Bakit Kailangang Aminin ang Isang Pagkakamali?
IYON ang isa sa pinakapambihirang engkuwentro sa kasaysayan ng hukbo. Isang babaeng walang anumang armas ang nagpasuko sa 400 sanay na sa digmaang mga kawal na desididong ipaghiganti ang isang insulto. Pagkatapos marinig ang mga pakiusap ng isa lamang magiting na babae, hindi ipinagpatuloy ng lider ng mga lalaking iyon ang kaniyang misyon.
Ang lider na iyon ay si David, na nang malaunan ay naging hari ng Israel. Siya’y nakinig sa babaing si Abigail dahilan sa nais niyang palugdan ang Diyos. Nang mataktikang ipakita niya (kay David) na ang paghihiganti sa kaniyang asawa, si Nabal, ay magbubunga ng kasalanan laban sa dugo, si David ay bumulalas: “Purihin si Jehova na Diyos ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako! At purihin nawa ang iyong pagkamakatuwiran, at pagpalain ka na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagbububo ng dugo at sa paghihiganti ng aking sariling kamay.” Nagpasalamat si David at ginamit ng Diyos si Abigail upang pigilin siya sa paggawa ng isang malaking pagkakamali.—1 Samuel 25:9-35.
Sa isang awit, si David ay nagtanong: “Mga pagkakamali—sino ang makauunawa?” (Awit 19:12) Katulad niya, baka hindi natin nahahalata ang ating mga pagkakamali maliban sa itawag-pansin iyon sa atin ng iba. Sa ibang pagkakataon ang di-nakalulugod na mga resulta ang pumupuwersa sa atin na matanto na tayo ay nagkamali, naging mangmang, o walang kabaitan.
Walang Dahilan na Mawalan ng Pag-asa
Bagaman lahat tayo ay nagkakamali, hindi naman kailangan na ang mga ito’y maging dahilan na mawalan ng pag-asa. Ang diplomatang si Edward John Phelps ay may ganitong puna: “Ang taong hindi nagkakamali ay karaniwan nang walang nagagawang anuman.” Ang Kristiyanong alagad na si Santiago ay nagsabi: “Tayong lahat ay natitisod nang madalas.” (Santiago 3:2) Matututo bang lumakad ang isang bata nang hindi natitisod? Hindi, sapagkat ang isang bata ay natututo buhat sa mga pagkakamali at patuloy na nagsisikap hanggang sa siya’y makatayo at makalakad.
Upang magkaroon ng matinong pamumuhay, tayo’y nangangailangan ding matuto buhat sa ating mga pagkakamali at sa mga kamalian ng iba. Yamang ang Bibliya ay naglalahad ng mga karanasan ng marami na sa kanila’y masasalamin ang ating sarili, tayo’y matutulungan na maiwasan ang kaparehong mga pagkakamali na kanilang nagawa. Kung gayon, ano ang maaari nating matutuhan buhat sa kanilang mga pagkakamali?
Ang Kababaangloob ay Isang Mahalagang Katangian
Ang isang aral ay na hindi kinukondena ng Diyos ang lahat ng nagkakamali kundi hinahatulan lamang ang mga ayaw ituwid ang mga iyon kung posible na gawin iyon. Si Haring Saul ng Israel ay sumuway sa mga tagubilin ni Jehova tungkol sa paglipol sa mga Amalekita. Nang harapin ng propetang si Samuel, minaliit muna ni Saul ang mga bagay-bagay at pagkatapos ay sinubukan niyang sisihin ang iba. Ang higit na ikinabahala niya ay baka siya mapahiya sa harap ng kaniyang mga tauhan kaysa ituwid ang pagkakamali. Kaya naman, ‘siya’y tinanggihan ni Jehova bilang hari.’—1 Samuel 15:20-23, 30.
Bagaman ang humalili kay Saul, si David, ay gumawa ng malulubhang pagkakamali, siya’y pinatawad sapagkat may kababaangloob na tinanggap niya ang payo at disiplina. Ang kababaangloob ni David ay nag-udyok sa kaniya na pakinggan ang mga salita ni Abigail. Ang mga kawal niya ay nakapuwesto na para sa labanan. Subalit, sa harap ng kaniyang mga kawal, inamin ni David na nakagawa siya ng isang padalus-dalos na pasiya. Sa buong buhay niya, ang gayong kababaangloob ang tumulong kay David na humingi ng kapatawaran at ituwid ang kaniyang mga hakbang.
Ang kababaangloob ang nag-uudyok sa mga lingkod ni Jehova na ituwid ang kanilang mga nabitiwang salita na nakasasakit sa iba. Sa isang paglilitis sa harap ng Sanhedrin, iniutos ng mataas na saserdote na si Pablo ay sampalin. Ang apostol ay tumugon: “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader.” (Gawa 23:3) Marahil dahil sa kalabuan ng mata, hindi nakilala ni Pablo kung sino ang kaniyang kinakausap hanggang sa magtanong ang mga nagmamasid: “Nilalait mo ba ang mataas na saserdote ng Diyos?” Sa sandaling iyon, agad namang kinilala ni Pablo ang kaniyang pagkakamali, na ang sabi: “Mga kapatid, hindi ko nalalaman na siya pala ang mataas na saserdote. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag kang magsasalita ng masama sa isang pinuno ng iyong bayan.’ ” (Gawa 23:4, 5; Exodo 22:28) Oo, may kababaangloob na inamin ni Pablo ang kaniyang pagkakamali.
Inamin Nila ang Kanilang Pagkakamali
Ipinakikita rin ng Bibliya na ang ilan ay nagbago ng kanilang maling kaisipan. Halimbawa, isaalang-alang ang salmistang si Asap. Dahilan sa parang nakalulusot ang mga taong balakyot, sinabi niya: “Tunay na walang kabuluhan ang pagkalinis ko sa aking puso.” Subalit si Asap, ay nagbalik sa katinuan ng pag-iisip pagkatapos na makapunta sa bahay ni Jehova at mabulay-bulay ang mga kapakinabangan ng dalisay na pagsamba. Gayundin, inamin niya ang kaniyang pagkakamali sa Awit 73.
Si Jonas ay napadala rin sa kaniyang maling kaisipan na nagpadilim ng kaniyang punto de vista. Pagkatapos makapangaral sa Nineve, ikinabahala niya ang pagbabangong-puri ng sarili sa halip na ang pagkaligtas ng mga tao sa lunsod na iyon. Si Jonas ay hindi nasiyahan nang hindi parusahan ni Jehova ang mga taga-Nineve bagaman sila’y nagsisi, ngunit itinuwid siya ng Diyos. Natanto ni Jonas na mali ang kaniyang punto de vista, sapagkat ang aklat ng Bibliya na may taglay ng kaniyang pangalan ay may katapatang kinikilala ang kaniyang mga pagkakamali.—Jonas 3:10–4:11.
Sa maling palagay na ang Diyos na Jehova, hindi si Satanas na Diyablo, ang sanhi ng kaniyang paghihirap, sinikap ng taong si Job na patunayang hindi siya karapat-dapat sa gayong pagdurusa. Wala siyang malay sa lalong malaking isyu: Ang mga lingkod ba ng Diyos ay mananatiling tapat sa kaniya sa ilalim ng pagsubok? (Job 1:9-12) Pagkatapos na tulungan ni Elihu at saka ni Jehova na makita ni Job ang kaniyang pagkakamali, inamin niya: “Ako’y nagsalita, ngunit hindi ko nauunawaan . . . Kaya binabawi ko ang aking sinabi, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.”—Job 42:3, 6.
Ang pag-amin ng mga pagkakamali ay tumutulong sa atin na manatiling may mabuting kaugnayan sa Diyos. Gaya ng ipinakikita ng naunang mga halimbawa, tayo’y hindi niya hahatulan sa ating mga pagkakamali kung ating tinatanggap ang mga iyon at ginagawa ang ating buong kaya upang maituwid ang maling kaisipan, mga salitang walang-kabuluhan, o walang hunos-diling mga pagkilos. Papaano natin maikakapit ang kaalamang ito?
Gumawa ng Paraan Upang Maituwid ang Ating Mga Pagkakamali
Ang mapakumbabang pagkilala ng isang pagkakamali at paggawa ng paraan upang ituwid iyon ay makapagpapatibay ng ugnayan ng pamilya. Halimbawa, dahilan sa pagkahapo o pagkayamot, marahil ang isang magulang ay naging mabagsik sa pagdisiplina sa kaniyang anak. Ang pagtangging ituwid ang pagkakamaling ito ay maaaring magkaroon ng masasamang epekto. Kaya, si apostol Pablo ay sumulat: “Mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Masiglang naaalaala ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Paul ang ganito: “Si Itay ay laging humihingi ng paumanhin kung sakaling nadama niya na siya’y labis na nagparusa. Iyan ang tumulong sa akin upang igalang siya.” Personal na pasiya ng isa kung kailangan siyang humingi ng paumanhin pagka napalagay sa isang partikular na situwasyon. Gayunpaman, ang paghingi ng paumanhin ay kailangang sundan ng taimtim na pagsisikap na maiwasan ang nakakatulad na mga pagkakamali sa hinaharap.
Ano kung ang isang asawang lalaki o isang asawang babae ay nakagawa ng isang pagkakamali na sanhi ng pagkabalisa? Ang tahasang pag-amin niyaon, ang taos-pusong paghingi ng paumanhin, at ang pagpapatawad ay tutulong upang mapanatili ang kanilang may pagmamahalang ugnayan. (Efeso 5:33; Colosas 3:13) Si Jesus, isang lalaking Kastila na may mapusok na kalooban sa kaniyang edad na mahigit 50 taon, ay marunong humingi ng paumanhin sa kaniyang maybahay, si Albina. “Nakaugalian na namin na humingi ng paumanhin sa isa’t isa pagka kami’y nagkasamaan ng loob,” ang sabi niya (ni Albina). “Ito’y tumutulong sa amin na magpasensiya sa isa’t isa taglay ang pag-ibig.”
Pagka Isang Matanda ang Nagkamali
Ang pag-amin ng mga pagkakamali at paghingi ng taimtim na paumanhin ay tutulong din sa Kristiyanong matatanda na gumawang sama-sama nang may pagkakaisa at ‘gumalang sa isa’t isa.’ (Roma 12:10) Ang isang matanda ay baka atubiling umamin na siya’y nagkamali sapagkat nangangamba na ito’y magpapahina ng kaniyang awtoridad sa kongregasyon. Subalit, ang pagsisikap na ariing matuwid, ipagwalang-bahala, o maliitin ang isang pagkakamali ay higit na magpapangyari na ang iba’y mawalan ng tiwala sa kaniyang pangangasiwa. Ang isang maygulang na kapatid na mapakumbabang humihingi ng paumanhin, marahil dahil sa ilang padalus-dalos na pananalita, ay nagkakamit ng paggalang ng iba.
Nagugunita pa ni Fernando, isang matanda sa Espanya, nang ang isang tagapangasiwa ng sirkito na nangunguna sa isang malaking pagtitipon ng matatanda ay magkamali ng pagsasalita tungkol sa kung papaano dapat isagawa ang isang pulong. Nang magalang na ituwid ng isang kapatid ang kaniyang sinabi, agad namang kinilala ng tagapangasiwa ng sirkito na siya’y nagkamali. Ang sabi ni Fernando: “Nang makita ko siyang aminin ang kaniyang pagkakamali sa harap ng lahat ng matatandang iyon, ito’y lubhang hinangaan ko. Pagkatapos na humingi ng paumanhin, siya’y lalo pang iginalang ko. Ang kaniyang halimbawa ay nagturo sa akin kung gaano kahalaga na kilalanin ang aking sariling kahinaan.”
Agad na Aminin ang Isang Pagkakamali
Ang isang paumanhin ay karaniwan nang pinahahalagahan lalo na kung ginawa kaagad. Sa katunayan, mientras agad nating inamin ang isang pagkakamali ay lalong mainam. Bilang halimbawa: Noong Oktubre 31, 1992, inamin ni Papa John Paul II na ang Inkisisyon ay “nagkamali” may 360 taon na ang lumipas sa pagpaparusa kay Galileo sa pagsasabing ang mundo ay hindi siyang sentro ng uniberso. Ngunit, ang matagal na pagpapaliban ng paghingi ng paumanhin ay nakababawas sa kahalagahan niyaon.
Totoo rin iyan sa personal na kaugnayan. Ang dagling paghingi ng paumanhin ay makapagpapagaling ng sugat na likha ng salita o gawa na salat sa kabaitan. Hinihimok tayo ni Jesus na huwag ipagpaliban ang pakikipagpayapaan sa iba, na nagsasabi: “Kung . . . inihahandog mo ang iyong hain sa dambana at maalaala mo na may anumang laban sa iyo ang kapatid mo, iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at umalis ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at pagbabalik mo ay saka mo ihandog ang iyong hain.” (Mateo 5:23, 24) Kadalasan, upang mapasauli ang mapayapang kaugnayan ang kailangan lamang ay aminin na tayo’y nagkamali sa pakikitungo sa mga bagay-bagay at humingi ng kapatawaran. Mientras matagal tayong naghihintay sa paggawa nito, iyon ay nagiging lalong mahirap.
Natutuwa na Aminin ang mga Pagkakamali
Gaya ng ipinakikita ng mga halimbawa nina Saul at David, ang paraan ng pakikitungo natin sa ating mga pagkakamali ay maaaring makaapekto sa ating buhay. May katigasan ng ulong sinalungat ni Saul ang payo, at lalong dumami ang kaniyang mga pagkakamali, na sa wakas ay natapos sa kaniyang pagkamatay nang walang pagsang-ayon ng Diyos. Subalit, sa kabila ng mga pagkakamali at kasalanan ni David, kaniyang may pagsisising tinanggap ang pagtutuwid at nanatiling tapat kay Jehova. (Ihambing ang Awit 32:3-5.) Hindi ba iyan ang nais natin?
Ang pinakadakilang gantimpala sa pag-amin at pagtutuwid sa isang pagkakamali o pagsisisi sa kasalanan ay ang pagkaalam na iyon ay pinatawad na ng Diyos. “Maligaya ang tao . . . na tinakpan ang kasalanan,” ani David. “Maligaya ang tao na hindi pinararatangan ni Jehova ng kasamaan.” (Awit 32:1, 2) Anong laking karunungan, kung gayon, na aminin ang isang pagkakamali!
[Larawan sa pahina 29]
Matututo bang lumakad ang isang bata nang hindi natitisod?