Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 5/15 p. 17-22
  • Magpastol Kayo sa Kawan ng Diyos Nang May Pagkukusa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magpastol Kayo sa Kawan ng Diyos Nang May Pagkukusa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Namamahala sa Isang Sambahayan
  • Mamahala “Nang Buong Sikap”
  • May Pagkukusang mga Pastol
  • Lubhang Kailangan ang Kaamuan
  • Maingat na Pagpapastol
  • “Pastulan Ninyo ang Kawan ng Diyos na Nasa Inyong Pangangalaga”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Mga Pastol, Tularan ang Pinakadakilang mga Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Mga Matatanda, Pakadibdibin ang Inyong mga Pananagutan sa Pagpapastol
    Gumising!—1986
  • Kung Papaano Ka Pinaglilingkuran ng mga Kristiyanong Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 5/15 p. 17-22

Magpastol Kayo sa Kawan ng Diyos Nang May Pagkukusa

“Magpastol sa kawan ng Diyos na inyong pinangangalagaan, hindi na parang sapilitan, kundi nang may pagkukusa.”​—1 PEDRO 5:2.

1. Bakit dapat nating asahan na ang Kristiyanong matatanda ay ‘magpapastol sa kawan ng Diyos nang may pagkukusa’?

SI JEHOVA ay nagpapastol sa kaniyang bayan nang may pagkukusa. (Awit 23:1-4) “Ang mabuting pastol,” si Jesu-Kristo, ay nagkusang ibigay ang kaniyang sakdal buhay-tao para sa mga tulad-tupa. (Juan 10:11-15) Kaya naman, pinayuhan ni apostol Pedro ang Kristiyanong matatanda na ‘magpastol sa kawan ng Diyos nang may pagkukusa.’​—1 Pedro 5:2.

2. Anong mga tanong ang dapat sagutin tungkol sa pagpapastol ng Kristiyanong matatanda?

2 Ang pagkukusa ay isang tanda ng mga lingkod ng Diyos. (Awit 110:3) Subalit higit pa kaysa pagkukusa ng isang lalaking Kristiyano ang kinakailangan upang siya’y mahirang na isang tagapangasiwa, o katulong na pastol. Sino ang mga kuwalipikado na maging gayong mga pastol? Ano ba ang kasangkot sa kanilang pagpapastol? Papaano iyon pinakamagaling na maisasagawa?

Namamahala sa Isang Sambahayan

3. Bakit masasabing ang paraan ng isang lalaking Kristiyano sa pag-aasikaso sa kaniyang pamilya ay may kaugnayan sa kung siya ay kuwalipikadong maging isang pastol sa kongregasyon?

3 Bago mahirang ang isang lalaki sa “katungkulang tagapangasiwa,” siya ay kailangang makatugon sa mga kahilingan ng Kasulatan. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9) Unang-una, sinabi ni apostol Pablo na ang isang tagapangasiwa ay dapat na “isang lalaking namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sambahayan, na ang mga anak ay nagpapasakop nang buong kahusayan.” Ito’y may mabuting dahilan, sapagkat sinabi ni Pablo: “Kung ang sinuman ngang lalaki ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sambahayan, papaanong makapamamahala siya sa kongregasyon ng Diyos?” (1 Timoteo 3:4, 5) Sa paghirang sa matatandang lalaki sa mga kongregasyon sa isla ng Creta, sinabihan si Tito na humanap ng “lalaking walang kapintasan, asawa ng iisang babae, na may mga anak na sumasampalataya na hindi napagbintangan ng masamang pamumuhay ni ng panggugulo man.” (Tito 1:6) Oo, ang paraan ng pag-aasikaso ng isang lalaking Kristiyano sa kaniyang pamilya ay kailangang isaalang-alang sa pagtiyak kung siya’y kuwalipikado na humawak ng lalong mabigat na pananagutan ng pagpapastol sa kongregasyon.

4. Bukod sa pagkakaroon ng palagiang pag-aaral sa Bibliya at pananalangin, papaano nagpapakita ng pag-ibig sa kani-kanilang pamilya ang mga magulang na Kristiyano?

4 Ang mga lalaking namamahalang mabuti sa kani-kanilang sambahayan ay higit pa ang ginagawa kaysa regular na pananalangin at pakikipag-aral ng Bibliya sa kani-kanilang pamilya. Sila’y laging handa na tulungan ang kanilang mga mahal sa buhay. Para sa mga nagiging magulang, ito’y nagsisimula sa araw na isilang ang anak. Batid ng mga magulang na Kristiyano na mientras nasusunod nila ang isang palagiang maka-Diyos na kaayusan, lalong mabilis na ang kanilang mga anak ay makasusunod sa kanilang eskedyul ng mga gawaing Kristiyano sa araw-araw. Ang mainam na pamamahala ng amang Kristiyano sa mga gawaing ito ay nagbabadya ng kaniyang mga kuwalipikasyon bilang isang matanda.​—Efeso 5:15, 16; Filipos 3:16.

5. Papaano mapalalaki ng isang amang Kristiyano ang kaniyang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova”?

5 Sa pamamahala sa kaniyang sambahayan, ang isang maingat na amang Kristiyano ay nakikinig sa payo ni Pablo: “Huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Sa palagiang pakikipag-aral ng Bibliya sa pamilya, kapuwa ang asawang babae at ang mga anak, ay nagkakaroon ng maiinam na pagkakataon para tumanggap ng mapagmahal na turo. Sa ganoon ang mga anak ay tumatanggap ng “disiplina,” o nagtutuwid na turo. Ang “pangkaisipang-patnubay” na resulta nito ang tumutulong sa bawat anak upang makilala ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay. (Deuteronomio 4:9; 6:6, 7; Kawikaan 3:11; 22:6) Sa maalwang kapaligiran ng espirituwal na pagsasalu-salong ito, ang mapagkalingang ama ay maingat na nakikinig habang nagsasalita ang kaniyang mga anak. May kabaitang mga tanong ang ginagamit upang makapukaw ng kanilang taimtim na kapahayagan tungkol sa kanilang mga iniisip at saloobin. Hindi áakalain ng ama na alam niya ang lahat ng nagaganap sa loob ng kanilang musmos na kaisipan. Oo, “pagka sinasagot ng sinuman ang isang bagay bago niya mapakinggan iyon, iyan ay isang kamangmangan at kahihiyan sa kaniya,” ang sabi ng Kawikaan 18:13. Sa ngayon, nakikita ng karamihan ng mga magulang na ang kalagayang napapaharap sa kanilang mga anak ay ibang-iba kaysa kanila mismong naranasan nang sila’y mga bata. Kaya naman, ang isang ama ay nagsisikap na malaman ang pinagmulan at mga detalye ng isang suliranin bago niya sabihin kung papaano iyon dapat lutasin.​—Ihambing ang Santiago 1:19.

6. Bakit dapat sumasangguni sa Salita ng Diyos ang isang amang Kristiyano pagka tumutulong sa kaniyang pamilya?

6 Ano ang nagaganap pagkatapos na ang mga suliranin, kabalisahan, at saloobin ng mga anak ay malaman? Ang ama na namamahalang mabuti ay sumasangguni sa Kasulatan, na “mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina ayon sa katuwiran.” Kaniyang itinuturo sa kaniyang mga anak kung papaano ikakapit ang kinasihang mga alituntunin ng Bibliya. Sa ganitong paraan, ang mga batang iyon ay nagiging “ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.”​—2 Timoteo 3:16, 17; Awit 78:1-4.

7. Anong halimbawa ang dapat na ipakita ng mga amang Kristiyano kung tungkol sa panalangin?

7 Ang maka-Diyos na mga kabataan ay napapaharap sa mahihirap na kalagayan kung tungkol sa kanilang makasanlibutang mga kamag-aral. Kaya papaano makakatulong ang mga amang Kristiyano upang mabawasan ang mga pangamba ng kanilang mga anak? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng palagiang pananalangin kasama nila at para sa kanila. Pagka ang mga kabataang ito ay napapaharap sa mga kagipitan, malamang na tutularan nila ang kanilang mga magulang sa pagtitiwala sa Diyos. Isang 13-taóng-gulang na dalagita, na kinapanayam bago pabautismo bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay ng sarili sa Diyos, ang nagpahayag na siya’y nilibak at inabuso ng kaniyang mga kamag-aral. Nang ipagtanggol niya ang kaniyang salig-Bibliyang paniniwala sa kabanalan ng dugo, ginulpi siya ng ibang batang babae at niluraan siya. (Gawa 15:28, 29) Siya ba’y gumanti? Hindi. “Ako’y patuloy na nanalangin kay Jehova na tulungan akong makapanatiling mahinahon,” ang sabi niya. “Natandaan ko rin ang itinuro sa akin ng aking mga magulang sa aming pampamilyang pag-aaral tungkol sa pangangailangan na magpigil pagka nasa ilalim ng pagsubok.”​—2 Timoteo 2:24.

8. Papaano ang isang matanda na walang anak ay makapamamahalang mabuti sa kaniyang sambahayan?

8 Ang isang matanda na walang mga anak ay maaari ring gumawa ng sapat na mga paglalaang espirituwal at materyal para sa mga kabilang sa kaniyang sambahayan. Kasali rito ang kaniyang kabiyak at marahil ang kaniyang mga kamag-anak na Kristiyano na nasa kaniyang poder. (1 Timoteo 5:8) Ang gayong pamamahalang mabuti ay isa sa mga kahilingan na kailangang gampanan ng isang lalaking hinirang na bumalikat ng pananagutan bilang isang matanda sa kongregasyon. Kung gayon, papaano dapat malasin ng hinirang na matatandang lalaki ang kanilang pribilehiyong mga pananagutan sa kongregasyon?

Mamahala “Nang Buong Sikap”

9. Ano ang dapat maging saloobin ng Kristiyanong matatanda tungkol sa atas sa kanila na paglilingkod?

9 Noong unang siglo ng ating Panlahatang Panahon, ang apostol na si Pablo ay nagsilbing isang katiwala sa sambahayan ng Diyos, ang kongregasyong Kristiyano na pinangunguluhan ni Jesu-Kristo. (Efeso 3:2, 7; 4:15) Sa kabilang banda, ang kaniyang mga kapananampalataya sa Roma ay pinayuhan ni Pablo: “Yamang . . . tayo’y may mga kaloob na nagkakaiba-iba ayon sa di-sana-nararapat na awa na ibinigay sa atin, kung hula, tayo’y manghula ayon sa sukat ng pananampalatayang ibinigay sa atin; o kung ministeryo, gamitin natin ang ministeryong ito; o ang nagtuturo, ay sa kaniyang pagtuturo; o ang umaaral, ay sa kaniyang pangaral; ang namimigay, ay magbigay nang sagana; ang namamahala, ay gawin iyon nang buong sikap; ang nagpapakita ng awa, ay gawin iyon nang masaya.”​—Roma 12:6-8.

10. Sa pangangalaga sa kawan ng Diyos, anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo para sa matatanda sa ngayon?

10 Ipinaalaala ni Pablo sa mga taga-Tesalonica: “Tulad ng isang ama sa kaniyang mga anak, bawat isa sa inyo’y patuloy na pinapangaralan namin, at inaaliw at kami’y nagpapatotoo sa inyo, upang kayo’y magsilakad nang karapat-dapat sa Diyos na siyang tumawag sa inyo sa kaniyang kaharian at kaluwalhatian.” (1 Tesalonica 1:1; 2:11, 12) Ang pangaral ay ginawa sa isang malumanay, mapagmahal na paraan kung kaya sumulat si Pablo: “Naging malumanay kami sa inyo, tulad ng isang ina na nagmamahal sa kaniyang sariling mga anak. Kaya, dahil sa aming magiliw na pagmamahal sa inyo, ganiyan na lamang ang aming kagalakan na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi pati ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat kayo ay napamahal na sa amin.” (1 Tesalonica 2:7, 8) Kasuwato ng halimbawa ni Pablo na tulad sa isang ama, ang tapat na matatandang lalaki ay may matinding pagmamalasakit sa lahat na nasa kongregasyon.

11. Papaano makapagpapakita ng pananabik ang hinirang na matatanda?

11 Ang pagkamalumanay, lakip ang pananabik, ay kailangang makita sa mapagmahal na pangangasiwa ng ating tapat na mga pastol na Kristiyano. Ang kanilang asal ay malaki ang naipahahayag. Sa matatanda ay ipinapayo ni Pedro na magpastol sa kawan ng Diyos “hindi na parang sapilitan” o “dahil sa pag-ibig sa masakim na pakinabang.” (1 Pedro 5:2) Sa puntong ito, ang iskolar na si William Barclay ay nagpayo na mag-ingat, at isinulat: “May isang paraan ng pagtanggap ng katungkulan at paglilingkod na parang iyon ay isang malagim at di-nakalulugod na gawain, para bagang iyon ay isang kapaguran, parang isang pabigat na nakayayamot. Posible naman para sa isang tao na pagawin ng isang bagay, at gagawin naman niya iyon, ngunit sa isang di-kanais-nais na paraan kung kaya ang lahat ng ginawa ay sira na. . . . Subalit sinasabi [ni Pedro] na bawat Kristiyano ay dapat nanginginig sa pananabik na gumawa ng gayong paglilingkuran, bagaman lubusang nalalaman niya na siya’y di-karapat-dapat na gumawa nang gayon.”

May Pagkukusang mga Pastol

12. Papaano makapagpapakita ng pagkukusa ang Kristiyanong matatanda?

12 “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na inyong pinangangalagaan . . . nang may pagkukusa,” ang ipinayo rin ni Pedro. Ang isang tagapangasiwang Kristiyano na nangangalaga sa mga tupa ay may pagkukusang ginagawa iyon, sa kaniyang sariling malayang kalooban, sa ilalim ng pamamatnubay ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. Ang paglilingkod na may pagkukusa ay nangangahulugan din na ang isang pastol na Kristiyano ay nagpapasakop sa kapamahalaan ni Jehova, ‘ang pastol at tagapangasiwa ng ating mga kaluluwa.’ (1 Pedro 2:25) Ang isang katulong na pastol na Kristiyano ay kusang gumagalang sa kaayusang teokratiko. Kaniyang ginagawa iyon pagka yaong mga humihingi ng payo ay inaakay niya sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Bagaman ang karanasan ay tutulong sa isang matanda na magtayo ng isang kamalig ng salig-Bibliyang mga payo, ito’y hindi nangangahulugan na siya’y magkakaroon ng dagliang lunas buhat sa Kasulatan sa bawat suliranin. Kahit na kung alam niya ang sagot sa isang tanong, marahil ay masusumpungan niyang isang kapantasan na isama ang nagtatanong at sila’y sumangguni sa Watch Tower Publications Index o nahahawig na mga indise. Sa gayon ay nagtuturo siya sa dalawang paraan: Kaniyang itinatanghal kung papaano makasusumpong ng nakatutulong na impormasyon at mapakumbabang nagpapakita ng paggalang kay Jehova sa pamamagitan ng pag-akay ng pansin tungo sa inilathala ng organisasyon ng Diyos.

13. Anong mga hakbangin ang makatutulong sa matatanda na magbigay ng mabuting payo?

13 Ano ang magagawa ng isang matanda kung wala pang anumang napapalathala sa literatura ng Samahan tungkol sa espesipikong suliranin na napaharap? Tiyak, siya’y mananalangin para magtamo ng matalinong unawa at hahanap ng ilang mga simulain sa Bibliya na may kaugnayan sa bagay na iyon. Marahil ay makatutulong din sa kaniya na imungkahi sa taong naghahangad ng tulong na isaalang-alang ang halimbawa ni Jesus. Maaaring magtanong ang matanda: “Kung si Jesus, ang Dakilang Guro, ay nasa iyong katayuan, ano sa palagay mo ang gagawin niya?” (1 Corinto 2:16) Ang ganiyang pangangatuwiran ay maaaring makatulong sa isang nagtatanong upang gumawa ng isang matalinong pasiya. Ngunit anong laking kamangmangan kung ang isang matanda ay magbibigay ng sarili lamang niyang opinyon na para bang iyon ay isang matatag na payo ng Kasulatan! Bagkus, ang mahihirap na suliranin ay maaaring sama-samang pag-usapan ng matatanda. Maaari pa nga silang magpasok ng importanteng mga bagay para pag-usapan sa isang pulong ng lupon ng matatanda. (Kawikaan 11:14) Ang ibubungang mga pasiya ay magpapangyari na silang lahat ay magsalita nang may pagkakasundo.​—1 Corinto 1:10.

Lubhang Kailangan ang Kaamuan

14, 15. Ano ang kahilingan sa matatanda pagka gumagawa ng muling pagtutuwid sa isang Kristiyano ‘na nagkasala bago niya namalayan iyon’?

14 Ang isang Kristiyanong matanda ay kailangang magpakita ng kaamuan pagka nagtuturo sa iba, lalo na pagka nagpapayo sa kanila. “Mga kapatid,” ang payo ni Pablo, “kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kaamuan ang gayong tao.” (Galacia 6:1) Kapansin-pansin, ang salitang Griego na isinalin dito na “muling maituwid” ay may kaugnayan sa isang termino sa operasyon na ginagamit upang ilarawan ang pagsasaayos ng isang buto upang mahadlangan ang isang habang-buhay na kapansanan. Ang leksikograpong si W. E. Vine ay nag-uugnay nito sa pagsasauli “na ginagawa niyaong mga taong espirituwal, sa isang taong nagkasala, palibhasa ang gayong tao ay katulad ng isang napahiwalay na bahagi ng espirituwal na katawan.” Ang iba pang pagkasalin ay, “isauli sa wastong kalagayan; ilagay sa wastong pagkakahanay.”

15 Ang muling pagtutuwid sa sariling kaisipan ng isang tao ay hindi madali, at maaaring napakahirap na maisauli sa wastong pagkakahanay ang mga kaisipan ng isang taong nagkasala. Subalit ang tulong na iniaalok taglay ang espiritu ng kaamuan ay malamang na tanggapin nang may pasasalamat. Kaya nga, dapat makinig sa payo ni Pablo ang Kristiyanong matatanda: “Magbihis kayo ng isang pusong mahabagin, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at pagtitiis.” (Colosas 3:12) Ano ang dapat gawin ng matatanda pagka ang isang nangangailangan ng pagtutuwid ay may masamang saloobin? Sila’y dapat na “magpakita ng . . . kaamuan.”​—1 Timoteo 6:11.

Maingat na Pagpapastol

16, 17. Laban sa anong mga panganib dapat mag-ingat ang matatanda pagka nagpapayo sa iba?

16 May higit pang kahulugan ang payo ni Pablo sa Galacia 6:1. Kaniyang pinapayuhan ang kuwalipikado sa espirituwal na mga lalaki: “Sikapin ninyong muling maituwid nang may kaamuan [ang isang nagkasala], samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso rin.” Maaaring magbunga nang malubha kung ang gayong payo ay hindi diringgin! Dahilan sa mga pag-uulat tungkol sa isang Anglikanong klerigo na nasumpungang nagkasala ng pakikiapid sa dalawang tagaroon sa kaniyang parokya, sinabi ng The Times ng London na ito ay “isang di-nagbabagong kalagayan: isang pagpapayo, na isang lalaki na parang ama o kapatid ang nagkasala dahilan sa siya’y pinagkatiwalaan ng taong kaniyang pinapayuhan.” Ang kolumnista ng balita ay bumanggit ng sinabi ni Dr. Peter Rutter na “ang pagsasamantala na nangyayari sa mga ugnayan sa pagitan ng mga pasyente at ng kanilang mga lalaking tagapayo​—mga doktor, abugado, pari at mga amo​—​sa lipunang maluwag sa sekso, ay naging isang salot na di-kinikilala, nakapipinsala at nakahihiya.”

17 Huwag nating isipin na ang bayan ni Jehova ay hindi tinatablan ng gayong mga tukso. Isang iginagalang na matanda na nakapaglingkod nang may katapatan sa loob ng maraming taon ang napasangkot sa imoralidad dahilan sa kaniyang pagsasagawa ng mga pagdalaw bilang pastol sa isang sister na may asawa samantalang ito ay nag-iisa. Bagaman nagsisi, naiwala ng kapatid na lalaki ang lahat ng kaniyang pribilehiyo sa paglilingkod. (1 Corinto 10:12) Papaano, kung gayon, makapagsasagawa ang hinirang na matatandang lalaki ng mga pagdalaw bilang pastol sa paraan na hindi sila mahuhulog sa tukso? Papaano sila makapagsasaayos ng isang lugar na medyo pribado, na doo’y makapananalangin, at may pagkakataon na sumangguni sa Salita ng Diyos at sa mga publikasyong Kristiyano?

18. (a) Papaano makatutulong sa matatanda ang pagkakapit ng simulain ng pagkaulo upang maiwasan ang mga alanganing situwasyon? (b) Anong mga kaayusan ang magagawa para sa pagdalaw ng pastol sa isang sister?

18 Ang isang salik na dapat isaalang-alang ng mga matatanda ay ang simulain ng pagkaulo. (1 Corinto 11:3) Kung ang isang kabataan ay nangangailangan ng patnubay, sikaping isangkot ang kaniyang mga magulang sa talakayan pagka nararapat. Kung ang sister na may asawa ang humihingi ng espirituwal na tulong, maaari mo bang isaayos na ang kaniyang asawa ay naroroon sa panahon ng iyong pagdalaw? Ano kung ito ay hindi maaari o siya ay isang di-kapananampalataya na nang-aabuso sa kaniya sa ilang paraan? Kung gayon ay gumawa ng gayon ding kaayusan na ginagawa mo pagka dumadalaw ka bilang pastol sa isang sister na walang asawa. Mabuti na dalawang espirituwal na kuwalipikadong kapatid na lalaki ang magkasamang dumalaw sa sister. Kung ito ay hindi angkop, marahil ay makapipili ng nababagay na panahon upang sa Kingdom Hall siya kausapin ng dalawang kapatid na lalaki, ang mabuti ay sa isang silid na pribado. Dahil sa may ibang mga kapatid na naroroon sa bulwagan, bagaman hindi nila nakikita at naririnig ang pinag-uusapan, malamang na anumang dahilan ng pagkatisod ay maiiwasan.​—Filipos 1:9, 10.

19. Ang pagpapastol nang may pagkukusa sa mga tupa ng Diyos ay nagdudulot ng anong mabubuting resulta, at kanino tayo nagpapasalamat ukol sa nagkukusang mga pastol?

19 Ang pagpapastol nang may pagkukusa sa mga tupa ng Diyos ay nagdudulot ng mabubuting resulta​—isang kawan na malakas sa espirituwal, na pinapatnubayang mabuti. Tulad ni apostol Pablo, ang Kristiyanong matatanda sa ngayon ay may malaking malasakit sa mga kapananampalataya. (2 Corinto 11:28) Lalong mabigat ang pananagutan ng pagpapastol sa bayan ng Diyos sa mapanganib na panahong ito. Kung gayon, tayo ay tunay na nagpapasalamat ukol sa mabuting gawa ng ating mga kapatid na lalaki na nagsisilbing mga matatanda. (1 Timoteo 5:17) Sa pagbibigay sa atin ng pagpapalang “kaloob na mga lalaki” na nagpapastol nang may pagkukusa, naghahandog tayo ng papuri sa Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog,” ang ating makalangit at mapagmahal na Pastol, si Jehova.​—Efeso 4:8; Santiago 1:17.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Papaano makapamamahalang mabuti ang isang lalaki sa kaniyang sambahayan?

◻ Anong mga katangian ang dapat na makita sa pangangasiwa ng Kristiyanong matatanda?

◻ Papaano makapagpapakita ng kababaang-loob at kaamuan ang matatanda sa pagbibigay ng payo?

◻ Ano ang tumutulong upang maging epektibo ang muling pagtutuwid sa isang nagkasala?

◻ Papaano maiiwasan ng matatanda ang mga alanganing situwasyon pagka nagpapastol sa kawan?

[Larawan sa pahina 18]

Ang isang Kristiyanong matanda ay kailangang mamahalang mabuti sa kaniyang sambahayan

[Larawan sa pahina 21]

Ang Kristiyanong pagpapastol ay dapat gawin nang may kaamuan at mabuting pasiya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share