Gawin ang Inyong Buong Kaya sa Pamamagitan ng Pakikibahagi sa Buong Panahong Paglilingkuran
1 “Kapag malaki ang pagsisikap, malaki rin ang mga pagpapala,” ang wika ng isang tagapagsalita sa kumbensiyon sa kaniyang pakikipag-usap sa mga payunir. Pagkatapos ay inisa-isa niya ang ilan sa mga pagpapala na natatanggap ng isa sa pamamagitan ng pananatili sa buong panahong paglilingkuran—pagsulong ng espirituwalidad, kakayahan sa paggamit ng Bibliya, mga pribilehiyo ng paglilingkuran sa organisasyon ng Diyos, mga buhay na sulat ng rekomendasyon, at mas mabuting personalidad.
2 Ang pinakamahalagang pagpapala na maaaring pagsikapan ng isa ay ang pagsang-ayon ng Diyos. Sulit ang paggawa ng inyong buong makakaya upang tamuhin ito, ang wika ni apostol Pablo. Pinayuhan niya si Timoteo: “Pagsikapan mong humarap na subok sa Diyos.” Siya’y pinatibay din niya na tamuhin ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging “manggagawang walang ikinahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan.”—2 Tim. 2:15.
ISAKATUPARAN ANG INYONG PAG-AALAY SA BUONG-PANAHONG PAGLILINGKURAN
3 Ang pagpapayunir ay maaaring maging siyang pinaka-kasiyasiyang paraan ng pagsasakatuparan ng pag-aalay ng isa kay Jehova. Upang maging matagumpay, dapat na unahin ng mga payunir ang espirituwal na bagay sa kanilang buhay. Natutuhan nilang ilagak kay Jehova ang kanilang pasan sa pamamagitan ng paglalagay sa kaniya ng kanilang kabalisahan sa buhay. (1 Ped. 5:6, 7) Ang isang kapatid na babae, pagkatapos ng sampung taon na pagpapayunir ay nagsabi: “Si Jehova ang nakakaalam ng aking mga suliranin at makalulutas nito. May iba pa ba akong mapaglilingkuran na hihigit sa kaniya?”
4 Taimtim na ba ninyong napag-isipan ang paglilingkuran bilang payunir? Sinabi ni Jesus: “Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili . . . at patuloy na sumunod sa akin.” (Mat. 16:24) Magagawa ba ninyo ito nang higit sa pamamagitan ng pagpapayunir? Isang 80-taong gulang na kapatid na babae, pagkatapos ng 50 taon na pagpapayunir ay nagsabi tungkol sa buong panahong paglilingkuran: “Ano kung si Jesus mismo ang mag-anyaya sa inyo?”
5 Napag-isipan na ba ninyo kung paanong ang pagpapayunir ay makatutulong sa inyo na tuparin ang inyong pag-aalay? Isang kabataang babaing payunir mula sa Netherlands ang nagsabi pagkatapos lamang ng isang taong pagpapayunir: ‘Kapag ikaw ay abalang naglilingkod kay Jehova araw-araw, higit kang nagiging palaisip sa kaniyang layunin. Nagiging mabuti rin ang iyong personal na kaugnayan sa kaniya dahilan sa higit kang nag-aaral at nananalangin nang higit na marubdob. Higit mong nakikilala si Jehova bilang isang Persona.’ Nais ba ninyong makilala nang higit si Jehova bilang isang Persona?—Juan 17:3.
ANG MGA MATATANDA AY TUTULONG SA MGA PAYUNIR
6 Kung nahihirapan ang payunir sa pag-abot sa kahilingan sa oras sa loob ng isang buwan, dapat niyang itala iyon sa likuran ng Field Service Report form (S-4) na ginagamit ngayon. Upang makapagbigay ng angkop na tulong at payo sa mga payunir, ang mga matatanda ay dapat na maging pamilyar sa insert ng Ating Paglilingkod sa Kaharian noong Mayo, 1978.
7 Tuwing Enero ang mga matatanda ay dapat na magsaayos ng pulong ng lahat ng mga regular payunir upang talakayin ang impormasyon na pantanging inilalaan ng Samahan para sa pulong na ito. Iminumungkahi na ang pulong na ito ay pangasiwaan ng punong tagapangasiwa at ng tagapangasiwa sa paglilingkod. Ang pulong na ito ay dapat na maging espirituwal, praktikal at nakapagpapatibay. Dapat na ito’y makatulong sa kanila na magpatuloy na gawin ang buong makakaya sa buong panahong paglilingkuran.