Bakit Tayong Lahat ay Dapat na Pumuri sa Diyos?
ALELUYA! Ang salitang ito ay alam na alam ng maraming palasimba sa Sangkakristiyanuhan. Ito ay isinisigaw ng ilan sa kanila sa kanilang mga pagtitipon kung Linggo. Subalit ilan nga ba ang nakababatid ng tunay na kahulugan ng salita? Sa katunayan, iyon ang Hebreo para sa “Purihin si Jah!” Iyon ay isang masaya, matinding pagbubunyi sa Maylalang, na ang pangalan ay Jehova.a
Madalas na lumilitaw sa Bibliya ang salitang “Aleluya.” Bakit? Sapagkat may napakaraming dahilan upang purihin ang Diyos. Si Jah (Jehova) ang Maylalang at Tagapagpanatili ng malawak na sansinukob. (Awit 147:4, 5; 148:3-6) Pinasimulan niya ang mga sistema sa ekolohiya na nagpapaging posible sa pag-iral ng buhay sa lupa. (Awit 147:8, 9; 148:7-10) At mayroon siyang pantanging interes sa sangkatauhan. Kung ginagawa natin ang kaniyang kalooban, pinagpapala at inaalalayan niya tayo sa buhay na ito ay binibigyan tayo ng tiyak na pag-asa ng isang mas mabuting buhay sa hinaharap. (Awit 148:11-14) Si Jah (Jehova) ang kumasi sa mga salitang: “Ang matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37:29.
Kaya nga, ang masidhing payo ay para sa lahat: “Aleluya!” “Purihin ninyo si Jah!” (Awit 104:35; talababa sa Ingles) Subalit nakalulungkot, hindi lahat ay nagnanais na tumugon. Sa ngayon, nagdurusa ang mga tao. Marami ang nagugutom, may sakit, o inaapi. Marami ang labis na nagdadalamhati dahil sa pag-aabuso sa droga o alak o sa bunga ng kanilang imoralidad o pagrerebelde. May dahilan pa kaya upang ang mga ito ay pumuri sa Diyos?
‘Tanging si Jehova Lamang ang Makapagbibigay sa Akin ng Pag-asa’
Oo, may dahilan. Inaanyayahan ni Jehova ang lahat nang walang pagtatangi upang makilala siya, matutuhang gawin ang kaniyang kalooban, at tamasahin ang mga pagpapalang nag-uudyok sa mga tao na purihin siya. At marami ang tumutugon. Kuning halimbawa si Adriana sa Guatemala. Nang pitong taóng gulang si Adriana, namatay ang kaniyang ina. Di-nagtagal pagkaraan ay lumayas ang kaniyang ama. Nang siya’y sampung taóng gulang, nagsimula na siyang maghanapbuhay. Yamang sinabihan siya ng kaniyang ina na paglingkuran niya ang Diyos at ang simbahan, nakisama si Adriana sa iba’t ibang grupong Katoliko, ngunit nang siya’y 12 taóng gulang na, siya’y nasiphayo at sumali sa isang barkada sa lansangan. Siya’y nagsimulang manigarilyo, gumamit ng droga, at magnakaw. Bakit nanaisin ng isang kabataang babaing tulad niya na purihin ang Diyos?
Ang kapatid na babae ni Adriana ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, ngunit pinagtawanan siya ni Adriana. Pagkaraan ay namatay ang kanilang tiya. Sa libing ng kaniyang tiya, binagabag si Adriana ng ilang katanungan. Saan nagtungo ang kaniyang tiya? Nasa langit kaya siya? Nagtungo kaya siya sa isang maapoy na impiyerno? Iyon ay totoong nakalilito, at naparoon si Adriana sa kapilya ng sementeryo upang manalangin para humingi ng tulong, anupat ginamit ang pangalan ng Diyos na Jehova, gaya ng itinuro sa kaniya ng kaniyang kapatid.
Di-nagtagal at nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at dumalo sa kanilang mga pulong Kristiyano. Dahil dito’y nabuksan sa kaniya ang isang bagong pangmalas sa buhay, at may lakas ng loob na kumalas siya sa mga barkada sa lansangan. Ganito ang sabi ni Adriana, na ngayo’y nasa mga 25 anyos: “Tanging ang pag-ibig kay Jehova ang nagpakilos sa akin na iwan ang gayong masamang paraan ng pamumuhay. Tanging si Jehova lamang na may dakilang kaawaan ang makapagbibigay sa akin ng pag-asang buhay na walang-hanggan.” Sa kabila ng kaniyang mahirap na pasimula sa buhay, may mahuhusay na dahilan si Adriana upang purihin ang Diyos.
Isang lalong di-kanais-nais na situwasyon ang iniulat mula sa Ukraine. Isang lalaki ang nakabilanggo habang naghihintay ng pagbitay. Naaawa ba siya sa sarili? Nanlulumo? Hindi, kabaligtaran pa nga. Palibhasa’y natagpuan kamakailan lamang ng mga Saksi ni Jehova at nagkaroon ng kaalaman tungkol kay Jehova, hiniling niya na sila’y makipag-ugnayan sa kaniyang ina. Ngayon ay sinusulatan niya sila dahil nabalitaan niyang tinupad nila ang kaniyang kahilingan. Sabi niya: “Salamat sa pagdalaw ninyo sa aking ina. Iyon ang pinakamasayang balita na natanggap ko sa nakaraang taon.”
Tungkol sa kaniyang sarili at sa mga kapuwa niya bilanggo na pinatotohanan niya, ganito ang isinulat niya: “Ngayon ay nananampalataya kami sa Diyos at nagsisikap na kumilos ayon sa aming pananampalataya.” Tinapos niya ang kaniyang liham: “Salamat sa pagtulong ninyo sa amin na matutuhan kung ano ang pag-ibig at matamo ang pananampalataya. Kung mananatili akong buháy, tutulungan ko rin kayo. Salamat sa Diyos at kayo’y nariyan at na tinutulungan ninyo ang iba na umibig sa Diyos at manampalataya sa kaniya.” Inapela ng taong ito ang kaniyang sentensiyang kamatayan. Subalit mabitay man siya o gumugol ng maraming taon sa bilangguan, maliwanag na may dahilan siya upang purihin ang Diyos.
‘Bagaman Ako’y Bulag, Nakakakita Ako’
Tingnan naman ngayon ang masiglang tin-edyer na babae na biglang nawalan ng kaniyang paningin. Ganiyan ang nangyari kay Gloria, na nakatira sa Argentina. Bigla na lamang nabulag si Gloria nang siya’y 19 na taóng gulang, at hindi na siya kailanman nakakita pang muli. Sa edad na 29 ay nakisama siya sa isang lalaki at di-nagtagal ay nagdalang-tao. Ngayon ay inakala niyang may kabuluhan na ang kaniyang buhay. Ngunit nang mamatay ang kaniyang anak, nagsimula siyang magtanong. Naisip niya, ‘Bakit nangyayari ito sa akin? Anong nagawa ko? Talaga bang umiiral ang Diyos?’
Sa pagkakataong ito, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa kaniya. Nag-aral siya ng Bibliya at nalaman ang tungkol sa pangako nito na sa bagong sanlibutan, ang mga bulag ay makakakita nang muli. (Isaias 35:5) Tunay ngang napakagandang pag-asa para kay Gloria! Napakasaya niya, lalo pa nang pumayag ang kaniyang asawa na gawing legal ang kanilang pagsasama. Pagkaraan ang kaniyang asawa ay naaksidente at naging baldado, anupat kinailangang maratay sa silyang de-gulong. Ngayon ang bulag na babaing ito ay kailangang magtrabaho nang puspusan upang makaraos. Karagdagan, siya pa ang gumagawa ng lahat ng gawaing-bahay, gayundin ang personal na pag-aalaga sa kaniyang asawa. Gayunma’y pinupuri ni Gloria si Jehova! Sa tulong ng kaniyang Kristiyanong mga kapatid, nag-aaral siya ng Bibliyang Braille, at siya’y lubhang napatitibay sa mga pulong Kristiyano sa Kingdom Hall. Sabi niya: “Mahirap ipaliwanag, ngunit bagaman ako’y bulag, para bang ako’y nakakakita.”
Kung minsan ang mga tao ay pinag-uusig kapag pinupuri nila ang Diyos. Naging maligaya ang isang babae sa Croatia nang matutuhan niya ang tungkol sa Diyos, ngunit sumalansang ang kaniyang asawa sa kaniyang bagong pananampalataya at iniwan siya, anupat dinala ang kanilang isang-taóng-gulang na anak na babae. Palibhasa’y nasa lansangan, pinabayaan ng asawa at pamilya, walang tahanan, trabaho, o maging ng anak, sa una ay waring isang dagok iyon sa kaniya. Ngunit inalalayan siya ng kaniyang pag-ibig sa Diyos, bagaman limitado lamang ang pagkikita nila ng kaniyang munting anak hanggang sa ito ay lumaki. Nasumpungan ng babaing ito ang “perlas na mataas ang halaga” at hindi binitiwan iyon. (Mateo 13:45, 46) Paano niya napanatili ang kaniyang kagalakan sa kabila ng ganitong mahirap na panahon? Sabi niya: “Ang kagalakan ay isang bunga ng espiritu ng Diyos. Iyon ay maaaring linangin na hiwalay sa panlabas na kalagayan, kung paanong lumalaki ang mga halaman sa isang greenhouse anuman ang klima sa labas.”
Sa Finland, nasuri na ang anim-na-taóng-gulang na si Markus ay may karamdaman sa kalamnan na di na gagaling pa. Di-nagtagal at naratay siya sa silyang de-gulong. Pagkaraan ng ilang taon, dinala siya ng kaniyang ina sa isang Pentecostal na nagiging tanyag dahil sa pag-aangking nakapagpapagaling ng mga taong may sakit. Subalit walang makahimalang pagpapagaling. Kaya nawalan si Markus ng interes sa Diyos at ibinuhos na lamang ang sarili sa pag-aaral ng siyensiya at sa iba pang sekular na larangan. Pagkatapos mga limang taon na ang nakararaan, dumating sa bahay na tinitirahan ni Markus ang isang babaing nasa silyang de-gulong na may kasamang isang kabataang lalaki. Sila’y mga Saksi ni Jehova. Si Markus noon ay ateista na, ngunit hindi siya tutol na pag-usapan ang relihiyon at pinatuloy niya sila.
Pagkaraan, isang mag-asawa ang dumalaw sa kaniya, at nasimulan ang pag-aaral sa Bibliya. Nang dakong huli, ang kapangyarihan ng katotohanan sa Bibliya ay bumago sa pangmalas ni Markus sa mga bagay-bagay, at natalos niya na sa kabila ng kaniyang kapansanan, talagang may mga dahilan siya upang purihin ang Diyos. Sabi niya: “Maligayang-maligaya ako dahil nasumpungan ko ang katotohanan at ang organisasyon na ginagamit ni Jehova. Ang buhay ko ngayon ay may patutunguhan at kabuluhan. Isa pang nawawalang tupa ang nasumpungan at hindi nais na iwan ang kawan ni Jehova!”—Ihambing ang Mateo 10:6.
Hayaang ang Lahat ay “Purihin si Jah”
Ang mga ito ay ilan lamang sa napakaraming karanasan na mailalahad upang ipakita na ang mga tao sa ngayon, anuman ang kanilang kalagayan, ay may dahilan upang pumuri sa Diyos. Ipinaliwanag iyon ni apostol Pablo sa ganitong paraan: “Ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” (1 Timoteo 4:8) Kung ginagawa natin ang kalooban ng Diyos, tutuparin niya ang “pangako sa buhay ngayon.” Mangyari pa, sa sistemang ito ng mga bagay ay hindi niya gagawing mayaman ang mahirap o gagawing malusog ang may sakit. Subalit ibinibigay niya ang kaniyang espiritu doon sa mga naglilingkod sa kaniya upang masumpungan nila ang kagalakan at pagkakontento anuman ang kanilang panlabas na kalagayan. Oo, kahit “sa buhay ngayon,” ang mga may sakit, ang mga inaapi, at ang mga dukha ay maaaring magkaroon ng dahilan upang pumuri sa Diyos.
Subalit kumusta naman ang buhay na “darating”? Aba, kung iisipin lamang iyon ay mauudyukan na tayong pumuri sa Diyos taglay ang matinding kasiglahan! Nananabik tayong isipin ang panahon na ang karukhaan ay mababaon na sa limot; na “walang naninirahan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit’ ”; at na “papahirin [ng Diyos na Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Isaias 33:24; Apocalipsis 21:3, 4; Awit 72:16) Paano mo minamalas ang mga pangakong ito ng Diyos?
Isang kabataang lalaki sa El Salvador ang tumanggap ng isang tract sa Bibliya na nagpapaliwanag ng ilan sa mga bagay na ito. Sinabi niya sa Saksi na nagbigay nito sa kaniya, “Binibini, parang mahirap paniwalaan ang sinasabi ng tract na ito.” Ganiyan ang tugon ng marami. Gayunman, ang mga ito ay pangako ng Isa na lumalang sa sansinukob, na nagpapaandar sa likas na mga siklo sa ating lupa, at tumutulong maging sa mga dukha at sa mga maysakit na makasumpong ng kagalakan. Mapaniniwalaan natin ang sinasabi niya. Ang nabanggit na kabataang lalaki ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at nasumpungan niya na ito ay totoo. Kung hindi mo pa nagagawa ito, pinasisigla ka naming gawin din ang gayon. Kung magkagayon, sana’y naroroon ka kapag ang kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay ay lumipas na, at ang lahat ng nilalang ay sama-sama sa paghiyaw: “Aleluya!” “Purihin ninyo si Jah!”—Awit 112:1; 135:1.
[Talababa]
a Sa Bibliya, ang “Jehova” kung minsan ay pinaiikli na “Jah.”
[Larawan sa pahina 5]
Naroroon ka sana kapag ang lahat ng nilalang ay sama-sama sa paghiyaw: “Aleluya!”