Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 2/15 p. 18-22
  • “Huwag Kang Matakot, Munting Kawan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Huwag Kang Matakot, Munting Kawan”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Munting Kawan
  • Lumiliit ang Bilang
  • “Huwag Kang Matakot”
  • Isang Pambihirang Pag-asa
  • “Pastulan Ninyo ang Kawan ng Diyos na Nasa Inyong Pangangalaga”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Sila’y Maawaing Nagpapastol sa Maliliit na Tupa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Tulungang Bumalik sa Kawan ang Naliligaw na mga Tupa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Mga Matatanda, Pakadibdibin ang Inyong mga Pananagutan sa Pagpapastol
    Gumising!—1986
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 2/15 p. 18-22

“Huwag Kang Matakot, Munting Kawan”

“Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan ng Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.”​—LUCAS 12:32.

1. Ano ang saligan ng mga salita ni Jesus na: “Huwag kang matakot, munting kawan”?

“PATULOY ninyong hanapin ang kaharian [ng Diyos].” (Lucas 12:31) Nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito sa kaniyang mga alagad, ipinahayag niya ang isang simulaing pumapatnubay sa pag-iisip ng mga Kristiyano mula pa sa kaniyang kaarawan hanggang sa atin. Ang Kaharian ng Diyos ay dapat na siyang unahin sa ating buhay. (Mateo 6:33) Gayunman, sa ulat ni Lucas, si Jesus ay nagpatuloy sa pagbibitiw ng magigiliw at nakapagpapatibay na pananalita sa isang pantanging grupo ng mga Kristiyano. Sabi niya: “Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan ng Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” (Lucas 12:32) Bilang ang Mabuting Pastol, alam ni Jesus na sa hinaharap ay daranas ng kabagabagan ang kaniyang matatalik na alagad. Subalit walang dahilan para sa kanila na mahintakutan kung patuloy nilang hahanapin ang Kaharian ng Diyos. Samakatuwid, ang tagubilin ni Jesus ay hindi isang mahigpit na pag-uutos. Sa halip, iyon ay isang maibiging pangako na nagsisilbing inspirasyon upang magtiwala at magkaroon ng lakas ng loob.

2. Sino ang mga bumubuo ng munting kawan, at bakit sila may pantanging pribilehiyo?

2 Si Jesus ay nakikipag-usap noon sa kaniyang mga alagad, at tinawag niya silang isang “munting kawan.” Nakikipag-usap din siya sa mga ‘pagbibigyan [ni Jehova] ng kaharian.’ Kung ihahambing sa napakalaking pulutong na tatanggap kay Jesus sa dakong huli, ang grupong ito ay tunay na kakaunti lamang sa bilang. Sila’y itinuring din na mahalaga dahil sa sila’y pinili para sa isang pambihirang kinabukasan, anupat gagamitin sa maharlikang paglilingkuran. Tinatawag ng kanilang Ama, ang Dakilang Pastol, si Jehova, ang munting kawan upang tanggapin nila ang isang makalangit na mana may kaugnayan sa Mesiyanikong Kaharian ni Kristo.

Ang Munting Kawan

3. Anong maluwalhating pangitain hinggil sa munting kawan ang nakita ni Juan?

3 Kung gayon, sino ang bumubuo ng munting kawan na ito na nagtataglay ng gayong kahanga-hangang pag-asa? Ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo na tumanggap ng pagpapahid ng banal na espiritu. (Gawa 2:1-4) Sa pagkakita sa kanila bilang makalangit na mga mang-aawit na may alpa sa kanilang mga kamay, sumulat si apostol Juan: “Nakita ko, at, narito! ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Sion, at kasama niya ay isang daan at apatnapu’t apat na libo na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo. Ito ang mga hindi nagparungis ng kanilang mga sarili sa mga babae; sa katunayan, sila ay mga birhen. Ito ang mga patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon. Ang mga ito ay binili mula sa sangkatauhan bilang mga pangunang bunga sa Diyos at sa Kordero, at walang kabulaanan na nasumpungan sa kanilang mga bibig; sila ay mga walang dungis.”​—Apocalipsis 14:1, 4, 5.

4. Ano sa ngayon ang katayuan ng munting kawan sa lupa?

4 Mula pa noong Pentecostes 33 C.E., ang mga pinahiran, inianak-sa-espiritung ito ay naglingkod na bilang mga embahador ni Kristo sa lupa. (2 Corinto 5:20) Sa ngayon, isang nalabi na lamang sa kanila ang natitira, na sama-samang naglilingkod bilang ang uring tapat at maingat na alipin. (Mateo 24:45; Apocalipsis 12:17) Simula noong taóng 1935 lalo na, sila’y sinamahan ng “ibang mga tupa,” mga Kristiyanong may makalupang pag-asa, na umaabot na ngayon sa milyun-milyon. Ang mga ito’y tumutulong sa pangangaral ng mabuting balita sa buong lupa.​—Juan 10:16.

5. Ano ang saloobin ng mga nalalabi sa munting kawan, at bakit hindi sila dapat matakot?

5 Ano ang saloobin ng mga nalalabi ng munting kawang ito na naririto pa sa lupa? Sa pagkaalam na sila’y tatanggap ng ‘isang Kaharian na hindi mayayanig,’ sila’y nag-uukol ng kanilang paglilingkod nang may maka-Diyos na takot at sindak. (Hebreo 12:28) Buong-kapakumbabaang napagtanto nila na taglay nila ang isang di-mapapantayang pribilehiyo na nagdudulot ng walang-kahulilip na kagalakan. Nakasumpong sila ng “isang perlas na mataas ang halaga” na tinukoy ni Jesus nang banggitin niya ang hinggil sa Kaharian. (Mateo 13:46) Habang papalapit ang malaking kapighatian, ang mga pinahiran ng Diyos ay walang-takot na nakatayo. Sa kabila ng mangyayari sa sanlibutan ng sangkatauhan sa panahon ng “dakila at maningning na araw ni Jehova,” sila’y walang malagim na pagkatakot hinggil sa hinaharap. (Gawa 2:19-21) Bakit nga ba?

Lumiliit ang Bilang

6, 7. (a) Bakit medyo kakaunti na ang bilang ng munting kawan na naririto pa sa lupa? (b) Papaano dapat malasin ng bawat tao ang pag-asang taglay niya?

6 Sa nakaraang mga taon ay medyo kumakaunti ang bilang ng munting kawan na naririto pa sa lupa. Ito’y nakita sa naging ulat ng Memoryal ng 1994. Sa mga 75,000 kongregasyon ng bayan ni Jehova sa buong daigdig, 8,617 lamang ang nagpamalas ng kanilang pagpapahayag na sila’y miyembro ng mga nalabi sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga sagisag. (Mateo 26:26-30) Samantala, ang kabuuang dumalo ay 12,288,917. Alam ng mga pinahirang Kristiyano na ito’y dapat asahan. Nagtakda si Jehova ng isang bilang, 144,000, upang bumuo ng munting kawan, at tinitipon na niya ito mula pa noong Pentecostes 33 C.E. Makatuwiran lamang, na ang pagtawag sa munting kawan ay magwawakas kapag ang bilang ay malapit nang makumpleto, at ang katibayan ay na ang panlahatang pagtitipon sa mga tanging pinagpalang ito ay natapos na noong 1935. Gayunman, ang ibang tupa sa panahon ng kawakasan ay inihulang darami hanggang maging “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Mula noong 1935 ang panlahatang pagtitipon ni Jehova ay para naman sa malaking pulutong na ito, na ang pag-asa ay walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa.​—Apocalipsis 7:9; 14:15, 16; Awit 37:29.

7 Karamihan sa kabilang sa munting kawan na naririto pa sa lupa ay nasa kanilang mga edad na mahigit na 70, 80, at 90. Ang ilan ay lampas na sa kanilang ika-100 taon ng buhay. Lahat sila, anuman ang kanilang edad, ay nakaaalam na sa pamamagitan ng makalangit na pagkabuhay-muli, sila’y makakaisa ni Jesu-Kristo sa dakong huli at maghaharing kasama niya sa kaniyang maluwalhating Kaharian. Yaong kabilang sa malaking pulutong ay magiging makalupang mga sakop ni Kristo na Hari. Hayaang bawat isa’y magsaya dahil sa inihanda ni Jehova para sa kanila na umiibig sa kaniya. Hindi para sa atin ang pagpili sa kung anong pag-asa ang dapat mapasaatin. Si Jehova ang magpapasiya niyan. Ang dalawang grupo ay kapuwa mananabik sa kanilang pag-asa para sa isang maligayang kinabukasan, ito man ay sa makalangit na Kaharian o sa isang paraisong lupa sa ilalim ng Kahariang iyon.​—Juan 6:44, 65; Efeso 1:17, 18.

8. Gaano nang kalapit ang wakas ng pagtatatak ng 144,000, at ano ang mangyayari kapag nakumpleto na ito?

8 Ang hustong bilang na 144,000 na munting kawan ay “ang Israel ng Diyos,” na siyang humalili sa likas na Israel sa mga layunin ng Diyos. (Galacia 6:16) Samakatuwid, ang nalabi ay ang bumubuo ng natitirang bahagi ng espirituwal na bansang iyan na naririto pa sa lupa. Ang mga natitirang iyan ay tinatatakan para sa pangwakas na pagsang-ayon ni Jehova. Sa isang pangitain, nakita ni apostol Juan ang pangyayaring ito, at siya’y nag-ulat: “Nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na may tatak ng Diyos na buháy; at siya ay sumigaw sa malakas na tinig sa apat na anghel na pinagkaloobang puminsala sa lupa at sa dagat, na nagsasabi: ‘Huwag ninyong pinsalain ang lupa o ang dagat o ang mga punungkahoy, hanggang sa matapos naming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.’ At narinig ko ang bilang niyaong mga natatakan, isang daan at apatnapu’t apat na libo, na natatakan mula sa bawat tribo ng mga anak ng [espirituwal] na Israel.” (Apocalipsis 7:2-4) Yamang ang gawaing pagtatatak na ito sa espirituwal na Israel ay maliwanag na malapit nang magwakas, ang nakapananabik na mga pangyayari na malapit nang maganap ay ipinahiwatig. Una sa lahat, ang “malaking kapighatian,” kapag pinakawalan ang apat na hangin ng pagkapuksa sa ibabaw ng lupa, ay tiyak na napakalapit na.​—Apocalipsis 7:14.

9. Papaano minamalas ng munting kawan ang lumalaking bilang ng malaking pulutong?

9 Yaong kasama sa malaking pulutong na natipon na ay may bilang na milyun-milyon. Anong laking kaluguran nito sa puso ng mga nalabi! Bagaman patuloy na lumiliit ang bilang niyaong kasama sa munting kawan na naririto pa sa lupa, nakapagsanay na sila at nakapaghanda na ng mga kuwalipikadong lalaki mula sa malaking pulutong upang bumalikat ng mga pananagutan may kaugnayan sa lumalawak na makalupang organisasyon ng Diyos. (Isaias 61:5) Gaya ng ipinahiwatig ni Jesus, magkakaroon ng mga makaliligtas sa malaking kapighatian.​—Mateo 24:22.

“Huwag Kang Matakot”

10. (a) Anong pagsalakay ang nakatakdang isagawa sa bayan ng Diyos, at sa ano ito aakay? (b) Anu-anong katanungan ang inihaharap sa bawat isa sa atin?

10 Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay naibulid na sa kapaligiran ng lupa. Siya at ang kaniyang mga hukbo ay minamaneobra na upang isagawa ang kanilang lubus-lubusang pagsalakay sa bayan ni Jehova. Ang pagsalakay na ito, na inihula sa Bibliya, ay inilarawan bilang ang pagsalakay ni Gog ng Magog. Kanino lalo na itinututok ng Diyablo ang kaniyang pagsalakay? Hindi ba sa mga huling miyembro ng munting kawan, ang espirituwal na Israel ng Diyos, na tumatahang tiwasay “sa gitna ng lupa”? (Ezekiel 38:1-12) Oo, ngunit ang nalabi ng tapat na uring pinahiran, kasama ng kanilang tapat na mga kasamahan, ang ibang tupa, ay makasasaksi kung papaano pinabibilis ng pagsalakay ni Satanas ang isang kapana-panabik na pagkilos sa bahagi ng Diyos na Jehova. Siya’y makikialam upang ipagtanggol ang kaniyang bayan, at ito ang magpapasiklab ng “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Joel 2:31) Sa ngayon, ang tapat at maingat na alipin ay gumaganap ng isang mahalaga, nagliligtas-buhay na paglilingkod, anupat nagbababala tungkol sa dumarating na pakikialam ni Jehova. (Malakias 4:5; 1 Timoteo 4:16) Ikaw ba’y aktibong nagtataguyod sa paglilingkurang iyan, anupat nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ni Jehova? Patuloy mo bang isasagawa ito bilang isang walang-takot na tagapaghayag ng Kaharian?

11. Bakit mahalaga sa ngayon ang isang may lakas-loob na saloobin?

11 Dahil sa kasalukuyang kalagayan ng daigdig, totoong napapanahon na para sa munting kawan na sundin ang mga salita ni Jesus na ipinatungkol sa kanila: “Huwag kang matakot, munting kawan”! Ang gayong may lakas-loob na saloobin ay mahalaga may kaugnayan sa lahat ng isinasagawa sa ngayon kasuwato ng layunin ni Jehova. Naunawaan ng bawat isang kabilang sa munting kawan ang pangangailangang magbata hanggang katapusan. (Lucas 21:19) Kung papaanong si Jesu-Kristo, ang Panginoon at Punò ng munting kawan, ay nagbata at napatunayang tapat hanggang sa katapusan ng kaniyang buhay sa lupa, gayundin ang bawat isa sa nalabi ay dapat magbata at mapatunayang tapat.​—Hebreo 12:1, 2.

12. Papaanong si Pablo, gaya ni Jesus, ay nagpayo sa mga pinahirang Kristiyano na huwag matakot?

12 Lahat ng mga pinahiran ay dapat magtaglay ng gayunding pangmalas na katulad ng kay apostol Pablo. Pansinin kung papaanong ang kaniyang mga salita bilang isang pinahirang tagapaghayag sa madla ng tungkol sa pagkabuhay-muli ay kasuwato ng payo ni Jesus na huwag matakot. Isinulat ni Pablo: “Alalahanin mong si Jesu-Kristo ay ibinangon mula sa mga patay at mula sa binhi ni David, ayon sa mabuting balita na aking ipinangangaral; na may kaugnayan dito ay nagtitiis ako ng kasamaan hanggang sa punto ng mga gapos ng bilangguan na gaya ng isang manggagawa ng kasamaan. Gayunpaman, ang salita ng Diyos ay hindi nagagapusan. Dahil dito ay patuloy kong binabata ang lahat ng mga bagay alang-alang sa mga pinili, upang sila rin ay makapagtamo ng kaligtasan na kaisa ni Kristo Jesus kasama ng walang-hanggang kaluwalhatian. Tapat ang pananalita: Tiyak ngang kung mamatay tayong magkakasama, mabubuhay rin tayong magkakasama; kung patuloy tayong magbabata, mamamahala rin tayong magkakasama bilang mga hari; kung tayo ay magkakaila, ikakaila rin niya tayo; kung tayo ay di-tapat, siya ay nananatiling tapat, sapagkat hindi niya maikakaila ang kaniyang sarili.”​—2 Timoteo 2:8-13.

13. Anong matibay na pananalig ang pinanghahawakan ng mga miyembro ng munting kawan, at ano ang ginawa nila bilang udyok nito?

13 Gaya ni apostol Pablo, ang natitirang miyembro ng pinahirang munting kawan ay handang magbata ng pagdurusa habang ipinahahayag nila ang mapuwersang mensahe na binabanggit sa Salita ng Diyos. Ang kanilang pananalig ay nakapag-ugat nang malalim habang patuloy silang nanghahawakan sa banal na mga pangako ng kaligtasan at sa kanilang pagiging siyang pinagbigyan ng “korona ng buhay” kung sila’y mapatutunayang tapat hanggang kamatayan. (Apocalipsis 2:10) Sa pamamagitan ng kagyat na pagkabuhay-muli at pagbabago, sila’y dadalhing kaisa ni Kristo, upang mamahalang kasama niya bilang mga hari. Kaylaking tagumpay para sa kanilang nag-iingat-ng-katapatang landasin bilang mga nanaig sa sanlibutan!​—1 Juan 5:3, 4.

Isang Pambihirang Pag-asa

14, 15. Papaano nagiging pambihira ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ng munting kawan?

14 Ang pag-asa ng pagkabuhay-muli na taglay ng munting kawan ay pambihira. Sa anu-anong paraan? Una sa lahat, ito’y nauuna sa pangkalahatang pagkabuhay-muli ng “mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Sa katunayan, ang pagkabuhay-muli ng mga pinahiran ay inihanay sa isang tiyak na pagkakasunud-sunod ayon sa kahalagahan, gaya ng malinaw na ipinakikita ng mga salitang ito na matatagpuan sa 1 Corinto 15:20, 23: “Si Kristo ay ibinangon na mula sa mga patay, ang pangunang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan. Ngunit bawat isa ay sa kaniyang sariling katayuan: si Kristo ang pangunang bunga, pagkatapos ay yaong mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.” Sa pagtataglay ng uri ng pagbabata at pananampalatayang ipinamalas ni Jesus, alam ng munting kawan kung ano ang nakalaan para sa kanila kapag natapos na ang kanilang makalupang gawain, lalo na mula nang ang tunay na Panginoon ay dumating sa kaniyang templo para sa paghatol noong 1918.​—Malakias 3:1.

15 Nagbigay si Pablo ng karagdagang dahilan upang malasin ang pagkabuhay-muling ito bilang isang pambihirang bagay. Gaya ng nakaulat sa 1 Corinto 15:51-53, isinulat niya: “Narito! Sinasabi ko sa inyo ang isang sagradong lihim: Hindi lahat tayo ay matutulog sa kamatayan, kundi tayong lahat ay babaguhin, sa isang iglap, sa pagkisap ng mata, sa panahon ng huling trumpeta. . . . Sapagkat ito na nasisira ay dapat na magbihis ng kawalang-kasiraan, at ito na mortal ay dapat na magbihis ng imortalidad.” Ang mga salitang ito ay kumakapit sa mga kabilang sa munting kawan na namamatay sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo. Yamang hindi na kailangang matulog sa kamatayan sa mahabang yugto ng panahon, sila’y binihisan ng imortalidad, “sa isang iglap, sa pagkisap ng mata.”

16, 17. May kinalaman sa kanilang pag-asa ng pagkabuhay-muli, papaano lalo nang pinagpala ang pinahirang mga Kristiyano sa ngayon?

16 Sa liwanag ng pagkaunawang ito, makukuha natin ang diwa ng mga salita ni apostol Juan na masusumpungan sa Apocalipsis 14:12, 13. Isinulat niya: “ ‘Dito nangangahulugan ng pagbabata para sa mga banal, yaong mga tumutupad ng mga kautusan ng Diyos at ng pananampalataya kay Jesus.’ At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsabi: ‘Isulat mo: Maligaya ang mga patay na namamatay na kaisa ng Panginoon mula sa panahong ito. Oo, ang sabi ng espiritu, pagpahingahin mo sila mula sa kanilang mga pagpapagal, sapagkat ang mga bagay na ginawa nila ay sumasama mismo sa kanila.’ ”

17 Anong pambihirang gantimpala ang nakalaan para sa nalabi ng munting kawan! Ang kanilang pagkabuhay-muli ay kagyat na darating, karaka-raka pagkatapos na sila’y matulog sa kamatayan. Anong kamangha-manghang pagbabago ang kanilang mararanasan sa pagtanggap ng kanilang atas sa daigdig ng mga espiritu! Yamang ang ganitong pagluwalhati sa munting kawan ay nagaganap na at ang katuparan ng pangunahing mga hula sa Bibliya ay halos makumpleto na, ang huling mga miyembro ng munting kawan ay tunay na kailangang “huwag matakot.” At ang kanilang kawalang-takot ay nagpapatibay-loob sa mga kabilang sa malaking pulutong, na kailangang maglinang ng katulad na saloobin ng kawalang-takot habang inaasam-asam nila ang kaligtasan sa panahon ng pinakamalaking kabalisahan na naranasan kailanman sa lupa.

18, 19. (a) Bakit apurahan ang panahong kinabubuhayan natin? (b) Bakit hindi dapat matakot kapuwa ang pinahiran at ang ibang tupa?

18 Ang pagsasalaysay ng tungkol sa mga gawain ng munting kawan ay nagpapangyari sa kanila at sa malaking pulutong na patuloy na matakot sa tunay na Diyos. Ang oras ng kaniyang paghatol ay dumating na, at ang kaayaayang panahong natitira ay napakahalaga. Limitado na nga ang panahon para sa iba upang kumilos. Gayunman, hindi tayo natatakot na mabibigo ang layunin ng Diyos. Tiyak ngang iyon ay magtatagumpay!

19 Ngayon pa lamang, ang malalakas na tinig mula sa langit ay naririnig na sa pagsasabing: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging ang kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at siya ay mamamahala bilang hari magpakailan kailanman.” (Apocalipsis 11:15) Tiyak, ang Dakilang Pastol, si Jehova, ay pumapatnubay sa lahat ng kaniyang tupa sa “landas ng katuwiran alang-alang sa kaniyang pangalan.” (Awit 23:3) Ang munting kawan ay walang-pagkakamaling inaakay tungo sa kanilang makalangit na gantimpala. At ang ibang tupa ay ililigtas nang matiwasay sa panahon ng malaking kapighatian upang tamasahin ang walang-hanggang buhay sa makalupang sakop ng maluwalhating Kaharian ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ni Kristo Jesus. Samakatuwid, bagaman ang mga salita ni Jesus ay patungkol sa munting kawan, tiyak na lahat ng mga lingkod ng Diyos sa lupa ay may dahilan upang makinig sa kaniyang mga salita: “Huwag kang matakot.”

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Bakit dapat nating asahan ang pagliit ng bilang ng nalalabi sa munting kawan?

◻ Ano ang kalagayan ng pinahirang nalabi sa ngayon?

◻ Bakit hindi dapat matakot ang mga Kristiyano, sa kabila ng nalalapit na pagsalakay ni Gog ng Magog?

◻ Bakit pambihira ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ng 144,000, lalo na sa ngayon?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share