Ginagawa Mo ba ang Iyong Buong Kaya?
“GAGAWIN ko ang aking buong kaya.” Anong daming beses na ang mga salitang ito ay sinusundan ng “ngunit” at isang mahabang listahan ng mga dahilan sa hindi paggawa ng isa ng kaniyang buong kaya! Kumusta naman ang ating pag-aalay kay Jehova? Atin bang tinutupad ang ating pangako na gawin ang ating buong kaya para sa kaniya?
Ang pag-aalay ay nangangahulugang ‘gamitin ang sarili nang bukod-tangi sa paglilingkod o pagsamba sa Diyos o sa kabanalan.’ Malaki ang nagawa ni Jesus upang ipakita kung ano ang nasasangkot sa pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagsasabi: “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, itakwil niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy na sumunod sa akin.” (Mateo 16:24) Para sa isang nagtakwil ng kaniyang sarili at nag-alay ng kaniyang sarili sa Diyos ang paggawa ng banal na kalooban ang pinakamahalagang tunguhin niya sa buhay.
Bilang mga nag-alay, kailangang pakasuriin natin ang ating sarili upang alamin kung tayo’y nakatutupad ng ating pagkaalay. Ipinakita ni Pedro kung bakit tayo’y dapat magsuri sa ating mga sarili nang kaniyang himukin ang pinahirang mga Kristiyano: “Gawin ninyo ang inyong buong kaya upang makatiyak kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo; sapagkat kung patuloy na gagawin ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay hindi mabibigo sa anumang paraan.” (2 Pedro 1:10) Oo, kung gagawin natin ang ating buong kaya, hindi tayo magtatamo kailanman ng espirituwal na kabiguan.
Ang Ating Buong Kaya ay Maaaring Pasulungin Pa
Sa lalong malawak na diwa, lahat ng nag-alay na mga lingkod ng Diyos ay inaasahang gagawa ng kanilang buong kaya, o ng kanilang pinakamagaling, upang mapalugdan si Jehova. Gayunman, ang ating buong kaya sa paggawa ng kalooban ng Diyos ay maaaring pasulungin. Para sa isang tatlong-taóng-gulang na batang lalaki, ang pagganap ng isang karaniwang trabaho ang maaaring pinakamagaling na magagawa niya upang tulungan ang kaniyang ina, subalit habang siya’y lumalaki, higit pa ang magagawa niya. Gayundin naman sa ating espirituwal na paglaki—ang ating dating buong kaya ay maaaring hindi na gayon. Tayo’y naaantig na gumawa ng higit pa para kay Jehova.
Ang ating lumaking pagpapahalaga kay Jehova ang humihila sa atin na gumawa ng higit pa. Ang pagpapahalaga sa kaniyang nagawa para sa atin ay pinatitibay sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Halimbawa, pagka ating maingat na sinuri at binulay-bulay kung papaano sinugo ni Jehova ang kaniyang Anak upang ibigay ang kaniyang kaluluwa para makalaya ang sangkatauhan sa kasalanan, tayo’y naaantig na maglingkod sa Pinagmulan ng kaayusang pantubos. (Juan 3:16, 17; 1 Juan 4:9-11) Mientras “ating nararanasan at nakikita na si Jehova ay mabuti,” lalo namang naaantig ang ating mga puso na maglingkod sa kaniya.—Awit 34:8.
Ganito ang natalos ng isang buong-panahong ministro na nagngangalang Jetter. Upang makapagsaliksik nang lalong malawak sa kaniyang pinag-aaralan, isang maliit na kuwarto sa kaniyang bahay ang ginamit niya para sa layuning iyan. Kaniyang inayos iyon upang siya’y makapagtutok ng kaniyang isip habang nagsasaliksik. Siya’y mayroong mga Watch Tower Publication Index at gayundin ng mga pinabalatang tomo ng Ang Batayan at Gumising! sa lagayan ng mga aklat. “Pagka ako’y nagsasaliksik ng kawili-wiling impormasyon,” aniya, “ako’y sabik na sabik na ibahagi iyon sa iba.”
Gayunpaman, kung papaanong ang pagkain ng isang marangyang pananghalian paminsan-minsan ay hindi nag-aalis sa isang tao ng araw-araw na pangangailangang kumain ng regular na pananghalian, ang isang malawak ngunit minsanang pagsasaliksik sa Bibliya ay hindi nag-aalis ng araw-araw na pangangailangang kumain ng espirituwal na pagkain. Pinahahalagahan ni Ruth ang ganitong pangangailangan, sapagkat sa mula’t sapol na kaniyang natatandaan, ang kaniyang pamilya ay bumabasa ng Bibliya nang sama-sama tuwing umaga at gabi-gabi pagkatapos kumain. Ngayon, sa edad na 81 anyos, pagkatapos gumugol ng mahigit na 60 taon sa buong-panahong ministeryo, nagbabasa pa rin siya ng Bibliya nang palagian pagkagising sa ika-6:00 n.u. Pagkatanggap na pagkatanggap niya ng mga magasing Bantayan at Gumising!, si Ruth ay nagsasaayos ng panahon upang basahin ang mga ito. Kaniyang napag-aaralan ang isang artikulo nang mga tatlo o apat na beses bago pag-aralan iyon sa kongregasyon. “Ang pag-aaral ng Salita ng Diyos ang kailangan ninyo upang manatiling matatag sa pananampalataya,” aniya. Ito’y tumulong din sa kaniya na magpatuloy sa paglilingkurang misyonero nang maraming taon.
Paggawa ng Ating Buong Kaya sa Pagtulong sa Iba
Sa pamamagitan ng isang malawak at regular na pag-aaral ng salita ng Diyos, ang ating sigasig na maglingkod sa Diyos ay umuunlad, at isang bagay sa loob natin ang nag-uudyok sa atin na gumawa ng higit pa. (Ihambing ang Jeremias 20:9.) Ang gayong sigasig ang umantig kay Hirohisa upang lubusang ganapin ang kaniyang ministeryo. (2 Timoteo 4:5) Siya’y nakatira sa tahanan ng kaniyang kaisa-isang magulang, ang kaniyang ina, kasama ang kaniyang apat na nakababatang kapatid. Nang siya’y tin-edyer pa lamang, si Hirohisa ay tumulong ng pagtustos sa kaniyang pamilya sa pamamagitan ng paggising ng alas-tres ng umaga upang magrasyon ng peryodiko. Ibig niyang gumawa ng higit pa sa pagbabalita sa iba tungkol kay Jehova, kaya si Hirohisa ay pumasok sa pagpapayunir, gaya ng tawag sa buong-panahong ministeryo ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman siya’y isang bata, natutuwa siyang tumulong sa iba upang tumulad sa kaniya sa paggawa ng kanilang buong kaya na purihin si Jehova.
Saklaw sa paggawa ng pinakamagaling na magagawa natin sa pagtulong sa iba ay ang ating pagiging epektibo sa ating ministeryo. Minsan ay pinalakas-loob ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung ginagawa ninyo.” (Juan 13:17) Si Naomi ay isang mainam na halimbawa ng pagsasagawa ng mga mungkahing nanggagaling sa organisasyon ni Jehova upang mapasulong ang ating ministeryo. Sa pagbabahay-bahay siya’y nahirapang makipag-usap sa mga hindi kilalá at kadalasan ay hindi niya maisip kung ano ang kaniyang sasabihin pagka siya’y naroon na sa pintuan. Siya’y pinayuhan ng matatanda sa kongregasyon na ikapit ang mga mungkahing nasa aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, sa seksiyong “Mga Pambungad na Gagamitin sa Ministeryo sa Larangan.”a Kaniyang isinaulo ang mga pambungad sa ilalim ng paulong “Pamilya/Mga Anak” at paulit-ulit na ininsayo. Kaya naman, nakausap niya ang isang ginang ng tahanan na nasa edad na 30 pataas. Kahit na bago siya nakadalaw-muli, ang babaing ito ay naparoon na sa Kingdom Hall. Nagsaayos ng isang pag-aaral ng Bibliya. Ang ginang na iyon at ang kaniyang kabiyak ay bautisadong mga Kristiyano na ngayon, nagtatamasa ng isang maligayang buhay pampamilya kasama ng kanilang mga anak.
Paggawa ng Ating Buong Kaya sa Pagpapakita ng Personal na Interes
Matutularan din natin si apostol Pablo, na nagsabi: “Ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maibahagi ko iyon sa iba.”—1 Corinto 9:22, 23.
Nakikita kay Hatsumi ang saloobing ito. Samantalang si Hatsumi ay nasa pangmadlang ministeryo, isang babae ang magalang na nagsabi sa intercom na siya’y hindi maaaring makipag-usap dahil sa siya ay totoong magawain. Ang tono ng boses ng maybahay ay mulumanay, kaya patuloy na dinalaw siya ni Hatsumi. Ang maybahay ay sumagot sa pamamagitan lamang ng intercom, hindi ito lumabas upang makipagkilala kay Hatsumi. Ganito nang ganito ang nangyari sa loob ng dalawa at kalahating taon.
Isang araw, binago ni Hatsumi ang oras ng kaniyang pagdalaw, ginawa iyon sa bandang hapon. Walang sumagot na sinuman. Gayunman, nang siya ay papaalis na, isang kilala niyang tinig sa likuran ang nagtanong, “Sino ka ba?” Ang babae ay pauwi na sa kaniyang tahanan. Nang marinig niya ang pangalan ni Hatsumi, agad siyang tumugon, “Oh, ikaw pala ang laging dumadalaw sa akin. Salamat sa iyong palaging pagmamalasakit sa akin.” Dahilan sa hindi ipinagpatuloy ng babae ang kaniyang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sa ibang lugar, ganoon na lamang ang kaniyang kahihiyan na buksan ang pinto kay Hatsumi. Ipinagpatuloy ang pag-aaral ng Bibliya, at ang maybahay ay sumusulong na mainam. Tayo ba’y may gayong pagmamalasakit sa mga taong ating nakakatagpo sa ministeryo ng pagbabahay-bahay?
Gawin ang Iyong Buong Kaya
Pinahahalagahan ni Jehova ang ating pagsisikap na paglingkuran siya nang buong kaya. Siya’y katulad ng isang ama na ang anak ay pumaparoon sa kaniya na taglay ang mga regalo. Sa paglakad ng mga taon, ang regalo ay maaaring iba-iba depende sa edad at kaya ng anak. Kung papaanong ang ama ay naliligayahan na tanggapin ang anumang taos-pusong mga regalo buhat sa kaniyang anak, ganoon din na handa si Jehova na tatanggapin ang ating buong-pusong paglilingkuran ayon sa ating espirituwal na paglaki.
Mangyari pa, hindi mahalaga na ang ating buong kaya ay ihambing natin sa buong kaya ng iba. Gaya ng sinasabi ni Pablo, tayo’y magkakaroon ng dahilang magalak kung tungkol sa ating sarili, “hindi kung ihahambing sa iba.” (Galacia 6:4) Harinawang tayo’y patuloy na makinig sa payo ni apostol Pedro: “Gawin ninyo ang inyong buong kaya upang sa wakas ay kaniyang masumpungan kayo na walang-dungis at walang-kapintasan at nasa kapayapaan.”—2 Pedro 3:14.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 29]
Ginagawa mo ba ang iyong pinakamagaling sa pagkakapit ng mga mungkahi para sa ministeryo sa larangan?