Nakikita Kaya Tayo ng mga Patay?
PINATAY ng isang babae ang kaniyang asawa. Pagkaraan ng pitong taon siya ay nangilabot dahil sa isang panaginip na pinaniniwalaan niyang isang tanda ng matinding galit ng kaniyang namatay na asawa. Upang payapain ang kaniyang “espiritu,” pinapunta niya ang kaniyang anak na babae upang magbuhos ng handog na inumin sa kaniyang libingan.
Hindi alam ng anak na babae kung papaano makikipag-usap sa espiritu ng kaniyang ama, yamang ang handog ay galing sa kaniyang ina na pumatay sa kaniyang ama. Buhat sa isang kublihang dako, nagmamasid ang kaniyang kapatid na lalaki. Lumapit siya, at silang magkapatid ay naghandog ng isang panalangin sa kanilang ama upang tulungan silang ipaghiganti ang pagkapaslang sa kaniya.
Ang eksenang ito ay buhat sa The Libation Bearers, isang dulang Griego na isinulat mahigit 2,400 taon na ang nakalipas. Sa ilang dako sa daigdig, lalo na sa Aprika, naghahandog pa rin sa ngayon ng nakakatulad na mga hain sa libingan.
Halimbawa, isaalang-alang ang karanasan ni Ibe, na naninirahan sa Nigeria. Palibhasa’y namatayan ng tatlong anak, nilapitan niya ang tradisyunal na albularyo, na nagsabi kay Ibe na ang mga kamatayan ay may dahilan—ang ama ni Ibe na namatay na ay nagagalit dahil sa ang kaniyang libing ay hindi ginanap sa angkop na paraan.
Bilang pagsunod sa payo ng albularyo, naghain si Ibe ng isang kambing at nagbuhos ng handog na hinebra at alak sa puntod ng kaniyang ama. Tinawag niya ang espiritu ng kaniyang ama, humingi ng kapatawaran, ipinahayag ang kaniyang pag-ibig, at humiling ng pagpapala.
Natitiyak ni Ibe na nakikita at naririnig siya ng kaniyang ama. Hindi siya naniniwala na wala nang buhay ang kaniyang ama at sa kamatayan ay “lumipat” siya buhat sa nakikitang daigdig tungo sa di-nakikitang daigdig. Naniniwala si Ibe na ang kaniyang ama ay lumisan mula sa daigdig ng laman at dugo tungo sa daigdig ng mga espiritu, ang daigdig ng mga ninuno.
Ganito ang pangangatuwiran ni Ibe: ‘Bagaman wala na si Itay sa daigdig na ito, naaalaala pa rin niya ako at siya’y interesado sa aking kapakanan. At yamang siya ngayon ay isa nang espiritu na may ibayong kapangyarihan, siya ay nasa mas mainam na kalagayan upang tulungan ako kaysa noong siya ay isang tao sa lupa. Isa pa, siya’y tuwirang makalalapit sa Diyos alang-alang sa akin, yamang ang Diyos ay isa ring espiritu. Maaaring nagagalit si Itay ngayon, ngunit kung pakikitaan ko siya ng wastong paggalang, ako’y patatawarin at pagpapalain niya.’
Sa Aprika ay laganap sa mga nagsasagawa ng tradisyunal na relihiyon ang paniniwala na nakikita ng mga patay ang mga tao sa lupa at nakaiimpluwensiya sa kanilang buhay. Ito’y makikita rin sa mga nag-aangking Kristiyano. Halimbawa, pagkatapos na ikasal ang isang babae sa simbahan, pangkaraniwan nang siya’y pumaparoon sa tahanan ng kaniyang mga magulang upang tumanggap ng tradisyunal na bendisyon. Doon ay nagsusumamo sa mga ninuno, at isang handog na inumin ang ibinubuhos para sa kanila. Naniniwala ang maraming tao na ang di-paggawa nito ay magdudulot ng kapahamakan sa pag-aasawa.
Ipinagpapalagay na tinitiyak ng mga ninuno, o espiritu ng mga ninuno, ang kaligtasan at kaunlaran ng kanilang pamilya sa lupa. Ayon sa pananaw na ito, sila ay mga kasamahang makapangyarihan, nakapagdudulot ng mabuting ani, nangangalaga ng kalusugan, at nagsasanggalang sa mga tao buhat sa pinsala. Namamagitan sila alang-alang sa tao. Gayunman, kung ipagwawalang-bahala o pupukawin ang galit, nagdadala sila ng kapahamakan—sakit, kahirapan, maging ng kamatayan. Dahil dito, sa pamamagitan ng hain at ritwal, sinisikap ng mga tao na mapanatili ang mabuting kaugnayan sa mga patay.
Naniniwala ba kayo na ang mga patay ay may malaking impluwensiya sa mga buháy? Nagawa na ba ninyong tumayo sa harap ng libingan ng isang mahal sa buhay at masumpungan ang inyong sariling bumibigkas ng ilang pananalita, na nagbabaka-sakaling kayo’y naririnig niya? Buweno, depende sa nangyayari pagkamatay kung nakikita at naririnig man tayo o hindi ng mga patay. Suriin natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mahalagang paksang ito.