Ang Pagtatakwil sa Diyos sa Ika-20 Siglo
“Tinanggap na ng mga tao ang hindi pag-iral ng Diyos at isinasaayos ang kanilang buhay nang nagsasarili, sa ikabubuti man o sa ikasasama, at nang walang anumang pagsasaalang-alang sa Diyos.”—One Hundred Years of Debate Over God—The Sources of Modern Atheism.
BAGAMAN sa simula ay kahanga-hanga iyon, ang isang pagkataas-taas na punungkahoy ay sa wakas itinuturing na pangkaraniwan. Pamilyár na ang anyo nito; hindi na kagila-gilalas ang taas nito.
Gayundin kung tungkol sa ateismo. Bagaman pumukaw ito ng maraming pagtatalo noong ika-19 na siglo, ang pagtangging maniwala sa pag-iral ng Diyos ay hindi na nakabibigla o nakababahala sa ngayon. Isang panahon ng pagpaparaya ang nagbigay-daan upang ang ateismo ay mapayapang umiral kasabay ng paniniwala sa Diyos.
Hindi naman nangangahulugan na karamihan ng mga tao ay lubusan nang nagtakwil sa Diyos; sa kabaligtaran, ang mga resulta ng surbey buhat sa 11 bansa sa buong Amerika, Europa, at Asia ay nagsisiwalat na, humigit-kumulang, mga 2 porsiyento lamang ang nag-aangking mga ateista. Gayunpaman, laganap ang isang saloobing maka-ateismo—kahit na sa marami na naniniwalang umiiral ang Diyos. Papaano nagkaganito?
Pagtanggi sa Awtoridad ng Diyos
“Kung minsan ang ateismo ay tumutukoy lamang sa kinaugaliang pagtanggi o pagwawalang-bahala sa Diyos,” sabi ng The Encyclopedia Americana. Dahil dito, ibinibigay ng The New Shorter Oxford English Dictionary ang sumusunod na ikalawang katuturan ng “ateista”: “Isang tao na itinatanggi ang Diyos sa moral na paraan; isang taong walang Diyos.”—Amin ang italiko.
Oo, sa ateismo ay maaaring nasasangkot ang alinman sa pagtangging maniwala sa pag-iral ng Diyos o sa kaniyang awtoridad o sa dalawang ito. Tinutukoy ng Bibliya ang maka-ateismong saloobing ito sa Tito 1:16: “Sila’y nag-aangking kumikilala sa Diyos, ngunit itinatakwil siya sa pamamagitan ng kanilang mga kilos.”—The New English Bible; ihambing ang Awit 14:1.
Ang gayong pagtanggi sa awtoridad ng Diyos ay maaaring taluntunin mula sa unang mag-asawa. Kinilala ni Eva ang pag-iral ng Diyos; gayunman, ibig niyang “maging kagaya ng Diyos, na nakaáalam ng mabuti at ng masama.” Ipinahiwatig na siya ay maaaring ‘maging kaniyang sariling panginoon’ at lumikha ng kaniyang sariling alituntunin ng asal. Nang dakong huli ay sumali si Adan kay Eva sa pagtangging ito sa awtoridad ng Diyos.—Genesis 3:5, 6.
Laganap ba sa ngayon ang saloobing ito? Oo. Isang tusong ateismo ang makikita sa paghahangad ng kalayaan. “Ang mga tao sa ngayon ay nagsasawa na sa pamumuhay na nakamasid ang Diyos,” ang sabi ng aklat ng One Hundred Years of Debate Over God—The Sources of Modern Atheism. “Sila ay . . . nagnanais mamuhay nang malaya.” Ang mga alituntunin ng asal na matatagpuan sa Bibliya ay tinatalikdan bilang di-praktikal, di-makatotohanan. Ang pag-iisip ng marami ay kagayang-kagaya niyaong sa Ehipsiyong Faraon na buong-tapang na nagpahayag: “Sino ba si Jehova, na susundin ko ang kaniyang tinig . . . ? Hindi ko nakikilala si Jehova.” Tinanggihan niya ang awtoridad ni Jehova.—Exodo 5:2.
Ang Pagtatakwil ng Sangkakristiyanuhan sa Diyos
Ang pinakamalubhang pagtatakwil sa awtoridad ng Diyos ay nanggagaling sa klero ng Sangkakristiyanuhan, na pinalitan ng gawang-taong mga tradisyon ang dalisay na mga katotohanan sa Bibliya. (Ihambing ang Mateo 15:9.) Karagdagan pa, kanilang tinangkilik ang pinakamadudugong digmaan ng ika-20 siglo, sa gayo’y tinatanggihan ang utos ng Bibliya na magpakita ng tunay na pag-ibig.—Juan 13:35.
Itinakwil din ng klero ang Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod sa kaniyang mga pamantayan sa moral—na makikita, halimbawa, sa sunud-sunod na mga asunto laban sa mga paring pedophile. Ang kalagayan ng Sangkakristiyanuhan ay nahahawig sa sinaunang Israel at Juda. “Ang lupain ay punô ng pagbububo ng dugo at ang lunsod ay punô ng kalikuan,” sabi kay propeta Ezekiel, “sapagkat kanilang sinabi, ‘pinabayaan ni Jehova ang lupain, at hindi nakikita ni Jehova.’ ” (Ezekiel 9:9; ihambing ang Isaias 29:15.) Hindi nga nakapagtataka na marami ang lubusang tumalikod na sa mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan! Subalit kailangan bang talikuran nila ang paniniwala sa Diyos?
May Makatuwirang mga Dahilan ba Para sa Ateismo?
Nasaksihan man nila o hindi ang pagpapaimbabaw ng relihiyon, talagang hindi mapagkasuwato ng maraming ateista ang paniniwala sa Diyos at ang pagdurusa sa daigdig. Minsan ay sinabi ni Simone de Beauvoir: “Mas madali para sa akin na isipin ang isang daigdig na walang maylikha kaysa sa isang maylikha na napabibigatan ng lahat ng pagkakasalungatan sa daigdig.”
Ang mga kaapihan ba sa daigdig—kasali na yaong udyok ng mapagpaimbabaw na mga tagapagtaguyod ng relihiyon—ay nagpapatunay na walang Diyos? Isip-isipin ito: Kung ang isang kutsilyo ay ginamit upang manakot, puminsala, o pumatay pa nga ng isang taong inosente, pinatutunayan ba nito na walang nagdisenyo ng kutsilyo? Hindi ba sa halip ay ipinakikita nito na ang bagay na iyon ay ginamit sa maling paraan? Gayundin naman, ang matinding pagdadalamhati ng tao ay nagpapatunay na mali ang paggamit ng tao sa kanilang bigay-Diyos na mga kakayahan gayundin sa lupa mismo.
Gayunman, nadarama ng ilan na di-makatuwiran ang maniwala sa Diyos, yamang hindi natin siya nakikita. Subalit kumusta naman ang hangin, daloy ng tunog, at ang mga halimuyak? Hindi natin nakikita ang alinman sa mga bagay na ito, ngunit alam natin na umiiral ang mga ito. Ipinaaalam ito sa atin ng ating mga baga, tainga, at mga ilong. Tiyak, naniniwala tayo sa anumang di-nakikita kung mayroon tayong patotoo.
Pagkatapos isaalang-alang ang pisikal na patotoo—kasali na ang mga electron, proton, atomo, amino acid, at ang masalimuot na utak—ang naturalistang siyentipiko na si Irving William Knobloch ay naudyukang magsabi: “Naniniwala ako sa Diyos sapagkat para sa akin ang Kaniyang Banal na pag-iral ang tanging makatuwirang paliwanag tungkol sa kalagayan ng mga bagay-bagay.” (Ihambing ang Awit 104:24.) Gayundin naman, ganito ang sabi ng pisyologong si Marlin Books Kreider: “Kapuwa bilang isang ordinaryong tao, at gayundin bilang isang taong itinalaga ang kaniyang buhay sa siyentipikong pag-aaral at pagsasaliksik, ako’y walang anumang alinlangan tungkol sa pag-iral ng Diyos.”
Hindi nag-iisa ang mga taong ito. Ayon sa propesor sa pisika na si Henry Margenau, “kung isasaalang-alang ang pinakamahuhusay na mga siyentipiko, iilan lamang na mga ateista ang masusumpungan mo sa gitna nila.” Hindi ang pag-unlad ng siyensiya ni ang kabiguan ng relihiyon ang dapat na maging dahilan upang talikuran ang paniniwala sa isang Maylikha. Suriin natin kung bakit.
Ang Kaibahan ng Tunay na Relihiyon
Noong 1803, sumulat ang presidente ng Estados Unidos na si Thomas Jefferson: “Totoo na ako’y salungat sa mga kasamaan ng Kristiyanismo; ngunit hindi sa tunay na mga alituntunin ni Jesus mismo.” Oo, may kaibahan sa pagitan ng Sangkakristiyanuhan at ng Kristiyanismo. Marami sa mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan ay salig sa mga tradisyon ng mga tao. Sa kabilang banda, ang mga paniniwala sa tunay na Kristiyanismo ay nakasalig tangi lamang sa Bibliya. Sa gayon, sumulat si Pablo sa mga taga-Colosas noong unang siglo na sila’y dapat magkaroon ng “tumpak na kaalaman,” “karunungan,” at “espirituwal na pagkaunawa.”—Colosas 1:9, 10.
Ito ang dapat nating asahan sa tunay na mga Kristiyano, sapagkat inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila . . . , na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
Sa ngayon, tinutupad ng mga Saksi ni Jehova ang utos na ito sa 231 lupain sa buong daigdig. Isinalin nila ang Bibliya sa 12 wika at inilimbag sa mahigit na 74,000,000 kopya. Bukod dito, sa pamamagitan ng isang programa ng pag-aaral ng Bibliya sa tahanan, sa kasalukuyan ay tumutulong sila sa mahigit na 4,500,000 katao na ‘tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ni Kristo.’
Ang programang ito sa pagtuturo ay may malalawak na resulta. Nagdudulot ito ng tunay na kaliwanagan, sapagkat ito’y salig, hindi sa mga kaisipan ng tao, kundi sa karunungan ng Diyos. (Kawikaan 4:18) Isa pa, tumutulong ito sa mga tao buhat sa lahat ng bansa at lahi na gumawa ng isang bagay na hindi kailanman magagawa ng “Kaliwanagan” ng tao—ang magkaroon ng “bagong personalidad” na nagpapangyari sa kanilang magpaunlad ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa.—Colosas 3:9, 10.
Nagtatagumpay ang tunay na relihiyon sa ating ika-20 siglo. Hindi nito itinatakwil ang Diyos—maging ang kaniyang pag-iral ni ang kaniyang awtoridad. Inaanyayahan namin kayo na suriin ito mismo sa pamamagitan ng pagdalaw sa mga Saksi ni Jehova sa isa sa kanilang mga Kingdom Hall.
[Kahon sa pahina 6]
PINATITIBAY ANG MGA UGAT NG ATEISMO
Noong kalagitnaan ng ika-18 siglo, inatasan ang pilosopong si Denis Diderot na isalin sa wikang Pranses ang isang tomo ng ensayklopidiya na nasa wikang Ingles. Gayunman, nalampasan niya ang inaasahan ng kaniyang amo. Gumugol si Diderot ng mga tatlong dekada sa pagbuo ng kaniyang Encyclopédie, isang 28-tomong materyal na lumarawan sa hilig ng panahong iyon.
Bagaman ang Encyclopédie ay naglalaman ng maraming praktikal na impormasyon, ang idiniriin nito ay ang karunungan ng tao. Ayon sa koleksiyon ng mga aklat na pinamagatang Great Ages of Man, ito ay “nangahas mangaral ng radikal na paniniwala [ng mga pilosopo] na mapabubuti ng tao ang kaniyang kapalaran kung papalitan niya ng talino ang pananampalataya bilang kaniyang patnubay na simulain.” Halatang-halata ang di-pagbanggit tungkol sa Diyos. “Sa pamamagitan ng pagpili nila ng mga paksa,” sabi ng aklat na The Modern Heritage, “nilinaw ng mga editor na hindi kabilang ang relihiyon sa mga bagay na kailangang malaman ng mga tao.” Hindi nakapagtataka, sinikap ng simbahan na pigilin ang Encyclopédie. Binatikos ito ng attorney general bilang laban sa pulitika, asal, at relihiyon.
Sa kabila ng mga kaaway nito, ang Encyclopédie ni Diderot ay hiniling ng humigit-kumulang 4,000 katao—isang nakapagtatakang bilang, kung isasaalang-alang ang napakataas na presyo nito. Natitiyak noon na sandaling panahon na lamang at ang kubling maka-ateismong opinyon na ito ay unti-unting magiging isang totoong pagtatakwil sa Diyos.