Ang Mga Ugat ng Ateismo
NABUBUHAY tayo sa isang planeta na punô ng krisis; ang isang sulyap sa mga ulong-balita ng mga pahayagan ang titiyak sa bagay na iyan bawat araw. Ang malubhang kalagayan ng ating daigdig ang nag-udyok sa marami upang pag-alinlanganan ang pag-iral ng Diyos. Ang kaniyang pag-iral ay tinatanggihan pa nga ng ilan na nag-aangking ateista. Totoo ba iyan para sa iyo?
Ang paniniwala o di-paniniwala sa Diyos ay lubhang makaaapekto sa pangmalas mo sa hinaharap. Kung wala ang Diyos, ang pag-iral ng lahi ng tao ay lubusang nakasalalay sa mga kamay ng tao—isang nakapanlulumong idea, kung iisipin ang kakayahan ng tao na pumuksa. Kung naniniwala ka na umiiral ang Diyos, kung gayo’y malamang na tinatanggap mo na ang buhay sa planetang ito ay may layunin—isang layunin na maaaring matupad sa bandang huli.
Bagaman ang pagtanggi tungkol sa pag-iral ng Diyos ay naging bihira sa buong kasaysayan, noon lamang kamakailang mga siglo lumaganap ang popularidad ng ateismo. Alam mo ba kung bakit?
Pag-alam sa mga Ugat
Isang kahanga-hangang tanawin ang isang pagkataas-taas na punungkahoy. Gayunman, nakikita lamang ng mata ang mga dahon, sanga, at ang punò. Ang mga ugat—na siyang pinagmumulan ng buhay ng punungkahoy—ay nakabaon sa lupa.
Gayundin kung tungkol sa ateismo. Tulad ng isang napakataas na punungkahoy, ang pagtanggi tungkol sa pag-iral ng Diyos ay umunlad sa kahanga-hangang antas noong mga ika-19 na siglo. Maaari kayang umiral ang buhay at ang sansinukob kung walang kahima-himalang Pinagmulan? Isa bang pag-aaksaya ng panahon ang pagsamba sa isang Maylikha? Mariin at malinaw ang mga sagot buhat sa nangungunang mga pilosopo noong mga panahong iyon. “Kung papaanong hindi na natin kailangan ang isang alituntunin ng asal, hindi rin naman natin kailangan ang relihiyon,” ang pahayag ni Friedrich Nietzsche. “Ang relihiyon ay panaginip ng isip ng tao,” ang iginiit ni Ludwig Feuerbach. At si Karl Marx, na ang mga isinulat ay nagkaroon ng matinding impluwensiya sa sumunod na mga dekada, ay buong-tapang na nagsabi: “Ibig kong palawakin ang kalayaan ng isip buhat sa mga tanikala ng relihiyon.”
Humanga ang marami. Gayunman, ang nakita nila ay mga dahon, sanga, at punò lamang ng ateismo. Ang mga ugat ay nakatanim at sumisibol malaon na bago pa nagsimula ang ika-19 na siglo. Nakapagtataka, ang modernong paglago ng ateismo ay pinasigla ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan! Papaano nagkagayon? Dahil sa kanilang kalikuan, ang mga institusyong relihiyosong ito ay pumukaw ng matinding pagkasiphayo at protesta.
Inihasik ang mga Binhi
Noong Edad Medya, sinakal ng Iglesya Katolika ang mga nasasakupan nito. “Ang pamunuan ng simbahan ay waring di-nasasangkapan upang pangalagaan ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga tao,” ang sabi ng The Encyclopedia Americana. “Ang nakatataas na mga klerigo, lalung-lalo na ang mga obispo, ay kinalap buhat sa mga maharlika at minalas ang kanilang tungkulin pangunahin na bilang isang pinagmumulan ng karangalan at kapangyarihan.”
Ang ilan, gaya nina John Calvin at Martin Luther, ay nagsikap na baguhin ang simbahan. Gayunman, ang kanilang mga paraan ay hindi laging tulad-Kristo; kilala ang Repormasyon sa pagiging di-mapagparaya at sa pagbububo ng dugo. (Ihambing ang Mateo 26:52.) Gayon na lamang kalupit ang mga pag-atake anupat pagkaraan ng tatlong siglo ay sumulat ng ganito si Thomas Jefferson, ang ikatlong presidente ng Estados Unidos: “Higit pang mapagpapaumanhinan ang maniwalang walang diyos, kaysa lapastanganin siya sa pamamagitan ng napakasamang paglalarawan ni Calvin.”a
Maliwanag, hindi isinauli ng Repormasyon ang dalisay na pagsamba. Gayunman, binawasan nito ang kapangyarihan ng Iglesya Katolika. Hindi na hawak ng Vaticano ang relihiyosong pananampalataya ng mga tao. Marami ang umanib sa bagong tatag na mga sektang Protestante. Ang iba naman, na nasiphayo dahil sa relihiyon, ay sumamba sa kakayahan ng isip ng tao. Humantong ito sa isang liberal na saloobin, anupat nagpahintulot ng sari-saring opinyon tungkol sa Diyos.
Sumibol ang Pag-aalinlangan
Pagsapit ng ika-18 siglo, ang makatuwirang pag-iisip ay pangkaraniwan nang niluwalhati bilang ang lunas sa lahat ng suliranin sa daigdig. Ipinahayag ng pilosopong Aleman na si Immanuel Kant na ang pagsulong ng tao ay nahahadlangan dahil siya ay umaasa sa pulitika at sa relihiyon ukol sa patnubay. “Mangahas na makáalam!” ang payo niya. “Magkaroon ng lakas ng loob na gamitin ang iyong sariling talino!”
Ang saloobing ito ang katangian ng tinatawag na Enlightenment (Kaliwanagan), na kilala rin bilang ang Panahon ng Pangangatuwiran. Palibhasa’y tumagal hanggang noong ika-18 siglo, ang yugtong ito ay matatandaan dahil sa matinding paghahanap ukol sa kaalaman. “Pinalitan ng pag-aalinlangan ang bulag na pananampalataya,” sabi ng aklat na Milestones of History. “Lahat ng dating paniniwala at kaugalian ay pinag-aalinlanganan.”
Ang isang ‘dating paniniwala at kaugalian’ na sumailalim ng pagsusuri ay ang relihiyon. “Binago ng mga tao ang kanilang pangmalas tungkol sa relihiyon,” sabi ng aklat na The Universal History of the World. “Hindi na sila nasisiyahan sa pangako ng buhay sa langit; ibig nila ng isang mas mainam na buhay sa lupa. Nagsimulang mawala ang kanilang pananampalataya sa mga himala.” Oo, minalas ng karamihan ng mga pilosopo ng Kaliwanagan ang relihiyon nang may paghamak. Higit sa lahat, ang kawalang-alam ng mga tao ay isinisi nila sa gutom-sa-kapangyarihang mga lider ng Iglesya Katolika.
Palibhasa’y di-nasisiyahan sa relihiyon, marami sa mga pilosopong ito ang naging mga deist; naniniwala sila sa Diyos ngunit sinasabing siya’y walang interes sa tao.b Ang ilan ay naging tahasang mga ateista, tulad ng pilosopong si Paul Henri Thiry Holbach, na nagsabing ang relihiyon ay isang “pinagmumulan ng pagkakabaha-bahagi, kabaliwan, at mga krimen.” Sa paglipas ng mga taon, marami ang nagsawa na sa Sangkakristiyanuhan at sumang-ayon sa mga opinyon ni Holbach.
Anong laking kabalintunaan nga na ang Sangkakristiyanuhan pa ang nagpasigla sa paglago ng ateismo! “Ang mga Iglesya ang siyang lupa na nagpalago sa ateismo,” isinulat ng propesor sa teolohiya na si Michael J. Buckley. “Nasumpungan ng budhing Kanluranin ang sarili nito na lubhang naiskandalo at nasusuklam sa organisadong mga relihiyon. Niwasak ng mga Iglesya at ng mga sekta ang Europa, nagpakana ng mga lansakang pamamaslang, ipinilit ang relihiyosong pakikipaglaban o rebolusyon, nagtangkang itiwalag o alisin ang mga monarka.”
Nakaabot ang Ateismo sa Pinakatugatog Nito
Pagsapit ng ika-19 na siglo, hayagan at maunlad na ang pagtatakwil sa Diyos. Hindi nag-atubili ang mga pilosopo at mga siyentipiko na buong-tapang na ipahayag ang kanilang mga pangmalas. “Ang kaaway natin ay ang Diyos,” ang pahayag ng isang tahasang ateista. “Ang pagkapoot sa Diyos ang siyang pasimula ng karunungan. Upang tunay na umunlad ang sangkatauhan, kailangang iyon ay salig sa ateismo.”
Gayunman, isang mahiwagang pagbabago ang naganap noong ika-20 siglo. Hindi na gaanong mapusok ang pagtatakwil sa Diyos; nagsimulang lumaganap ang isang naiibang uri ng ateismo, na nakaapekto kahit na sa mga nag-aangking naniniwala sa Diyos.
[Mga talababa]
a Pinanatili ng Protestanteng mga sekta buhat sa Repormasyon ang maraming di-maka-Kasulatang mga doktrina. Tingnan ang mga isyu ng Gumising! ng Agosto 22, 1989, pahina 16-20, at Setyembre 8, 1989, pahina 23-7.
b Inaangkin ng mga deist na, tulad ng isang manggagawa ng relo, itinakda ng Diyos ang kalagayan ng kaniyang mga nilikha at pagkatapos ay tinalikuran ang lahat ng iyon, anupat nananatiling walang malasakit. Ayon sa aklat na The Modern Heritage, ang mga deist ay “naniniwala na ang ateismo ay isang pagkakamaling likha ng kawalang-pag-asa ngunit lalo nang nakahahapis ang mapaniil na pamunuan ng Iglesya Katolika at ang mahihigpit at di-mababaling mga doktrina nito.”
[Larawan sa pahina 3]
Karl Marx
[Larawan sa pahina 3]
Ludwig Feuerbach
[Larawan sa pahina 3]
Friedrich Nietzsche
[Picture Credit Line sa pahina 2]
COVER: Earth: By permission of the British Library; Nietzsche: Copyright British Museum (see also page 3); Calvin: Musée Historique de la Réformation, Genève (Photo F. Martin); Marx: U.S. National Archives photo (see also page 3); Planets, instruments, crusaders, locomotive: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck; Feuerbach: The Bettmann Archive (see also page 3)