“Ang Kamay ni Jehova” sa Aking Buhay
AYON SA PAGKALAHAD NI LAWRENCE THOMPSON
ISANG gabi noong 1946, kami ni Itay ay nakaupo sa kotse samantalang pinanonood ang mga liwanag buhat sa hilaga na nagsasayawan sa kalangitan. Pinag-usapan namin ang kadakilaan ni Jehova at ang aming pagkawalang-kabuluhan. Aming ginunita ang mga pangyayari buhat sa mga taon nang ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbabawal sa Canada. Ikinintal sa akin ni Itay kung papaano inalagaan at pinatnubayan ni Jehova ang Kaniyang bayan nang mga taóng iyon.
BAGAMAN ako noon ay 13 anyos lamang, nauunawaan ko na ang sinasabi ni Itay. Kaniyang itinimo rin sa akin ang pagkaapurahan at pagkamalawak ng gawaing pangangaral na kailangan pang gawin. Sinipi ni Itay ang Bilang 11:23 at idiniin sa akin na, sa totoo, ang kamay ni Jehova ay hindi kailanman naging maikli. Ang ating kakulangan lamang ng pananampalataya at pagtitiwala sa kaniya ang naglalagay ng hangganan sa kaniyang gagawin para sa atin. Iyon ay isang mahalagang ama-at-anak na pag-uusap, na hindi ko kailanman malilimutan.
Ang pag-aaral ng mga publikasyon ng Watch Tower, lalo na ang aklat na Salvation, na inilathala noong 1939, ay nakaimpluwensiya rin nang malaki sa aking kabataan. Hindi ko malilimutan kailanman ang madulang pambungad na ilustrasyon ng aklat: “Ang mabilis na pampasaherong tren, na siksikan sa mga pasahero, ay buong-bilis na tumatakbo nang 160 kilometro bawat oras. Ito’y kailangang tumawid ng ilog sa isang tulay na halos limampung porsiyento ang pagkakurba, kung kaya ang makina ay nakikita ng mga tao na nasa hulihan ng tren . . . Dalawang lalaking nakasakay sa hulihan . . . ang nakakita na ang isang bahagi ng tulay sa dulo ay nasusunog at mahuhulog na sa ilog. Kanilang natanto na nakaharap sila sa napakalaking panganib. Iyon ay isang tunay na gipit na kalagayan. Maaari kayang mapahinto ang tren sa tamang panahon upang mailigtas ang buhay ng maraming pasaherong sakay niyaon?”
Sa pagkakapit ng ilustrasyon, ang aklat ay nagtapos: “Gayundin sa ngayon, lahat ng bansa at mga bayan sa lupa ay nakaharap sa pinakamalaking kagipitan. Sila’y binababalaan ayon sa utos ng Diyos, na ang kapahamakan ng Armagedon ay mabilis na dumarating. . . . Yamang nabigyan na ng babala, bawat isang tumanggap ng babala ay kailangan ngayong pumili ng landas na kaniyang tatahakin.”
Ang mabilis na tren, ang nasusunog na tulay, at ang pagkaapurahan ng gawaing pangangaral ay naikintal sa aking isip.
Gawaing Pangangaral Noong Una
Ako’y nagsimulang makibahagi sa gawaing pangangaral noong 1938, nang ako’y limang taon lamang. Ako’y isinasama nina Henry at Alice Tweed, dalawang payunir (buong-panahong mga ministro), at kami’y gumugugol ng 10 hanggang 12 oras isang araw sa pakikipag-usap sa mga tao. Ako’y lubusang nasiyahan sa mga maghapong iyon ng paglilingkuran kay Jehova. Kaya ganiyan na lamang ang aking kagalakan nang sumunod na taon nang payagan ako nina Itay at Inay na maging isang mamamahayag at aktuwal na mag-ulat ng aking paglilingkod.
Sa maagang panahong iyon, kami’y nagsagawa ng mga information march, naglalakad sa malalaking kalye ng mga bayan habang nakasuot ng mga plakard o nakabitin sa aming mga balikat taglay ang mga slogan na nagbubunyag sa huwad na relihiyon at nag-aanunsiyo sa Kaharian ng Diyos. Kami’y gumamit din ng bitbiting mga ponograpo at nagpatugtog ng salig-Bibliyang mga mensahe doon mismo sa pintuan ng mga maybahay. Ipinaririnig namin ang mga pahayag ni J. F. Rutherford, ang presidente ng Samahang Watch Tower, na ang ilan ay saulado ko. Malinaw pang nasa alaala ko ang napakinggan ko sa kaniya nang kaniyang sabihin: “Malimit na sinasabi, Ang Relihiyon ay isang silo at pandaraya!”
Ang Ating Gawain ay Ibinawal sa Canada
Noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ibinawal sa Canada, gaya rin sa Alemanyang Nazi at sa ibang lupain. Kaya Bibliya lamang ang ginagamit namin ngunit nagpatuloy ang aming awtorisado-ng-Diyos na gawain bilang pagsunod sa mga tagubilin ng Bibliya. (Mateo 28:19, 20; Gawa 5:29) Kami’y natutong harapin ang mga paglusob ng pulisya sa aming mga pulong at sa aming mga tahanan. Nasanay kaming magpatotoo sa mga hukom at sumagot sa mga pagtatanong.
Kami ng aking kapatid na si Jim ay naging mga eksperto sa paghahagis ng mga buklet buhat sa tumatakbong mga sasakyan patungo sa mga pintuan at mga balkonahe ng mga bahay. Bukod dito kami’y nagsilbing mga mensahero at, kung minsan, bilang mga bantay para sa tumatawid sa hangganan upang dumalo sa mga kombensiyon sa Estados Unidos.
Ang aming bahay ay nasa labas ng Port Arthur (ngayo’y Thunder Bay), Ontario, na ang looban na napalilibutan ng mga punungkahoy at mga palumpong ay may lawak na isang ektarya humigit-kumulang. Kami’y may isang baka, isang guya, mga baboy, at mga manok—na lahat ay nagagamit upang mahusay na maikubli ang aming pagtulong sa mga kabataang kapuwa Kristiyano na pinaghahanap upang maibilanggo dahil sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos.
Pagsapit ng gabi, ang mga kotse, trak, at mga trailer na may sakay na mga kabataang Kristiyano ay labas-pasok sa aming liblib na looban. Aming pinatutuloy, itinatago, pinagbabalatkayo, at pinakakain ang mga kabataang ito at pagkatapos ay pinayayaon na namin sila upang magpatuloy sa kanilang patutunguhan. Ang aking ama at ina, kasali na ang ibang mga unang manggagawang iyon, ay buong-kaluluwang mga lingkod na nakaimpluwensiya sa aking murang puso upang maglingkod at umibig sa Diyos na Jehova.
Noong Agosto 1941, inialay ko ang aking buhay kay Jehova at ako’y nabautismuhan sa isang munting look na nasa kaloob-looban ng gubat. Ang ilan sa amin ay nagtipon para dito nang malalim na ang gabi sa isang dampa na iniilawan ng isang lampara. Marahil ay naghihinala, ang pulisya ay nagpatrolya, anupat kasabay na minasdang mabuti ang look sa tulong ng malalaking ilaw, ngunit hindi nila kami nakita.
Ang Maraming Pitak ng Buong-Panahong Paglilingkuran
Noong 1951, ako’y nagtapos sa high school at naglakbay ng halos 1,600 kilometro upang gampanan ang isang atas sa pagpapayunir sa Cobourg, Ontario. Maliit ang kongregasyon, at wala akong kasamang payunir. Ngunit sa pag-alaala na ang kamay ni Jehova ay hindi maikli, ako’y umupa ng isang silid, nagluto ng aking pagkain, at naging maligaya sa paglilingkod kay Jehova. Nang sumunod na taon ako’y inanyayahang maglingkod sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Toronto. Doon ay natuto ako ng maraming mahahalagang aral na nagsangkap sa akin para sa panghinaharap na paglilingkod sa Kaharian.
Pagkatapos na ako’y maglingkod bilang isang payunir sa Toronto nang mahigit isang taon, kami ni Lucy Trudeau ay napakasal, at noong taglamig ng 1954, kami’y tumanggap ng isang atas sa pagpapayunir sa Levis, Quebec. Ang panahon ay totoong maginaw, ang mga mang-uumog at panliligalig ng pulisya ay nakatatakot, at isang hamon ang matuto ng wikang Pranses. Sa lahat ng ito ay hindi naging maikli ang kamay ni Jehova, kaya bagaman may mahihirap na panahon, nagkaroon naman kami ng maraming pagpapala.
Halimbawa, ipinasuri sa amin ang dalawang barko (ang Arosa Star at ang Arosa Kulm) na binabalak na gamitin ng Samahan upang maghatid ng mga delegado sa malalaking internasyonal na mga kombensiyon sa Europa noong 1955. Palibhasa’y gusto nilang maging kliyente ang Samahan, ang mga tagapangasiwa ng kompanya ng barko ay paminsan-minsang nagmamagandang-loob sa amin, anupat nagdudulot ng kaunting ginhawa buhat sa maigting na ministeryo sa Quebec nang panahong iyon.
Noong taglagas ng 1955, ako’y inanyayahang maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, at ginugol namin ang taglamig na iyon sa pagdalaw sa malalayong kongregasyon sa malamig na hilagang Ontario. Nang sumunod na taon, kami ay nag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead sa Estados Unidos, at pagkatapos ay naatasan kami bilang mga misyonero sa Brazil, Timog Amerika.
Ibinuhos namin ang aming puso at kaluluwa sa aming bagong atas at hindi nagtagal kami ay nakapangangaral at nakapagtuturo sa wikang Portuges. Maaga noong 1957, ako’y muling naatasang maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Ngayon, sa halip ng sukdulang lamig ng Hilaga, kami ay kailangang makipagpunyagi sa matinding init. Malimit na kami ay kailangang huminto at alisin ang nakapapasong buhangin sa aming mga sapatos o pumutol ng tubó upang pangusin para magsauli ang aming lakas. Subalit may mga pagpapala.
Sa bayan ng Regente Feijo, nakausap ko ang hepe ng pulisya, at kaniyang ipinasara ang lahat ng tindahan at sinabihan ang lahat na sila’y pumunta sa liwasang bayan. Sa lilim ng isang namumulaklak na punungkahoy na may malalapad na dahon, ako’y nagbigay ng isang pahayag mula sa Bibliya sa lahat ng tagaroon. Ngayon ay may isang kongregasyon doon ng mga Saksi.
Pagpapalaki ng Aming mga Anak sa Brazil
Nang si Lucy ay nagdalang-tao noong 1958, kami’y nanirahan sa Juiz de Fora at naglingkod bilang mga special pioneer. Nang sumunod na dalawang taon, ang aming mga anak na babae, sina Susan at Kim, ay isinilang. Sila’y napatunayang isang tunay na pagpapala sa ministeryo, naging isang bagong karanasan sa bayan. Habang aming itinutulak ang kanilang mga stroller sa mga kalyeng yari sa adobe, nagsisilapit ang mga tao upang makita sila. Yamang malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian sa Recife, na nasa gawing timog lamang ng ekwador, kami’y lumipat sa napakainit na dakong iyon.
Noong 1961, hindi lamang ako nakatulong upang magsaayos ng masasakyang eroplano para sa mga Saksing patungo sa kombensiyon sa São Paulo kundi ako ay nakadalo rin sa di-malilimot na kombensiyong iyon. Mga 20 minuto pagkaraang lumipad, ang eroplano ay biglang sumisid, anupat ang mga pasahero ay napahagis sa paligid ng cabin. Ang loob ng eroplano ay wasak; ang mga upuan ay natanggal sa kanilang kinalalagyan, at ang mga pasahero ay nasaktan at duguan. Mabuti na lamang, napigil ng piloto ang pagbagsak ng eroplano, at kami’y ligtas na nakalapag. Walang isa man sa amin ang malubhang nasaktan anupat naipagpatuloy namin ang aming paglalakbay patungo sa São Paulo sakay ng ibang eroplano. Nasiyahan kami sa isang kahanga-hangang kombensiyon, subalit nasabi ko na hindi na ako muling sasakay sa eroplano!
Gayunman, pag-uwi ko buhat sa kombensiyon, isang atas ang naghihintay sa akin. Ako’y kailangang mag-asikaso ng isang kombensiyon sa kaloob-looban ng gubat sa Teresina, Estado ng Piauí. Kailangang ako’y mag-eroplano patungo roon. Bagaman ako’y totoong nahihintakutan, tinanggap ko ang atas, na umaasa sa tulong ng kamay ni Jehova.
Noong 1962 ay isinilang ang aming anak na lalaki, si Greg, sa Recife. Bagaman noon ay hindi na ako makapagpayunir dahil ako ngayon ay may isang lumalaking pamilya, nagawa kong magpamalas ng positibong impluwensiya sa munting kongregasyon. Ang mga bata ay laging sabik na sumama sa amin sa ministeryo, palibhasa’y ginawa naming kawili-wili iyon para sa kanila. Bawat isa sa kanila, mula sa edad na tatlong taon, ay nakapagbibigay ng isang presentasyon sa mga pintuan. Inugali namin na huwag papalya ng pagdalo sa mga pulong o sa paglilingkod sa larangan. Kahit na kung may sakit ang isang miyembro ng pamilya at ang isa ay kailangang magpaiwan sa tahanan upang tumingin sa kaniya, ang iba ay dumadalo sa mga pulong o nakikibahagi sa ministeryo sa larangan.
Sa paglakad ng mga taon, regular na tinatalakay namin bilang isang pamilya ang mga kurso ng mga bata sa paaralan at ang kanilang mga tunguhin sa buhay, anupat inihahanda sila sa isang karera sa organisasyon ni Jehova. Kami’y nag-iingat upang hindi sila malantad sa nagpapahinang mga impluwensiya, gaya ng telebisyon. Hindi kami nagkaroon ng TV sa aming tahanan hanggang hindi sumapit sa pagkatin-edyer ang mga bata. At bagaman mayroon kaming magagasta, hindi namin sila pinalayaw sa materyal na mga bagay. Halimbawa, bumili kami ng isa lamang bisikleta, na magagamit nilang tatlo.
Hangga’t maaari kami’y gumagawang magkakasama ng mga bagay-bagay, naglalaro ng basketball, lumalangoy, at namamasyal bilang isang pamilya. Ang aming mga paglalakbay ay kaugnay ng pagdalo sa mga kombensiyong Kristiyano o pagdalaw sa mga tahanang Bethel sa iba’t ibang bansa. Ang mga paglalakbay na ito ay nagbigay sa amin ng panahon na malayang mag-usap-usap upang malaman namin ni Lucy kung ano ang nasa puso ng aming mga anak. Pinasasalamatan namin si Jehova para sa kasiya-siyang mga taóng iyon!
Sa wakas, ang sampung taóng pamamalagi namin sa Tropiko malapit sa ekwador ay nagkaroon ng nakapipinsalang epekto sa kalusugan ni Lucy. Kaya tinanggap namin ang pagbabago ng atas sa mas katamtamang klima ng timog, sa Curitiba, Estado ng Paraná.
Pagbabalik sa Canada
Noong 1977, pagkatapos ng mga 20 taon sa Brazil, kami ni Lucy ay bumalik sa Canada kasama ang aming mga anak upang tumulong sa pag-aalaga sa aking maysakit na ama. Anong laking pagkakaiba iyon ng kultura para sa aming pamilya! Subalit hindi ito isang naiibang kapaligiran kung tungkol sa espirituwal, yamang nagpatuloy kami sa ganoon ding rutin sa aming maibiging kapatirang Kristiyano.
Sa Canada ang buong-panahong ministeryo ay isang bagay na kinasasangkutan ng buong pamilya samantalang ang aming mga anak na babae ay nagkaroon ng kani-kaniyang pagkakataon na pumasok sa buong-panahong ministeryo ng pagpapayunir. Lahat kami ay may bahagi sa aming proyektong pampamilya. Anumang kita buhat sa trabahong part-time ay inilalagay sa pondo para panggastos sa aming tahanan at sa tatlong sasakyan na kailangan upang magamit sa aming hiwa-hiwalay na teritoryo. Bawat linggo, pagkatapos ng aming pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, aming pinag-uusapan ang mga plano ng pamilya. Ang mga pagtalakay na ito ang nakatulong sa bawat isa upang alamin kung saan kami patungo at kung ano ang ginagawa namin sa aming buhay.
Ang aming anak, si Greg, tulad ng kaniyang mga ate, ay may tunguhin din na buong-panahong ministeryo. Mula pa sa edad na limang taon, ipinahayag na niya ang kaniyang hangarin na maglingkod sa isang tanggapang pansangay ng Samahan, tinatawag na Bethel. Hindi niya nakalimutan ang tunguhing iyan, at nang matapos sa high school, tinanong niya ako at ang kaniyang ina: “Sa palagay kaya ninyo ay dapat akong magprisinta sa Bethel?”
Bagaman malungkot para sa amin na payagang umalis ang aming anak, kami’y tumugon nang walang pag-aatubili: “Hindi mo lubusang madarama ang kamay ni Jehova di gaya kung ikaw ay nasa Bethel—ang mismong sentro ng organisasyon ni Jehova.” Hindi lumampas ang dalawang buwan at siya’y naroon na sa Bethel sa Canada. Iyon ay noong 1980, at naglilingkod siya roon mula noon.
Ang mga taon ng 1980 ay nagdulot ng mga bagong hamon para sa amin ni Lucy. Kami ay nagsimulang muli—kaming dalawa lamang. Noon ay may-asawa na si Susan at nagpapayunir kasama ng kaniyang asawa, at sina Kim at Greg ay kapuwa naglilingkod sa Bethel. Ano ang gagawin namin? Ang tanong na iyan ay dagling nasagot noong 1981 nang kami’y anyayahang maglingkod sa isang sirkitong Portuges, na may lawak na 2,000 kilometro patawid ng Canada. Kami’y nasisiyahan pa rin sa gawaing paglalakbay.
Noon si Kim ay may asawa na at nakapag-aral sa Gilead, at ngayon ay naglilingkod siya kasama ng kaniyang asawa sa gawaing pansirkito sa Brazil. Sina Susan at ang kaniyang asawa ay naroroon pa rin sa Canada, nagpapalaki ng kanilang dalawang anak, at ang asawa ni Susan ay nagpapayunir. Kahit na ang aming pamilya ay nagkahiwa-hiwalay sa pisikal noong nakalipas na mga taon dahil sa aming iba’t ibang atas sa buong-panahong paglilingkod, kami’y nananatiling nagkakaisa pa rin sa espirituwal at sa damdamin.
Kami ni Lucy ay nakatanaw sa isang maligayang kinabukasan kasama ang aming pamilya sa nilinis na lupa. (2 Pedro 3:13) Tulad ni Moises noong sinaunang panahon, tuwirang naranasan namin ang katotohanan ng sagot sa retorikong tanong sa Bilang 11:23: “Umikli na ang kamay ni Jehova, gayon ba? Ngayo’y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.” Oo, walang makahahadlang kay Jehova sa pagpapala sa kaniyang mga lingkod dahil sa kanilang buong-pusong paglilingkuran.
[Larawan sa pahina 25]
Kapiling ng aking maybahay, si Lucy