Nagtatagumpay ang Banal na Pagtuturo
“Ang iyong mga mata’y magiging mga matang nakakakita sa iyong Dakilang Tagapagturo. At ang iyong sariling mga pakinig ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Dito kayo lumakad, kayong mga tao.’”—ISAIAS 30:20, 21.
1. Bakit ang turo ni Jehova ay makatuwirang matatawag na banal na pagtuturo?
ANG Diyos na Jehova ang Pinagmumulan ng pinakamabuting turo na maaaring matamo ng sinuman. Kung makikinig tayo pagka siya’y nagsasalita, lalo na sa pamamagitan ng kaniyang Banal na Salita, siya ay magiging ating Dakilang Tagapagturo. (Isaias 30:20) Sa tekstong Hebreo ng Bibliya ay tinatawag din siya na “ang Isang Banal.” (Awit 50:1) Kung gayon, ang turo ni Jehova ay banal na pagtuturo.
2. Sa anong diwa totoo na ang Diyos lamang ang marunong?
2 Ipinagmamalaki ng sanlibutan ang marami nitong institusyon sa pagtuturo, subalit walang isa man sa mga ito ang nagdudulot ng banal na pagtuturo. Aba, lahat ng karunungan ng sangkatauhan na natipon sa buong kasaysayan ay napakaliit kung ihahambing sa banal na pagtuturo na nakasalig sa walang-hanggang karunungan ni Jehova. Ang Roma 16:27 ay nagsasabi na ang Diyos lamang ang marunong, at ito’y totoo sa diwa na si Jehova lamang ang may lubus-lubusang karunungan.
3. Bakit si Jesu-Kristo ang pinakadakilang guro na lumakad kailanman sa lupa?
3 Ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay isang huwaran ng karunungan at pinakadakilang guro na lumakad sa lupa. Hindi nga kataka-taka! Sa loob ng napakahabang panahon si Jehova ang naging kaniyang Guro sa langit. Sa katunayan, ang banal na pagtuturo ay nagsimula nang turuan ng Diyos ang kaniyang unang nilalang, ang kaniyang bugtong na Anak. Kaya naman masasabi noon ni Jesus: “Kung paanong itinuro sa akin ng Ama aking sinasalita ang mga bagay na ito.” (Juan 8:28; Kawikaan 8:22, 30) Ang sariling mga salita ni Kristo na nasusulat sa Bibliya ay nagdaragdag nang malaki sa ating kaalaman sa banal na pagtuturo. Sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga iniaral ni Jesus, sinusunod ng pinahirang mga Kristiyano ang kanilang Dakilang Tagapagturo, na ang kalooban ay na “ang malawak na pagkasari-sari ng karunungan ng Diyos” ay ipakilala sa pamamagitan ng kongregasyon.—Efeso 3:10, 11; 5:1; Lucas 6:40.
Ang Paghanap ng Karunungan
4. Ano ba ang binanggit tungkol sa kakayahan ng utak?
4 Ang pagkakamit ng karunungan na resulta ng banal na pagtuturo ay nangangailangan ng masigasig na paggamit sa ating bigay-Diyos na sangkap ng pag-iisip. Ito’y posible sapagkat ang utak ng tao ay may kakayahang gumawa ng napakaraming bagay. Ganito ang sabi ng aklat na The Incredible Machine: “Kahit na ang pinakamodernong mga computer na ating nakikini-kinita ay napakasimple kung ihahambing sa utak ng tao na halos hindi maubos-maisip ang pagkamasalimuot at kakayahang bumagay—mga katangian na ginawang posible ng masalimuot, pamantayang sistema ng mga senyas na elektrokemikal. . . . Ang angaw-angaw na mga senyas na biglang sumasagi sa iyong isip anumang sandali ay may dalang pambihirang dami ng impormasyon. Ang mga ito’y may impormasyon tungkol sa mga bagay na nangyayari sa loob at labas ng iyong katawan: tungkol sa pulikat ng daliri ng iyong paa, o ang masarap na amoy ng kape, o katawa-tawang nasabi ng isang kaibigan. Habang ang impormasyon ay inihahanda at sinusuri ng ibang mga senyas, ang mga ito’y lumilikha ng ilang emosyon, alaala, kaisipan, o mga plano na umaakay tungo sa isang desisyon. Halos karaka-raka, ang mga senyas na galing sa iyong utak ay nagbibigay-alam sa iba pang parte ng iyong katawan kung ano ang dapat na gawin: ikawag ang daliri ng iyong paa, inumin ang kape, tumawa, o marahil sumagot nang katawa-tawa. Samantala ang iyong utak ay sumusubaybay rin sa iyong paghinga, kimika ng dugo, temperatura, at iba pang mahahalagang proseso na hindi mo namamalayan. Iyon ay nagpapalabas ng mga utos na nagpapangyaring ang iyong katawan ay maging matatag at maayos ang pag-andar sa kabila ng palaging pagbabago sa iyong kapaligiran. Iyon ay naghahanda rin para sa panghinaharap na mga pangangailangan.”—Pahina 326.
5. Sa diwang maka-Kasulatan, ano ang karunungan?
5 Bagaman hindi mapag-aalinlanganan na ang utak ng tao ay may kamangha-manghang kakayahan, papaano natin magagamit ang isip sa pinakamagaling na paraan? Hindi sa pamamagitan ng pagbubuhos ng ating loob sa puspusang pag-aaral ng wika, kasaysayan, siyensiya, o paghahambing sa mga relihiyon. Dapat nating gamitin ang ating mga sangkap ng pag-iisip unang-una upang tumanggap ng banal na pagtuturo. Ito lamang ang nagbubunga ng tunay na karunungan. Subalit ano ba ang tunay na karunungan? Sa diwang maka-Kasulatan, ang idiniriin ng karunungan ay matinong paghatol salig sa tumpak na kaalaman at tunay na kaunawaan. Sa pamamagitan ng karunungan ay nagagawa nating gamitin nang matagumpay ang kaalaman at kaunawaan upang lumutas ng mga suliranin, maiwasan o mahadlangan ang mga panganib, matulungan ang iba, at kamtin ang ating mga tunguhin. Kapuna-puna, ipinakikita ng Bibliya ang kaibahan ng karunungan sa kamangmangan at kahangalan—mga ugali na tiyak na ibig nating maiwasan.—Deuteronomio 32:6; Kawikaan 11:29; Eclesiastes 6:8.
Ang Dakilang Aklat-aralin ni Jehova
6. Upang makitaan tayo ng tunay na karunungan, ano ang kailangang gamitin nating mainam?
6 Napakaraming makasanlibutang karunungan sa palibot natin. (1 Corinto 3:18, 19) Aba, ang sanlibutang ito’y may napakaraming paaralan, mga aklatan na may angaw-angaw na aklat! Marami sa mga ito ay mga aklat-aralin na nagtuturo ng wika, matematika, siyensiya, at iba pang larangan ng kaalaman. Subalit ang Dakilang Tagapagturo ay naglaan ng aklat-aralin na nakahihigit sa lahat—ang kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) Iyon ay walang mali hindi lamang sa mga bagay na may kaugnayan sa kasaysayan, heograpiya, at botanika kundi pati na rin pagka humuhula tungkol sa hinaharap. Bukod diyan, iyon ay tumutulong sa atin na magkaroon ng pinakamaligaya at pinakamabungang buhay sa mismong mga sandaling ito. Mangyari pa, kung papaanong kailangang gamitin ng mga estudyante sa isang makasanlibutang paaralan ang kanilang mga aklat, tayo’y kailangang may malaking kaalaman at ginagamit ang dakilang Aklat-aralin ng Diyos kung nais nating tayo’y makitaan ng karunungan bilang ang mga ‘tinuruan ni Jehova.’—Juan 6:45.
7. Bakit masasabi mo na ang basta kaalaman sa mga nilalaman ng Bibliya ay hindi sapat?
7 Subalit, ang basta kaalaman sa Bibliya ay hindi kapareho ng tunay na karunungan at ng pagsunod sa banal na pagtuturo. Bilang halimbawa: Noong ika-17 siglo C.E., isang lalaking Katoliko na nagngangalang Cornelius van der Steen ang naghangad na maging isang Jesuita ngunit tinanggihan dahilan sa siya’y napakapandak. Ganito ang sabi ni Manfred Barthel sa kaniyang aklat na The Jesuits—History & Legend of the Society of Jesus: “Ipinabatid ng komite kay van der Steen na handa silang alisin ang kahilingan tungkol sa taas, ngunit sa kondisyon na siya’y matutong sauluhin ang buong Bibliya. Walang kabuluhang isaysay ang kuwento kung si van der Steen ay hindi nakasunod sa may kapangahasang kahilingang ito.” Anong laki ng pagsisikap na kailangan upang masaulo ang buong Bibliya! Gayunman, higit na mahalaga na maunawaan ang Salita ng Diyos kaysa sauluhin lamang ito.
8. Ano ang tutulong sa atin na makinabang sa banal na pagtuturo at magpakita ng tunay na karunungan?
8 Kung nais nating lubusang makinabang sa banal na pagtuturo at makitaan ng tunay na karunungan, tayo’y nangangailangan ng tumpak na kaalaman sa Kasulatan. Tayo’y kailangan ding akayin ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ni Jehova. Sa pamamagitan nito’y matututo tayo ng malalalim na katotohanan, “ang malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Corinto 2:10) Kung gayon, masugid na pag-aralan natin ang dakilang Aklat-aralin ni Jehova at manalangin na tayo’y patnubayan niya sa pamamagitan ng banal na espiritu. Kasuwato ng Kawikaan 2:1-6, bigyang-pansin natin ang karunungan, ihilig ang ating puso sa pag-unawa, at hilingin ang kaunawaan. Kailangang gawin natin ito na para bang tayo’y naghahanap ng natatagong mga kayamanan, sapagkat sa ganiyang paraan lamang ating ‘mauunawaan ang pagkatakot kay Jehova at masusumpungan ang mismong kaalaman sa Diyos.’ Ang pagsasaalang-alang ng ilang tagumpay at kapakinabangan buhat sa banal na pagtuturo ay magpapalawak ng ating pagpapahalaga sa bigay-Diyos na karunungan.
Sumusulong na Pagkaunawa
9, 10. Ano ang sinabi ng Diyos, na nakaulat sa Genesis 3:15, at ano ang nararapat na pagkaunawa sa mga salitang iyon?
9 Nagtatagumpay ang banal na pagtuturo sa pamamagitan ng paghahayag sa bayan ni Jehova ng pasulong na pagkaunawa sa Kasulatan. Halimbawa, natutuhan natin na si Satanas na Diyablo ang nagsalita sa pamamagitan ng isang serpiyente sa Eden at may kasinungalingang nagparatang na ang Diyos ay nagsinungaling nang Kaniyang sabihin na kamatayan ang magiging parusa sa pagkain ng ibinawal na prutas. Gayunman, nakita natin na ang pagsuway sa Diyos na Jehova ay nagdulot ng kamatayan sa lahi ng sangkatauhan. (Genesis 3:1-6; Roma 5:12) Subalit, binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng pag-asa nang kaniyang sabihin sa serpiyente, at sa gayo’y kay Satanas: “Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.”—Genesis 3:15.
10 Kasali sa mga salitang iyon ang isang lihim na pasulóng na isiniwalat sa pamamagitan ng banal na pagtuturo. Tinuruan ni Jehova ang kaniyang bayan na ang pangunahing tema ng Bibliya ay ang pagbabangong-puri ng kaniyang soberanya sa pamamagitan ng Binhi, isang inapo ni Abraham at ni David na may legal na karapatan sa paghahari sa Kaharian. (Genesis 22:15-18; 2 Samuel 7:12, 13; Ezekiel 21:25-27) Ang ating Dakilang Tagapagturo ang nagturo sa atin na si Jesu-Kristo ang pangunahing Binhi ng “babae,” ang pansansinukob na organisasyon ng Diyos. (Galacia 3:16) Sa kabila ng bawat pagsubok na idinulot sa kaniya ni Satanas, si Jesus ay nanatiling tapat—magpahanggang sa kamatayan, na siyang pagsugat sa Binhi sa sakong. Natutuhan din natin na 144,000 kasamang mga tagapagmana sa Kaharian na kinuha sa sangkatauhan ang makikibahagi kay Kristo sa pagdurog sa ulo ni Satanas, “ang orihinal na serpiyente.” (Apocalipsis 14:1-4; 20:2; Roma 16:20; Galacia 3:29; Efeso 3:4-6) Anong laki ng ating pagpapahalaga sa gayong kaalaman sa Salita ng Diyos!
Tungo sa Kamangha-manghang Liwanag ng Diyos
11. Bakit masasabing nagtatagumpay ang banal na pagtuturo sa pamamagitan ng pagdadala sa mga tao sa espirituwal na liwanag?
11 Nagtatagumpay ang banal na pagtuturo sa pamamagitan ng pagdadala sa mga tao sa espirituwal na liwanag. Nagkaroon na ng ganiyang karanasan ang pinahirang mga Kristiyano bilang katuparan ng 1 Pedro 2:9: “Kayo ay ‘isang lahing pinili, isang maharlikang pagkasaserdote, isang bansang banal, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang maipahayag ninyo nang malawakan ang mga kamahalan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” Sa ngayon, ang bigay-Diyos na liwanag ay tinatamasa rin ng “isang malaking pulutong” na mabubuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. (Apocalipsis 7:9; Lucas 23:43) Samantalang tinuturuan ng Diyos ang kaniyang bayan, napatutunayang totoo ang Kawikaan 4:18: “Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanag nang paliwanag hanggang sa malubos ang araw.” Ang pasulong na paraang ito ng pagkatuto ang dumadalisay sa ating kaunawaan sa banal na pagtuturo, kung papaanong sumusulong ang mga estudyante dahilan sa mainam na pagtulong ng isang guro samantalang pinag-aaralan nila ang balarila, kasaysayan, at iba pang mga asignatura.
12, 13. Laban sa anong mapanganib na mga doktrina naipagsasanggalang ng banal na pagtuturo ang bayan ni Jehova?
12 Ang isa pang tagumpay ng banal na pagtuturo ay ang bagay na ang mapagpakumbabang mga tumatanggap nito ay ipinagsasanggalang mula sa “mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Sa kabilang banda, tingnan ninyo ang Sangkakristiyanuhan! Noon pa mang 1878, ang klerigong Romano Katoliko na si John Henry Newman ay sumulat: “Sa pagtitiwala noon sa lakas ng Kristiyanismo na daigin ang pagkahawa sa kasamaan, at ang mismong mga bagay at mga gawain na may kaugnayan sa pagsamba sa mga demonyo ay baguhin upang magamit sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, . . . sa maagang mga panahon ay handa na ang mga pinunò ng Iglesya, kung sakaling dumating ang pagkakataon, na ariin, o tularan, o pahintulutan ang umiiral na mga ritwal o kostumbre ng mga mamamayan, gayundin ang pilosopiya ng uring edukado.” Isinusog pa ni Newman na ang mga bagay na gaya ng agua bendita, kasuutan ng mga pari, at mga imahen ay “pawang nanggaling sa mga pagano, at pinabanal nang angkinin ng Iglesya.” Ang bayan ng Diyos ay tunay na napasasalamat na sila’y ipinagsasanggalang ng banal na pagtuturo buhat sa gayong apostasya. Ito’y nananaig laban sa lahat ng anyo ng demonismo.—Gawa 19:20.
13 Ang banal na pagtuturo ay nagtatagumpay laban sa relihiyosong kamalian sa bawat paraan. Halimbawa, bilang mga taong tinuruan ng Diyos, tayo’y hindi naniniwala sa Trinidad kundi ating kinikilala na si Jehova ang Kataas-taasan, si Jesus ang kaniyang Anak, at ang banal na espiritu ay siyang aktibong puwersa ng Diyos. Tayo’y hindi natatakot sa apoy ng impiyerno, sapagkat natanto natin na ang impiyerno sa Bibliya ay ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. At samantalang sinasabi ng huwad na mga relihiyonista na ang kaluluwa ng tao ay walang kamatayan, batid natin na ang mga patay ay walang anumang malay. Mababanggit natin ang napakaraming katotohanan na natutuhan natin sa pamamagitan ng banal na pagtuturo. Anong laking pagpapala ang makalaya sa espirituwal na pagkabilanggo sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon!—Juan 8:31, 32; Apocalipsis 18:2, 4, 5.
14. Bakit nakapagpapatuloy ng paglakad sa espirituwal na liwanag ang mga lingkod ng Diyos?
14 Dahilan sa ang banal na pagtuturo ay nagtatagumpay sa relihiyosong kamalian, pinangyayari nito na ang mga lingkod ng Diyos ay lumakad sa espirituwal na liwanag. Sa katunayan, sila’y nakaririnig ng salita sa likod nila na nagsasabi: “Ito ang daan. Dito kayo lumakad, kayong mga tao.” (Isaias 30:21) Ang pagtuturo ng Diyos ay nagsasanggalang din sa kaniyang mga lingkod buhat sa maling pangangatuwiran. Nang ang “mga bulaang apostol” ay nagbabangon ng kaguluhan sa kongregasyon sa Corinto, si apostol Pablo ay sumulat: “Ang mga sandata ng aming pakikidigma ay hindi makalaman, kundi makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos para sa pagtitiwarik ng mga bagay na matibay ang pagkakatatag. Sapagkat itinitiwarik namin ang mga pangangatuwiran at bawat matayog na bagay na naibangon laban sa kaalaman sa Diyos; at dinadala namin ang bawat kaisipan sa pagkabihag upang gawing masunurin iyon sa Kristo.” (2 Corinto 10:4, 5; 11:13-15) Ang mga pangangatuwiran na labag sa banal na pagtuturo ay itinitiwarik sa pamamagitan ng pagtuturo na ginagawa nang may kaamuan sa kongregasyon at sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita sa mga nasa labas.—2 Timoteo 2:24-26.
Sambahin sa Espiritu at Katotohanan
15, 16. Ano ba ang ibig sabihin ng pagsamba kay Jehova sa espiritu at katotohanan?
15 Samantalang sumusulong ang gawaing pangangaral ng Kaharian, ang banal na pagtuturo ay nagtatagumpay sa pagpapakita sa mga maaamo kung papaano sasambahin ang Diyos “sa espiritu at katotohanan.” Sa balon ni Jacob malapit sa lunsod ng Sicar, sinabi ni Jesus sa isang babaing taga-Samaria na siya’y makapagbibigay ng tubig na nagdudulot ng buhay na walang-hanggan. Yamang ang tinutukoy ay ang mga taga-Samaria, isinusog niya: “Inyong sinasamba kung ano ang hindi ninyo nalalaman . . . Ang oras ay dumarating, at ito ay ngayon na, na ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:7-15, 21-23) Pagkatapos ay ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang Mesiyas.
16 Subalit papaano natin sasambahin ang Diyos sa espiritu? Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng dalisay na pagsamba buhat sa napasasalamat na mga pusong puspos ng pag-ibig sa Diyos na nakasalig sa tumpak na kaalaman sa kaniyang Salita. Ating masasamba siya sa katotohanan sa pamamagitan ng pagtanggi sa relihiyosong mga kasinungalingan at sa pamamagitan ng paggawa ng banal na kalooban, ayon sa isinisiwalat ng dakilang Aklat-aralin ni Jehova.
Nagtatagumpay sa mga Pagsubok at sa Sanlibutan
17. Papaano mo patutunayan na ang banal na pagtuturo ay tumulong sa mga lingkod ni Jehova upang humarap sa mga pagsubok?
17 Pagka ang bayan ng Diyos ay napapaharap sa mga pagsubok, ang banal na pagtuturo ay nagtatagumpay nang paulit-ulit. Isaalang-alang ito: Nang magpasimula ang Digmaang Pandaigdig II, noong Setyembre 1939, ang mga lingkod ni Jehova ay nangailangan ng pantanging matalinong unawa buhat sa kaniyang dakilang Aklat-aralin. Isang malaking tulong ang artikulo sa The Watchtower, Nobyembre 1, 1939, na buong linaw na tumalakay ng banal na pagtuturo tungkol sa pagkawalang-pinapanigan ng Kristiyano. (Juan 17:16) Gayundin, noong maagang mga taon ng 1960, ang mga artikulo sa Bantayan tungkol sa may-hangganang pagpapasakop sa namamahalang “nakatataas na mga awtoridad” ay tumulong sa bayan ng Diyos na makasunod sa banal na pagtuturo sa harap ng kaguluhan sa lipunan.—Roma 13:1-7; Gawa 5:29.
18. Ano ang naging pananaw ng nag-aangking mga Kristiyano noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. tungkol sa nakasásamáng libangan, at ano ang naitutulong ng banal na pagtuturo tungkol sa bagay na iyan ngayon?
18 Ang banal na pagtuturo ay tumutulong sa atin na pagtagumpayan ang mga pagsubok, tulad halimbawa ng mga pang-aakit upang bumaling sa nakasásamáng libangan. Pansinin ang sinabi ng nag-aangking mga Kristiyano noong ikalawa at ikatlong siglo ng ating Karaniwang Panahon. Sumulat si Tertullian: “Wala tayong pakialam, sa pananalita, panonood o pakikinig, sa kabaliwan ng sirko, sa kawalang-kahihiyan ng mga nagtatanghal sa teatro, sa kalupitan ng arena.” Isa pang manunulat nang panahong iyon ang nagtanong: “Ano ba ang ginagawa ng isang tapat na Kristiyano sa gitna ng mga bagay na ito, gayong hindi maaaring pag-isipan man lamang niya ang kabalakyutan? Bakit siya may kaluguran sa mga paglalarawan ng kayamuan?” Bagaman ang mga manunulat na ito ay nabuhay mga ilang taon pagkatapos ng mga Kristiyano noong unang siglo, kanilang sinumpa ang nakasásamáng libangan. Sa ngayon, ang banal na pagtuturo ay nagbibigay sa atin ng karunungan na iwasan ang malaswa, imoral, at marahas na libangan.
19. Papaano tayo tinutulungan ng banal na pagtuturo na pagtagumpayan ang sanlibutan?
19 Ang pagsunod sa banal na pagtuturo ay tumutulong sa atin upang pagtagumpayan ang sanlibutan mismo. Oo, ang pagkakapit ng turo ng ating Dakilang Tagapagturo ay nagbibigay sa atin ng tagumpay laban sa masasamang impluwensiya ng sanlibutang ito na nakalugmok sa kapangyarihan ni Satanas. (2 Corinto 4:4; 1 Juan 5:19) Ang Efeso 2:1-3 ay nagsasabi na tayo’y binuhay ng Diyos bagaman tayo’y mga patay sa ating mga pagsalansang at mga kasalanan nang tayo’y lumalakad ayon sa pinunò ng kapangyarihan ng hangin. Pinasasalamatan natin si Jehova na ang banal na pagtuturo ay tumutulong sa atin na pagtagumpayan ang makasanlibutang mga pagnanasa at ang espiritung nanggagaling sa kaaway niya at natin—ang pusakal na manlilinlang, si Satanas na Diyablo!
20. Anong mga tanong ang karapat-dapat pang isaalang-alang?
20 Kung gayon, maliwanag na ang banal na pagtuturo ay matagumpay sa maraming paraan. Sa katunayan, waring imposible na banggitin ang lahat ng tagumpay nito. Apektado nito ang mga tao sa buong daigdig. Subalit ano ba ang ginagawa nito para sa iyo? Papaano naaapektuhan ng banal na pagtuturo ang iyong buhay?
Ano ba ang Iyong Natutuhan?
◻ Papaano maipaliliwanag kung ano ang tunay na karunungan?
◻ Ano ang pasulong na isiniwalat ng Diyos tungkol sa Genesis 3:15?
◻ Papaano nagtagumpay ang banal na pagtuturo sa espirituwal na mga bagay?
◻ Ano ang ibig sabihin ng sambahin ang Diyos sa espiritu at katotohanan?
◻ Papaano tinulungan ng banal na pagtuturo ang mga lingkod ni Jehova upang magtagumpay sa mga pagsubok at sa sanlibutan?
[Mga larawan sa pahina 10]
Nanatiling tapat si Jesus hanggang kamatayan—na siyang pagsugat sa Binhi sa sakong