Bakit Napakadaling Magsinungaling?
HINDI ibig ninuman na siya’y pagsinungalingan. Subalit, ang mga tao sa buong daigdig ay nagsisinungaling sa isa’t isa sa sari-saring dahilan. Isang surbey na nalathala sa aklat na The Day America Told the Truth, nina James Patterson at Peter Kim, ang nagbunyag na 91 porsiyento ng mga Amerikano ang regular na nagsisinungaling. Ang mga awtor ay nagsabi: “Karamihan sa atin ang nahihirapang mabuhay ng isang linggo nang hindi nagsisinungaling. Isa sa lima ang hindi makagawa nito kahit sa isang araw—at ang ibig naming tukuyin ay ang sinadya, pinag-aralang mga pagsisinungaling.”
Ang pagsisinungaling ay karaniwang kaugalian sa halos lahat ng pitak ng buhay sa modernong panahon. Ang mga pinunò sa pamahalaan ay nagsisinungaling sa kanilang mga mamamayan at sa isa’t isa. Ulit at ulit, sila’y mapapanood sa telebisyon na nagtatatwa ng anumang koneksiyon sa iskandalosong mga pakana na kanilang aktuwal na kinasasangkutan. Si Sissela Bok, sa kaniyang aklat na Lying—Moral Choice in Public and Private Life, ay may ganitong puna: “Sa batas at sa pamamahayag, sa gobyerno at sa siyensiyang panlipunan, ang pandaraya ay ipinagpapalagay na maaaring tanggapin pagka ito’y inakalang mapagpapaumanhinan niyaong nagsasabi ng mga kasinungalingan at siya ring gumagawa ng mga alituntunin.”
Tumutukoy sa pagsisinungaling ng mga pulitiko sa Estados Unidos, ganito ang puna ng Common Cause Magazine ng Mayo/Hunyo 1989: “Ang Watergate at Vietnam ay tunay na karibal ng Iran-contra ayon sa termino ng pandaraya sa gobyerno at kawalan ng tiwala ng publiko. Kaya ano ang mga kalagayan noong panahon ni Reagan na walang ipinagkakaiba? Marami ang nagsinungaling din ngunit kakaunti ang nagsisi.” Samakatuwid, may mabuting dahilan na ang karaniwang mga mamamayan ay hindi na nagtitiwala sa kanilang mga pinunong pulitiko.
Sa relasyon ng mga bansa nahihirapan ang gayong mga pinunò na magtiwala sa isa’t isa. Ganito ang puna ng Griegong pilosopong si Plato: “Ang mga pinunò ng Estado . . . ay pinapayagang magsinungaling ukol sa ikabubuti ng Estado.” Sa relasyon ng mga bansa ay natutupad ang hula ng Bibliya sa Daniel 11:27 na nagsasabi: “Sa isang hapag ang kasinungalingan ang kanilang patuloy na sasalitain.”
Sa daigdig ng negosyo, palasak ang pagsisinungaling tungkol sa mga produkto at mga serbisyo. Ang mga mamimili ay kailangang pumasok sa kontrata nang buong-ingat, na tinitiyak na basahin ang maliliit na letrang mga patalastas. Ang ilang bansa ay may mga ahensiya sa gobyerno na tagapag-areglo upang protektahan ang mga tao buhat sa pandarayang pag-aanunsiyo, buhat sa nakapipinsalang mga kalakal na iniaanunsiyong kapaki-pakinabang o walang naidudulot na pinsala, at buhat sa mga panghuhuwad. Sa kabila ng mga pagsisikap na ito, ang mga tao ay nagpapatuloy na malugi dahil sa sinungaling na mangangalakal.
Para sa ilan, ang pagsisinungaling ay napakadali anupat ito’y naging kaugalian na. Ang iba ay karaniwan nang mapagtapat, subalit pagka nasa gipit na kalagayan sila ay nagsisinungaling. Kakaunti ang tumatangging magsinungaling sa ilalim ng anumang mga kalagayan.
Ang kasinungalingan ay binibigyang katuturan bilang “1. isang walang katotohanang pangungusap o pagkilos, lalo na ang isa na ginawa sa intensiyon na mandaya . . . 2. ano man na nagbibigay o may layuning magbigay ng di-tunay na impresyon.” Ang intensiyon ay akayin ang iba na maniwala sa isang bagay na alam ng nagsisinungaling na hindi iyon ang katotohanan. Sa pamamagitan ng mga kasinungalingan o pagsasalita na may bahagyang katotohanan, kaniyang sinisikap na dayain yaong mga may karapatan na makaalam ng katotohanan.
Mga Dahilan sa Pagsisinungaling
Maraming dahilan ang mga tao sa pagsisinungaling. May ibang nag-aakala na sila’y obligadong magsinungaling tungkol sa kanilang mga abilidad upang maging una sa sanlibutang ito ng kompetisyon. Ang iba naman ay nagsisikap na pagtakpan ang pagkakamali o kasalanan sa pamamagitan ng mga kabulaanan. Mayroon pa ring iba na nagpapalsipika ng mga ulat upang magbigay ng impresyon na sila ay gumawa ng gawain na hindi naman nila ginawa. At mayroon ding mga nagsisinungaling upang pinsalain ang mabuting pangalan ng iba, upang maiwasan ang pagkapahiya, upang ariing-matuwid ang dati nang mga kasinungalingan, o upang kuwartahan ang mga tao.
Ang karaniwang pagmamatuwid tungkol sa isang kasinungalingan ay na iniingatan nito ang ibang tao. Itinuturing ng iba na ito’y isang white lie sapagkat inaakala nilang hindi naman nakapipinsala kaninuman. Ngunit ang tinatawag bang “white lie“ ay talagang hindi nag-iiwan ng anumang masamang epekto?
Pag-isipan ang mga Epekto
Ang mga white lie ay maaaring magsilbing isang parisan na hahantong sa kinaugaliang pagsisinungaling na maaaring mapasangkot ang lalong seryosong mga bagay. Si Sissela Bok ay may ganitong komento: “Lahat ng mga pagsisinungaling na ipinagtatanggol bilang ‘white’ (puti) ay hindi madaling maipagwalang-bahala. Unang-una, tiyak na tututulan ang pagsasabi na hindi nakapipinsala ang mga kasinungalingan. Ang inaakala ng nagsisinungaling na hindi nakapipinsala o nakabubuti pa nga ay maaaring hindi gayon sa paningin ng dinaya.”
Ang mga kasinungalingan, bagaman waring hindi nakapipinsala, ay nakasisira ng mabuting ugnayan ng mga tao. Ang sinungaling ay nalalagay sa alanganin kung baga siya ay paniniwalaan pa, at siya’y maaaring hindi na pagtiwalaan. Ang tanyag na manunulat ng sanaysay na si Ralph Waldo Emerson ay sumulat: “Bawat paglabag sa katotohanan ay hindi lamang pagpapatiwakal ng nagsinungaling, kundi isang pagpapariwara sa kalusugan ng lipunan ng sangkatauhan.”
Madali para sa isang sinungaling na magsinungaling tungkol sa isang tao. Bagaman siya’y hindi naghaharap ng patotoo, ang kaniyang pagsisinungaling ay lumilikha ng duda, at marami ang naniniwala sa kaniya na hindi nagsusuri muna ng kaniyang sinabi. Sa gayon ang mabuting pangalan ng taong walang malay ay napinsala, at nasa kaniya ang pananagutan na patunayan ang kaniyang kawalang-malay. Samakatuwid, nakalulungkot pagka ang mga tao ay naniwala sa sinungaling imbes na sa taong walang malay, at sinisira nito ang relasyon ng isang walang malay sa isang sinungaling.
Ang isang sinungaling ay madaling makakaugalian ang pagsisinungaling. Ang isang pagsisinungaling ay karaniwan nang humahantong sa isa pa. Si Thomas Jefferson, isang sinaunang istadistang Amerikano, ay may puna: “Walang bisyong napakaimbi, napakakaawa-awa, napakakamuhi-muhi; at siyang pumapayag na magsinungaling minsan, iyon ay nagiging mas madali kung pangalawa at pangatlong beses, hanggang sa wakas ay nagiging kaugalian na.” Ito ang daan patungo sa pagbagsak ng moral.
Ang Dahilan Kung Kaya Madaling Magsinungaling
Ang pagsisinungaling ay nagsimula nang ang isang mapaghimagsik na anghel ay nagsinungaling sa unang babae, na sinabihan siyang hindi siya mamamatay kung susuway sa kaniyang Maylikha. Nagbunga ito ng walang kaparis na pinsala sa buong sangkatauhan, na nagdala ng di-kasakdalan, sakit, at kamatayan sa lahat.—Genesis 3:1-4; Roma 5:12.
Mula nang panahon ng masuwaying sina Adan at Eva, ang nakapipinsalang impluwensiya ng amang ito ng kasinungalingan ay lumikha ng mga kalagayan sa sanlibutan ng sangkatauhan na nagbibigay-daan sa pagsisinungaling. (Juan 8:44) Ito ay isang nabubulok na sanlibutan na kung saan ang katotohanan ay relatibo lamang. Ang The Saturday Evening Post ng Setyembre 1986 ay may puna na ang suliranin ng pagsisinungaling ay “may epekto sa negosyo, gobyerno, edukasyon, libangan, at sa karaniwang pang-araw-araw na relasyon sa pagitan ng mga kapuwa mamamayan at mga kapitbahay. . . . Ating tinanggap ang teoriya ng relatibismo, ang kaisa-isang malaking kasinungalingan na nagsasabing walang ganap na mga katotohanan.”
Gayon ang punto de vista ng pusakal na mga sinungaling, na walang awa sa mga dinaraya nila. Madali sa kanila ang magsinungaling. Ito ang kanilang paraan ng pamumuhay. Subalit ang iba na hindi naman pusakal na mga sinungaling ay maaaring nagsisinungaling na may pag-aatubili dahilan sa takot—takot na mapabunyag, takot na maparusahan, atbp. Ito’y kahinaan ng di-sakdal na laman. Papaanong ang hilig na ito ay mahahalinhan ng determinasyon na magsalita ng katotohanan?
Bakit Magsasalita ng Katotohanan?
Ang katotohanan ang pamantayan na itinakda para sa lahat ng ating dakilang Maylikha. Ang kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya, ay nagsasabi sa Hebreo 6:18 na “imposibleng magsinungaling ang Diyos.” Ang pamantayan ding ito ang itinaguyod ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na personal na kinatawan ng Diyos sa lupa. Sa mga pinunong relihiyosong Judio na nagtangkang patayin siya, sinabi ni Jesus: “Ngayon inyong hinahangad na patayin ako, isang taong nagsalita sa inyo ng katotohanan na narinig ko sa Diyos. . . . At kung sinabi kong hindi ko nakikilala siya ako’y magiging katulad ninyo, isang sinungaling.” (Juan 8:40, 55) Siya’y nagsilbing isang modelo para sa atin sapagkat “siya’y hindi nakagawa ng anumang kasalanan, ni nakasumpong man ng pandaraya sa kaniyang bibig.”—1 Pedro 2:21, 22.
Ang ating Maylikha, na Jehova ang pangalan, ay napopoot sa pagsisinungaling, gaya ng malinaw na sinasabi ng Kawikaan 6:16-19: “May anim na bagay na kinapopootan si Jehova; oo, pito ang mga bagay na kasuklam-suklam sa kaniyang kaluluwa: palalong mga mata, isang dilang sinungaling, at mga kamay na nagbububo ng walang kasalanang dugo, isang pusong kumakatha ng masasamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan, sinungaling na saksi na nagsasalita ng kasinungalingan, at ang naghahasik ng pagtatalu-talo sa gitna ng mga magkakapatid.”
Kahilingan sa atin ng Diyos na ito ng katotohanan na mamuhay tayo ayon sa kaniyang mga pamantayan upang tanggapin ang kaniyang pagsang-ayon. Ang kaniyang kinasihang Salita ay nag-uutos sa atin: “Huwag kayong magbubulaan sa isa’t isa. Hubarin ninyo ang dating pagkatao at ang mga kinaugalian nito.” (Colosas 3:9) Ang mga taong tumatangging huminto sa kinaugaliang pagsisinungaling ay hindi nakalulugod sa kaniya; sila’y hindi tatanggap ng kaniyang kaloob na buhay. Sa katunayan, ang Awit 5:6 ay tuwirang nagsasabi na “lilipulin [ng Diyos] ang mga nagsasalita ng kasinungalingan.” Ang Apocalipsis 21:8 ay nagsasabi pa rin na ang bahagi ng “lahat ng sinungaling” ay “ang ikalawang kamatayan,” na walang-hanggang pagkapuksa. Kaya ang ating pagtanggap sa pananaw ng Diyos tungkol sa pagsisinungaling ay nagbibigay sa atin ng matibay na dahilan na magsalita ng katotohanan.
Subalit ano ang dapat gawin sa isang kalagayan kung saan ang katotohanan ay maaaring lumikha ng kahiya-hiyang kalagayan o samaan ng loob? Ang pagsisinungaling kailanman ay hindi siyang solusyon, kundi ang hindi pagsasalita ng anuman kung minsan ang lunas. Bakit magsasalita ng mga kasinungalingan na maaaring sumira ng iyong kredibilidad at magpangyaring hindi mo tamuhin ang pagsang-ayon ng Diyos?
Bunga ng takot at ng kahinaan ng tao, ang isa ay maaaring matukso na magkanlong sa isang kasinungalingan. Iyan ang pinakamadaling magagawa o maling pagpapakita ng kabaitan. Si apostol Pedro ay napadala sa ganiyang tukso nang makaitlong ikinaila niya na kilala niya si Jesu-Kristo. Pagkatapos, kaniyang pinagsisihan nang gayon na lamang ang kaniyang pagsisinungaling. (Lucas 22:54-62) Dahil sa kaniyang tunay na pagsisisi ay pinatawad siya ng Diyos, na pinatutunayan ng bagay na nang bandang huli siya’y pinagpala sa maraming pribilehiyo ng paglilingkod. Ang pagsisisi na taglay ang determinadong desisyon na huminto ng pagsisinungaling ang kailangang gawin upang ang isa’y patawarin sa mga bagay na kinapopootan ng Diyos.
Subalit imbes na humanap ng kapatawaran pagkatapos ng isang pagsisinungaling, ingatan ang mabuting kaugnayan sa iyong Maylikha at panatilihin ang iyong kredibilidad sa iba sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan. Alalahanin na ang Awit 15:1, 2 ay nagsasabi: “ ‘Oh Jehova, sino ang makapanunuluyang panauhin sa iyong tabernakulo”? Sino ang tatahan sa iyong banal na bundok? Siyang lumalakad na matuwid at gumagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.”