Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
Yamang ang sinaunang saserdoteng nagngangalang Melquisedec ay isang tunay na tao, bakit sinabi ng Bibliya na siya’y “walang talaangkanan”?
Ang pangungusap na ito ay nasa Hebreo 7:3. Pansinin ang talata sa kaniyang konteksto:
“Sapagkat itong si Melquisedec, hari ng Salem, saserdote ng Kataas-taasang Diyos, na sumalubong kay Abraham nang siya’y bumalik galing sa paglipol sa mga hari at siya’y pinagpala niya at binahaginan naman ni Abraham ng ikasampung bahagi ng lahat ng bagay, ay una sa lahat, kung isasalin, ‘Hari ng Katuwiran,’ at saka hari pa rin ng Salem, samakatuwid baga, ‘Hari ng Kapayapaan.’ Sa pagiging walang ama, walang ina, walang talaangkanan, walang pasimula ang mga araw ni katapusan man ng buhay, kundi palibhasa’y ginawang katulad ng Anak ng Diyos, siya’y nananatiling saserdote magpakailanman.”—Hebreo 7:1-3.
Gaya nang binanggit, si Melquisedec ay tunay na isang tao, kasintunay ni Abraham, na kaniyang tuwirang pinakitunguhan. (Genesis 14:17-20; Hebreo 7:4-10) Sa gayon, tiyak na si Melquisedec ay may mga magulang, isang ama at isang ina, at siya’y maaaring nagkaroon ng supling. Samakatuwid, bilang isang tao siya’y may talaangkanan, o tandaan ng angkan. Nagwakas din ang kaniyang pisikal na buhay. Si Melquisedec ay namatay, kasuwato ng sinabi ng apostol sa Roma 5:12, 14. Subalit yamang hindi natin alam kung kailan namatay si Melquisedec at sa gayo’y natapos na ang kaniyang paglilingkod bilang saserdote, ganoon siya naglingkod nang hindi alam kung kailan natapos.
Sa Hebreo, si Pablo ay nagkomento ng tungkol kay Melquisedec nang tinatalakay ang ginampanang papel ni Jesu-Kristo bilang nakahihigit na Mataas na Saserdote. Sa pagtukoy kay Melquisedec bilang isang tipo, o anino, ni Jesus sa kaniyang pagkasaserdote, sinabi ni Pablo: “Si Jesus . . . ay naging isang mataas na saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.” (Hebreo 6:20) Sa anong diwa?
Tiyak na natanto ni Pablo na ang rekord ng Bibliya ay hindi nagbibigay ng mga detalye tungkol sa angkan na pinagmulan ni Melquisedec—ang kaniyang mga ninuno o anumang posibleng mga inapo. Ang impormasyong iyan ay hindi lamang basta iniulat sa Bibliya. Buhat sa punto de vista ng alam ni Pablo o alam natin, kung gayon, tama na masasabing si Melquisedec ay “walang talaangkanan” (New World Translation of the Holy Scriptures; American Standard Version), “walang ulat ng pinagmulan” (W. J. Conybeare), o “walang tandaan ng angkan.”—J. B. Phillips.
Sa papaano ganiyan nga si Jesus? Ipagpalagay natin, alam natin na ang Ama ni Jesus ay ang Diyos na Jehova at ang kaniyang ina sa laman ay si Maria ng tribo ng Juda. Gayunman, may pagkakahawig si Melquisedec at si Jesus. Sa papaano? Si Jesus ay hindi isinilang sa tribo ni Levi, ang tribo para sa mga saserdote sa bansang Israel. Hindi, si Jesus ay hindi naging isang saserdote sa pamamagitan ng talaangkanan ng tao. Hindi rin naging gayon si Melquisedec, na hindi naging isang saserdote “ayon sa batas ng isang kautusan na nakasalig sa laman,” samakatuwid nga, sa pagsilang sa isang tribo at angkan ng isang saserdote. (Hebreo 7:15, 16) Imbes na maging isang saserdote sa pamamagitan ng isang ama sa laman na naging isang saserdote, si Jesus ay “tanging tinawag ng Diyos na isang mataas na saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.”—Hebreo 5:10.
Isa pa, si Jesus ay hindi nagkaroon ng anumang inapo o mga kahalili sa kaniyang pagkasaserdote. Sa diwa ring ito, siya’y walang talaangkanan. Kaniyang gagampanan nang walang-hanggan ang kaniyang pagkasaserdote bilang isang matulunging tagapagturo. Si Pablo ay nagkomento tungkol sa walang-hanggang paglilingkurang ito, na nagsasabi:
“[Si Jesus] dahil sa patuloy na nabubuhay nang walang-hanggan ay saserdote na walang sinumang kahalili. Kaya naman kaniya ring lubusang naililigtas yaong mga nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y laging buháy upang mamagitan para sa kanila.”—Hebreo 7:24, 25.
Ang ating pagsasaalang-alang ng mga salita ni Pablo sa Hebreo 7:3 ay dapat kung gayon na maging hindi lamang isang kapirasong kaalaman na iimbakin sa ating ulo. Dapat na patibayin nito ang ating pagpapahalaga sa maibiging paglalaan ng Diyos na Jehova upang magkamit tayo ng walang-hanggang kapatawaran sa kasalanan at sa paraan na kaniyang isinaayos upang tayo’y tumanggap ng walang-hanggang tulong at patnubay.