Ang Pag-aayuno ba ay Lipas Na sa Panahon?
“NAG-AAYUNO ako tuwing Lunes mula nang ako’y tin-edyer,” sabi ni Mrudulaben, isang mayamang babaing Indian na 78-taóng-gulang. Ito ay naging bahagi na ng kaniyang pagsamba, anupat isang paraan upang tiyakin na maging mabuti ang kaniyang pag-aasawa at malulusog ang mga anak, gayundin bilang proteksiyon para sa kaniyang kabiyak. Ngayong biyuda na, patuloy pa rin siyang nag-aayuno tuwing Lunes para sa mabuting kalusugan at para sa kaunlaran ng kaniyang mga anak. Tulad niya, maraming babaing Hindu ang regular na nag-aayuno bilang bahagi ng kanilang buhay.
Sinasabi ni Prakash, isang nasa katamtamang-edad na negosyanteng nakatira sa labas ng Mumbai (Bombay), India, na nag-aayuno siya taun-taon tuwing mga Lunes ng Sawan (Shravan). Ito ay isang buwan na may natatanging relihiyosong kahalagahan sa kalendaryong Hindu. Ganito ang paliwanag ni Prakash: “Nagsimula ako dahil sa mga kadahilanang relihiyoso, pero ngayon ay nakasumpong ako ng karagdagang dahilan na magpatuloy upang maging malusog. Yamang sumasapit ang Sawan sa dulo ng tag-ulan, binibigyan nito ng pagkakataon ang aking katawan upang malinis ang sarili nito mula sa mga sakit na kaugnay sa panahon ng tag-ulan.”
Nadarama ng ilan na ang pag-aayuno ay nakatutulong sa isang tao sa pisikal, mental, at espirituwal na paraan. Halimbawa, ganito ang sabi ng Grolier International Encyclopedia: “Ipinahihiwatig ng kamakailang siyentipikong pananaliksik na ang pag-aayuno ay maaaring nakapagpapalusog at, kapag ginawa nang maingat, maaaring makatulong upang maging higit na alisto ang isip at maging sensitibo.” Sinasabi na ang Griegong pilosopo na si Plato ay nag-aayuno sa loob ng sampung araw o higit pa at na pinapag-aayuno ng matematikong si Pythagoras ang kaniyang mga estudyante bago niya turuan sila.
Para sa ilan, ang pag-aayuno ay nangangahulugan ng lubusang pag-iwas sa pagkain at tubig sa loob ng isang takdang yugto ng panahon, samantalang umiinom naman ang iba ng mga likido kapag sila’y nag-aayuno. Itinuturing naman ng marami na pag-aayuno ang pagpapalampas ng ilang pagkain o pag-iwas sa isang partikular na uri ng pagkain. Subalit mapanganib ang matagalang pag-aayuno na di-napangangasiwaan. Sinabi ng peryodistang si Parul Sheth na pagkatapos maubos ng katawan ang naimbak nitong carbohydrates, ikukumberte naman nito ang mga protina ng kalamnan upang maging asukal at pagkatapos ay babaling naman sa taba ng katawan. Ang pagbabago ng taba tungo sa asukal ay naglalabas ng mga lason na tinatawag na ketone bodies. Habang dumarami ang mga ito, ang mga ito ay pumupunta sa utak, anupat pinipinsala ang pangunahing sistema ng nerbiyo. “Ito ang panahon na nagiging mapanganib ang pag-aayuno,” sabi ni Sheth. “Malilito ka, mahihilo, at masahol pa. . . . [Maaaring maging sanhi ito ng] koma at sa dakong huli ay ng kamatayan.”
Isang Instrumento at Isang Ritwal
Ang pag-aayuno ay ginagamit na isang mabisang kasangkapan para sa pampulitika o panlipunang mga layunin. Si Mohandas K. Gandhi ng India ang isang prominenteng gumamit ng sandatang ito. Palibhasa’y tinitingala ng daan-daang milyong tao, ginamit niya ang pag-aayuno upang maging isang malakas na impluwensiya sa karaniwang mga mamamayang Hindu. Sa paglalarawan ng resulta ng kaniyang pag-aayuno upang lutasin ang isang industriyal na alitan sa pagitan ng mga manggagawa at mga may-ari ng pabrika, sinabi ni Gandhi: “Ang pangwakas na resulta niyaon ay na isang kapaligiran ng pagtutulungan ang nalikha para sa lahat. Naantig ang puso ng mga may-ari ng pabrika . . . Itinigil ang welga pagkatapos na ako ay mag-ayuno sa loob lamang ng tatlong araw.” Ang presidente ng Timog Aprika, si Nelson Mandela, ay nakisali sa isang limang-araw na pagtangging kumain noong mga taon na siya ay isang pulitikal na bilanggo.
Subalit, karamihan doon sa mga nakaugalian na ang pag-aayuno ay gumagawa nito dahil sa relihiyosong mga kadahilanan. Isang prominenteng ritwal sa Hinduismo ang pag-aayuno. May mga araw, sabi ng aklat na Fast and Festivals of India, na “ang ganap na pag-aayuno ay isinasagawa . . . anupat hindi umiinom kahit ng tubig. Kapuwa ang mga lalaki at babae ay mahigpit na nag-aayuno . . . upang tiyakin ang kaligayahan, kaunlaran at kapatawaran ng mga paglabag at mga kasalanan.”
Malaganap na isinasagawa ang pag-aayuno sa relihiyong Jain. Ganito ang ulat ng The Sunday Times of India Review: “Ang isang Jain na muni [pantas] sa Bombay [Mumbai] ay umiinom ng dalawang baso lamang ng pinakuluang tubig sa isang araw—sa loob ng 201 araw. Nabawasan siya ng 33 kg [73 lb].” Ang ilan ay nag-aayuno pa nga hanggang sa mamatay sa gutom, anupat kumbinsido na ito’y magdudulot ng kaligtasan.
Para sa lahat ng may sapat na gulang na nagsasagawa ng Islam, kahilingan ang pag-aayuno kapag buwan ng Ramadan. Hindi dapat na kumain o uminom ng tubig mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw sa loob ng buong buwan. Ang sinumang may sakit o naglalakbay sa panahong ito ay dapat na mag-ayuno sa ibang panahon para sa katumbas na bilang ng mga araw. Ang Kuwaresma, ang 40-araw na yugto ng panahon bago ang Easter, ay isang panahon ng pag-aayuno para sa ilan sa Sangkakristiyanuhan, at maraming relihiyosong orden ang nag-aayuno sa ibang itinakdang mga araw.
Tiyak na hindi pa lipas ang pag-aayuno. At yamang ito ay bahagi ng napakaraming relihiyon, maitatanong natin, Kahilingan ba ng Diyos ang pag-aayuno? May mga okasyon ba na maaaring magpasiyang mag-ayuno ang mga Kristiyano? Kapaki-pakinabang kaya ito? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Larawan sa pahina 3]
Minamalas ng relihiyong Jain ang pag-aayuno bilang isang paraan upang matamo ang kaligtasan ng kaluluwa
[Larawan sa pahina 4]
Ginamit ni Mohandas K. Gandhi ang pag-aayuno bilang isang mabisang kasangkapan para sa pampulitika at panlipunang mga layunin
[Larawan sa pahina 4]
Sa Islam, kahilingan ang pag-aayuno kapag buwan ng Ramadan
[Credit Line]
Garo Nalbandian