Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 12/1 p. 20-24
  • Isang Makabuluhang Pamumuhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Makabuluhang Pamumuhay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Aking Panghabang-buhay na Atas
  • Ang Isport ay Naging Aking Buhay
  • Isang Layuning Naiiba sa Isport
  • Pagkilos Ayon sa Ipinasiya
  • Paglilingkod sa Sangay
  • Mahaba at Makabuluhang Pamumuhay
  • Ito Kaya ang Pinakamagaling na Karera Para sa Iyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Mailalaan Mo Ba ang Iyong Sarili?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • Inaanyayahan Ka!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Mahusay ang Aming Tambalan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 12/1 p. 20-24

Isang Makabuluhang Pamumuhay

AYON SA PAGKALAHAD NI MELVA A. WIELAND

Noong Marso 1940, mga ilang buwan matapos na ako’y mabautismuhan, ang aking kapatid na si Phyllis ay lumapit sa akin at nagtanong: “Bakit hindi ka magpayunir?” “Magpayunir?” ang tanong ko. “Ibig mong sabihin ay ang mangaral nang buong-panahon, halos araw-araw?”

‘PAPAANO ako makapagpapayunir,’ ang naisip ko, ‘sa taglay kong kakaunting kaalaman sa Bibliya at mas kakaunti pa ngang halagang naipon sa bangko?’ Gayunpaman, pinapag-isip ako ng tanong ni Phyllis. Malimit din akong nanalangin tungkol dito.

Sa wakas ay nangatuwiran ako, ‘Bakit hindi ko pagtitiwalaan ang Diyos gayong nangangako siya na pangangalagaan tayo kung uunahin natin ang kaniyang Kaharian?’ (Mateo 6:33) Kaya noong Hunyo 1940, nagbitiw ako sa aking trabahong pananahi ng damit. Pagkatapos ay sumulat ako sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Australia, upang humiling ng atas sa pagpapayunir.

Ang Aking Panghabang-buhay na Atas

Pagkaraan ng dalawang linggo, tumanggap ako ng sagot, na ipinaaalam sa akin na bibigyan ako ng atas pagkatapos na ako’y dumalo sa kombensiyon na gaganapin sa bakuran ng punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Strathfield, isang lugar sa labas ng pinakamalaking lunsod sa Australia, ang Sydney. Kinaumagahan pagkatapos ng kombensiyon, pumaroon ako sa opisina upang tanggapin ang aking atas.

Ang tauhan sa opisina ay nagpaliwanag: “Kami’y totoong magawain ngayon sa laundry. Maaari ka bang manatili at tumulong sa loob ng dalawang linggo?” Iyan ay noong Agosto 1940​—at nagtatrabaho pa rin ako sa laundry! Nang panahong iyon ay mayroon lamang 35 sa pamilya sa punung-tanggapan; ngayon ay may 276.

Subalit baka ipagtaka ninyo kung bakit itinuring kong “isang makabuluhang pamumuhay” ang pagtatrabaho sa laundry, lalo na yamang ito ang naging gawain ko sa loob ng mahigit 50 taon na ngayon. Bago ko ipaliwanag, hayaan muna ninyong ilahad ko ang tungkol sa mga naunang itinaguyod ko.

Ang Isport ay Naging Aking Buhay

Isinilang ako sa Melbourne noong Enero 1, 1914, ang panganay ng limang anak. Kami’y may mapagmahal na mga magulang na namumuhay ayon sa matataas na simulain at naglalapat ng disiplina kapag kinakailangan. Matatawag ding di-isinaplano ang pagpapalaki sa amin kung tungkol sa relihiyon, sapagkat hindi naman palasimba ang aming mga magulang. Gayunpaman, iginiit nila na kaming mga bata ay dumalo sa Sunday school ng Church of England.

Nang matapos ako sa pag-aaral noong 1928 at magsimulang magtrabaho bilang mananahi, ipinasiya kong gamitin sa isport ang karamihan ng aking libreng panahon, palibhasa’y naniniwala ako na makatutulong ito sa akin upang mapagtagumpayan ang aking pagkamahiyain. Sumali ako sa isang tennis club at naglaro ako sa loob ng buong taon. Kung taglamig ay naglalaro rin ako ng basketbol at beysbol, at kung tag-araw ay naglalaro ako sa cricket team ng mga babae. Ang cricket ang naging aking tunay na pag-ibig, at nagsumikap akong mabuti upang magpakadalubhasa bilang isang mabilis na bowler upang makasali ako sa mga laro ng mga koponan buhat sa iba’t ibang estado.

Isang Layuning Naiiba sa Isport

Ako’y nasa kabataan pa lamang nang mabahala ako dahil sa turo na ang isang Diyos ng pag-ibig ay may isang lugar na tinatawag na impiyerno na doo’y pahihirapan nang walang-katapusan yaong gumawa ng masasamang bagay. Hindi ito makatuwiran para sa akin. Kaya gunigunihin ang aking kasiyahan nang sa di-sinasadya’y matutuhan ko mula sa Bibliya ang tunay na kahulugan ng “impiyerno.” Ganito ang nangyari:

Ang aking kapatid na si Phyllis, na mas bata ng limang taon kaysa sa akin, ay mahilig din sa isport, at magkasama kami sa isang cricket team ng mga babae. Noong 1936 ay ipinakilala ng isang kasama sa koponan kay Phyllis ang isang binatang nagngangalang Jim na kilala bilang isang taong napakarelihiyoso. Di-nagtagal at kinausap ni Jim si Phyllis tungkol sa mga turo ng Bibliya. Napukaw ang kaniyang interes. “Iyon ay maliwanag at makatuwiran,” ang sabi niya sa akin.

Nang panahong iyon ay magkasama kami ni Phyllis sa isang silid sa tahanan, at sinikap niyang pukawin ang aking interes sa mga bagay na sinasabi sa kaniya ni Jim tungkol sa Kaharian ng Diyos. “Gagawin nito ang nabigong gawin ng mga pamahalaan ng tao,” ang may pananabik na sinabi niya sa akin. Gayunman, ako’y nakipagkatuwiranan sa kaniya, sa pagsasabing ito ay isa na namang relihiyon na makalilito sa atin at walang sinuman ang talagang nakaáalam tungkol sa hinaharap. Subalit matiyaga si Phyllis at siya’y nag-iiwan ng mga literatura sa silid, sa pag-asang babasahin ko iyon.

Interesado akong malaman kung bakit totoong masigasig si Phyllis tungkol sa bagong paniniwalang ito, kaya isang araw ay dinampot ko ang isang buklet. Ito ay may nakatatawag-pansing pamagat na Hereafter. ‘Nanlaki ang aking mga mata’ nang buklatin ko ang mga pahina nito at makita ang salitang “impiyerno.” Ako’y nagulat nang malaman ko na ang salitang “impiyerno” sa Bibliya ay aktuwal na tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan at na kapuwa mabubuti at masasamang tao ay tumutungo roon. Natutuhan ko rin na ang impiyerno ay hindi isang dako ng pagpapahirap; ang mga patay ay walang-malay at hindi nakadarama ng anuman.​—Eclesiastes 9:5, 10; Awit 146:3, 4.

Naunawaan ko ito, lalo pa nga nang ipaliwanag ng buklet na nangangako ang maibigin at makapangyarihang Diyos na ibabalik ang mga patay sa pamamagitan ng himala na tinatawag na pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Ngayon ay nais ko ring makaalam pa tungkol sa mga bagay na sinasabi ni Jim kay Phyllis. Nasumpungan ko ang maliit na King James Version na ibinigay sa akin ng aking ama nang ako’y bata pa at tiningnan ko ang mga kasulatan na nakatala sa buklet. Tiniyak nito ang sinabi tungkol sa impiyerno at sa kalagayan ng mga patay.

Ang isa pang kawili-wiling sorpresa para sa akin ay ang malaman na ang Diyos ay may personal na pangalan na, Jehova. (Awit 83:18) Naunawaan ko rin na ang Diyos ay may layunin, o dahilan, sa lahat ng bagay na ginawa niya o pinahintulutang mangyari. Dahil dito’y naitanong ko sa aking sarili, ‘Ano bang talaga ang aking layunin sa buhay?’ Mula noon ay naisip ko kung talaga nga kayang makabubuti sa akin ang pagiging labis na masigasig sa isport​—anupat halos wala nang panahon sa iba pang bagay.

Pagkilos Ayon sa Ipinasiya

Hindi alam nina Jim at Phyllis na nagbago ang aking pananaw sa buhay, ngunit nalaman nila nang maanyayahan ang aming pamilya sa handaan ng isang kaibigan. Nang panahong iyon, sa gayong mga okasyon ay tumatayo ang lahat ng naroroon, at isang toast ang inihahandog para sa Hari ng Inglatera, at itinataas ng lahat ang kanilang baso upang uminom sa karangalan ng hari. Gayunman, ako’y nagpasiyang manatiling nakaupo kasama nina Jim at Phyllis. Hindi sila makapaniwala nang makita nilang ako’y nakaupo pa rin! Mangyari pa, hindi naman dahil sa kami’y walang-galang, ngunit bilang mga Kristiyano ay nadarama namin na dapat kaming maging neutral at hindi nakikibahagi sa gayong mga seremonyang makabayan.​—Juan 17:16.

Gayunpaman, ang aking mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya ay nangilabot. Sinabi nilang kami’y di-tapat, o nababaliw​—o pareho! Pagkatapos, nang kami ni Phyllis ay dumalo sa taunang presentasyon para sa cricket team ng mga babae, isang katulad na pangyayari ang naganap sa isang seremonyang makabayan. Humantong ito sa pagbibitiw naming dalawa buhat sa koponan. Hindi ito naging kasinghirap na gaya ng inaasahan ko, sapagkat napagtanto ko na ang aking debosyon at katapatan ay ukol kay Kristo Jesus, ang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos.

Ipinaliwanag ngayon ni Phyllis na kailangan akong dumalo nang regular sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova upang patibayin ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng higit pang kaalaman sa Bibliya. Iisa lamang ang kongregasyon sa Melbourne nang panahong iyon, kaya ako’y nagsimulang dumalo sa mga pulong doon tuwing Linggo ng hapon. Agad akong nakumbinsi na ito na nga ang tunay na organisasyon ng Diyos sa lupa.

Di-nagtagal ay inanyayahan ako na makibahagi sa gawaing pangangaral ng kongregasyon sa bahay-bahay. Sa simula ay atubili ako, ngunit isang Linggo ng umaga ay nagpasiya akong sumama upang tingnan lamang kung papaano iyon isinasagawa. Natuwa ako nang maatasan akong sumama sa isang may-karanasang Saksi na buong-tiwalang nagsalita sa unang pintuan at nakatanggap ng mainam na tugon buhat sa maybahay. Naisip ko, ‘Aba, hindi naman pala napakahirap, ngunit kakailanganin ko ang higit pang pagsasanay bago ko magawa iyon nang gayong kahusay.’ Kaya gunigunihin ang aking pagtataka nang, pagkatapos sa unang pinto, sabihin sa akin ng Saksi, “Kaya mo nang mag-isa ngayon.”

“Mag-isa?” ang tanong ko, na litung-lito! “Nagbibiro ka yata! Ano ang sasabihin ko kapag may nagtanong at hindi ko alam ang sagot?” Subalit mapilit ang aking kasama. Kaya, bagaman literal na nanginginig, ako’y nagpatuloy nang mag-isa samantalang siya’y nagpatuloy ng pagpapatotoo sa mga tao sa kabilang panig ng kalye. Sa papaano man ay nakaraos ako sa unang umagang iyon.

Magmula noon ay nakibahagi na ako sa gawaing pangangaral tuwing Linggo ng umaga. Kapag sa mga pintuan ay may nagtanong sa akin na hindi ko masagot, sinasabi ko, “Pag-aaralan ko ito at babalik ako sa iyo.” Nakatutuwa naman, patuloy na binigyan ako ni Jehova ng tibay at lakas ng loob upang magpatuloy sa aking bagong makabuluhang pamumuhay. Ako’y nag-alay sa kaniya ng aking buhay, at noong Oktubre 1939, nagpabautismo ako sa isa sa mga paliguan sa lunsod ng Melbourne. Di-nagtagal pagkatapos ako’y tinanong ni Phyllis, na noo’y nagpakasal na kay Jim, kung bakit hindi ko pa sinisimulan ang pagpapayunir.

Paglilingkod sa Sangay

Noong Enero 1941, di pa natatagalan mula nang ako’y magtrabaho sa Bethel, gaya ng tawag namin sa tanggapang pansangay, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Australia ay ipinagbawal. Pagkatapos ay kinuha ng militar ang aming Tahanang Bethel sa Strathfield, at ako’y ipinadala sa taniman ng Samahan sa Ingleburn, mga 48 kilometro sa labas ng lunsod. Noong Hunyo 1943 pinawalang-sala ng mga hukuman ang Samahang Watch Tower at inalis ang pagbabawal. Pagsapit ng katapusan ng taóng iyon, 25 sa amin ang inanyayahang bumalik sa Bethel sa Strathfield. Doon ay patuloy akong nagtrabaho sa laundry, at nakibahagi sa iba pang gawain sa buong tahanan.

Waring mabilis na nagdaan ang sumunod na dekada. Pagkatapos noong 1956, nagpakasal ako sa isang kapuwa manggagawa sa Bethel, si Ted Wieland. Si Ted ay isang napakahinahon, matiyagang lalaki, at kami’y tuwang-tuwa nang kami’y payagang manatili sa Bethel bilang mag-asawa. Kapuwa namin minahal ang aming makabuluhang pamumuhay, anupat maligaya sa pribilehiyo ng paglilingkuran sa sangay sa Australia. Sabihin pa, bukod sa aming gawain sa Bethel, tinamasa namin ang kagalakan sa paggawa nang magkasama upang tulungan ang iba na maging mga alagad ni Kristo. Bilang isang halimbawa, mababasa ninyo ang tungkol sa pamilyang Weekes sa Oktubre 22, 1993, isyu ng Gumising!

Ang kainamang pagsulong ng pangangaral ng Kaharian ay nangailangan ng pagdaragdag sa amin ng 10 hanggang 12 katao lamang noong unang 30 taon ko sa Bethel. Subalit mabilis na nagbago ang kalagayan noong mga taon ng 1970 nang kami’y magsimulang maglimbag dito ng mga magasing Bantayan at Gumising! Sinimulan ang pagtatayo ng isang bagong palimbagan noong Enero 1972. Di-nagtagal isang 40-toneladang makinang panlimbag ang dumating buhat sa Hapón, at pagsapit ng 1973 kami ay naglilimbag ng halos 700,000 magasin bawat buwan. Ang aming pamilyang Bethel ay talagang nagsimulang lumaki na ngayon.

Ang mga taon ng 1970 ay nagdulot din sa akin ng kalungkutan. Una, ang aking mahal na asawa, si Ted, ay pumanaw noong 1975 sa edad na 80. Pagkatapos, wala pang isang taon ang lumipas, ang aking matanda nang ama ay natulog na rin sa kamatayan. Ako’y nagtamo ng malaking kaaliwan buhat kay Jehova at sa kaniyang Salita, ang Bibliya, at buhat sa aking espirituwal na mga kapatid. Nakatulong din sa akin nang malaki ang pagiging abala sa Bethel sa aking makabuluhang gawain sa napakalungkot na panahong ito sa aking buhay.

Gayunpaman, patuloy pa rin ang buhay, at muli kong naranasan ang kasiyahan at mga pagpapala, ngayon naman bilang isang balo. Noong 1978, dumalo ako sa kombensiyon sa London, Inglatera, at pagkatapos ay dinalaw ko ang pandaigdig na punung-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn, New York. Ang pagkakita sa daan-daan sa aking mga kapatid na maliligayang gumagawa roon sa Brooklyn Bethel ay nanatiling isang inspirasyon sa akin hanggang sa ngayon.

Nang matapos na ang mga taon ng 1970, nalaman namin na karagdagan pang pagpapalawak ang binabalak para sa Bethel complex sa Australia. Gayunman, ang pagpapalawak ay hindi magaganap sa Strathfield, na doo’y halos wala nang lugar. Sa halip, isang bago, mas malaking complex ang itatayo sa ating pag-aari sa Ingleburn, kung saan nagtrabaho ako noong panahon ng pagbabawal nang mga unang taon ng 1940.

Mahaba at Makabuluhang Pamumuhay

Anong laking pananabik noong Enero 1982 nang kami’y lumipat sa aming bagong pasilidad! Totoo, sa simula’y medyo nakalulungkot na iwan ang pamilyar na kapaligiran, ngunit di-nagtagal at tuwang-tuwa kami sa aming bagong tahanan na may 73 magagandang silid-tulugan. Ngayon sa halip na matanaw sa labas ang mga batong pader at mga kalye sa labas ng lunsod, natatanaw namin ang luntiang mga bukirin at mga punungkahoy, nanginginaing mga baka, at maningning na pagsikat at paglubog ng araw​—isang totoong kalugud-lugod na tanawin.

Noong Marso 19, 1983, nagkaroon kami ng kasiya-siyang pag-aalay ng bagong complex samantalang napakaganda ng sikat ng araw sa panahon ng taglagas. Si Lloyd Barry ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagbigay ng isang nakapupukaw-damdaming pahayag tungkol sa pag-aalay. Ako’y personal na nagpapasalamat sa pagkanaroroon niya at ng kaniyang asawa sa programa sa pag-aalay, yamang nakasama ko sila sa paggawa sa Strathfield Bethel nang kaming lahat ay nasa kabataan pa.

Ang patuloy na pagsulong ng gawaing pangangaral ng Kaharian ay nangailangan ng higit pang pagpapalawak ng aming mga pasilidad dito sa Ingleburn. Ang tanggapan ay nilakihan noong 1987. Pagkatapos, noong Nobyembre 25, 1989, inialay ang isang limang-palapag na bagong residence building at isang karagdagang tatlong-palapag na bagong factory. Anong laking pagsulong​—buhat sa wala pang 4,000 ministro sa Australia nang magsimula ako sa aking ministeryo hanggang sa humigit-kumulang 59,000!

Kamakailan lamang ang sangay sa Australia ay ginawang isa sa tatlong Regional Engineering Office ng Samahan, pati na ang nasa Hapón at sa Alemanya. Dahil dito ay kinailangan pa ang karagdagang pagpapalawak ng Bethel complex. Isa pang tatlong-palapag na office building ang kumpleto na ngayon, at malapit nang makumpleto ang isang limang-palapag na residence, na magkakaroon ng 80 pang mga silid para sa aming patuloy na lumalaking pamilya.

Marami kaming manggagawa sa laundry upang mag-asikaso ng trabaho, ngunit lagi kong nagugunita ang araw na iyon ng Agosto 1940 nang ako’y anyayahang tumulong sa departamentong ito sa loob ng dalawang linggo. Ako’y labis na nagpapasalamat na ang dalawang linggong iyon ay umabot ng mahigit sa 50 taon at na pinatnubayan ng Diyos na Jehova ang aking mga hakbang tungo sa gayong makabuluhang pamumuhay.

[Larawan sa pahina 21]

Nang ako’y 25 taóng gulang

[Larawan sa pahina 23]

Ang araw ng aming kasal noong 1956

[Mga larawan sa pahina 24]

Kami ng aking kapatid ay lubhang nahilig sa isport noong 1938, ngunit lalo pang mabunga ang aking buhay ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share