Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa mga panahong ito ng kahirapan sa ekonomiya, parami nang paraming tao at mga kompanya ang nag-uulat ng pagka-bangkrap. Angkop ba ayon sa Kasulatan na ang isang Kristiyano ay magdeklara ng pagka-bangkrap?
Ang sagot sa tanong na ito ay naglalaan ng mainam na paglalarawan kung papaano nagbibigay sa atin ang Salita ng Diyos ng praktikal na patnubay tungkol sa mga bagay-bagay na maliwanag na bago. Maraming lupain ang may mga batas tungkol sa pagka-bangkrap. Nagkakaiba-iba ang mga batas sa bawat bansa, at hindi para sa kongregasyong Kristiyano ang magbigay ng legal na payo tungkol dito. Pero kunin natin ang sumaryo ng probisyon ng batas tungkol sa pagka-bangkrap.
Ang isang dahilan kung bakit pinahihintulutan ng mga pamahalaan na ang mga tao at mga negosyo ay magdeklara ng pagka-bangkrap ay sapagkat binibigyan nito ng isang antas ng proteksiyon yaong mga nagpapahiram ng salapi o mga nagpapautang buhat sa mga tao o mga negosyo na humihiram ng salapi o may-utang ngunit hindi nagbabayad ng kanilang hiniram. Para sa mga nagpapautang waring ang tanging magagawa ay ang umapela sa mga korte upang ang may-utang ay mapilitang magdeklara na siya’y bangkrap na upang ang mga ari-arian ng may-utang ay maipamamahagi bilang bahaging kabayaran sa pagkakautang.
Ang pagka-bangkrap ay nagsisilbing proteksiyon din para sa mga may-utang na talagang hindi makabayad sa mga nagpautang sa kanila. Ang may-utang ay maaaring pahintulutang magdeklara ng pagka-bangkrap, sa gayon ay makukuha ng mga nagpautang sa kaniya ang ilan sa kaniyang mga ari-arian. Gayunpaman, maaaring ipahintulot ng batas na manatili sa kaniya ang kaniyang tahanan o ang ilang maliliit na ari-arian at pagkatapos ay makapagpatuloy sa kaniyang pamumuhay nang hindi nangangambang mawala o ilitin ang mga ito ng kaniyang dating mga pinagkautangan.
Kung gayon, maliwanag na ang mga batas na ito ay nilayong magbigay ng isang antas ng proteksiyon sa dalawang panig sa mga transaksiyon sa pananalapi o sa negosyo. Subalit, pansinin natin kung anong nakatutulong na payo ang ibinibigay ng Bibliya.
Mahirap para sa isa na basahin ang buong Bibliya nang hindi nakikita na nagpapayo ito laban sa pangungutang. Masusumpungan natin ang gayong mga babala gaya ng nasa Kawikaan 22:7: “Ang mayaman ang siyang magpupuno sa dukha, at ang nanghihiram ay alipin sa taong nagpapahiram.”
Alalahanin din ang talinghaga ni Jesus sa Mateo 18:23-34 tungkol sa isang alipin na may malaking pagkakautang. “Iniutos ng kaniyang panginoon na siya at ang kaniyang asawang babae at ang kaniyang mga anak at ang lahat ng mga bagay na taglay niya ay ipagbili,” subalit ang panginoon, na isang hari, ay naglubag ang kalooban at nagpakita ng awa. Nang ang aliping iyan ay napatunayang di-maawain nang bandang huli, iniutos ng hari na siya’y ‘dalhin sa mga tagapagbilanggo, hanggang sa mabayaran niyang lahat ang pagkakautang.’ Maliwanag, ang pinakamainam na landasin, ang iminungkahing landasin, ay ang umiwas sa panghihiram ng salapi.
Nagnenegosyo ang mga lingkod ng Diyos sa sinaunang Israel, at kung minsan ay may nanghihiram at may nagpapahiram. Ano ang itinagubilin ni Jehova na gagawin nila? Kung ibig ng isang tao na manghiram ng salapi upang magsimula o magpalaki ng isang negosyo, naaayon sa batas at pangkaraniwan para sa isang Hebreo na magpataw ng interes. Gayunman, hinimok ng Diyos ang kaniyang bayan na huwag maging sakim kapag nagpapahiram sa isang nagdarahop na Israelita; sila’y hindi dapat makinabang buhat sa anumang mahirap na kalagayan sa pamamagitan ng pagpapataw ng interes. (Exodo 22:25) Ganito ang sabi ng Deuteronomio 15:7, 8: “Kung sakaling ang isa sa iyong mga kapatid ay naging dukha . . . , bubuksan mo sa kaniya ang iyong kamay at iyo ngang pauutangin siya ng sapat sa kaniyang kailangan, na kaniyang kinakailangan.”
Gayunding kabaitan o konsiderasyon ang mababanaag sa mga alituntuning nagtatakda na hindi maaaring ilitin ng nagpautang ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay ng may-utang, tulad ng batong-gilingan ng pamilya o ng kasuutan na kailangan ng tao bilang pampainit kung gabi.—Deuteronomio 24:6, 10-13; Ezekiel 18:5-9.
Mangyari pa, hindi lahat ng Judio ay tumanggap at nagkapit ng diwa ng maibiging mga batas na ito buhat sa kanilang dakilang Hukom at Tagapagbigay-batas. (Isaias 33:22) Ang ilang sakim na mga Judio ay naging totoong malupit sa pagtrato sa kanilang mga kapatid. Gayundin sa ngayon, ang ilang nagpapautang ay maaaring malupit at di-makatuwiran sa kanilang mga hinihingi, kahit na sa isang taimtim na Kristiyano na sa kasalukuyan ay hindi makabayad dahilan sa dumaranas siya ng ilang di-inaasahang pangyayari. (Eclesiastes 9:11) Sa pamamagitan ng kanilang mahigpit, matinding panggigipit, ang makasanlibutang mga nagpapautang ay maaaring magtulak sa isang may-utang sa isang kalagayan na nadarama niyang kailangang ipagsanggalang niya ang kaniyang sarili. Papaano? Sa ilang kaso ang tanging bagay na tatanggapin ng nagpautang ay ang legal na hakbang ng pagka-bangkrap. Kaya ang isang Kristiyano, na hindi sakim o pabaya kung tungkol sa kaniyang mga pagkakautang, ay maaaring mapilitang magdeklara ng pagka-bangkrap.
Subalit, dapat tayong maging alisto tungkol sa kabilang panig ng bagay na ito. Maaaring nagkautang ang isang Kristiyano dahil lamang sa hindi siya gumamit ng pagpipigil-sa-sarili sa kung ano at magkano ang gagastusin niya o dahil sa hindi siya naging makatuwiran sa mga desisyon niya sa negosyo. Dapat ba niyang ipagwalang-bahala ang utang at agad magdeklara ng pagka-bangkrap, anupat mapinsala ang iba dahil sa kaniyang maling pagpapasiya? Hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang gayong pinansiyal na pagka-iresponsable. Hinihimok nito ang lingkod ng Diyos na ang kaniyang oo ay mangahulugang oo. (Mateo 5:37) Alalahanin din ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagtaya ng magagastos bago magtayo ng isang tore. (Lucas 14:28-30) Kasuwato niyan, dapat na maingat na isaalang-alang ng isang Kristiyano ang posibleng di-kanais-nais na mga resulta bago siya mangutang. Minsang makautang na siya, dapat na kilanlin niya ang kaniyang pananagutan na bayaran ang mga tao o ang mga kompanya na pinagkakautangan niya. Kung maraming iba pang Kristiyano ang nakapansin na ang isang Kristiyano ay iresponsable o di-mapagkakatiwalaan, maaaring nasira niya ang mabuting pangalan na pinagsikapan niya at sa gayo’y wala nang isang mainam na patotoo mula sa mga tagalabas.—1 Timoteo 3:2, 7.
Alalahanin din ang sinasabi sa atin ng Awit 15:4 tungkol sa uri ng tao na tinatanggap ni Jehova. Mababasa natin: “Siya [ang isa na sinasang-ayunan ng Diyos] ay sumumpa na nagdala ng ikinapinsala niya, at gayunma’y hindi siya nagbabago.” Oo, inaasahan ng Diyos na pakikitunguhan ng mga Kristiyano ang kanilang mga pinagkakautangan gaya kung papaano nila ibig na sila’y pakitunguhan.—Mateo 7:12.
Kung gayon, bilang sumaryo, hindi inaalis ng Bibliya ang posibilidad na sa isang sukdulang kalagayan, maaaring gamitin ng isang Kristiyano ang proteksiyon na ibinibigay ng mga batas ni Cesar tungkol sa pagka-bangkrap. Gayunman, dapat na namumukod-tangi ang mga Kristiyano kung tungkol sa katapatan at pagkamaaasahan. Sa gayon, sila’y dapat maging uliran sa kanilang taimtim na pagnanais na mabayaran ang kanilang mga pagkakautang.