“Kilalanin Ninyo ang Gayong Uri ng mga Tao”
HINDI mabuti ang kalagayan ng kongregasyon sa Corinto. May nakagigimbal na kaso ng imoralidad, at nagkakabaha-bahagi ang mga kapatid. Ang ilan ay may malulubhang suliranin o may mga tanong na kailangang masagot. Ang ilang kapatid ay naghahablahan sa hukuman; itinatanggi pa man din ng iba ang tungkol sa pagkabuhay-muli.
Bumangon din ang mabibigat na katanungan. Yaon bang mga nasa sambahayang nababahagi dahil sa relihiyon ay dapat na manatiling nakikisama sa kanilang di-nananampalatayang asawa, o dapat silang makipaghiwalay? Ano ang papel ng mga kapatid na babae sa kongregasyon? Angkop bang kanin ang karneng inihain sa mga idolo? Paano dapat idaos ang mga pulong—kasali na yaong Hapunan ng Panginoon?—1 Corinto 1:12; 5:1; 6:1; 7:1-3, 12, 13; 8:1; 11:18, 23-26; 14:26-35.
Palibhasa’y tiyak na nababahala sa kapakanan ng kanilang mga kapatid sa gayong maligalig na kapaligiran sa espirituwal, naglakbay sina Acaico, Fortunato, at Estefanas upang dalawin si apostol Pablo sa Efeso. Karagdagan sa gayong nakababalisang balita, malamang na dala-dala nila para kay Pablo ang isang liham mula sa kongregasyon na naglalaman ng mga tanong tungkol sa mga suliraning ito. (1 Corinto 7:1; 16:17) Maliwanag, hindi lamang ang tatlong kapatid na ito ang nababahala tungkol sa situwasyon. Sa katunayan, nakatanggap na si Pablo ng balita buhat doon sa mga kabilang “sa bahay ni Cloe” na may umiiral na di-pagkakasundo sa gitna ng mga miyembro ng kongregasyon. (1 Corinto 1:11) Walang-alinlangan, ang ulat ng mga mensahero ay nakatulong kay Pablo na magkaroon ng mas malinaw na pagkaunawa tungkol sa kalagayan, upang makapagpasiya kung anong payo ang ibibigay, at kung paano sasagutin ang mga tanong na bumangon. Lumilitaw na ang liham na kilala natin ngayon bilang ang Unang Corinto ang siyang tugon ni Pablo, na pinatnubayan ng banal na espiritu ng Diyos. Maaaring sina Acaico, Fortunato, at Estefanas ang naghatid ng liham.
Sino sina Acaico, Fortunato, at Estefanas? Ano ang matututuhan natin sa pag-aaral ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanila?
Ang Sambahayan ni Estefanas
Ang sambahayan ni Estefanas ang “mga pangunang bunga” ng ministeryo ni Pablo sa Romanong lalawigan ng Acaya, sa Timugang Gresya, humigit-kumulang noong taóng 50 C.E., at si Pablo mismo ang nagbautismo sa kanila. Maliwanag, itinuring ni Pablo na sila’y isang huwaran, maygulang at nakapagpapatibay na impluwensiya para sa mga taga-Corinto. Magiliw na pinapurihan niya sila dahil sa kanilang gawain sa kapakanan ng kongregasyon: “Ngayon ay masidhi ko kayong pinapayuhan, mga kapatid: Alam ninyo na ang sambahayan ni Estefanas ang mga pangunang bunga sa Acaya at na itinalaga nila ang kanilang mga sarili upang maglingkod sa mga banal. Nawa’y patuloy na magpasakop din kayo sa gayong uri ng mga tao at sa bawat isa na nakikipagtulungan at nagpapagal.” (1 Corinto 1:16; 16:15, 16) Hindi binanggit kung sino talaga ang bumubuo sa “sambahayan” ni Estefanas. Ang pananalita ay maaaring tumukoy sa mga miyembro ng pamilya ngunit maaaring kasali rin ang mga alipin at mga empleado. Yamang ang Acaico ay isang pangalang Latin na karaniwan nang yaong sa isang alipin, at ang Fortunato ay karaniwan nang yaong sa isang taong malaya, inaakala ng ilang komentarista na ang dalawa ay marahil mga miyembro ng iisang sambahayan.
Anuman ang kalagayan, itinuring ni Pablo na huwaran ang sambahayan ni Estefanas. Ang mga miyembro nito ay ‘nagtalaga ng kanilang sarili upang maglingkod sa mga banal.’ Tiyak na naunawaan ng pamilya ni Estefanas na may gawaing kailangang gampanan ukol sa ikabubuti ng kongregasyon at kusang-loob nilang tinanggap ang paglilingkod na ito bilang isang personal na pananagutan. Tiyak na karapat-dapat sa moral na alalay at pagkilala ang kanilang hangaring mag-ukol ng gayong paglilingkod sa mga banal.
“Pinanariwa Nila ang Aking Espiritu at ang sa Inyo”
Bagaman nababahala si Pablo tungkol sa situwasyon sa Corinto, ang pagdating ng tatlong mensahero ay nagsilbing pampatibay sa kaniya. Sinabi ni Pablo: “Nagsasaya ako sa pagkanaririto nina Estefanas at Fortunato at Acaico, sapagkat kanilang pinunan ang pagiging wala ninyo rito. Sapagkat pinanariwa nila ang aking espiritu at ang sa inyo.” (1 Corinto 16:17, 18) Kung isasaalang-alang ang mga kalagayan, ang pagiging malayo niya sa mga taga-Corinto ay malamang na ikinabalisa ni Pablo, ngunit ang pagiging malayo ng buong kongregasyon ay napunan ng pagkanaroroon ng tatlong sugo. Malamang na sa pamamagitan ng kanilang ulat ay nakita ni Pablo ang kabuuang larawan ng kalagayan at sa paano man ay pumawi ng ilan sa kaniyang mga pangamba. Marahil ay hindi naman pala gayon kalubha ang mga bagay-bagay di-tulad sa naiisip niya.
Ayon kay Pablo, ang misyon ng tatlo ay hindi lamang nakapagpanariwa sa kaniyang espiritu kundi nagpatibay din sa espiritu ng kongregasyon sa Corinto. Tiyak na isang kaginhawahan para sa kanila ang mabatid na naipaliwanag nang lubusan ng kanilang mga sugo kay Pablo ang bawat pitak ng situwasyon at sila’y babalik na taglay ang kaniyang payo.
Kaya si Estefanas at ang kaniyang dalawang kasamahan ay masiglang inirekomenda dahil sa kanilang pagpapagal alang-alang sa mga taga-Corinto. Gayon na lamang ang pagpapahalaga ni Pablo sa mga lalaking ito anupat sa kanilang pagbabalik ay maglalaan sila ng pangunguna sa nababahaging kongregasyon sa Corinto. Hinimok ng apostol ang mga kapatid: “Patuloy na magpasakop din kayo sa gayong uri ng mga tao at sa bawat isa na nakikipagtulungan at nagpapagal. . . . Kilalanin ninyo ang gayong uri ng mga tao.” (1 Corinto 16:16, 18) Ang gayong matibay na rekomendasyon ay malinaw na nagpapakita ng ganap na pagkamatapat ng mga lalaking ito sa kabila ng mga kaigtingan sa loob ng kongregasyon. Dapat na pahalagahan ang gayong uri ng mga tao.—Filipos 2:29.
Mainam ang Ibinubunga ng Tapat na Pakikipagtulungan
Walang alinlangan, mainam ang ibinubunga ng malapit na pakikipagtulungan sa organisasyon ni Jehova at sa mga kinatawan nito. Nang isulat ni Pablo ang liham na ngayon ay kilala bilang ang Ikalawang Corinto, di-nagtagal pagkatapos ng unang liham, bumubuti na ang mga kalagayan sa kongregasyon. Ang patuloy na matiyagang gawain ng mga kapatid na tulad nina Acaico, Fortunato, at Estefanas, gayundin ang pagdalaw ni Tito, ay nagkaroon ng mabuting epekto.—2 Corinto 7:8-15; ihambing ang Gawa 16:4, 5.
Ang mga miyembro ng modernong-panahong kongregasyon ng bayan ni Jehova ay makikinabang sa pagbubulay-bulay sa maikling pagbanggit tungkol sa tapat na mga taong ito sa Kasulatan. Halimbawa, ipagpalagay na ang isang kasalukuyang kalagayan sa loob ng lokal na kongregasyon ay hindi malutas kaagad bunga ng ilang kadahilanan at ito’y nakababahala sa mga kapatid. Ano ang dapat gawin? Tularan sina Estefanas, Fortunato, at Acaico, na hindi umurong sa kanilang pananagutan na ipaalam kay Pablo ang situwasyon at pagkatapos ay may pagtitiwalang ilagak sa kamay ni Jehova ang mga bagay-bagay. Tunay na ang sigasig ukol sa katuwiran ay hindi nagpangyaring sila’y kumilos nang hiwalay o “magalit laban kay Jehova.”—Kawikaan 19:3.
Ang mga kongregasyon ay pag-aari ni Jesu-Kristo, at sa kaniyang angkop na panahon, gaya rin noon sa Corinto, kikilos siya upang lutasin ang anumang suliranin na maaaring magsapanganib sa kanilang espirituwal na kapakanan at kapayapaan. (Efeso 1:22; Apocalipsis 1:12, 13, 20; 2:1-4) Samantala, kung sinusunod natin ang mainam na halimbawa nina Estefanas, Fortunato, at Acaico at patuloy na magpapagal sa paglilingkod sa ating mga kapatid, tayo rin naman ay matapat na sumusuporta sa kaayusan sa kongregasyon, anupat pinatitibay ang ating mga kapatid, at ‘inuudyukan sila sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.’—Hebreo 10:24, 25.