Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 10/15 p. 4-7
  • Ano Ang Kalagayan ng mga Patay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano Ang Kalagayan ng mga Patay?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Nilayon ang Kamatayan Para sa Sangkatauhan
  • Anong Pangako?
  • Pakikipagtalastasan Mula sa Dako ng mga Espiritu
  • Si Jehova, Diyos ng Katotohanan at Pag-ibig
  • Ano ang Nangyayari sa Ating Yumaong mga Mahal sa Buhay?
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Dapat Mo Bang Katakutan ang Patay?
    Gumising!—2009
  • Kabilang Buhay—Paano, Saan, Kailan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Mayroon Ka Bang Imortal na Espiritu?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 10/15 p. 4-7

Ano Ang Kalagayan ng mga Patay?

ANG pagkatakot sa mga patay ay batay sa isang palagay​—na ang namatay ay may isang kaluluwa o espiritu na patuloy na nabubuhay. Kung maliwanag na itinuturo ng Bibliya na ang ideang ito ay huwad, samakatuwid ang suliranin tungkol sa kung maaari kang pinsalain ng mga patay ay nalutas na. Kung gayon, ano ba ang sinasabi ng Bibliya?

Tungkol sa kalagayan ng mga patay, ganito ang sinasabi ng Salita ng Diyos: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit kung para sa mga patay, sila’y walang kamalayan sa anuman, ni mayroon pa man silang kagantihan, sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan. At, ang kanilang pag-ibig at kanilang poot at kanilang paninibugho ay naparam na, at wala na silang bahagi magpakailanman sa anuman na kanilang ginagawa sa ilalim ng araw.”​—Eclesiastes 9:5, 6.

Dahil dito, ikaw ba ay maaaring tulungan o pinsalain ng mga patay? Hindi, ang sabi ng Kasulatan. Ang mga patay ay walang-malay at nasa katahimikan. Sila’y walang-kakayahang makipagtalastasan sa mga buháy o magpahayag ng anumang emosyon​—pag-ibig o pagkapoot​—​o gumawa ng anumang pagkilos. Hindi ka kailangang matakot sa kanila.

‘Buweno, oo, maaaring totoo iyan kung ang tinutukoy mo ay ang kamatayan ng pisikal na katawan,’ baka sabihin ng ilan. ‘Subalit ang pisikal na kamatayan ay hindi siyang katapusan ng buhay; pinalalaya lamang nito ang espiritu buhat sa katawan. Ang espiritung iyan ang makatutulong o makapipinsala sa mga nabubuhay.’ Ganiyan ang nadarama ng milyun-milyong tao sa lupa.

Halimbawa, sa Madagascar ang buhay ay itinuturing na isa lamang pagbabago, kaya ang libing at ang paghukay sa bangkay ay itinuturing na mas mahalaga kaysa isang kasalan. Inaakala na ang tao ay nanggaling sa kaniyang mga ninuno at bumabalik sa kanila sa kamatayan. Kaya naman, ang mga bahay para sa mga buháy ay yari sa kahoy at adobe, mga bagay na nadudurog sa paglipas ng panahon, samantalang ang mga libingan, ang “mga tahanan” para sa mga patay, ay karaniwan nang mas napapalamutian at matitibay. Sa paghukay sa bangkay, naniniwala ang pamilya at mga kamag-anak na sila’y pagpapalain, at naniniwala ang mga babae na kung hihipuin nila ang mga buto ng namatay na kamag-anak, sila’y magiging palaanák. Subalit, muli, ano nga ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos?

Hindi Nilayon ang Kamatayan Para sa Sangkatauhan

Kawili-wiling pansinin na nilikha ng Diyos ang tao upang mabuhay, at binanggit lamang niya ang kamatayan bilang bunga ng pagsuway. (Genesis 2:17) Nakalulungkot, nagkasala nga ang unang lalaki at babae, at bunga nito, ang kasalanan ay lumaganap sa buong sangkatauhan bilang isang nakamamatay na pamana. (Roma 5:12) Kaya masasabi mo na ang kamatayan ay isang katotohanan sa buhay sapol nang sumuway ang unang mag-asawa, oo, isang masakit na katotohanan sa buhay. Tayo’y nilikha upang mabuhay, na sa isang bahagi ay nagpapaliwanag kung bakit mahirap para sa milyun-milyong tao na harapin ang kamatayan bilang siyang katapusan.

Ayon sa ulat ng Bibliya, sinikap ni Satanas na linlangin ang unang mag-asawa kung tungkol sa kamatayan sa pamamagitan ng pagsalungat sa babala ng Diyos na kamatayan ang ibubunga ng pagsuway. (Genesis 3:4) Gayunman, sa paglipas ng panahon, naging maliwanag na ang mga tao ay namamatay gaya ng sinabi ng Diyos na mangyayari sa kanila. Kaya naman, sa loob ng mga siglo ay tumugon si Satanas sa pamamagitan ng isa pang kasinungalingan​—na may espiritung bahagi ang tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan. Ang gayong panlilinlang ay angkop kay Satanas na Diyablo, na inilarawan ni Jesus bilang “ang ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Sa kabaligtaran, ang tugon ng Diyos sa kamatayan ay isang nakapagpapatibay-loob na pangako.

Anong Pangako?

Iyon ay ang pangako ng isang pagkabuhay-muli para sa marami. Ang salitang Griego na isinaling “pagkabuhay-muli” ay a·naʹsta·sis. Iyon ay literal na nangangahulugang “isang pagtayong muli,” at iyon ay tumutukoy sa isang pagbangon buhat sa kamatayan. Oo, ang tao ay humihiga sa kamatayan, subalit maaari siyang ibangon muli ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan. Naiwawala ng tao ang buhay, ngunit maaari siyang buhaying-muli ng Diyos. Ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay nagsabi na “ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Ipinahayag ni apostol Pablo ang kaniyang “pag-asa sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Si Job, isang tapat na lingkod ng Diyos noong bago ng kapanahunang Kristiyano, ay nagpahayag din ng kaniyang pag-asa sa isang pagkabuhay-muli: “Kung ang isang malakas na tao ay mamatay mabubuhay pa kaya siya? Lahat ng araw ng aking sapilitang paglilingkod ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking katubusan. Ikaw [ang Diyos] ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo.”​—Job 14:14, 15.

Hindi ba pinabubulaanan ng malinaw na pangako ng pagkabuhay-muli ang idea na ang mga patay ay buháy sa isang anyong espiritu? Kung ang mga patay ay nabubuhay at umiiral sa langit o sa isang daigdig ng mga espiritu, ano pa ang magiging layunin ng pagkabuhay-muli? Hindi ba natanggap na nila ang kanilang gantimpala o kapalaran? Isinisiwalat ng pag-aaral ng Salita ng Diyos na ang mga patay ay talagang patay, walang malay, natutulog hanggang sa dakilang paggising sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa isang bagong sanlibutan​—isang paraiso​—​na ipinangako ng ating maibiging Ama, si Jehova. Subalit kung ang kamatayan ay hindi nangangahulugan ng paghihiwalay ng katawan at ng espiritu at kung ang espiritu ay hindi patuloy na nabubuhay, kumusta naman ang mga kaso ng waring pakikipagtalastasan mula sa daigdig ng mga espiritu?

Pakikipagtalastasan Mula sa Dako ng mga Espiritu

Di-mabilang na mga kaso ang napaulat tungkol sa pakikipagtalastasan na ipinagpapalagay na galing sa dako ng mga espiritu. Ano bang talaga ang pinagmulan ng mga ito? Nagbababala sa atin ang Bibliya na “si Satanas mismo ay nagbabalatkayo bilang isang anghel ng liwanag. Kaya nga isang simpleng bagay para sa kaniyang mga ahente na magbalatkayo bilang mga ahente ng kabutihan.” (2 Corinto 11:14, 15, The New English Bible) Oo, upang mas madaling linlangin at iligaw ang mga tao, nakikipagtalastasan ang mga demonyo (rebelyosong mga anghel) sa mga nabubuhay, kung minsan ay nagkukunwaring tumutulong.

Nagbibigay pa ng karagdagang babala si apostol Pablo hinggil sa kampanyang ito ng panlilinlang: “Ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga kapahayagan at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Kaya anumang pagtugon na ipinagpapalagay na buhat sa mga patay ay malamang na buhat sa mga demonyo na nagbabalatkayo bilang “mga ahente ng kabutihan” at nagtataguyod ng isang relihiyosong kasinungalingan, anupat inaalipin ang mga tao sa mga pamahiin na naglalayo sa kanila buhat sa katotohanan ng Salita ng Diyos.

Sa pagpapatunay na ang mga patay ay hindi na makapagsasalita ng anuman, makagagawa ng anuman, o makadarama ng anuman, ganito ang sabi ng Awit 146:3, 4: “Huwag mong ilagak ang iyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas. Ang espiritu niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” Anong espiritu ang “pumapanaw”? Iyon ay ang puwersa ng buhay ng isang tao na sinusustenihan ng paghinga. Samakatuwid, kapag huminto ng paghinga ang taong namatay, hindi na umaandar ang kaniyang mga sangkap ng katawan. Siya’y pumapasok sa isang kalagayan ng lubusang kawalang-malay. Kaya imposible na siya’y magkaroon ng kapangyarihan sa mga buháy.

Kaya naman inihahambing ng Bibliya ang kamatayan ng isang tao sa kamatayan ng isang hayop, na sinasabing ang dalawa ay nawawalan ng malay sa kamatayan at bumabalik sa alabok na kanilang pinanggalingan. Ganito ang sabi ng Eclesiastes 3:19, 20: “Ang nangyayari sa mga anak ng tao ay nangyayari sa mga hayop, at pareho ang nangyayari sa kanila. Kung papaano namamatay ang isa, gayundin namamatay yaong isa; at silang lahat ay may iisang espiritu, kaya walang kahigitan ang tao sa hayop, sapagkat lahat ay walang kabuluhan. Lahat ay patungo sa iisang dako. Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay babalik sa alabok.”

Palibhasa’y nakaáalam na sinisikap ng mga demonyo na linlangin ang mga tao sa pag-iisíp na sila’y maaaring makipagtalastasan at maapektuhan ng mga patay, ang Diyos na Jehova ay nagbabala sa kaniyang bayan, ang sinaunang mga Israelita: “Hindi dapat makasumpong sa inyo . . . ng sinumang gumagamit ng panghuhula, isang gumagawa ng salamangka o sinumang nagmamasid ng mga pamahiin o isang manggagaway, o isang engkantador o sinumang sumasangguni sa isang espiritista o isang propesyonal na manghuhula ng mga mangyayari o sinumang sumasangguni sa patay. Sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumal-dumal kay Jehova.”​—Deuteronomio 18:10-12.

Maliwanag, ang idea na maaari tayong pinsalain ng mga patay ay hindi nanggaling sa Diyos. Siya ang Diyos ng katotohanan. (Awit 31:5; Juan 17:17) At siya ay may kagila-gilalas na kinabukasang inilalaan para sa mga umiibig ng katotohanan na sumasamba sa kaniya “sa espiritu at katotohanan.”​—Juan 4:23, 24.

Si Jehova, Diyos ng Katotohanan at Pag-ibig

Ang ating maibiging Ama sa langit, “na hindi makapagsisinungaling,” ay nangako: Milyun-milyong nangamatay at inilibing ang bubuhaying-muli taglay ang pag-asang buhay na walang-hanggan sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran! (Tito 1:1, 2; Juan 5:28) Ang maibiging pangakong ito tungkol sa isang pagkabuhay-muli ay nagsisiwalat na si Jehova ay may matinding interes sa kapakanan ng mga taong kaniyang nilalang at may isang taos-pusong hangarin na wakasan ang kamatayan, kalungkutan, at sakit. Kaya hindi na kailangang matakot sa mga patay o labis na mabalisa tungkol sa kanila o sa kanilang pag-asa. (Isaias 25:8, 9; Apocalipsis 21:3, 4) Ang ating maibigin at makatarungang Diyos, si Jehova, ay may kakayahan na sila’y buhaying-muli, at gagawin niya iyan, na pinapawi ang kalungkutan na dulot ng kamatayan.

Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay sagana sa mga paglalarawan ng magiging mga kalagayan sa lupa sa ipinangakong bagong sanlibutang iyan ng katuwiran. (Awit 37:29; 2 Pedro 3:13) Iyon ay magiging isang panahon ng kapayapaan at kaligayahan at ng pag-ibig para sa lahat ng tao. (Awit 72:7; Isaias 9:7; 11:6-9; Mikas 4:3, 4) Lahat ay magkakaroon ng ligtas, maiinam na tahanan, gayundin ng kasiya-siyang gawain. (Isaias 65:21-23) Magkakaroon ng saganang pagkain para sa lahat. (Awit 67:6; 72:16) Lahat ay magtatamasa ng ganap na kalusugan. (Isaias 33:24; 35:5, 6) Samantalang ang mga apostol at isang karagdagang limitadong bilang ay maghaharing kasama ni Jesus sa langit, hindi bumabanggit ang Bibliya ng pinagpalang mga kalagayan sa langit para sa mga kaluluwa ng iba pang namatay. (Apocalipsis 5:9, 10; 20:6) Ito’y magiging kakatwâ kung ang bilyun-bilyon sa mga namatay ay patuloy na nabubuhay.

Subalit hindi kakatwâ kung alam natin ang maliwanag na turo ng Bibliya: Ang mga patay ay hindi na umiiral bilang nabubuhay na mga kaluluwa. Hindi ka nila maaaring pinsalain. Yaong mga nasa alaalang libingan ay namamahinga lamang, walang-malay hanggang sa sila’y buhaying-muli ng Diyos sa takdang panahon. (Eclesiastes 9:10; Juan 11:11-14, 38-44) Ang ating mga pag-asa at mga mithiin, kung gayon, ay nakasalalay sa Diyos. “Tayo’y magalak at magsaya sa kaniyang pagliligtas.”​—Isaias 25:9.

[Larawan sa pahina 7]

Gaya ng malinaw na ipinakikita ng Salita ng Diyos, ang mga patay ay lubusang di-aktibo hanggang sa pagkabuhay-muli

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share