya upang tiyakin ang wastong pagkopya.
Sa mardyin sa itaas at sa ibaba ng pahina, itinala ng mga Masoret ang mas mahahabang komento hinggil sa ilang dinaglat na talâ sa mardyin sa gilid.b Ang mga ito ay nakatulong sa pagsusuri ng kanilang gawa. Yamang ang mga talata ay hindi pa de numero noon at wala pang mga konkordansya sa Bibliya, papaano tinutukoy ng mga Masoret ang ibang bahagi ng Bibliya sa pagsusuring ito? Sa mardyin sa itaas at sa ibaba, itinala nila ang bahagi ng isang katulad na talata upang ipaalaala sa kanila kung saan masusumpungan sa Bibliya ang salita o mga salitang binanggit. Dahil sa limitadong espasyo, madalas na isusulat nila ang isa lamang susing salita upang ipaalaala sa kanila ang bawat katulad na talata. Upang magamit ang mga panggilid na talang ito, kailangang halos maisaulo ng mga tagakopyang ito ang buong Hebreong Bibliya.
Ang mga talaan na masyadong mahaba para sa mga mardyin ay inililipat sa ibang bahagi ng manuskrito. Halimbawa, ang Masoretikong talâ sa mardyin sa gilid para sa Genesis 18:3 ay nagpapakita ng tatlong Hebreong titik, קלד. Ito ang katumbas sa Hebreo ng numerong 134. Sa isa pang bahagi ng manuskrito, lumilitaw ang isang talaan na nagpapakita ng 134 na lugar kung saan ang pangalang Jehova ay kusang inalis buhat sa tekstong Hebreo ng mga taga-kopya bago ang mga Masoret, anupat pinalitan iyon ng salitang “Panginoon.”c Bagaman batid ang mga pagbabagong ito, hindi minabuti ng mga Masoret na baguhin ang teksto na ipinasa sa kanila. Sa halip, ipinakita nila ang mga pagbabagong ito sa kanilang panggilid na mga talâ. Ngunit bakit gayon na lamang ang pag-iingat ng mga Masoret na hindi baguhin ang teksto gayong binago iyon ng mga naunang tagakopya? Ang kanila bang anyo ng paniniwalang Judio ay naiiba buhat sa kanilang mga hinalinhan?
Ano ang Pinaniniwalaan Nila?
Sa panahong ito ng Masoretikong pagsulong, ang Judaismo ay nasangkot sa isang malalim na pagtatalo sa ideolohiya. Sapol noong unang siglo C.E., lumalaki ang impluwensiya ng rabinikong Judaismo. Dahil sa pagsulat ng Talmud at mga pagpapaliwanag ng mga rabbi, ang Biblikal na teksto ay nagiging pangalawa na lamang sa rabinikong pagpapaliwanag ng binigkas na batas. Samakatuwid, ang maingat na pagpapanatili sa teksto ng Bibliya ay maaaring mawalan ng halaga.
Noong ikawalong siglo, isang grupong nakilala bilang mga Karaite ang naghimagsik laban sa kalakarang ito. Palibhasa’y idiniriin ang kahalagahan ng personal na pag-aaral ng Bibliya, tinanggihan nila ang awtoridad at pagpapaliwanag ng mga rabbi at ang Talmud. Ang teksto lamang ng Bibliya ang tinanggap nila bilang kanilang awtoridad. Dahil dito ay lumaki ang pangangailangan para sa tumpak na paghahatid ng tekstong iyan, at ang Masoretikong mga pag-aaral ay nagkaroon ng panibagong sigla.
Hanggang saan naimpluwensiyahan ng alinman sa paniniwalang rabiniko o Karaite ang mga Masoret? Ganito ang sabi ni M. H. Goshen-Gottstein, isang eksperto sa mga manuskrito ng Hebreong Bibliya: “Kumbinsido ang mga Masoret . . . na sinusunod nila ang isang sinaunang tradisyon, at ang sadyang paglabag doon ay magiging isang pinakamalubhang krimen na nagawa nila.”
Minalas ng mga Masoret ang wastong pagkopya ng teksto ng Bibliya bilang isang banal na gawain. Bagaman sila ay maaaring personal na naganyak ng ibang relihiyosong bagay, waring ang Masoretikong gawain sa ganang sarili ay nakahihigit sa ideolohikal na mga isyu. Dahil sa maiikli ngunit nakapagtuturong panggilid na talâ ay wala na halos pagkakataon para sa teolohikal na pagtatalo. Ang teksto ng Bibliya sa ganang sarili ang siyang kanilang interes sa buhay; hindi nila iyon binabago.
Makinabang sa Kanilang Gawa
Bagaman ang likas na Israel ay hindi na ang piniling bayan ng Diyos, ang mga Judiong tagakopyang ito ay lubusang nakaalay sa tumpak na pag-iingat ng Salita ng Diyos. (Mateo 21:42-44; 23:37, 38) Mabuti ang pagkabuod ni Robert Gordis sa nagawa ng pamilyang Ben Asher at ng ibang Masoret: “Yaong mga mapagpakumbaba ngunit matatag na mga manggagawang iyon . . . ay walang-pagpaparangalang gumanap ng isang pambihirang gawain ng pag-iingat sa Biblikal na Teksto laban sa pagkawala o pagbabago.” (The Biblical Text in the Making) Bilang resulta, nang ang ika-16-na-siglong mga Repormador na gaya nina Luther at Tyndale ay sumuway sa awtoridad ng simbahan at nagsimulang isalin ang Bibliya sa karaniwang mga wika para mabasa ng lahat, taglay nila ang naingatang tekstong Hebreo upang magamit bilang batayan sa kanilang gawa.
Patuloy nating pinakikinabangan sa ngayon ang gawa ng mga Masoret. Ang kanilang mga tekstong Hebreo ang bumubuo ng saligan para sa Hebreong Kasulatan ng New World Translation of the Holy Scriptures. Ang salin na ito ay patuloy na isinasalin sa maraming wika taglay ang gayunding saloobin ng pag-aalay at interes ukol sa kawastuan na ipinakita ng sinaunang mga Masoret. Nararapat din tayong magpakita nang gayunding saloobin sa pagbibigay pansin sa Salita ng Diyos na Jehova.—2 Pedro 1:19.
[Mga talababa]
a Sa Hebreo ang “ben” ay nangangahulugang “anak.” Samakatuwid ang Ben Asher ay nangangahulugang “anak ni Asher.”
b Ang mga Masoretikong talâ sa mga mardyin sa gilid ay tinatawag na Maliit na Masora. Ang mga talâ sa mga mardyin sa itaas at sa ibaba ay tinatawag na Malaking Masora. Ang mga talâ na inilagay sa ibang dako ng manuskrito ay tinatawag na Panghuling Masora.
c Tingnan ang Appendix 1B sa New World Translation of the Holy Scriptures With References.
[Kahon/Larawan sa pahina 28]
Ang Sistema Para sa Hebreong Pagbigkas
ANG paghahanap sa pinakamahusay na sistema ng pagtatala ng mga tanda ng patinig at mga tuldik sa pagdiriin ay tumagal nang mga siglo sa gitna ng mga Masoret. Kaya naman, hindi kataka-taka na masumpungan ang patuloy na pag-unlad sa bawat salinlahi ng pamilyang Ben Asher. Ang nalalabing mga manuskrito ay kumakatawan lamang sa mga istilo at pamamaraan ng dalawang pinakahuling Masoret ng pamilyang Ben Asher, sina Moses at Aaron.d Ang isang may-paghahambing na pag-aaral ng mga manuskritong ito ay nagpapakita na si Aaron ay bumuo ng mga alituntunin hinggil sa ilang maliliit na punto ng pagbigkas at pagtatala na naiiba doon sa ginawa ng kaniyang ama, si Moses.
Si Ben Naphtali ay kapanahon ni Aaron Ben Asher. Ang Cairo Codex ni Moses Ben Asher ay naglalaman ng maraming pagbasa na ipinalalagay na kay Ben Naphtali. Kung gayon, alinman sa nag-aral si Ben Naphtali mismo sa ilalim ni Moses Ben Asher o kapuwa nila iningatan ang isang mas sinaunang karaniwang tradisyon. Maraming iskolar ang bumabanggit ng pagkakaiba sa pagitan ng mga sistemang Ben Asher at Ben Naphtali, subalit ganito ang isinulat ni M. H. Goshen-Gottstein: “Hindi magiging malayo sa katotohanan na bumanggit tungkol sa dalawang sekundaryong sistema sa ilalim ng pamilyang Ben Asher at tukuyin ang pagkakaiba ng mga pagbasa: Ben Asher versus Ben Asher.” Kaya di-tumpak na bumanggit ng isa lamang pamamaraang Ben Asher. Hindi iyon bunga ng likas na kahigitan kung kaya ang mga pamamaraan ni Aaron Ben Asher ang siyang anyo na huling tinanggap. Dahil lamang sa pinuri ng ika-12-siglong iskolar sa Talmud na si Moses Maimonides ang tekstong Aaron Ben Asher kung kaya iyon ang napili.
[Artwork—Hebrew characters]
Bahagi ng Exodo 6:2 na mayroon at walang tanda ng patinig at mga tuldik sa pagdiriin
[Talababa]
d Ang Cairo Codex (896 C.E.), na naglalaman lamang ng nauna at sumunod na mga propeta, ay naglalaan ng isang halimbawa ng pamamaraan ni Moses. Ang Aleppo (c.925 C.E.) at Leningrad (1008 C.E.) na mga codex ay itinuturing na mga halimbawa ng pamamaraan ni Aaron Ben Asher.
[Larawan sa pahina 26]
Tiberias, ang sentro ng gawaing Masoretiko buhat noong ikawalo hanggang ikasampung siglo
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.