Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 11/1 p. 26-30
  • Paglilingkod Nang Apurahan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paglilingkod Nang Apurahan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagsasanay Noong Panahon ng Digmaan
  • Pasimula ng Isang Karera
  • Isang Pinakamamahal na Kasama
  • Paglilingkurang Misyonero sa Indonesia
  • Sa Gitna ng Isang Coup d’État
  • Napagtagumpayan ang Iba Pang Pananalansang
  • Nagtungo sa Timog Amerika
  • Napatunayang Kasama Ko si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Tinuruan Ako ni Jehova na Gawin ang Kalooban Niya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Bahagi 4—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Pinasigla ng mga Misyonero ang Pandaigdig na Paglawak
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 11/1 p. 26-30

Paglilingkod Nang Apurahan

AYON SA PAGLALAHAD NI HANS VAN VUURE

Isang umaga noong 1962, si Paul Kushnir, na tagapangasiwa ng sangay ng Samahang Watch Tower sa Netherlands, ay sumalubong sa akin sa daungan sa Rotterdam. Samantalang minamasdan ako sa kabila ng isang mesa sa isang restawran na malamlam ang ilaw, sinabi niya: “Natatalos mo ba, Hans, na pagka tinanggap mo ang atas na ito, kayong mag-asawa ay bibigyan ng isang tiket patungo lamang doon, wala nang pabalik?”

“OPO, at natitiyak ko na si Susie ay sasang-ayon din diyan.”

“Buweno, ito’y pag-usapan ninyo ni Susie. Lalong mabuti kung ipababatid ninyo sa akin nang mas maaga ang inyong pasiya.”

Kinabukasan ay tinanggap niya ang sagot namin: “Pupunta kami.” Kaya noong Disyembre 26, 1962, niyakap namin ang aming mga kamag-anak at mga kaibigan sa balot-sa-niyebeng Schiphol Airport sa Amsterdam, at lumipad kami patungo sa isang hindi pa nagagawang teritoryong misyonero​—Netherlands New Guinea (ngayo’y West Irian, Indonesia)​—ang lupain ng mga Papuan.

Nagkaroon ba kami ng mga pag-aalinlangan na tanggapin ang pagsubok na ito? Hindi naman. Buong-pusong nag-alay kami ng aming buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos, at nagtitiwala kami na kaniyang aalalayan kami. Sa paggunita ng mga bagay-bagay sa aming buhay, aming natalos na hindi kami nagkamali sa paglalagak ng aming tiwala kay Jehova. Subalit bago ilahad ang nangyari sa Indonesia, hayaan ninyong isalaysay ko sa inyo ang tungkol sa mga unang taon namin.

Pagsasanay Noong Panahon ng Digmaan

Nang ang aking pamilya ay unang dalawin noong 1940 ng malakas ang loob na Saksing si Arthur Winkler, ako’y sampung taóng gulang pa lamang. Nabigla ang aking mga magulang nang matuklasan nila kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa huwad na mga turo ng Sangkakristiyanuhan. Yamang ang Netherlands ay okupado noon ng Alemanyang Nazi at ang mga Saksi ni Jehova ay pinag-uusig doon, kinailangang magpasiya ang aking mga magulang kung sila ba’y uugnay sa isang ipinagbabawal na organisasyon. Sila’y nagpasiya na gawin ang gayon.

Mula noon, ang tibay ng loob ng aking ina at ang kaniyang pagpayag na mawalan siya ng kalayaan at maging ng buhay man ay hinangaan ko. Minsan siya’y namisikleta ng 11 kilometro at naghintay sa dilim taglay ang isang bag na punô ng mga tract sa Bibliya. Sa itinakdang panahon para sa pagpapasimula ng isang pantanging kampanya, siya’y namisikleta sa bilis na kaya niya, regular na dumudukot sa kaniyang bag, nagkakalat ng mga tract sa mga lansangan. Siya’y inabutan ng isang humahabol na siklista at, sumigaw nang halos hindi humihinga: “Ale, ale, may nawawala sa inyo!” Hindi namin mapigil ang aming tawanan nang ibida ito ni Inay.

Ako noon ay batang-bata pa, pero alam ko kung ano ang ibig kong gawin sa aking buhay. Sa isa sa aming mga pulong noong kalagitnaan ng 1942, nang magtanong ang konduktor, “Sino ang gustong pabautismo sa susunod na pagkakataon?” itinaas ko ang aking kamay. Ang aking mga magulang ay nagtinginan nang may pagkabalisa, nag-aalinlangan kung nauunawaan ko ba ang kahulugan ng gayong pasiya. Subalit kahit ako’y 12 anyos lamang, nauunawaan ko ang kahulugan ng pag-aalay ng sarili sa Diyos.

Nangangailangan ng ingat ang pangangaral sa bahay-bahay samantalang kami’y tinutugaygayan ng mga Nazi. Upang maiwasan ang pagdalaw sa mga tahanan ng mga taong baka magsuplong sa amin sa mga Nazi, sa mga araw na ang mga tagatangkilik ng Nazi ay nagdidikit ng mga poster sa kanilang mga bintana, ako ay namimisikleta at inililista ko ang kanilang mga pangalan at tirahan. Minsan ay napansin ako ng isang lalaki at siya’y sumigaw: “Mabuti ang ginagawa mo, iho. Isulat mo ang mga pangalan nila​—lahat sila!” Ako noon ay nasasabik ngunit maliwanag na hindi gaanong maingat! Nang matapos ang digmaan noong 1945, ikinagalak namin ang pag-asang magkakaroon ng lalong malaking kalayaan na mangaral.

Pasimula ng Isang Karera

Noong Nobyembre 1, 1948, nang matapos na ako ng pag-aaral, tinanggap ko ang aking unang buong-panahong atas sa pangangaral bilang isang payunir. Makalipas ang isang buwan si Brother Winkler ay dumalaw sa pamilyang tinutuluyan ko. Tiyak na siya’y dumalaw upang kilalanin akong mabuti sapagkat hindi nagtagal pagkatapos niyaon ay inanyayahan ako na magtrabaho sa tanggapang sangay ng Samahan sa Amsterdam.

Nang malaunan inatasan ako na dalawin ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova bilang isang tagapangasiwa ng sirkito. Pagkatapos, nang taglagas ng 1952, ako’y inanyayahan na dumalo sa ika-21 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa New York upang magsanay bilang misyonero. Kaya, noong bandang dulo ng 1952, walo kaming taga-Netherlands na sumakay sa barkong Nieuw Amsterdam at naglayag patungong Amerika.

Nang matatapos na ang kurso sa pag-aaral, si Maxwell Friend, isa sa mga instruktor, ay nagsabi: “Makakalimutan ninyo ang karamihan ng mga bagay na natutuhan ninyo rito, subalit inaasahan naming tatlong bagay ang mananatili sa inyo: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig.” Narito pa rin sa aming isip at puso ang mahalagang mga alaala sa organisasyon ni Jehova na gumagawang apurahan.

Pagkatapos ay tumanggap ako ng malaking kabiguan. Kalahati ng aming grupo ng mga Olandes​—kasali na ako​—​ang naatasang bumalik sa Netherlands. Bagaman bigo, hindi ako nasiraan ng loob. Ang tanging inasahan ko ay na hindi ako kailangang maghintay, tulad ni Moises noong sinaunang panahon, ng 40 taon bago tumanggap ng atas sa bansang banyaga.​—Gawa 7:23-30.

Isang Pinakamamahal na Kasama

Nang mabalitaan ni Fritz Hartstang, ang aking kaibigan na parang ama ko na, ang aking mga balak sa pag-aasawa, ipinagtapat niya sa akin: “Halos wala na akong ibang maisip pa.” Ang ama ni Susie, si Casey Stoové, ay naging isang pangunahing tagapagbaka sa Pagsalungat laban sa mga Nazi noong Digmaang Pandaigdig II. Subalit nang makilala ng mga Saksi noong 1946, agad niyang tinanggap ang mga katotohanan ng Bibliya. Hindi nagtagal siya at ang tatlo sa anim na anak niya​—sina Susie, Marian, at Kenneth​—​ay nabautismuhan. Noong Mayo 1, 1947, ang mga anak na ito ay pawang nagsimula sa buong-panahong ministeryo bilang mga payunir. Noong 1948, ipinagbili ni Casey ang kaniyang negosyo, at siya rin ay nagsimulang magpayunir. Nang malaunan ay sinabi niya: “Ang mga taóng iyon ang pinakamaliligaya sa aking buhay!”

Nakilala ko si Susie noong 1949, nang siya’y anyayahan na magtrabaho sa tanggapang sangay sa Amsterdam. Ngunit nang sumunod na taon, siya at ang kaniyang nakababatang kapatid na si Marian ay lumisan upang dumalo sa ika-16 na klase ng Gilead at pagkatapos ay naglakbay patungo sa kanilang atas bilang mga misyonera​—sa Indonesia. Noong Pebrero 1957, pagkaraan ng limang taon ng pagiging misyonera roon, si Susie ay bumalik sa Netherlands upang pakasal sa akin. Noon, ako’y naglilingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito, at sa buong panahon ng aming pagsasama, maraming ulit na ipinakita niyang handa siyang gumawa ng personal na pagsasakripisyo alang-alang sa Kaharian.

Pagkatapos ng aming kasal, nagpatuloy kami sa pagdalaw sa mga kongregasyon sa iba’t ibang panig ng Netherlands. Dahil sa mga taon ng pagmimisyonera ni Susie sa mahihirap na teritoryo siya ay naihandang mabuti para sa mga pagdalaw sa mga kongregasyon sakay ng bisikleta. At samantalang kami’y nasa gawaing pansirkito noong 1962 nang ako ay dinalaw ni Brother Kushnir sa Rotterdam at inanyayahan kami na lumipat sa West Irian, Indonesia.

Paglilingkurang Misyonero sa Indonesia

Kami’y dumating sa bayan ng Manokwari​—isang lubusang naiibang daigdig! Makakarinig doon ng kakatwang mga tunog sa tropiko kung gabi at napakainit at maalikabok. At nariyan din ang mga Papuan sa interyor na nakabahag lamang, may dalang mga matsete, at mahilig lumakad sa likuran namin at hipuin ang aming maputing balat​—na pawang nangailangan ng panahon bago namin nakasanayan iyon.

Hindi nagtagal pagkarating namin doon, ang mga klerigo ay bumasa ng isang liham sa mga pulpito ng simbahan na nagbababala laban sa mga Saksi ni Jehova, at binigyan nila ng tig-iisang kopya ang lahat ng naroroon. Ang liham ay isinahimpapawid ng lokal na istasyon ng radyo. Pagkatapos ay tatlong klerigo ang bumisita sa amin at iniutos na kami’y lumipat sa interyor upang gumawa sa tinatawag nilang lugar ng “mga pagano.” Isang mataas na opisyal ng pulisya ng Papua ang humimok din sa amin na lumisan kami, at isang kagawad ng secret police ang nagbigay-alam sa amin na binabalak na raw ang pamamaslang sa amin.

Gayunman, hindi lahat ay salungat sa amin. Isang pulitikal na tagapayo ng mga taga-Papua, isang Olandes na paalis na patungong Netherlands, ang nagpakilala sa amin sa mga punong Papuan. “Ang mga Saksi ni Jehova ay magdadala ng isang lalong mabuting uri ng relihiyong Kristiyano kaysa alam na ninyo,” ang sabi niya sa kanila. “Kaya nga, dapat ninyong tanggapin sila.”

Nang malaunan, isang opisyal ng pamahalaan ang lumapit kay Susie sa lansangan at binulungan siya: “Inireport sa amin na ikaw ay nagsimula ng isang bagong gawain dito, at, samakatuwid, hindi ka namin maaaring payagang lumagi rito. Pero, ah, . . . kung mayroon ka sanang isang simbahan.” Isang pahiwatig! Agad na binaklas namin ang mga dingding sa aming bahay, kami’y naghilera ng mga upuan, gumawa ng isang stand para sa tagapagpahayag, at naglagay ng isang karatula sa harap na kababasahan ng “Kingdom Hall.” Pagkatapos ay inanyayahan namin ang opisyal upang dumalaw. Siya’y tumango, ngumiti, at tinapik ng kaniyang hintuturo ang tabi ng kaniyang noo, na para bang nagsasabi, ‘Mautak, mautak.’

Noong Hunyo 26, 1964, isang taon at kalahati pagkarating namin doon, ang unang 12 Papuan sa aming mga inaaralan ng Bibliya ay nabautismuhan. Hindi nagtagal, 10 pa ang sumunod, at ang nagsisidalo sa mga pagpupulong ay may katamtamang bilang na 40. Dalawang payunir na taga-Indonesia ang ipinadala upang tumulong sa amin. Nang ang kongregasyon ay matatag na sa Manokwari, noong Disyembre 1964, kami’y binigyan ng sangay ng Samahan sa Indonesia ng isa pang atas sa pangangaral.

Bago kami lumisan, ang pangulo ng Public Relations Department ng pamahalaan ay nakipag-usap sa amin nang sarilinan at ang sabi: “Ikinalulungkot ko ang inyong paglisan. Sa bawat linggo ang klero ay nakikiusap sa akin na paalisin kayo sapagkat ayon sa kanila kinukuha raw ninyo ang kanilang mga bunga. Pero sinabi ko sa kanila: ‘Hindi, bagkus pa nga, kanilang nilalagyan ng pataba ang inyong mga punò.’ ” Isinusog pa niya: “Saanman kayo pumaroon, patuloy na makipagbaka kayo. Kayo ang mananalo!”

Sa Gitna ng Isang Coup d’État

Isang gabi noong Setyembre 1965, samantalang kami’y naglilingkod sa kabisera, sa Djakarta, ang mga rebeldeng Komunista ay pumaslang ng maraming lider militar, sinunog ang Djakarta, at nagsimula ng isang pambuong bansang pakikibaka na sa wakas ay nagbagsak sa pangulo ng bansa, si Sukarno. Humigit-kumulang 400,000 ang nangasawi!

Minsan kami ay nangangaral samantalang sa kabilang lansangan naman ay may nagbabarilan at nanununog. Kinabukasan nabalitaan namin na isang karatig na pasilidad ng mga Komunista ang halos wawasakin na noon ng militar. Ang mga maybahay ay parang takot na takot habang nilalapitan namin sila, subalit nang kanilang marinig ang dala naming mensahe mula sa Bibliya, sila’y naging maalwan at inanyayahan kami na tumuloy. Kanilang nadama na sila’y ligtas kung kami’y kasama nila. Ang panahong iyon ay nagturo sa aming lahat na umasa kay Jehova at manatiling timbang sa ilalim ng mapanganib na mga kalagayan.

Napagtagumpayan ang Iba Pang Pananalansang

Nang magtatapos na ang 1966 kami’y lumipat sa siyudad ng Ambon sa magandang timugang kapuluan ng Molucca. Doon, sa gitna ng palakaibigan, magigiliw na mamamayan, nakasumpong kami ng maraming may interes sa espirituwal. Ang aming munting kongregasyon ay mabilis na lumago, at ang bilang ng dumadalo sa mga pulong ay umaabot sa halos isang daan. Kaya ang mga opisyal ng simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay dumalaw sa Office for Religious Affairs upang pilitin ang hepe nito na palayasin kami sa Ambon. Ngunit sa mesa ng hepe, kanilang nakita ang mga aklat ng Samahang Watch Tower na lantarang nakadispley roon! Sa pagkabigo nila na baguhin ang isip ng hepe, sila’y nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng Ministry of Religion sa Djakarta, sa paghahangad na kami’y paalisin hindi lamang sa Ambon kundi sa lahat ng bahagi ng Indonesia.

Sa pagkakataong ito ay waring nagtagumpay sila, sapagkat Pebrero 1, 1968, ang itinakdang petsa ng pagpapaalis sa amin. Gayunman, ang ating mga kapatid na Kristiyano sa Djakarta ay nakipag-ugnayan sa isang mataas na opisyal na Muslim sa Ministry of Religion, at siya’y tumulong upang baligtarin ang desisyon. Bukod dito, isang dating patakaran ang binago, at pinapasok ang iba pang misyonero.

Sa gayon, nang sumunod na sampung taon, sa nakapaligid na kabundukan, kagubatan, at mga look sa hilagang Sumatra, kami’y gumawang kasama ng mga misyonero buhat sa Australia, Austria, Alemanya, Pilipinas, Sweden, at Estados Unidos. Sumulong ang gawaing pangangaral, lalo na sa gitna ng pangunahing lahi sa rehiyon, ang Batak.

Subalit, ang magkakasabuwat na relihiyoso ay nagtagumpay sa wakas na ipagbawal ang aming pangangaral doon noong Disyembre 1976, at nang sumunod na taon karamihan sa mga misyonero ay lumisan patungo sa mga atas sa ibang mga bansa. Sa wakas, noong 1979, kami ay kinailangan ding lumisan.

Nagtungo sa Timog Amerika

Noon kami ay mga 50 taóng gulang na, at iniisip namin kung makakaya pa namin na maglingkod sa isa pang bansa. “Tayo ba’y tatanggap ng isang bagong atas o kaya ay pipirmi na lamang sa isang lugar?” ang tanong ni Susie.

“Buweno, Susie,” ang tugon ko, “saanman tayo anyayahan ni Jehova na pumaroon, tayo’y kaniyang inalagaan. Sino ang nakaaalam kung ano pang mga pagpapala ang naghihintay sa atin sa hinaharap?” Sa gayon, kami’y dumating sa aming bagong teritoryo, ang bansang Suriname sa Timog Amerika. Sa loob ng dalawang buwan kami ay muling napabalik sa gawaing paglalakbay at di-nagtagal ang pakiramdam namin ay naroon kami sa aming sariling bayan.

Sa pagbabalik-tanaw sa aming mahigit na 45 taon sa buong-panahong ministeryo, natanto namin ni Susie kung gaano kahalaga ang pagsuporta ng aming mga magulang upang tulungan kami na magpatuloy sa pagmimisyonero. Noong 1969, nang magkita kaming muli ng aking mga magulang pagkalipas ng anim na taon, ako’y tinawag ng aking ama at sinabi: “Kung sakaling si Inay ang unang mamatay, hindi ka na kailangang umuwi pa. Manatili ka diyan sa iyong atas. Ako na ang bahala. Subalit sakaling ako ang mauna, kailangang tanungin mo si Inay tungkol doon.” Ganoon din ang sinabi ni Inay.

Ang mga magulang ni Susie ay may gayunding walang-imbot na saloobin. Minsan si Susie ay napalayo sa kanila nang may 17 taon, gayunman ay hindi sila sumulat sa kaniya ng isang salita man lamang na nagpapahina ng loob. Mangyari pa, kung wala nang ibang tutulong sa aming mga magulang, kami’y kailangang umuwi. Ang punto ay, ang aming mga magulang ay may parehong pagkakilala sa gawaing pagmimisyonero at, magpahanggang sa kanilang kamatayan, ay naglingkod kay Jehova taglay ang ganoon ding pagkaapurahan na gaya ng kanilang itinanim sa aming puso.​—Ihambing ang 1 Samuel 1:26-28.

Kami ay pinalakas din ng tapat na mga taong regular na lumiliham sa amin. May ilan na kailanman ay hindi pumalya nang kahit isang buwan sa pagsulat sa amin sa aming mahigit na 30 taon ng paglilingkurang misyonero! Ngunit higit sa lahat, aming isinasaisip ang ating mahal na Ama sa langit, si Jehova, na nakaaalam kung papaano aalalayan ang kaniyang mga lingkod sa lupa. Kung gayon, samantalang ngayon ay papalapit na tayo sa sukdulan ng mga pangyayari na ating inaasam-asam na makita, kami ni Susie ay nagnanais na “laging isaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova” sa pamamagitan ng patuloy na paglilingkod kay Jehova nang apurahan.​—2 Pedro 3:12.

[Larawan sa pahina 26]

Ikinasal noong 1957

[Larawan sa pahina 29]

Nakatutuwa​—anim na mga kabataan na mga payunir!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share