Ang Paaralang Gilead ay Nagsugo ng ika-100 Klase Nito
ANG Watchtower Bible School of Gilead ay gumaganap ng mahalagang papel sa pangglobong paghahayag ng Kaharian ng Diyos sa modernong panahon. Sapol nang magsimulang magsanay ng mga misyonero ang Paaralang Gilead noong 1943, ang mga nagtapos dito ay nakapaglingkod na sa mahigit na 200 lupain. Noong Marso 2, 1996, nagtapos ang ika-100 klase.
Pumasok sa paaralan ang mga estudyante nang panahon na mahigit sa dalawang metro ng niyebe ang bumagsak sa lugar ng Watchtower Educational Center sa Patterson, New York. Hindi nakapagtataka, umuulan ng niyebe sa araw ng kanilang pagtatapos. Gayunpaman, punô ang awditoryum, at napakarami ang nakinig sa Patterson, Wallkill, at Brooklyn—2,878 katao sa kabuuan.
Si Theodore Jaracz, isang miyembro ng Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala, ang siyang naging chairman. Pagkatapos ng mainit na pagtanggap sa mga panauhing naroroon buhat sa maraming lupain, inanyayahan niya ang lahat upang tumayo at awitin ang awit bilang 52. Umaalingawngaw sa awditoryum ang papuri kay Jehova habang inaawit nila ang “Ngalan ng Ama Natin,” mula sa aklat na Umawit ng mga Papuri kay Jehova. Ang awit na ito, lakip na ang sinabi ng chairman tungkol sa paggamit ng edukasyon upang purihin si Jehova, ang siyang nangibabaw na diwa para sa programa na kasunod.
Maka-Kasulatang Payo Mula sa mga Nakatatandang Lalaki
Ang unang bahagi ng programa ay binubuo ng maiikling pahayag ng matagal-na-panahong mga lingkod ni Jehova para sa nagtapos na klase. Si Richard Abrahamson, isang miyembro ng mga tauhan sa punong-tanggapan na nagsimula sa kaniyang buong-panahong paglilingkuran noong 1940, ay humimok sa klase: “Magpatuloy Kayo sa Pagkakabalik sa Ayos.” Ipinaalaala niya sa kanila na nakaranas na sila ng iba’t ibang yugto ng pagbabalik sa ayos sa kanilang buhay bilang mga Kristiyano, kasali na ang kanilang limang buwan ng pag-aaral sa Gilead. Kaya bakit dapat na sila’y magpatuloy sa pagkakabalik sa ayos?
Ipinaliwanag ng tagapagsalita na ang pananalitang ginamit ni apostol Pablo sa 2 Corinto 13:11 ay “nagpapahiwatig ng isang pasulong na proseso, isang patuloy na pagpapasailalim ng isa sa paghubog o pagdadalisay ni Jehova, isang pagsasaayos, upang maabot ng isang iyon ang mas matataas na pamantayan ni Jehova.” Sa kanilang mga atas sa ibang bansa, ang nagtapos na klase ay mapapaharap sa mga bagong hamon sa kanilang pananampalataya. Kakailanganin nilang matuto ng isang bagong wika, makibagay sa isang naiibang kultura at kalagayan ng pamumuhay, at umagpang sa iba’t ibang uri ng teritoryo. Makikitungo rin sila sa sari-saring personalidad sa kanilang tahanang pangmisyonero at sa kanilang bagong kongregasyon. Kung maingat nilang ikakapit ang mga simulain ng Bibliya sa lahat ng kalagayang ito, taglay ang pagiging handang maibalik sa ayos, kung gayon, gaya ng isinulat ni apostol Pablo, sila rin naman ay maaaring ‘magpatuloy sa pagsasaya.’
Kinuha naman ni John Barr, isa sa limang miyembro ng Lupong Tagapamahala na nakibahagi sa programa, ang kaniyang tema mula sa 1 Corinto 4:9. Ipinaalaala niya sa kaniyang mga tagapakinig na ang mga Kristiyano ay isang panoorin sa mga anghel at sa mga tao. “Ang pagkaalam nito,” sabi niya, “ay lubhang nakadaragdag sa kahalagahan ng landasin ng buhay ng isang Kristiyano, lalo nang gayon kapag batid niya na sa pamamagitan ng sinasabi niya at ng ginagawa niya, maaari siyang magkaroon ng nakikitang epekto sa mga nagmamasid, sa di-nakikita gayundin sa nakikita. Naniniwala ako na ito ay isang bagay na makabubuting tandaan ng lahat sa inyo na minamahal na mga kapatid sa ika-100 klase ng Gilead habang papunta kayo sa malalayong sulok ng lupa.”
Hinimok ni Brother Barr ang 48 estudyante na ikintal sa isip, habang tinutulungan nila na matuto ng katotohanan ang mga tulad-tupa, na “nagkakaroon ng kagalakan sa gitna ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.” (Lucas 15:10) Sa pagtukoy sa 1 Corinto 11:10, ipinakita niya na ang saloobin ng isa hinggil sa teokratikong mga kaayusan ay nakaaapekto hindi lamang sa ating mga kapatid na nakikita natin kundi gayundin sa mga anghel na hindi natin nakikita. Tunay ngang kapaki-pakinabang na isaisip ang mas malawak na pangmalas na ito!
Isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala, si Gerrit Lösch, na nagtapos mismo sa Paaralang Gilead, ang tumalakay sa mga kasulatan tulad ng Awit 125:1, 2; Zacarias 2:4, 5; at Awit 71:21 upang ipakita na ‘pinalilibutan ni Jehova ang kaniyang bayan.’ Naglalaan siya ng proteksiyon sa kanila sa lahat ng panig. Maglalaan kaya ang Diyos ng gayong proteksiyon sa panahon lamang ng malaking kapighatian? “Hindi,” ang sagot ng tagapagsalita, “sapagkat si Jehova ay isa nang ‘pader ng apoy,’ isang proteksiyon sa kaniyang bayan. Sa taóng 1919 pagkatapos ng digmaan ay nasumpungan ang nalabi ng espirituwal na Israel na masiglang naghahangad na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng bansa. Sila’y mga kinatawan ng makasagisag na Jerusalem sa mga langit. Tinitiyak ni Jehova ang banal na proteksiyon sa mga kinatawang ito bilang isang grupo sa panahon ng kawakasan. Sino kung gayon ang makapipigil sa kanila? Wala.” Ano ngang laking kasiguruhan sa kanila at sa lahat ng nakikipagtulungan sa kanila sa paggawa ng kalooban ng Diyos!
Pinasigla ni Ulysses Glass, isang nakatatandang miyembro ng pakultad ng paaralan, ang klase na ‘tapusin ang paglilok ng kanilang dako sa pambuong daigdig na organisasyon ni Jehova.’ Ang dako ay isang situwasyon o gawain na pantanging naaangkop sa kakayahan o katangian ng isang tao. “Kayong mga prospektibong misyonero ay nakasumpong ng inyong dako sa pambuong-daigdig na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova,” ang pahayag niya. “Ngunit, bagaman mahalaga ito ngayon, ito ay pasimula lamang ng inyong buhay bilang misyonero.” Kakailanganin nilang ibuhos ang kanilang sarili sa lubusang paggamit ng kanilang kakayahan at pag-angkop sa pantanging mga atas na ibinibigay sa kanila ni Jehova at ng kaniyang organisasyon.
Ang huling pahayag sa bahaging ito ng programa ay ibinigay ni Wallace Liverance, isang miyembro ng pakultad ng Gilead na naglingkod nang 17 taon sa Bolivia. “Ilalagay ba Ninyo ang Diyos sa Pagsubok?” ang tanong niya sa mga estudyante. Paano nila dapat na gawin iyon? Inilagay ng bansang Israel ang Diyos sa pagsubok sa maling paraan. (Deuteronomio 6:16) “Maliwanag, maling ilagay sa pagsubok ang Diyos sa pamamagitan ng pagrereklamo o pagbubulung-bulungan o marahil sa pagpapakita ng kawalang pananampalataya sa kaniyang paraan ng paglutas ng mga bagay,” sabi ng tagapagsalita. “Kapag dumating na kayo sa inyong bagong atas, paglabanan ang hilig na iyan,” ang payo niya. Ano, kung gayon, ang tamang paraan upang ilagay ang Diyos sa pagsubok? “Iyon ay sa pamamagitan ng pananalig sa kaniyang sinasabi, sa paggawa ng kung ano mismo ang sinabi niya, at saka ipaubaya sa kaniyang mga kamay ang kahihinatnan,” ang paliwanag ni Brother Liverance. Gaya ng makikita sa Malakias 3:10, inaanyayahan ni Jehova ang kaniyang bayan: “Subukin ninyo ako, pakisuyo.” Ipinangako niya na kung buong katapatan nilang dadalhin sa kamalig ng templo ang kanilang ikasampung mga bahagi, kaniyang pagpapalain sila. “Bakit hindi malasin ang inyong atas bilang misyonero sa gayunding paraan?” ang tanong ng tagapagsalita. “Ibig ni Jehova na magtagumpay kayo sa bagay na iyon, kaya ilagay ninyo siya sa pagsubok. Manatili kayo sa inyong atas. Gawin ang mga pagbabagong ibig niyang gawin ninyo. Magbata. Tingnan kung hindi niya kayo pagpapalain.” Ano ngang husay na payo sa lahat ng naglilingkod kay Jehova!
Pagkatapos ng isang awit ay nagbago ang programa mula sa mga diskurso tungo sa sunud-sunod na nakasisiyang mga panayam.
Kapaki-pakinabang na mga Kapahayagan Buhat sa Larangan
Inanyayahan ni Mark Noumair, isang bagong miyembro ng pakultad ng Gilead, ang mga estudyante upang maglahad ng mga naging karanasan nila sa ministeryo sa larangan samantalang nag-aaral. Itinampok ng mga ito ang kahalagahan ng pagkukusa sa ministeryo at nagbigay sa mga tagapakinig ng praktikal na mga idea na magagamit nila.
Sa panahon ng kanilang pag-aaral, ang mga estudyante sa klaseng ito sa Gilead ay lalo nang nakinabang sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga miyembro ng Komite ng Sangay buhat sa 42 lupain, na naroroon din sa Patterson Educational Center para sa pantanging pagsasanay. Marami sa kanila ang nagtapos sa Gilead mga taon na ang nakararaan. Sa programa, ang mga panayam ay pinangasiwaan ng mga kinatawan buhat sa ika-3, ika-5, ika-51, at ika-92 klase, gayundin ng buhat sa Gilead Extension School sa Alemanya. Talaga namang kapaki-pakinabang ang kanilang mga komento!
Inilahad nila kung ano ang nadama ng mga misyonero habang nakikita nilang ang bilang ng mga tagapuri kay Jehova sa kanilang mga atas ay lumalaki buhat sa iilan tungo sa sampu-sampung libo. Inilahad nila ang tungkol sa kanilang naging bahagi sa pagdadala ng mabuting balita sa magkakalayong mga tirahan sa Kabundukan ng Andes at sa mga nayon sa mga bukal ng Ilog Amazon. Tinalakay nila ang pagpapatotoo sa mga taong hindi marunong bumasa at sumulat sa mga wika. Binanggit nila ang tungkol sa kanilang sariling pakikipagpunyagi na matuto ng bagong mga wika at kung ano ang makatotohanang maaasahan ng mga nagtapos kung kailan sila maaaring makapagpatotoo at makapagbigay ng mga pahayag sa isang wika tulad ng Tsino. Nagtanghal pa man din sila ng mga halimbawang presentasyon sa Kastila at Tsino. Idiniin nila na pinakamabisa ang mga misyonero kapag natutuhan nila hindi lamang ang wika kundi gayundin ang kaisipan ng mga tao. Binanggit nila ang tungkol sa karaniwang mahihirap na kalagayan ng pamumuhay sa maralitang mga lupain at sinabi: “Dapat kilalanin ng mga misyonero na ang kalagayang ito ay madalas na may kaugnayan sa pagsasamantala. Ginagawa ng isang misyonero ang pinakamabuting magagawa niya kung nadarama niya ang kagaya ng nadama ni Jesus—nahabag siya sa mga tao, na tulad ng mga tupa na walang pastol.”
Pagkatapos ng isang awit ay nagpatuloy ang programa sa pamamagitan ng isang diskurso ni A. D. Schroeder, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Nagkapribilehiyo siya na maging isa sa mga unang tagapagturo sa Paaralang Gilead nang magbukas ito noong 1943. Bilang angkop na pagtatapos sa programa, tinalakay niya ang paksang “Pagbubunyi kay Jehova Bilang Soberanong Panginoon.” Ang nakawiwiling pagtalakay ni Brother Schroeder sa ika-24 na Awit ay nagkintal sa lahat ng dumalo kung gaano kadakila ang pribilehiyo na ibunyi si Jehova bilang ang Soberanong Panginoon.
Pagkatapos na maipamahagi ang mga diploma, at isang pangwakas na awit, si Karl Klein ng Lupong Tagapamahala ang siyang nagtapos sa pamamagitan ng isang taos-pusong panalangin. Tunay ngang naging praktikal at nakapagpapaginhawa sa espirituwal na programa iyon!
Sa mga araw pagkaraan ng pagtatapos, ang 48 miyembro ng ika-100 klase ay nagsimulang maglakbay patungo sa mga atas bilang misyonero sa 17 lupain. Subalit hindi sila nagsisimula lamang sa kanilang ministeryo. Mayroon na silang mahabang rekord ng buong-panahong Kristiyanong ministeryo. Nang sila’y magpatala sa Gilead, sila, sa katamtaman, ay 33 taóng gulang at nakagugol na ng mahigit sa 12 taon sa buong-panahong ministeryo. Ang ilan sa kanila ay dating mga miyembro ng pangglobong pamilyang Bethel ng Samahang Watch Tower. Ang iba ay nakapaglingkod na bilang naglalakbay ng mga tagapangasiwa. Marami sa mga estudyante ang nakibahagi na sa ilang anyo ng paglilingkod sa ibang bansa—sa Aprika, Europa, Timog Amerika, sa mga isla ng dagat, at sa mga grupong may wikang banyaga sa kanilang pinanggalingang bansa. Subalit ngayon ay nakakasama nila ang marami pang ibang misyonero na nalulugod na magsabi, ‘Maglilingkod kami saanman sa daigdig kung saan kami kailangan.’ Taos-puso nilang hangarin na gamitin ang kanilang buhay upang dakilain si Jehova.
[Kahon sa pahina 27]
Estadistika ng Klase:
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 8
Bilang ng mga bansang pinagdestinuhan: 17
Bilang ng mga estudyante: 48
Katamtamang edad: 33.75
Katamtamang taon sa katotohanan: 17.31
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12.06
[Larawan sa pahina 26]
Ika-100 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan palikod, at ang mga pangalan ay nakatala mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Shirley, M.; Grundström, M.; Genardini, D.; Giaimo, J.; Shood, W.; Phair, P.; Buchanan, C.; Robinson, D. (2) Pine, C.; Kraus, B.; Racicot, T.; Hansen, A.; Beets, T.; Berg, J.; Garcia, N.; Fleming, K. (3) Whinery, L.; Whinery, L.; Harps, C.; Giaimo, C.; Berg, T.; Mann, C.; Berrios, V.; Pfeifer, C. (4) Randall, L.; Genardini, S.; Kraus, H.; Fleming, R.; D’Abadie, S.; Shirley, T.; Stevenson, G.; Buchanan, B. (5) Robinson, T.; Garcia, J.; Harps, P.; Racicot, D.; D’Abadie, F.; Phair, M.; Stevenson, G.; Shood, D. (6) Beets, L.; Pfeifer, A.; Berrios, M.; Pine, J.; Mann, L.; Randall, P.; Grundström, J.; Hansen, G.