Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Pananagumpay sa mga Hamon sa “Lupain ng mga Di-sukat Akalain”
NAGTANONG si apostol Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano sa Corinto: “Kung ang trumpeta ay nagpapatunog ng isang di-malinaw na panawagan, sino ang maghahanda para sa pakikipagbaka? Sa gayunding paraan, malibang bumigkas kayo sa pamamagitan ng dila ng pananalitang madaling maunawaan, paano malalaman kung ano ang sinasalita?”—1 Corinto 14:8, 9.
Sa Papua New Guinea, na kung minsa’y tinatawag na Lupain ng mga Di-Sukat Akalain, ang mga mga Saksi ni Jehova ay napapaharap sa mahihirap na hadlang sa pangangaral ng malinaw na mensahe ng Bibliya. Nangangaral sila sa mga tao na may mahigit na 700 iba’t ibang wika at may napakaraming iba’t ibang kaugalian. Napapaharap din ang mga Saksi sa bulubunduking lupain, kakulangan ng mga lansangan, at paglago ng krimen. Bukod sa lahat ng kahirapang ito, may pananalansang pa mula sa ilang relihiyosong grupo at, kung minsan, mula pa nga sa mga opisyal ng paaralan.
Gayunpaman, ang mahusay na espirituwal na pagtuturo at ang dumaraming aklatan ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya sa lokal na mga wika ay nagsasangkap sa mga Saksi upang malinaw na maitawid ang mabuting balita. Malimit na positibo ang pagtugon, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga ulat:
• Sa pasimula ng isang panibagong taon ng pasukan, nais malaman ng isang guro kung bakit ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay hindi sumasaludo sa bandila o umaawit ng pambansang awit. Itinanong niya ito kay Maiola, isang 13-taong-gulang na estudyante na isang bautisadong Saksi. Nagbigay si Maiola ng isang malinaw at maka-Kasulatang paliwanag. Tinanggap ng guro ang kaniyang paliwanag yamang ito ay hango sa Bibliya. Ang kaniyang paliwanag ay ipinaalam din sa iba pang tauhan ng paaralan.
Di-nagtagal, nang atasan ang mga estudyante na sumulat ng mga sanaysay, pinili ni Maiola ang paksa tungkol sa Trinidad. Ang kaniyang sanaysay ang tumanggap ng pinakamataas na marka sa klase, at itinanong ng guro sa kaniya kung saan niya nasumpungan ang impormasyon. Ipinakita niya sa guro ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa sa wikang Ingles. Iniharap naman ng guro ang aklat sa buong klase, at marami ang gustong magkaroon ng sariling kopya. Kinabukasan, nakapagpasakamay si Maiola ng 14 na aklat at 7 magasin sa kaniyang mga kamag-aral, at napasimulan niya ang pag-aaral ng Bibliya sa tatlo sa mga ito. Tunguhin ni Maiola na maging isang buong-panahong ministro.
• Isang nakabukod na grupo ng mga Saksi ni Jehova sa isang nayon sa baybaying-dagat malapit sa Port Moresby ang napaharap sa pagsalansang sapol noong pagsisimula ng dekada ng 1970. Subalit kamakailan, nakatanggap sila ng tulong buhat sa di-inaasahang pagmumulan. Isang araw, ang obispo ng United Church doon, isang katutubo sa Papua New Guinea na nag-aral sa ibang bansa, ay nagpasigla sa mga nagsimba na magtanong. Nagtanong ang isang lalaki: “May dalawang relihiyon sa ating nayon—ang United Church at ang mga Saksi ni Jehova. Ano ang dapat naming gawin kapag dumalaw sa aming tahanan ang mga Saksi?” Pagkatapos huminto nang matagal, sumagot ang obispo: “Alam n’yo, hindi ko talaga batid kung ano ang sasabihin ko sa inyo. Kamakailan, dalawang kabataang Saksi ang dumalaw sa aking tahanan. Tinanong nila ako, at sa kabila ng lahat ng pagsasanay ko sa pamantasan, hindi ko alam ang sagot. Subalit madali nilang naibigay sa akin ang sagot buhat sa Bibliya. Kaya hindi ko sasabihin sa inyo kung ano ang inyong gagawin—bahala na kayo. Huwag kayong makinig kung ayaw ninyo, subalit huwag kayong maging marahas sa kanila.”
Isang naglalakbay na kinatawan ng Samahang Watch Tower na nang maglao’y dumalaw sa grupong ito ng mga Saksi ang nag-ulat: “Halos lahat sa nayon ay nakinig sa mga Saksi nang sila ay mangaral. Inanyayahan pa nga sila ng ilan sa kanilang mga tahanan. Ito ay isang paraiso para sa pangangaral ngayon.”