Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pagpapakain sa mga Nagugutom sa Espirituwal—Sa Paaralan
“MALIGAYA ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” sabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Mateo 5:3) Maraming mag-aarál ang nauuhaw sa kaalaman sa Diyos at sa kaniyang kahanga-hangang layunin. Ibig nila ng mga sagot sa mga tanong tungkol sa buhay at ibig malaman kung papaano sila dapat mamuhay upang tumanggap ng pagsang-ayon ng Diyos at maging maligaya. Ito ay nakita sa isang paaralan sa Virgin Islands ng mga Britano. Isa sa mga Saksi ni Jehova roon ang naglalahad:
◻ “Ako’y dumalo sa isang miting ng mga magulang at mga guro sa lokal na paaralan, at marami ang binanggit tungkol sa mga droga, pag-inom, pakikipag-date, panonood ng TV, marka sa paaralan, at iba pang mga bagay, kaya minabuti kong kunin ang aklat na Mga Tanong ng Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas at ipakita iyon sa babaing prinsipal. Pagkasuri niya sa aklat, sinabi niyang ito ang talagang kailangan nila at nagtanong kung ang paaralan ay maaaring makakuha ng isang kopya para sa bawat isa ng 120 mag-aarál. Ang bagay na iyon ay tinalakay kasama ng matatanda sa kongregasyon, at kanilang ipinasiya na ibigay bilang donasyon ang mga aklat sa paaralan. Nang aming banggitin ito, hiniling ng mga guro na ang mga aklat ay iharap sa kalipunan ng mga mag-aarál. Dalawang Saksi ang naparoon, at ang silid ay napuno ng mga mag-aarál, na naghihintay sa kanila. Ang mga kapatid na lalaki ay nagpahayag nang kalahating oras, at mga karanasan na nagpapakita kung papaano nakatulong ang aklat sa mga bata at mga may edad na ang binasa buhat sa mga magasin ng Samahang Watch Tower. Pagkatapos ay iniharap ang aklat sa nananabik na mga mag-aarál.”
Isang kagalakang malaman na ang paaralan ay nagpasiyang gamitin ang aklat bilang bahagi ng regular na mga kurso sa ikaapat- at ikalimang-grado. Tunay na sasagutin nito ang maraming katanungan ng mga estudyanteng ito kung tungkol sa buhay at sa hinaharap.
Pagpapakain sa mga Gutóm sa Espirituwal—Sa Papua New Guinea
Ang sumusunod na karanasan ay tinanggap buhat sa isang naglalakbay na tagapangasiwa. Ipinakikita ang laki ng espirituwal na gutom ng mga tao sa bansang iyan at kung gaano kaepektibo ang ating mga lathalain sa Bibliya sa pagpawi sa kanilang gutom.
◻ “Yamang hindi ko nadalaw ang nayon ng Kamberatoro,” anang tagapangasiwa, “ginugol ko ang aking panahon ng paglilingkod kasama ang munting kongregasyon sa Vanimo. Maraming interesado roon. May mga tao sa Bewani na tumanggap ng literatura. Isang lalaki ang nag-anyaya sa akin na pumaroon at dalawin ang nayon na ito, at bibigyan niya ako ng matutuluyan. Marami ang nakakakilala na sa ating literatura. Tuwing pupunta kami sa bayan ng Vanimo, kami’y nauubusan ng literatura bagaman ang dala namin ay tatlong kahon ng mga aklat. Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya ay itinuturing na singhalaga ng ginto. Hinahanap-hanap iyon ng mga tao. Ang mga aklat na dala ko ay napakabilis na naipasakamay. Pagka aming ipinakita sa mga tao ang aming literatura, ang ilan ay magtatanong: ‘Nasaan ang aklat na dilaw?’ Isang lalaki ang pumidido ng anim. Ibinigay niya sa akin ang kaniyang pangalan at tirahan at ipinasabi sa akin na gumawa ng isang patalastas sa radyo pagka tinanggap ko na ang mga iyon. Kung magkagayon ay manggagaling siya sa kaniyang nayon upang kunin ang mga iyon.” Isinusog ng naglalakbay na tagapangasiwa: “Natuklasan ko na maraming tao sa Vanimo ang tumanggap sa mga aklat na Paghahanap ng Tao sa Diyos at Mga Tanong ng Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.”
Ipinakikita nito ang laki ng pagkagutom ng tapat-pusong mga tao sa espirituwal na pagkaing nasa Bibliya at sa mga lathalain na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Anong ligaya ng mga Saksi ni Jehova na makatulong sa mga taong ito na gutóm sa katotohanan!
[Larawan sa pahina 19]
Pagpapatotoo sa Papua New Guinea