Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 1/15 p. 5-9
  • Nagkatipon Sila Bilang Maliligayang Tagapuri

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagkatipon Sila Bilang Maliligayang Tagapuri
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Purihin Ninyo si Jehova . . . Magalak Kayo!’
  • “Lagi Tayong Maghandog sa Diyos ng Hain ng Papuri”
  • “Magsaya Kayo, at Magalak Magpakailanman”
  • Ibinukod Upang Maging Maliligayang Tagapuri Sa Buong Daigdig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Nakasusumpong ng Kaligayahan ang mga Tagatupad ng Salita ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • May-Kagalakang Nagtipon ang “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Ang Nakagagalak na mga Kombensiyon ay Nagtataguyod ng Banal na Pagtuturo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 1/15 p. 5-9

Nagkatipon Sila Bilang Maliligayang Tagapuri

ANG sinaunang bayan ng Diyos na Jehova ay inutusan na “maging walang-iba kundi maligaya” kapag sila’y nagkakatipon upang sumamba. (Deuteronomio 16:15) Ang “Maliligayang Tagapuri” na Pandistritong Kombensiyon ng 1995/96 ay tiyak na nagbigay sa mga Saksi ni Jehova ng mabubuting dahilan upang magalak.

Sapol nang magsimula ang seryeng ito ng mga kombensiyon, ang mga ito ay nagpatibay ng pananampalataya. Ipinakita rin ng mga ito kung papaano makasusumpong ng kagalakan sa isang di-maligayang sanlibutan. Isa-isahin nating isaalang-alang ang bawat araw ng kombensiyon.

‘Purihin Ninyo si Jehova . . . Magalak Kayo!’

Ang nabanggit na tema sa unang araw ng kombensiyon ay salig sa Awit 149:1, 2. Ang pahayag na “Tayo’y May Dahilan na Humiyaw sa Kagalakan” ay nagsuri sa pinagkakapitan ng hula sa Isaias kabanata 35. Iyon ay natupad sa sinaunang Israel at lalo na sa ating kaarawan sa pagpapanumbalik ng kaunlaran at kalusugan ng mga mananamba ni Jehova sa isang espirituwal na paraiso. Sa gayon, ang mga kombensiyonista ay may dahilan na humiyaw sa kagalakan hinggil sa nilayon ng Diyos para sa kaniyang bayan sa isang espirituwal na paraiso at sa dumarating na literal na Paraiso na kaylapit-lapit na.

Ang susing pahayag, “Ibinukod Bilang Maliligayang Tagapuri sa Buong Daigdig,” ay sumagot sa tanong na: Ano ang nagbubukod sa atin mula sa sanlibutang ito? Iyon ay ang ating nagkakaisang pagsamba kay Jehova. Saanman nakatira sa lupang ito ang mga Saksi ni Jehova, sila’y nagsasalita at nagtuturo nang may pagkakaisa. Sila’y nagagalak din sa dakilang layunin ni Jehova na pabanalin ang kaniyang sagradong pangalan at ipagbangong-puri ang kaniyang soberanya sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Subalit papaano tayo tinutulungan ni Jehova na magkaroon ng dako sa kaniyang layunin? Ipinagkatiwala niya sa atin ang katotohanan ng kaniyang banal na Salita. Ibinigay sa atin ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu. Pinagpala niya tayo ng isang pandaigdig na kapatiran at ng isang kaayusan sa dalisay na pagsamba. Ang ating internasyonal na pamilya ang tumutulong sa atin na paglingkuran si Jehova nang may matinding kagalakan ng puso.

Ang “Pananatiling Hiwalay at Walang Batik Mula sa Sanlibutan” ay nagdiin sa pangangailangang iwasan ang mga batik ng pagtatangi at pagbubukud-bukod ng uri. (Santiago 2:5-9) Ang ilan ay maaaring nakikisalamuha lamang doon sa mga kapareho nila ang pinagmulan o kabuhayan, anupat kinaliligtaan ang mga kapuwa Kristiyano na dukha at di-maalwan sa buhay. Ang iba ay malamang na may pagkiling doon sa mga may posisyon ng pananagutan sa kongregasyon. Nakalilimutan nila na ang pinakadakilang pribilehiyo na maaaring taglayin ng isa ay yaong pagiging isang Saksi ni Jehova. Samakatuwid, hindi natin dapat hayaang marumhan tayo ng makasanlibutang mga hilig at masira ang kapayapaan ng kongregasyon.​—2 Pedro 3:14.

Ang pahayag na “Ako ba’y Handa Nang Mag-asawa?” ay nagpakita na marami ang padalus-dalos sa pag-aasawa. Ang iba ay nag-aasawa upang takasan ang mahirap na kalagayan sa tahanan o dahil sa nagsisipag-asawa na ang kanilang mga kaedad. Gayunman, kasali sa angkop na mga dahilan sa pag-aasawa ang kapuwa hangarin na itaguyod ang mga teokratikong tunguhin, tunay na pag-ibig, pangangailangan ng isang kasama at ng kapanatagan, at ang pagnanais na magpalaki ng mga anak. Ang espirituwal na pagsasanay ay mahalaga sa paghahanda para sa pag-aasawa. Bukod sa iba pang bagay, nariyan ang pangangailangan na linangin ang kanais-nais na mga katangian sa pamamagitan ng pagsusuot ng bagong personalidad. Isang karunungan din na tiyakin kung ang napupusuang mapangasawa ay nagpapakita ng katunayan ng isang tunay na kaugnayan kay Jehova at magalang sa pakikitungo sa iba. Isang kapantasan din na humingi ng payo mula sa may-gulang na mga Kristiyano.​—Kawikaan 11:14.

Ang nakapagtuturong pagtalakay na ito ay sinundan ng isa pa na pinamagatang “Mga Magulang na Nakasusumpong ng Kaluguran sa Kanilang mga Anak.” Ang kapanganakan ng isang bata ay karaniwan nang isang panahon ng malaking pagsasaya. Gayunman, ang pagpapalaki sa mga anak ay may kaakibat ding malaking pananagutan. (Awit 127:3) Sa gayon, mahalaga na ang mga anak ay maturuan na ibigin si Jehova. Magagawa ito ng mga magulang sa pamamagitan ng regular na pakikipag-usap sa kanilang mga anak tungkol kay Jehova at sa pagkakapit ng mga simulain ng kaniyang Salita sa pamilya.

Ang unang araw ng kombensiyon ay natapos na may isang sorpresa​—ang paglalabas ng bagong brosyur na Ang mga Saksi ni Jehova at ang Edukasyon. Malinaw na ipinaliliwanag nito na “pinasisigla [ng mga Saksi] ang kanilang mga anak na maging masikap sa kanilang pag-aaral at gawing dibdiban ang mga gawaing iniatas sa kanila sa paaralan.” Ipinaliliwanag din ng publikasyong ito ang mga pambihirang resulta ng mga klase sa pagbasa at pagsulat na idinaos ng mga Saksi ni Jehova nang maraming taon sa Nigeria, Mexico, at ibang bansa. Makatutulong ang brosyur na ito na makita ng mga edukador na malaki ang ating pagpapahalaga sa edukasyon.

“Lagi Tayong Maghandog sa Diyos ng Hain ng Papuri”

Ang temang ito ng ikalawang araw ay batay sa Hebreo 13:15. Iniharap sa programa sa umaga ang simposyum na “Tinutugon ang Panawagan na Purihin si Jehova.” Hindi hadlang ang edad sa pagtugon sa panawagang ito. Hinihimok ng Awit 148:12, 13 ang mga kabataang lalaki, mga dalaga, matatandang lalaki, at mga batang lalaki na purihin si Jehova. Marami sa maliligayang lingkod ni Jehova ang nakapagpalawak ng kanilang pagpuri. Sa buong daigdig, mahigit sa 600,000 ang nakikibahagi sa buong-panahong pangangaral, o paglilingkuran bilang payunir. Mahigit sa 15,000 ang gumaganap ng gawain ng special pioneer, at mahigit sa 15,000 ang naglilingkuran sa Bethel.

“Naglilingkod na Tapat Kasama ng Organisasyon ni Jehova” ang pahayag na nagpakitang mahalaga sa mga lingkod ng Diyos ang katapatan. Ang pagiging tapat kay Jehova ay nangangahulugan ng pananatili sa kaniya taglay ang matinding debosyon anupat ito’y tulad ng isang matibay na pandikit. Hinihiling ng katapatan na tayo’y umiwas sa kusang paglabag sa mga utos ng Bibliya, tayo man ay nakikita o hindi nakikita ng iba. Hinihiling din nito na buong katapatang itaguyod natin ang mga turo ng Bibliya na masusumpungan sa mga magasing Bantayan at Gumising! gayundin ang lahat ng iba pang espirituwal na pagkain na inilalaan ng Samahang Watch Tower. Ang pahayag na ito ay sinundan ng diskurso sa bautismo. Ano ngang laking kagalakan nang ang mga kandidato sa bautismo ay nagpamalas ng katunayan ng kanilang pag-aalay kay Jehova!

Ang mga salita sa Oseas 4:1-3 ang naglagay ng balangkas para sa pahayag sa bandang hapon na “Kagalingan o Bisyo​—Alin ang Itinataguyod Ninyo?” Bagaman ang pangmalas ng sanlibutan sa kagalingan ay naging masama na, ang mga Kristiyano ay dapat na magpamalas ng “marubdob na pagsisikap” na itaguyod ang kahusayan sa moral. (2 Pedro 1:5) Ito’y nagsisimula sa paraan ng pag-iisip ng isang tao. Kung ang kaniyang mga kaisipan ay may kagalingan, magsasalita siya ng malinis, kapaki-pakinabang, at nakapagpapatibay na mga salita at magsisikap na maging tapat sa kaniyang pakikitungo sa iba. Kalakip din sa pagtataguyod ng kagalingan ang pagsisikap na maging maunawain at madamayin sa kapuwa Kristiyano na dumaranas ng kabagabagan o panlulumo.​—1 Tesalonica 5:14.

Isa pang pahayag, ang “Magbantay Laban sa mga Silo ng Diyablo,” ay nagbabala sa mga Kristiyano laban sa paglalantad ng sarili sa impluwensiya ng mga demonyo. Sa larangan ng panggagamot, ang mga Kristiyano ay kailangang maging mapagbantay hinggil sa mga pamamaraan, tulad ng hipnotismo, na may kaugnayan sa okulto. Sa ibang kalagayan, ang ginagawa ng mga indibiduwal upang pangalagaan ang kanilang kalusugan ay isang personal na bagay.

Natapos ang ikalawang araw na may masayang sorpresa​—ang paglalabas ng bagong pambulsang publikasyon na dinisenyo upang tulungan ang tapat-pusong mga tao upang mabilis na sumulong tungo sa pag-aalay at bautismo. Ang bagong 192-pahinang aklat na ito ay pinamagatang Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ang aklat na Kaalaman ay naghaharap ng katotohanan sa isang nakapagpapatibay na paraan. Hindi ito tumatalakay sa pagpapabulaan sa mga huwad na doktrina. Ang pagiging malinaw ng mga salita at lohikal na pagtalakay sa aklat ay magpapadali sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya at sa pagtulong sa mga tao na maunawaan ang nakapagpapasiglang kaalaman ng Diyos.

“Magsaya Kayo, at Magalak Magpakailanman”

Ang mga salitang ito buhat sa Isaias 65:18 ang siyang tema ng ikatlong araw ng kombensiyon. Ang katuparan ng hula sa Bibliya ay nagtuturo sa 1914 bilang ang taon na ang balakyot na sistemang ito ay sumapit na sa kaniyang mga huling araw. Kaya naman, wiling-wili ang mga tagapakinig sa simposyum ng mga pahayag na pinamagatang “Maliligayang Tagapuri sa Katapusan ng Sistemang Ito.” Ipinakita ng mga tagapagsalita kung papaanong bilyun-bilyon ang natangay ng masakim at marahas na espiritu ng sanlibutan. Pagsapit ng panahon, sila’y hahatulan bilang bahagi ng sanlibutan na si Satanas ang siyang tagapamahala. Kaya ngayon na ang panahon upang pumili. Aling panig ang ibig nating kalagyan? Ibig ba nating sambahin si Jehova at itaguyod ang kaniyang soberanya, o hahayaan nating si Satanas ang maging tagapamahala natin sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na nakalulugod sa kaniya? Lahat tayo ay dapat na walang-pagbabagong pumanig kay Jehova.

Ang pangmadlang pahayag sa kombensiyon, “Purihin ang Haring Walang-Hanggan!” ay nagbigay sa lahat ng dumalo ng isang matigas na pagkain upang bulay-bulayin. Bagaman ang idea ng kawalang-hanggan ay waring mahirap na lubusang maunawaan ng marupok na mga tao, lubusan itong nauunawaan ni Jehova. “Si Jehova ay Hari hanggang sa panahong walang takda, magpakailanman,” ang awit ng salmista. (Awit 10:16) Ang Haring ito na walang-hanggan ang nagbukas ng daan upang tamasahin ng sangkatauhan ang buhay magpakailanman sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 17:3) “Oo, tayong mga makasalanang tao ay maaaring magtamo ng buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ng banal na edukasyon at pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus,” sabi ng tagapagsalita.

Habang papatapos na ang kombensiyon, yaong mga naroroon ay napatibay sa panghuling pahayag, na pinamagatang “Maligayang Pumuri kay Jehova sa Araw-Araw.” Nakaaantig-pusong makatanggap ng mga ulat hinggil sa pagsulong sa paggawa ng alagad sa buong lupa. At napakilos ang mga kombensiyonista na ‘pagpalain si Jehova buong araw at purihin ang kaniyang pangalan magpakailanman.’​—Awit 145:2.

Kakila-kilabot na di-makataong mga gawa ang nagnanakaw ng kagalakan ng sanlibutan. Gayunpaman, ang mga taong may lubusang pananampalataya kay Jehova ay makapagtataglay ng maka-Diyos na kagalakan. Bilang isang pambuong-daigdig na kapatiran, maaaring ulitin kung gayon ng mga Saksi ni Jehova ang sumusunod na mga salita sa Awit 35:27, 28: “Humiyaw nawa sa kagalakan at magsaya yaong nalulugod sa aking katuwiran, at hayaang sabihin nila sa tuwina: ‘Dakilain nawa si Jehova, na nalulugod sa kapayapaan ng kaniyang lingkod.’ At hayaang pabulong na bigkasin ng aking dila ang iyong katuwiran, buong araw ang iyong kapurihan.”

[Mga larawan sa pahina 7]

Makikinabang ang mga pamilya mula sa brosyur na “Ang mga Saksi ni Jehova at ang Edukasyon”

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Ang bagong aklat, “Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan,” ay naghaharap ng mga katotohanan sa Bibliya sa isang nakapagpapatibay na paraan

[Larawan sa pahina 9]

Marami ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova

[Larawan sa pahina 9]

Lubhang naantig ang mga kombensiyonista sa dramang “Pagbibigay-Dangal sa mga Karapat-dapat Kapag Sila’y Matanda Na”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share