Nakasumpong Sila ng Kapayapaan sa Isang Maligalig na Sanlibutan
ANG ilustrasyon sa pabalat ng magasing ito ay naglalarawan ng isang matinding labanan sa Bosnia at Herzegovina. Maaari kayang umiral ang kapayapaan sa gayong lugar? Nakapagtataka, ang sagot ay oo. Samantalang ang mga pamayanang Romano Katoliko, Silanganing Ortodokso, at Muslim sa kalunus-lunos na lupaing iyan ay naglalabanan dahil sa teritoryo, maraming tao ang nananabik sa kapayapaan, at ang ilan ay nakasumpong nito.
Ang mga Djorem ay naninirahan sa Sarajevo, at sila’y mga Saksi ni Jehova. Sa gitna ng lahat ng kaligaligan sa lunsod na iyan, kaugalian na nilang dalawin ang kanilang mga kapitbahay upang ibahagi sa kanila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Bakit? Dahil alam ng pamilyang Djorem na ang Kahariang ito ay tunay, na ito ay naitatag na sa langit, at na ito ang pinakamabuti at tanging pag-asa ng sangkatauhan ukol sa kapayapaan. Lubos ang pagtitiwala ng mga Saksi ni Jehova sa tinatawag ni apostol Pablo na “ang mabuting balita ng kapayapaan.” (Efeso 2:17) Dahil sa mga taong katulad nina Bozo at Hena Djorem, marami ang nakasusumpong ng kapayapaan sa Bosnia at Herzegovina.
Darating ang Tunay na Kapayapaan
Marami pang masasabi tungkol sa mga Djorem. Subalit pag-usapan muna natin ang isa pang mag-asawa na nagkaroon ng pagtitiwala sa Kaharian ng Diyos. Sila ay sina Artur at Arina. Sila at ang kanilang mga batang anak na lalaki ay naninirahan noon sa isang republika sa teritoryo ng dating Unyong Sobyet. Nang sumiklab ang gera sibil, nakipaglaban si Artur para sa isang panig. Subalit di-nagtagal, naitanong niya sa sarili, ‘Bakit ako lumalaban sa mga taong ito na dati kong mga kapitbahay?’ Umalis siya sa bansa at, pagkatapos ng maraming hirap, nakarating sa Estonia kasama ng kaniyang pamilyang may maliliit pang anak.
Sa isang pagdalaw sa St. Petersburg, nakilala ni Artur ang mga Saksi ni Jehova at siya’y namangha sa kaniyang natutuhan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kalooban ni Jehova na sa malapit na hinaharap ang Kaharian ng Diyos lamang ang mamamahala sa sangkatauhan. (Daniel 2:44) Kung magkagayon ang lupa ay magiging isang payapang dako, na wala nang mga gera sibil o alitan ng mga bansa. Humula si Isaias tungkol sa panahong iyon: “Hindi sila gagawa ng anumang pinsala o magpapangyari ng anumang pagkasira sa aking buong bundok na banal; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova kung paanong ang mga katubigan ay tumatakip sa mismong dagat.”—Isaias 11:9.
Nang ang larawan ng mapayapang lupang iyan sa hinaharap ay mapansin sa isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na ipinakita sa kaniya ng isang Saksi, sinabi ni Artur na dati ay naninirahan siya sa isang lugar na kahawig niyaon. Subalit ngayon, iyon ay sinisira ng gera sibil. Doon sa Estonia, si Artur at ang kaniyang pamilya ay natututo pa ng higit tungkol sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.
Kapayapaan sa Gitna ng Kaligaligan
Ganito ang sabi ng Awit 37:37: “Bantayan ang isa na walang kapintasan at tingnan mo ang isa na matuwid, sapagkat ang kinabukasan ng taong iyon ay magiging payapa.” Sa katunayan, ang kapayapaan ng isa na walang-kapintasan at matuwid sa paningin ng Diyos ay hindi limitado sa kaniyang kinabukasan. Ito’y tinatamasa na niya ngayon pa lamang. Papaano nangyayari ito? Tingnan ang karanasan ng isang lalaking nagngangalang Paul.
Si Paul ay nakatira sa isang malayong kampo ng mga refugee sa timog-kanlurang Etiopia, bagaman ang totoo ay galing siya sa isang kalapit na bansa. Sa kaniyang bayang tinubuan, nakilala niya ang isa sa mga Saksi ni Jehova na nagtatrabaho sa isang kompanya ng langis, at binigyan siya ng lalaking ito ng isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan.a Ang Saksi ay hindi na muling nakausap ni Paul, ngunit masusing pinag-aralan niya ang aklat. Itinaboy siya ng gera sibil sa isang kampo ng mga refugee sa Etiopia, at doon ay sinabi niya sa iba ang tungkol sa natutuhan niya. Isang maliit na grupo ang nang maglaon ay tumanggap dito bilang siyang katotohanan. Salig sa kanilang natutuhan, di-nagtagal at sila’y nangaral sa iba na nasa kampo.
Sumulat si Paul sa punung-tanggapan ng Samahang Watch Tower para humingi ng tulong. Isang ministro na ipinadala buhat sa Addis Ababa ang nagulat nang masumpungan niya ang 35 katao na naghihintay sa kaniya, anupat handang matuto ng higit pa tungkol sa Kaharian ng Diyos. Gumawa ng mga kaayusan upang regular na mailaan ang tulong.
Papaano masasabi na ang mga taong kagaya ni Paul ay nagtatamasa ng kapayapaan? Hindi madali ang kanilang pamumuhay, ngunit may pananampalataya sila sa Diyos. Kapag naaapektuhan ng kaligaligan sa sanlibutang ito, ikinakapit nila ang payo ng Bibliya: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” Bunga nito, taglay nila ang pagkakontento na bihira sa ngayon. Kumakapit sa kanila ang mga salita ni apostol Pablo sa kongregasyon sa Filipos: “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Tunay, nadarama nila ang isang malapit na kaugnayan kay Jehova, “ang Diyos ng kapayapaan.”—Filipos 4:6, 7, 9.
Kapayapaan sa Kasalukuyan
Ang nakaluklok na Hari sa Kaharian ng Diyos ay si Jesu-Kristo, na tinatawag sa Bibliya bilang “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6) Tungkol sa kaniya ay ganito ang sinabi ng sinaunang propeta: “Siya’y aktuwal na magsasalita ng kapayapaan sa mga bansa; at ang kaniyang kapayapaan ay magiging mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa.” (Zacarias 9:10) Ang mga kinasihang salita kagaya nito ay may matinding epekto sa buhay ng isang tao na nagngangalang José.
May panahon na si José ay nabilanggo. Siya ay isang terorista at nadakip samantalang naghahanda upang pasabugin ang isang baraks ng mga pulis. Inakala niya na karahasan lamang ang magtutulak sa pamahalaan upang ayusin ang mga kalagayan sa kaniyang bansa. Samantalang siya’y nasa bilangguan, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa kaniyang asawa.
Nang makalaya si José, nag-aral din siya ng Bibliya, at di-nagtagal at ang mga salita sa Awit 85:8 ay nagsimulang kumapit sa kaniya: “Pakikinggan ko kung ano ang sasalitain ng tunay na Diyos na si Jehova, sapagkat siya’y magsasalita ng kapayapaan sa kaniyang bayan at sa mga tapat sa kaniya.” Subalit, ang talatang ito ay nagtapos taglay ang isang babala: “Huwag silang bumalik sa pagtitiwala sa sarili.” Kaya naman, ang isa na humahanap ng kapayapaan ni Jehova ay hindi mangangahas na kumilos nang hiwalay o salungat sa Kaniyang kalooban.
Sa ngayon, si José at ang kaniyang asawa ay mga ministrong Kristiyano. Itinuturo nila sa iba ang Kaharian ni Jehova bilang siyang lunas sa mga suliranin na dati ay sinisikap na lutasin ni José sa pamamagitan ng mga bombang sariling-gawa. Sila’y handang magtiwala sa Bibliya, na nagsasabi: “Si Jehova, sa kaniyang bahagi, ay magbibigay ng mabuti.” (Awit 85:12) Sa katunayan, dinalaw kamakailan ni José ang baraks na noo’y binalak niyang wasakin. Bakit? Upang kausapin ang mga pamilya doon tungkol sa Kaharian ng Diyos.
Mapayapang Bayan
Sa Awit 37:10, 11, sinasabi ng Bibliya: “Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at iyong bibigyang-pansin ang kaniyang dako, at siya ay wala na. Ngunit ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” Ano ngang ningning na pag-asa!
Subalit pansinin na ang kapayapaan ni Jehova ay para lamang sa “maaamo.” Yaong mga humahanap ng kapayapaan ay kailangang matutong maging mapayapa. Ganito ang nangyari kay Keith, na naninirahan sa New Zealand. Si Keith ay inilarawan bilang “matipuno ang katawan at malakas ang personalidad, mapusok, at mahilig makipagtalo.” Miyembro siya ng isang gang at naninirahan sa isang bahay na talaga namang isang moog, na may mga halamanang binabantayan ng tatlong guwardiyang aso upang walang makapasok. Diniborsiyo siya ng kaniyang asawa, ang ina ng kaniyang anim na anak.
Nang makilala ni Keith ang mga Saksi ni Jehova, nagkaroon ng matinding epekto sa kaniya ang mabuting balita. Di-nagtagal at siya kasama ng kaniyang mga anak ay dumadalo na sa mga pulong ng mga Saksi. Pinutol niya ang kaniyang buhok na hanggang baywang at siya’y nagsimulang makipag-usap sa kaniyang dating mga kasamahan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ang ilan sa mga ito ay nagsimula ring mag-aral ng Bibliya.
Tulad ng milyun-milyong may matuwid na puso sa buong daigdig, sinimulang ikapit ni Keith ang mga salita ni apostol Pedro: “Siya na iibig sa buhay at makakakita ng mabubuting araw, . . . talikuran niya ang masama at gawin ang mabuti; hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod ito.” (1 Pedro 3:10, 11) Ang dating asawa ni Keith ay pumayag na muling magpakasal sa kaniya, at natututuhan niya ngayong “hanapin ang kapayapaan at itaguyod ito.”
Ang kapayapaan ni Jehova ay naging tagapagligtas-buhay para sa marami, kasali na ang isang minsa’y atleta na ipinanganak sa dating U.S.S.R. Nanalo ang lalaking ito ng mga medalya sa mga paligsahan sa Olimpiyada, subalit siya’y nasiphayo at bumaling sa droga at alak. Pagkatapos ng 19 na taóng punô ng pangyayari na doo’y kasali ang tatlong-taóng sentensiya sa isang kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Siberia, paglalakbay sakay ng barko bilang isang layás patungo sa Canada, at dalawang beses na pagkabingit sa kamatayan dahil sa kaniyang bisyo sa droga, nanalangin siya sa Diyos ukol sa tulong na makasumpong ng tunay na layunin sa buhay. Ang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova na nagsasalita ng Ruso ang nakatulong sa kaniya na makasumpong ng sagot sa kaniyang mga tanong. Ngayon ang lalaking ito, tulad ng milyun-milyong iba pa, ay may pakikipagpayapaan sa Diyos at sa kaniyang sarili.
Ang Pag-asa ng Pagkabuhay-Muli
Sa wakas, bumalik tayo kina Bozo at Hena Djorem sa Sarajevo. Ang mag-asawang ito ay may limang-taóng-gulang na anak na babae, si Magdalena. Noong nakaraang Hulyo, silang tatlo ay papalabas ng tahanan upang magsagawang-muli ng kanilang pangangaral nang lahat sila ay masawi sa isang sumabog na kartutsó. Kumusta naman ang kapayapaan na ipinangaral nila sa iba? Ipinakita ba ng mga bala na kumitil ng kanilang buhay na ito ay hindi tunay na kapayapaan?
Hinding-hindi! Sa sistemang ito ng mga bagay, nagaganap ang mga kapahamakan. Ang mga tao ay nasasawi dahil sa mga bomba o mga bala. Ang iba ay namamatay sa sakit o aksidente. Marami ang namamatay sa katandaan. Yaong nagtatamasa ng kapayapaan ng Diyos ay naaapektuhan din, subalit ang posibilidad ng gayong mga pangyayari ay hindi pumapawi ng kanilang pag-asa.
Ipinangako ni Jesus sa kaniyang kaibigang si Marta: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay.” (Juan 11:25) Pinaniniwalaan ito ng mga Djorem, tulad ng lahat ng Saksi ni Jehova. At nananampalataya ang mga Djorem na sakaling sila ay masawi, sila’y bubuhaying-muli sa lupa na sa panahong iyon ay magiging tunay na payapang dako. “Papahirin [ng Diyos na Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
Sandali lamang bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. . . . Huwag hayaang mabagabag ang inyong mga puso.” (Juan 14:27) Nakikigalak kami sa mga Djorem na nagtataglay ng kapayapaang iyan at na tiyak na magtatamasa pa nito nang lubusan sa pagkabuhay-muli. Maligaya kami para sa lahat ng sumasamba kay Jehova, ang Diyos ng kapayapaan. Sila ay may kapayapaan ng isip. Tinatamasa nila ang pakikipagpayapaan sa Diyos. Nililinang nila ang pakikipagpayapaan sa iba. At may tiwala sila sa isang mapayapang kinabukasan. Oo, nakasumpong sila ng kapayapaan, bagaman sila’y nabubuhay sa isang maligalig na sanlibutan. Sa katunayan, lahat ng sumasamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan ay nagtatamasa ng kapayapaan. Makasumpong ka rin sana ng gayong kapayapaan.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 7]
Nakasumpong sila ng kapayapaan sa kabila ng pamumuhay sa isang maligalig na sanlibutan