Dapat Bang Pumasok ang Inyong Anak sa Isang “Boarding School”?
IPAGPALAGAY na nakatira kayo sa isang munting bayan sa isang nagpapaunlad na bansa. Mayroon kayong ilang anak na nasa paaralang primarya, ngunit sa edad na 12, tutuntong na sila sa paaralang sekundarya. Sa inyong lugar, ang mga paaralang sekundarya ay punung-puno na, di-sapat ang mga pasilidad, at kulang sa mga kawani. Dahil sa welga kung minsan ay nagsasara ang mga paaralan sa loob ng ilang linggo o buwan.
May nag-abot sa inyo ng isang makintab na brosyur na naglalarawan sa isang boarding school (paaralan na naglalaan ng pagkain at matutuluyan) sa lunsod. Nakikita ninyo ang mga larawan ng masasaya, mahuhusay-manamit na mga estudyante, na nag-aaral sa mga silid-aralan, laboratoryo, at mga aklatang kumpleto sa kagamitan. Ang mga estudyante ay gumagamit ng mga computer at nagrerelaks sa malinis, kaakit-akit na mga silid sa dormitoryo. Nabasa ninyo na ang isa sa mga layunin ng paaralan ay ang tulungan ang mga mag-aaral na “makamit ang pinakamataas na pamantayan sa pag-aaral na doo’y may kakayahan sila.” Nabasa pa ninyo: “Lahat ng mag-aaral ay kailangang sumunod sa isang alituntunin ng paggawi na katulad sa normal na maaasahan sa isang pamilya na kung saan idiniriin ang pagpipitagan, kagandahang-asal, paggalang sa mga magulang at sa matatanda, pakikipagtulungan, pagpaparaya, kabaitan, katapatan at integridad.”
Sinipi ang sinabi ng isang nakangiting kabataang lalaki: “Binigyan ako ng aking mga magulang ng natatanging pribilehiyo na pumasok sa pinakamahusay na paaralan.” Sabi naman ng isang batang babae: “Nakapagpapasigla at nakatutuwa ang paaralan. Dito ay masarap mag-aral.” Ipadadala ba ninyo ang inyong anak na lalaki o babae sa gayong boarding school?
Edukasyon at Espirituwalidad
Nais ng lahat ng mapagmahal na magulang na bigyan ang kanilang mga anak ng magandang pasimula sa buhay, at upang matupad ito ay mahalaga ang isang kumpleto at timbang na edukasyon. Madalas na ang sekular na edukasyon ay nagbubukas ng mga pintuan para sa mga pagkakataong makapagtrabaho sa hinaharap at tumutulong sa mga kabataan na sumulong upang maging mga nasa hustong gulang na may kakayahang mangalaga sa kanilang sarili at sa kanilang magiging pamilya.
‘Kung ang isang boarding school ay nag-aalok ng isang mahusay na edukasyon lakip na ang isang moral na patnubay, bakit hindi natin samantalahin iyon?’ baka itanong ninyo. Bilang sagot sa tanong na ito, dapat na may pananalanging isaalang-alang ng Kristiyanong mga magulang ang isang napakahalagang salik—ang espirituwal na kapakanan ng kanilang mga anak. Itinanong ni Jesu-Kristo: “Tunay nga, ano ang kapakinabangan ng isang tao na matamo ang buong sanlibutan at maiwala ang kaniyang kaluluwa?” (Marcos 8:36) Mangyari pa, wala talaga itong kapakinabangan. Kung gayon, bago magpasiyang ipadala ang kanilang mga anak sa isang boarding school, dapat na isaalang-alang ng Kristiyanong mga magulang ang malamang na epekto nito sa pag-asa ng kanilang mga anak para sa buhay na walang-hanggan.
Ang Impluwensiya ng Ibang Estudyante
Ang ilang boarding school ay maaaring may kahanga-hangang mga pamantayan sa pag-aaral. Subalit kumusta naman ang mga pamantayan sa moral niyaong mga nag-aaral o marahil ng ilan sa mga nangangasiwa sa gayong mga paaralan? Hinggil sa uri ng mga tao na darami sa “mga huling araw” na ito, sumulat si apostol Pablo: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito; at mula sa mga ito ay lumayo ka.”—2 Timoteo 3:1-5.
Ang pagguhong ito sa moral at espirituwal ay pandaigdig, anupat naghaharap ng hamon sa mga Saksi ni Jehova may kinalaman sa pamumuhay nang ayon sa mga simulain sa Bibliya. Nasumpungan niyaong mga estudyanteng umuuwi sa tahanan araw-araw na kahit ang kanilang limitadong pakikisalamuha sa makasanlibutang mga kamag-aral ay maaaring magdulot ng isang malakas na negatibong impluwensiya sa kanilang espirituwalidad. Maaaring maging isang malaking pakikipagpunyagi para sa mga anak na Saksi ang pagharap sa gayong impluwensiya, sa kabila ng araw-araw na suporta, payo, at pampasigla ng kanilang mga magulang.
Ano, kung gayon, ang kalagayan ng mga anak na lumisan sa tahanan upang pumasok sa mga boarding school? Sila’y nakabukod, anupat hiwalay mula sa regular na espirituwal na alalay ng maibiging mga magulang. Yamang kasama nila ang kanilang mga kamag-aral sa loob ng 24 na oras bawat araw, ang panggigipit na umayon sa karamihan ay may mas malakas na impluwensiya sa kanilang murang isip at puso kaysa sa posibleng maranasan ng mga estudyanteng nakatira sa tahanan. Ganito ang sabi ng isang estudyante: “Sa moral na paraan, ang isang boarder ay namumuhay sa panganib mula umaga hanggang gabi.”
Sumulat si Pablo: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” (1 Corinto 15:33) Hindi dapat malinlang ang Kristiyanong mga magulang sa pag-iisip na hindi mapipinsala ang espirituwalidad ng kanilang mga anak kung lagi nilang nakakasama yaong mga hindi naglilingkod sa Diyos. Sa isang yugto ng panahon, ang maka-Diyos na mga anak ay maaaring maging manhid sa mga pamantayang Kristiyano at maaaring mawalan ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Kung minsan ay hindi ito nakikita ng mga magulang hanggang sa makaalis na sa boarding school ang kanilang mga anak. Kung magkagayo’y madalas na huli na upang ituwid ang mga bagay-bagay.
Pangkaraniwan ang karanasan ni Clement. Ganito ang inilahad niya: “Bago pumasok sa boarding school, ako ay umiibig sa katotohanan at naglilingkod sa larangan kasama ng mga kapatid. Tuwang-tuwa akong makibahagi lalo na sa aming pampamilyang pag-aaral sa Bibliya at sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Subalit nang pumasok ako sa boarding school sa edad na 14, lubusan ko nang iniwan ang katotohanan. Sa loob ng limang taóng ginugol ko sa boarding school, hindi ako kailanman dumalo sa mga pulong. Bunga ng masasamang kasama, ako’y nasangkot sa paggamit ng droga, paninigarilyo, at paglalasing.”
Ang Impluwensiya ng mga Guro
Sa alinmang paaralan ay maaaring may tiwaling mga guro na nagmamalabis sa kanilang awtoridad. Ang ilan ay malupit at mabagsik, samantalang ang iba naman ay nagsasamantala sa kanilang mga estudyante sa seksuwal na paraan. Ang ginagawa ng gayong mga guro ay malamang na di-iniuulat sa mga boarding school.
Gayunpaman, maraming guro ang taimtim na nagsisikap na sanayin ang mga bata na maging kapaki-pakinabang na mga miyembro ng lipunan, maging bahagi ng sanlibutang nakapalibot sa kanila, anupat makiayon. Ngunit narito ang isa pang suliranin para sa mga anak na Saksi. Ang mga pamantayan ng sanlibutan ay hindi laging kasuwato ng mga simulaing Kristiyano. Samantalang pinasisigla ng mga guro ang mga estudyante na maging bahagi ng sanlibutang ito, sinabi naman ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:16.
Paano kung bumangon ang mga suliranin kapag sinusunod ng mga anak ang mga simulain sa Bibliya? Kung ang mga anak ay pumapasok sa lokal na paaralan at nakatira sa tahanan, maaari nilang ipakipag-usap ang gayong bagay sa kanilang mga magulang. Maaari namang gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak at baka makipag-usap pa sa guro. Bunga nito, karaniwan nang madaling malutas ang mga suliranin at mga di-pagkakaunawaan.
Iba naman ang kalagayan sa mga boarding school. Ang gayong mga estudyante ay laging nasa ilalim ng kontrol ng kanilang mga guro. Kung maninindigan ang mga bata para sa mga simulaing Kristiyano, kailangan nilang gawin iyon nang walang pang-araw-araw na alalay ng kanilang mga magulang. Kung minsan, nagagawa ng mga anak na manatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Subalit, mas malimit na hindi nila nagagawa iyon. Malamang na sumunod ang isang bata sa kagustuhan ng isang guro.
Limitadong Pagkilos
Di-tulad sa mga pamantasan, kung saan karaniwan nang may kalayaan ang mga estudyante na gawin ang naisin nila, nililimitahan naman ng mga boarding school ang maaaring gawin ng mga bata. Hindi pinahihintulutan ng marami sa mga paaralang ito na umalis sa bakuran ng paaralan ang mga estudyante maliban na kung Linggo, at hindi pa man din ito pinahihintulot ng ilang paaralan. Ganito ang sabi ni Eru na isang 11-taóng-gulang na estudyante sa isang boarding school: “Hindi kami pinapayagan ng mga awtoridad ng paaralan na dumalo sa mga pulong, lalo na ang maglingkod sa larangan. Sa loob ng paaralan, may mga serbisyo para lamang sa mga Katoliko at mga Muslim. Bawat estudyante ay kailangang pumili ng alinman sa dalawa o kaya’y humarap sa matinding galit kapuwa ng mga guro at mga estudyante. Napipilitan din ang mga estudyante na umawit ng pambansang awit at mga himnong pansimbahan.”
Kapag ipinatala ng mga magulang ang kanilang mga anak sa gayong paaralan, anong mensahe ang itinatawid nila sa mga kabataan? Maaaring ang mensahe ay na higit na mahalaga ang sekular na edukasyon kaysa sa pagtitipon para sa pagsamba at pakikibahagi sa paggawa ng alagad—anupat mas mahalaga pa kaysa sa integridad sa Diyos.—Mateo 24:14; 28:19, 20; 2 Corinto 6:14-18; Hebreo 10:24, 25.
Sa ilang boarding school, nagagawa ng mga estudyanteng Saksi na makapag-aral ng Bibliya nang sama-sama, ngunit kalimitan nang mahirap ding gawin ito. Ganito ang sabi ng kabataang si Blessing, na ang edad ay 16, tungkol sa boarding school na pinapasukan niya: “Nagtitipon araw-araw upang manalangin ang mga tinaguriang Kristiyano. Sinubukan naming mga Saksi na makiusap sa kanila upang makapag-aral kami, pero sinasabi sa amin ng magtatapos na mga estudyante na ang aming relihiyon ay hindi kinikilala. Pagkatapos ay pinipilit nila kaming sumama sa kanila sa pananalangin. Kapag tumatanggi kami, pinarurusahan nila kami. Lalo lamang nagpapalubha ng mga bagay-bagay ang paglapit sa mga guro. Kung anu-ano ang ibinabansag nila sa amin at sinasabihan ang mga magtatapos na mga estudyante na parusahan nila kami.”
Pananatiling Naiiba
Kapag ang mga estudyante sa boarding school ay kilalang-kilala bilang mga Saksi ni Jehova, nakatutulong ito sa kanila. Maaaring hindi na sila isali ng mga awtoridad ng paaralan mula sa pakikibahagi sa mga sapilitang huwad na relihiyosong gawain na salungat sa pananampalataya ng mga Saksi. Baka umiwas ang mga kapuwa estudyante na isangkot sila sa mga di-mabuting gawain at usapan. Maaaring mabuksan ang mga pagkakataon na magpatotoo sa mga kapuwa estudyante at mga guro. Isa pa, yaong mga namumuhay ayon sa mga simulaing Kristiyano ay malayong paghinalaang gumagawa ng malulubhang kasalanan, at kung minsan ay inaani nila ang paggalang ng mga guro at mga kapuwa estudyante.
Gayunman, hindi ito laging nangyayari. Ang isang kabataan na nananatiling naiiba ay malimit na maging tudlaan ng pag-uusig at panunuya kapuwa ng mga estudyante at mga guro. Ganito ang sabi ni Yinka, isang 15-taóng-gulang na batang lalaki na pumapasok sa isang boarding school: “Sa paaralan, kung kilala ka bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, magiging tudlaan ka. Palibhasa’y alam nila ang ating espirituwal at moral na paninindigan, naglalagay sila ng mga patibong upang siluin tayo.”
Pananagutan ng mga Magulang
Walang guro, paaralan o kolehiyo ang wastong makababalikat ng pananagutang hubugin ang mga anak upang maging nakaalay na mga lingkod ni Jehova. Ito ay hindi nila trabaho ni pananagutan man nila. Itinatagubilin ng Salita ng Diyos na ang mga magulang mismo ang mag-aasikaso sa espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Sumulat si Pablo: “Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Paano maikakapit ng mga magulang ang banal na payong ito kung ang kanilang mga anak ay nasa boarding school na kung saan maaari lamang silang dalawin nang isa o dalawang beses sa isang buwan?
Totoong nagkakaiba-iba ang mga kalagayan, ngunit nagsisikap ang mga Kristiyanong magulang na kumilos na kasuwato ng kinasihang pangungusap na ito: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:8.
Mayroon Bang Mapagpipilian?
Ano ang maaaring gawin ng mga magulang kung waring dalawa lamang ang kanilang mapagpipilian—ang boarding school o ang lokal na paaralang di-sapat ang mga pasilidad? Ang ilan na nasa ganitong kalagayan ay nagsaayos ng pribadong mga leksiyon upang madagdagan ang edukasyon ng kanilang mga anak na nasa lokal na paaralan. Naglalaan naman ng panahon ang ibang magulang upang maturuan nila mismo ang kanilang mga anak.
Naiiwasan kung minsan ng mga magulang ang mga suliranin sa pamamagitan nang patiunang paghahanda bago pa man sumapit ang kanilang mga anak sa edad ng pagpasok sa paaralang sekundarya. Kung kayo ay may maliliit na anak o nagbabalak magpamilya, maaari kayong magsuri upang makita kung may angkop na paaralang sekundarya sa inyong lugar. Kung wala, baka posible na lumipat malapit sa lugar na mayroon nito.
Gaya nang natatalos ng mga magulang, kailangan ng kasanayan, pagtitiyaga, at malaking panahon upang itimo sa anak ang pag-ibig kay Jehova. Kung mahirap ito kapag ang anak ay nakatira sa tahanan, lalo ngang mahirap ito kung ang anak ay nakatira sa malayo! Yamang nasasangkot ang buhay na walang-hanggan ng anak, dapat na taimtim at may-pananalanging magpasiya ang mga magulang kung sulit nga ba ang panganib sakaling ipaubaya ang kanilang anak sa isang boarding school. Tunay ngang kakitiran ng pananaw na isakripisyo ang espirituwal na kapakanan ng isang anak kapalit ng mga pakinabang ng edukasyon sa isang boarding school! Ito’y magiging gaya ng pagsugod sa isang nasusunog na bahay upang sagipin ang isang abubot—upang lamunin lamang ng apoy.
Sabi ng Salita ng Diyos: “Matalino ang isa na nakakakita ng kapahamakan at ikinukubli ang sarili, ngunit ang walang-karanasan ay dumaraan at dumaranas ng kaparusahan.” (Kawikaan 22:3) Mas mabuti na hadlangan ang isang masamang situwasyon kaysa ituwid ang isa sa dakong huli. Isang katalinuhan na isipin ito kung tatanungin ang inyong sarili, ‘Dapat bang pumasok ang aking anak sa isang boarding school?’
[Kahon sa pahina 28]
Komento Ng Mga kabataang Saksi Tungkol sa Boarding School
“Sa boarding school ang mga batang Saksi ay malayo mula sa espirituwal na pakikipagsamahan. Ito ay isang napakasamang kapaligiran na may matinding panggigipit na gumawa ng mali.”—Rotimi, na pumasok sa boarding school sa pagitan ng edad na 11 at 14.
“Ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano ay talaga namang napakahirap. Nakadadalo lamang ako kapag Linggo, at upang magawa ito, kailangan akong tumalilis samantalang nakapila ang mga estudyante patungo sa simbahan. Hindi ako kailanman naging maligaya, dahil sa amin noon ay nasanay na akong dumalo sa lahat ng pulong sa kongregasyon, at lumalabas ako sa ministeryo sa larangan tuwing Sabado at Linggo. Hindi naging nakapagpapatibay na karanasan ang pagpasok sa paaralan. Malaki ang nawala sa akin.”—Esther, na palagiang pinapalo ng mga guro dahil sa hindi siya nakikibahagi sa serbisyo ng simbahan sa paaralan.
“Hindi madaling magpatotoo sa mga kapuwa estudyante sa boarding school. Hindi madaling manatiling naiiba. Gusto kong sumunod sa grupo. Marahil ay naging mas matapang sana ako kung nakadadalo ako sa mga pulong at nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Pero nagagawa ko lamang ito kapag bakasyon ko, na tatlong beses lamang sa isang taon. Kung mayroon kayong isang lampara na hindi nalalagyan ng langis, lalabo ang liwanag. Gayundin ang nangyayari sa paaralan.”—Lara, na pumasok sa boarding school mula sa edad na 11 hanggang 16.
“Ngayong wala na ako sa boarding school, maligaya ako at nakadadalo na ako sa lahat ng pulong, nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan, at nagtatamasa ng pang-araw-araw na teksto kasama ng iba pang miyembro ng pamilya. Bagaman may ilang pakinabang ang pananatili sa boarding school, wala nang higit pang mahalaga kaysa sa aking kaugnayan kay Jehova.”—Naomi, na kumumbinsi sa kaniyang ama na ilabas siya sa boarding school.