Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 11/15 p. 5-7
  • Kahilingan ba ng Diyos ang Pag-aayuno?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kahilingan ba ng Diyos ang Pag-aayuno?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Para ba sa mga Kristiyano ang Pag-aayuno?
  • Kumusta Naman ang Kuwaresma?
  • Kung Kailan Kapaki-pakinabang ang Pag-aayuno
  • Pag-aayuno—Inilalapit Ka ba Nito sa Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-aayuno?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Pag-aayuno
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Pag-aayuno ba ay Lipas Na sa Panahon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 11/15 p. 5-7

Kahilingan ba ng Diyos ang Pag-aayuno?

KAHILINGAN ng Batas ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang pag-aayuno sa isa lamang okasyon​—sa taunang Araw ng Pagbabayad-sala. Iniutos ng Batas na sa araw na iyon ang mga Israelita ay ‘magdadalamhati sa kanilang mga kaluluwa,’ na kung uunawain ay nangangahulugang nag-ayuno sila. (Levitico 16:29-​31; 23:27; Awit 35:13) Gayunman, ang pag-aayunong ito ay hindi basta pormalismo lamang. Ang pangingilin ng Araw ng Pagbabayad-sala ay nagpakilos sa bayan ng Israel upang higit na maging palaisip sa kanilang pagkamakasalanan at pangangailangan ng katubusan. Nag-aayuno rin sila sa araw na iyon upang ipahayag ang kalungkutan sa kanilang mga pagkakasala at pagsisisi sa harap ng Diyos.

Bagaman ito lamang ang hiniling na pag-aayuno sa ilalim ng Batas Mosaiko, nag-ayuno ang mga Israelita sa ibang okasyon. (Exodo 34:28; 1 Samuel 7:6; 2 Cronica 20:3; Ezra 8:21; Esther 4:3, 16) Kasali sa mga ito ang kusang pag-aayuno upang ipamalas ang pagsisisi. Hinimok ni Jehova ang nagkasalang bayan ng Juda: “Bumalik kayo sa akin nang inyong buong puso, at nang may pag-aayuno at pagtangis at paghagulhol.” Hindi ito dapat na maging panlabas lamang, sapagkat sinabi pa ng Diyos: “Hapakin ninyo ang inyong mga puso, at hindi ang inyong mga kasuutan.”​—Joel 2:12-15.

Sumapit ang panahon, marami ang nag-ayuno bilang panlabas na pormalismo lamang. Kinasuklaman ni Jehova ang gayong di-taimtim na pag-aayuno at dahil dito ay tinanong ang mapagpaimbabaw na mga Israelita: “Dapat bang magkaganito ang ayuno na aking pinili, isang araw na pagdadalamhatiin ng makalupang tao ang kaniyang kaluluwa? Upang iyuko ang kaniyang ulo na parang yantok, at maglatag lamang ng telang-sako at ng abo bilang kaniyang higaan? Ganito ba ang tinatawag mong ayuno at isang araw na kalugud-lugod kay Jehova?” (Isaias 58:5) Sa halip na ipagparangya ang kanilang pag-aayuno, inutusan ang suwail na bayang ito na magpakita ng mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi.

Ang ilang pag-aayunong isinagawa ng mga Judio ay hindi sinang-ayunan ng Diyos sa simula pa lamang. Halimbawa, may panahon na ang bayan ng Juda ay may apat na taunang pag-aayuno upang alalahanin ang kapaha-pahamak na mga pangyayari kaugnay ng pagkubkob at pagtiwangwang sa Jerusalem noong ikapitong siglo B.C.E. (2 Hari 25:1-4, 8, 9, 22-​26; Zacarias 8:19) Nang makalaya ang mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Zacarias: “Nang mag-ayuno kayo . . . , at ganito sa loob ng pitumpung taon, talaga bang nag-ayuno kayo sa akin, para sa akin?” Hindi sinang-ayunan ng Diyos ang mga pag-aayunong ito sapagkat ang mga Judio ay nag-aayuno at nagdadalamhati dahil sa mga kahatulang galing kay Jehova mismo. Nag-aayuno sila dahil sa kapahamakan na sumapit sa kanila, hindi dahil sa kanilang pagkakasala na humantong doon. Nang maibalik na sila sa kanilang lupang tinubuan, panahon na iyon para sila’y magsaya sa halip na magdalamhati sa nakaraan.​—Zacarias 7:5.

Para ba sa mga Kristiyano ang Pag-aayuno?

Kahit na hindi kailanman iniutos ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad na mag-ayuno, siya at ang kaniyang mga tagasunod ay nag-ayuno sa Araw ng Pagbabayad-sala dahil nasa ilalim sila ng Batas Mosaiko. Karagdagan, kusang nag-ayuno sa ibang mga okasyon ang ilan sa kaniyang mga alagad, yamang hindi sila sinabihan ni Jesus na lubusang iwasan ang kaugaliang ito. (Gawa 13:2, 3; 14:23) Gayunman, hindi nila dapat na ‘pasamain ang anyo ng kanilang mga mukha upang sila ay magtingin sa mga tao na nag-aayuno.’ (Mateo 6:16) Ang gayong panlabas na anyo ng kabanalan ay maaaring umani ng paghanga at pagsang-ayon ng ibang tao. Gayunpaman, hindi nalulugod ang Diyos sa gayong pagpaparangya.​—Mateo 6:17, 18.

Bumanggit din si Jesus tungkol sa pag-aayuno ng kaniyang mga tagasunod sa panahon ng kaniyang kamatayan. Sa gayo’y hindi niya itinatatag ang isang ritwal na pag-aayuno. Sa halip, ipinahihiwatig niya ang isang reaksiyon sa matinding kalungkutan na mararanasan nila. Kapag siya’y binuhay-muli na, makakasama niya silang muli, at wala nang gayong dahilan para mag-ayuno sila.​—Lucas 5:34, 35.

Nagwakas ang Batas Mosaiko nang ‘ang Kristo ay ihandog nang minsanan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami.’ (Hebreo 9:24-28) At sa pagwawakas ng Batas, ang utos na mag-ayuno sa Araw ng Pagbabayad-sala ay natapos na. Samakatuwid, ang tanging kahilingang pag-aayuno na binanggit sa Bibliya ay napawi na.

Kumusta Naman ang Kuwaresma?

Ano, kung gayon, ang batayan sa pag-aayuno ng Sangkakristiyanuhan sa panahon ng Kuwaresma? Kinikilala kapuwa ng Katoliko at Protestanteng mga simbahan ang Kuwaresma, bagaman nagkakaiba-iba ang mga simbahan sa paraan ng pangingilin nito. Ang ilan ay kumakain nang minsan lamang sa isang araw sa yugto ng 40-araw bago ang Easter. Ang iba ay lubusang nag-aayuno tuwing Miyerkules-de-Senisa at Biyernes Santo lamang. Para sa ilan, kailangang umiwas sa karne, isda, itlog, at mga produkto ng gatas kapag Kuwaresma.

Ang Kuwaresma ay ipinagpapalagay na batay sa 40-araw na pag-aayuno ni Jesus pagkatapos ng kaniyang bautismo. Nagtatag ba siya noon ng isang ritwal na susundin taun-taon? Hinding-hindi. Ito ay makikita sa bagay na hindi iniulat sa Bibliya ang anumang gayong kaugalian sa gitna ng mga unang Kristiyano. Unang ipinangilin ang Kuwaresma noong ikaapat na siglo pagkaraan ni Kristo. Tulad ng maraming iba pang turo ng Sangkakristiyanuhan, iyon ay hiniram buhat sa mga pagano.

Kung ang Kuwaresma ay pagtulad sa pag-aayuno ni Jesus sa ilang pagkatapos ng kaniyang bautismo, bakit ipinangingilin iyon sa mga sanlinggo bago ang Easter​—na ipinagpapalagay na panahon ng kaniyang pagkabuhay-muli? Hindi nag-ayuno si Jesus sa mga araw bago siya mamatay. Ipinakikita ng mga salaysay sa Ebanghelyo na siya at ang kaniyang mga alagad ay dumalaw sa mga tahanan at kumain sa Betania mga ilang araw bago siya mamatay. At kumain siya ng hapunan ng Paskuwa nang gabi bago siya mamatay.​—Mateo 26:6, 7; Lucas 22:15; Juan 12:2.

Mayroong matutuhan buhat sa pag-aayuno ni Jesus pagkatapos ng kaniyang bautismo. Siya ay nagsisimula sa isang mahalagang ministeryo. Nasasangkot ang pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova at ang kinabukasan ng buong sangkatauhan. Ito ay panahon para sa malalim na pagbubulay-bulay at para sa may pananalanging pagbaling kay Jehova ukol sa tulong at patnubay. Sa panahong ito ay angkop na nag-ayuno si Jesus. Ipinakikita nito na kapaki-pakinabang ang pag-aayuno kapag ginawa na may tamang motibo at sa angkop na okasyon.​—Ihambing ang Colosas 2:20-23.

Kung Kailan Kapaki-pakinabang ang Pag-aayuno

Isaalang-alang natin ang ilang okasyon sa ngayon na ang isang sumasamba sa Diyos ay maaaring mag-ayuno. Ang isang taong nagkasala ay maaaring mawalan ng ganang kumain sa loob ng isang yugto ng panahon. Ito ay hindi upang pahangain ang iba o dahil sa ikinagalit ang disiplinang tinanggap. At, sabihin pa, ang pag-aayuno sa ganang sarili ay hindi magtutuwid ng mga bagay-bagay sa harap ng Diyos. Gayunman, labis na ikalulungkot ng isang taong taimtim na nagsisisi ang bagay na siya’y nagdulot ng sakit ng loob kay Jehova at marahil sa mga kaibigan at sa pamilya. Maaaring mawalan siya ng ganang kumain dahil sa pagdadalamhati at marubdob na panalangin ukol sa kapatawaran.

Ganiyan ang naranasan ni Haring David ng Israel. Nang mapaharap sa posibleng kamatayan ng kaniyang anak kay Bat-seba, nagbuhos siya ng lahat ng kaniyang lakas sa pananalangin kay Jehova upang makamit ang awa may kaugnayan sa kaniyang anak. Samantalang ang kaniyang damdamin at lakas ay nakatuon sa kaniyang mga panalangin, nag-ayuno siya. Gayundin naman, maaaring hindi angkop ang kumain sa ilalim ng gayong maiigting na kalagayan sa ngayon.​—2 Samuel 12:15-17.

Maaaring may mga panahon din na ibig ng isang taong maka-Diyos na magtuon ng pansin sa isang malalim na espirituwal na bagay. Baka kailangan ang pagsasaliksik sa Bibliya at mga publikasyong Kristiyano. Maaaring kailangan ng panahon upang magbulay-bulay. Sa gayong lubhang kawili-wiling sesyon sa pag-aaral, baka ipasiya ng isa na huwag kumain upang di-magambala.​—Ihambing ang Jeremias 36:8-10.

May maka-Kasulatang mga halimbawa ng mga lingkod ng Diyos na nag-aayuno kapag kailangang gumawa ng maselang na mga pasiya. Noong kaarawan ni Nehemias ay kailangang gumawa ng isang panata kay Jehova, at daranasin ng mga Judio ang isang sumpa kung lalabagin nila iyon. Kailangang mangako silang hihiwalayan ang kanilang mga banyagang asawa at mananatiling hiwalay sa mga nakapalibot na bansa. Bago gawin ang panatang ito at noong ipinahahayag ang kanilang pagkakasala, nag-ayuno ang buong kongregasyon. (Nehemias 9:1, 38; 10:29, 30) Kapag napaharap sa mabibigat na pagpapasiya, ang isang Kristiyano kung gayon ay maaaring hindi muna kumain sa loob ng sandaling panahon.

Ang pagpapasiya ng mga lupon ng matatanda sa naunang Kristiyanong kongregasyon ay kung minsan may kasabay na pag-aayuno. Sa ngayon, ang matatanda sa kongregasyon na nakaharap sa mahihirap na desisyon, marahil may kinalaman sa isang hudisyal na kaso, ay maaaring umiwas sa pagkain habang isinasaalang-alang ang bagay na iyon.

Ang indibiduwal ang magpapasiya kung mag-aayuno siya sa ilang kalagayan. Hindi dapat hatulan ng isang tao ang iba hinggil dito. Hindi tayo dapat na magnais na ‘magtinging matuwid sa mga tao’; ni gawing gayon na lamang kahalaga ang pagkain anupat nakahahadlang ito sa pag-aasikaso natin ng mabibigat na pananagutan. (Mateo 23:28; Lucas 12:22, 23) At ipinakikita ng Bibliya na hindi kahilingan ng Diyos ang mag-ayuno ni pinagbabawalan man tayo na mag-ayuno.

[Larawan sa pahina 7]

Alam ba ninyo kung bakit nag-ayuno si Jesus nang 40 araw pagkatapos ng kaniyang bautismo?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share