Pag-aayuno—Inilalapit Ka ba Nito sa Diyos?
‘Ang pag-aayuno ay tumutulong sa iyo na pag-isipan ang iyong espirituwalidad at nagpapaalaala sa iyo na ang materyal na mga bagay ay hindi siyang pinakamahalaga sa buhay.’—ISANG BABAING KATOLIKO.
‘Ang pag-aayuno ay tumutulong sa iyo na magkaroon ng kaugnayan sa Diyos.’—ISANG JUDIONG RABBI.
‘Sa aming relihiyon, obligado kaming mag-ayuno upang ipakita ang aming debosyon at pasasalamat sa Diyos. Nag-aayuno ako kasi mahal ko ang Diyos.’—ISANG MIYEMBRO NG BAHA’I FAITH.
ANG pag-aayuno ay karaniwang ginagawa sa maraming relihiyon sa daigdig, kasali na ang Budismo, Hinduismo, Islam, Jainismo, at Judaismo. Naniniwala ang marami na ang pag-aayuno sa isang yugto ng panahon ay maglalapít sa isa sa Diyos.
Ano sa palagay mo? Dapat ka bang mag-ayuno? Ano ang sinasabi tungkol dito ng Salita ng Diyos, ang Bibliya?
Pag-aayuno Noong Panahon ng Bibliya
Noong panahon ng Bibliya, ang mga tao ay nag-ayuno sa iba’t ibang dahilan at sinang-ayunan ito ng Diyos. Ang ilan ay nag-ayuno para ipakita ang matinding pamimighati o pagsisisi sa mga kasalanan (1 Samuel 7:4-6), para sang-ayunan ng Diyos o hingin ang kaniyang patnubay (Hukom 20:26-28; Lucas 2:36, 37), o para makapagtuon ng higit na pansin kapag nagbubulay-bulay.—Mateo 4:1, 2.
Pero binabanggit din ng Bibliya ang mga pag-aayuno na hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Si Haring Saul ay nag-ayuno bago sumangguni sa isang espiritista. (Levitico 20:6; 1 Samuel 28:20) Ang masasamang tao, gaya ni Jezebel at ng mga panatikong gustong pumatay kay apostol Pablo, ay naghayag ng pag-aayuno. (1 Hari 21:7-12; Gawa 23:12-14) Kilalá ang mga Pariseo sa kanilang regular na pag-aayuno. (Marcos 2:18) Pero hinatulan sila ni Jesus, at hindi nalugod sa kanila ang Diyos. (Mateo 6:16; Lucas 18:12) Sa katulad na paraan, hindi sinang-ayunan ni Jehova ang mga pag-aayuno ng ilang Israelita dahil sa kanilang masamang paggawi at maling motibo.—Jeremias 14:12.
Ipinakikita ng mga halimbawang ito na hindi ang pag-aayuno mismo ang nakalulugod sa Diyos. Gayunman, maraming taimtim na lingkod ng Diyos na nag-ayuno ang sinang-ayunan Niya. Kaya dapat bang mag-ayuno ang mga Kristiyano?
Obligado Bang Mag-ayuno ang mga Kristiyano?
Ipinag-utos ng Kautusang Mosaiko sa mga Judio na ‘pighatiin nila ang kanilang mga kaluluwa,’ ibig sabihin ay mag-ayuno, minsan sa isang taon sa Araw ng Pagbabayad-Sala. (Levitico 16:29-31; Awit 35:13) Ito lamang ang pag-aayuno na ipinag-utos ni Jehova sa kaniyang bayan.a Tiyak na sinunod iyan ng mga Judio na nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Pero hindi obligado ang mga Kristiyano na sundin ang Kautusang Mosaiko.—Roma 10:4; Colosas 2:14.
Bagaman nag-ayuno si Jesus dahil hiniling ito ng Kautusan, hindi siya nakilala sa ganitong gawain. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad kung paano sila mag-aayuno kapag gusto nila itong gawin, pero hindi niya ito kailanman ipinag-utos. (Mateo 6:16-18; 9:14) Kung gayon, bakit sinabi ni Jesus na mag-aayuno ang kaniyang mga alagad pagkamatay niya? (Mateo 9:15) Hindi ito isang utos. Sinasabi lamang ni Jesus na pagkamatay niya, labis na mamimighati ang kaniyang mga alagad at mawawalan sila ng ganang kumain.
May dalawang ulat sa Bibliya na nag-ayuno ang sinaunang mga Kristiyano. Ipinakikita nito na kalugud-lugod sa Diyos ang pag-aayuno kung ito ay may mabuting motibo. (Gawa 13:2, 3; 14:23)b Pero hindi obligadong mag-ayuno ang mga Kristiyano. Gayunman, kung gustong mag-ayuno ng isa, dapat siyang mag-ingat sa ilang panganib.
Mag-ingat sa mga Panganib
Ang isang panganib sa pag-aayuno na dapat iwasan ay ang pagmamatuwid sa sarili. Nagbababala ang Bibliya laban sa “pakunwaring kapakumbabaan.” (Colosas 2:20-23) Sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa mapagmapuring Pariseo, tiyak na hindi sinang-ayunan ng Diyos ang saloobin nito na nakahihigit siya sa iba dahil regular siyang nag-aayuno.—Lucas 18:9-14.
Mali ring ipagsabi na ikaw ay nag-aayuno o maling mag-ayuno dahil sinabihan ka ng iba na gawin ito. Ayon sa Mateo 6:16-18, nagpayo si Jesus na ang pag-aayuno ay isang personal na bagay, sa pagitan mo at ng Diyos, at hindi mo ito dapat ipagsabi sa iba.
Hindi dapat isipin ng isa na ang pag-aayuno ay nag-aalis ng kasalanan. Upang sang-ayunan ng Diyos ang pag-aayuno, ang isa ay dapat ding sumunod sa kaniyang mga kautusan. (Isaias 58:3-7) Ang taos-pusong pagsisisi, hindi lamang ang pag-aayuno, ang umaakay sa kapatawaran ng mga kasalanan. (Joel 2:12, 13) Idiniriin ng Bibliya na nagtatamo tayo ng kapatawaran dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa pamamagitan ng hain ni Kristo. Imposibleng matamo ang kapatawaran sa pamamagitan ng anumang gawain, kasali na ang pag-aayuno.—Roma 3:24, 27, 28; Galacia 2:16; Efeso 2:8, 9.
Ipinakikita ng Isaias 58:3 ang isa pang karaniwang pagkakamali. Sinasabi ng mga Israelita na may utang sa kanila si Jehova bilang kapalit ng kanilang pag-aayuno, na para bang ginagawan nila ng pabor ang Diyos kapag sila’y nag-aayuno. Nagtanong sila: “Sa anong dahilan kami nag-ayuno at hindi mo nakita, at pinighati namin ang aming kaluluwa at hindi mo pinapansin?” Marami rin ngayon ang nag-iisip na dahil nag-aayuno sila, aasahan nilang pagpapalain sila ng Diyos bilang ganti. Huwag nawa nating tularan ang gayong walang-galang na saloobin na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya!
Naniniwala naman ang iba na posibleng matamo ang pagsang-ayon ng Diyos kung pahihirapan ang katawan sa pamamagitan ng pag-aayuno, paghahagupit sa sarili, o mga gaya nito. Hinahatulan ng Salita ng Diyos ang ganitong ideya, na ipinakikitang ang “pagpapahirap sa katawan” ay “walang halaga sa pakikipagbaka” sa maling mga pagnanasa.—Colosas 2:20-23.
Isang Timbang na Pangmalas
Ang pag-aayuno ay hindi isang obligasyon; ni mali man ito. Maaaring kapaki-pakinabang ito sa ilang kalagayan kung iiwasan ang nabanggit na mga panganib. Pero hindi ito ang pangunahing bagay upang maging kalugud-lugod sa Diyos ang ating pagsamba. Si Jehova ang “maligayang Diyos,” at gusto niyang maging maligaya ang kaniyang mga lingkod. (1 Timoteo 1:11) Sinasabi ng kaniyang Salita: “Wala nang mas mabuti sa kanila kundi . . . na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.”—Eclesiastes 3:12, 13.
Ang ating pagsamba ay dapat kakitaan ng kagalakan, ngunit hindi kailanman iniuugnay ng Bibliya ang pag-aayuno sa kaligayahan. Isa pa, kung magkakasakit tayo o manghihina dahil sa pag-aayuno anupat hindi na natin magagawa nang may kagalakan ang atas na ipinagkatiwala ng Maylikha sa mga tunay na Kristiyano—ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian—wala rin itong kabuluhan.
Nag-aayuno man tayo o hindi, huwag nating hatulan ang iba. Hindi ito dapat pagtalunan ng mga tunay na Kristiyano “sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi nangangahulugan ng pagkain at pag-inom, kundi nangangahulugan ng katuwiran at kapayapaan at kagalakan na may banal na espiritu.”—Roma 14:17.
[Mga talababa]
a Ang pag-aayuno ni Esther ay hindi ipinag-utos ng Diyos, bagaman waring sinang-ayunan Niya ito. Sa ngayon, ipinangingilin muna ng mga Judio ang Pag-aayuno ni Esther bago nila ipagdiwang ang Kapistahan ng Purim.
b Ang ilang Bibliya ay nagsingit ng ilang pagtukoy sa pag-aayuno, na hindi naman makikita sa pinakamatatandang manuskritong Griego.—Mateo 17:21; Marcos 9:29; Gawa 10:30; 1 Corinto 7:5, King James Version.
[Blurb sa pahina 28]
Ang mga Pariseo ay nagpapakita ng pakunwaring kapakumbabaan kapag nag-aayuno
[Blurb sa pahina 29]
“Ang kaharian ng Diyos ay hindi nangangahulugan ng pagkain at pag-inom, kundi nangangahulugan ng katuwiran at kapayapaan at kagalakan”
[Kahon sa pahina 29]
Kumusta Naman ang Tungkol sa Kuwaresma?
Ang 40-araw na pag-aayuno sa panahon ng Kuwaresma ay sinasabing pag-alaala sa 40-araw na pag-aayuno ni Kristo. Pero hindi kailanman iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad na alalahanin ang ginawa niyang pag-aayuno, ni may katibayan man na inalaala nila ito. Ang unang mapananaligang pagbanggit sa 40-araw na pag-aayuno bago ang Easter ay sinasabing nasa mga liham ni Athanasius, noong 330 C.E.
Yamang nag-ayuno si Jesus matapos siyang bautismuhan at hindi bago mamatay, waring kakatwa na ipinagdiriwang ng ilang relihiyon ang Kuwaresma bago ang Easter. Pero ang 40-araw na pag-aayuno sa unang bahagi ng taon ay karaniwan sa sinaunang mga Babilonyo, Ehipsiyo, at Griego. Ang “Kristiyanong” kaugaliang ito ay maliwanag na nagmula sa kanila.