Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 2/15 p. 19-20
  • Biyoetika at Pag-oopera Nang Walang Dugo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Biyoetika at Pag-oopera Nang Walang Dugo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapalitan ng Kuru-Kuro
  • Ang Pagdami ng mga Humihiling ng Paggamot at Pag-opera Nang Walang Dugo
    Gumising!—2000
  • Pagkakaroon ng Mabuting Ugnayan sa Pagitan ng mga Doktor at mga Pasyenteng Saksi
    Gumising!—1990
  • Bagaman Bulag, Nakakita Ako!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Muling Isinaalang-alang ng mga Doktor ang Pag-opera Nang Walang Dugo
    Gumising!—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 2/15 p. 19-20

Biyoetika at Pag-oopera Nang Walang Dugo

ANG kalilipas na mga taon ay kinakitaan ng walang-katulad na pagsulong sa larangan ng medisina. Gayunman, habang nalulutas ang mga suliranin sa medisina, ang ilang pag-unlad ay nagdulot naman ng mga suliranin sa etika.

Kinailangang pag-isipang mabuti ng mga doktor ang mga problemang gaya ng: Dapat bang tigilan kung minsan ang agresibong paraan ng paggamot nang sa gayon ay mabigyan naman ng dignidad ang isang pasyente sa kaniyang kamatayan? Dapat bang ipagwalang-bahala ng doktor ang desisyon ng pasyente kung sa akala niya’y para naman ito sa kabutihan ng pasyente? Paano may karampatang maibibigay ang paggamot kapag hindi kaya ng lahat ang mamahaling pamamaraan?

Ang ganitong masasalimuot na isyu ang dahilan ng paglitaw ng isang larangan sa medisina na tinatawag na biyoetika. Ang layunin ng pantanging larangang ito ay upang tulungan ang mga doktor at mga siyentipiko sa pakikitungo sa mga nasasangkot na etika ng biyolohikal na pagsasaliksik at ng mga pagsulong sa medisina. Yamang karamihan sa pinakamahihirap na desisyon ay ginagawa sa mga ospital, maraming ospital ang nagtatag ng mga komite sa biyoetika. Ang mga miyembro ng komite​—kasali na ang mga doktor at mga abogado​—ay karaniwan nang nagseseminar tungkol sa biyoetika, na doo’y sinisiyasat ang mga etikal na problema sa medisina.

Ang ilang katanungang madalas ibangon sa gayong mga seminar ay: Hanggang saan dapat igalang ng mga doktor ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova na, pangunahin nang dahil sa relihiyon, ay tumatangging pasalin ng dugo? Dapat bang salinan ng doktor ang isang pasyente sa kabila ng pagtanggi ng pasyente kung wari’y talagang “kailangan” ito sa paggamot? Magiging etikal kaya kung gagawin ito nang lingid sa kaalaman ng pasyente, na sa wari’y ‘ang hindi alam ng pasyente ay hindi naman makababahala sa kaniya’?

Upang wastong mapangasiwaan ang ganitong mga isyu, kailangan ng mga doktor ang makatarungang pagkaunawa sa pananaw ng mga Saksi. Sa kanilang bahagi naman, gustung-gusto ng mga Saksi ni Jehova na ipaliwanag sa mga doktor ang kanilang paninindigan, palibhasa’y alam nilang maiiwasan ang pagtatalo kung may pagkakaunawaan.

Pagpapalitan ng Kuru-Kuro

Ninais ni Propesor Diego Gracia, isang Kastila na kilalang awtoridad sa biyoetika, na magkaroon ng ganitong pag-uusap ang kaniyang klase. “Nararapat lamang na kayo [mga Saksi ni Jehova] ay mabigyan ng pagkakataong magpahayag ng inyong pagkabahala . . . tungkol sa mga suliraning nararanasan ninyo may kinalaman sa pagsasalin ng dugo,” sabi ng propesor.

Kaya nga, noong Hunyo 5, 1996, tatlong kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ang inanyayahan sa Complutense University sa Madrid, Espanya, upang ipaliwanag ang kanilang pananaw. Naroroon ang mga 40 doktor at iba pang propesyonal.

Pagkatapos ng maigsing presentasyon ng mga Saksi, nagkaroon ng malayang paghaharap ng mga tanong. Napagkasunduan ng lahat ng naroroon na ang isang nasa hustong gulang na pasyente ay may karapatang tumanggi sa isang partikular na paggamot. Naniwala rin ang klase na hindi kailanman dapat isagawa ang pagsasalin nang walang pahintulot ang pasyente matapos na ito’y pagpaliwanagan. Gayunman ay may ilang aspekto sa paninindigan ng mga Saksi na kanilang ikinababalisa.

Ang isang tanong ay may kinalaman sa salapi. Kung minsan ang pag-oopera nang walang dugo ay nangangailangan ng pantanging kagamitan, gaya ng laser surgery, gayundin ng mga mamahaling gamot, gaya ng erythropoietin, na ginagamit sa pagpaparami ng selula ng pulang dugo. Ibig malaman ng isang doktor na sa pagtanggi sa di-gaanong mamahaling paraan (magkatipong dugo), baka asahan ng mga Saksi na bibigyan sila ng pantanging pabor ng pampublikong serbisyo sa kalusugan.

Palibhasa’y tinatanggap na talagang kailangang isaalang-alang ng mga doktor ang salapi, kaya tinukoy ng isang kinatawang Saksi ang inilathalang pagsusuri na sumisiyasat sa di-nakikitang gastos sa pagsasalin ng katipong dugo. Kasali sa mga ito ang gastusin sa paggamot sa mga komplikasyong dulot ng pagsasalin, gayundin ang pagkawala ng kinikita dahil sa gayong mga komplikasyon. Binanggit niya ang isang puspusang pagsusuri mula sa Estados Unidos na nagsasabing ang isang katamtamang yunit ng dugo, bagaman sa pasimula’y nagkakahalaga lamang ng $250, ang totoo’y lumalaki rin ang gastos hanggang sa mahigit na $1,300​—mahigit na limang ulit ng orihinal na halaga. Kaya nga, ipinaliwanag niya, na kapag isinaalang-alang ang lahat ng bagay na ito, ang pag-oopera nang walang dugo ay matipid pa rin. Isa pa, karamihan sa diumano’y ekstrang gastos sa pag-oopera nang walang dugo ay para sa mga kagamitang maaari namang gamiting muli.

Ang isa pang tanong na nasa isipan ng ilang doktor ay may kaugnayan sa panggigipit ng kasamahan. Iniisip nila kung ano kaya ang mangyayari kapag nag-atubili ang isang Saksi at sa gayo’y nagpasalin ng dugo? Siya ba’y itatakwil na ng samahan ng mga Saksi?

Ang sagot ay depende sa aktuwal na kalagayan, sapagkat ang pagsuway sa batas ng Diyos ay talagang isang maselang bagay, isang bagay na dapat suriin ng matatanda sa kongregasyon. Nanaisin ng mga Saksi na tulungan ang sinumang dumanas ng mapait na karanasan ng pagkabingit sa kamatayan dahil sa operasyon at sa gayo’y nagpasalin ng dugo. Walang-pagsalang masamang-masama ang loob ng Saksing iyon at ikinababahala ang kaniyang kaugnayan sa Diyos. Ang gayong tao ay baka mangailangan ng tulong at pang-unawa. Yamang ang pundasyon ng Kristiyanismo ay pag-ibig, hahangarin ng matatanda, kung paanong gayundin sa lahat ng mga kasong hudisyal, na lakipan ng awa ang katatagan.​—Mateo 9:12, 13; Juan 7:24.

“Hindi kaya dapat nang suriing muli ang inyong etikal na paninindigan?” tanong ng isang propesor sa biyoetika, na dumalaw mula sa Estados Unidos. “Iyan na ang ginawa ng ibang relihiyon nitong nakaraang mga taon.”

Ang paninindigan ng mga Saksi hinggil sa kabanalan ng dugo ay isang doktrinal na paniniwala sa halip na isang etikal na pananaw na kailangan pang timbang-timbangin sa pana-panahon, sabi sa kaniya. Hindi ipinahihintulot ng maliwanag na utos sa Bibliya ang pakikipagkompromiso. (Gawa 15:28, 29) Ang paglabag sa gayong kautusan ng Diyos ay magiging di-kaayaaya para sa isang Saksi na tulad din sa pangungunsinti sa idolatriya o pakikiapid.

Labis na pinasasalamatan ng mga Saksi ni Jehova ang pagiging handa ng mga doktor​—gaya niyaong mga naroroon sa seminar sa biyoetika sa Madrid​—na igalang ang kanilang pasiyang humanap ng ibang paraan ng paggamot na kasuwato ng kanilang salig-sa-Bibliyang pananalig. Walang-alinlangan, ang biyoetika ay gaganap ng mahalagang papel sa pagpapabuti ng doktor-pasyenteng ugnayan at sa pagpapaunlad ng higit pang paggalang sa mga naisin ng pasyente.

Gaya ng iniulat na sinabi ng kilalang doktor na Kastila, dapat na laging tandaan ng mga doktor na sila’y “gumagamit ng di-sakdal na mga instrumento at mga pamamaraang maaaring magkamali.” Samakatuwid ay kailangan nila ang “pananalig na dapat na palaging ipakita ang pag-ibig lalo na sa mga kalagayang di-abot ng kaalaman.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share