Magkakaroon Pa Kaya ng Kapayapaan ang mga Napipighati?
NAIS mo bang makitang magwakas ang pagdurusa, hindi lamang para sa iyong sarili kundi para sa buong sangkatauhan? Isaalang-alang ang mga halimbawang ito:
Labis-labis ang kapighatiang naranasan ni Sonia.a Una, natuklasan niya na sampung taon nang nangangalunya ang kaniyang asawa. Pagkatapos ay nahawahan ng HIV at namatay sa sakit na AIDS ang kaniyang bunsong anak na lalaki. Pagkaraan ng dalawang taon ay nagkasakit naman ang isa pa niyang anak na lalaki, at di-nagtagal ay namatay rin ito sa sakit na AIDS. “Naging napakatagal ang pinakahuling yugto ng kaniyang sakit,” nagunita ni Sonia. “Siya’y dumanas ng matinding panlulumo, nalagas ang kaniyang buhok, at hindi gaanong makakita. Talagang napakalungkot.”
Si Fabiana, isang estudyante sa pamantasan sa Brazil, ay nababahala tungkol sa kawalang-katarungan ng lipunan sa daigdig. Nang magkagayo’y nagkaroon siya mismo ng isang mapait na karanasan. Nagpakamatay ang kaniyang kapatid na lalaki na dumaranas ng panlulumo. Nang mawalan si Fabiana ng trabaho, iminungkahi ng isang kaibigan na humanap siya ng isang pai-de-santo (albularyo), anupat ikinatuwiran na baka may kumulam sa kaniya kung kaya dumaranas si Fabiana ng gayong kasawian! Ngunit walang naidulot na ginhawa ang pai-de-santo. Sa halip, nadama ni Fabiana na siya’y pinahihirapan, anupat di-makatulog dahil sa kaniyang mga paghihirap.
Mas maagang nagsimula ang kapighatian ni Ana sa buhay. “Nang ako’y isang taóng gulang,” ang paglalahad niya, “iniwan ako ng aking ina, kaya ako’y inalagaan ng aking lola.” Pagkatapos, nang si Ana ay tatlong taong gulang pa lamang, namatay naman ang kaniyang lola. Dinala si Ana sa isang ampunan sa Rio de Janeiro, kung saan nanatili siya hanggang tumuntong siya sa gulang na 13. “Napakasama ng pagtrato sa amin doon, at naging rebelyoso ako,” sabi niya. “Habang lumalaki ako, nakikipag-away ako tungkol sa halos lahat ng bagay.”
Waring nararanasan ng lahat ng tao ang kapighatian sa iba’t ibang paraan. Sa katunayan, araw-araw tayong napapaharap sa mga kuwento ng mapapait na karanasan ng mga tao—kailanma’t tayo’y nanonood, nagbabasa, o nakikinig ng balita. “Nito lamang ating . . . panahon ng malawakang komunikasyon naging halos imposible na makaalpas sa patuluyang pagbaha ng masamang balita,” ang isinulat ni Dr. Mary Sykes Wylie. “Ang mga digmaan, likas na kasakunaan, mga kapahamakan sa industriya, nakamamatay na mga aksidente sa mga lansangang-bayan, krimen, terorismo, seksuwal na pang-aabuso, panghahalay, karahasan sa tahanan—ay pawang nagpapangyari sa trauma na maging isang kakila-kilabot at pang-araw-araw na tema sa ika-20 siglo.” Makatotohanang binuod ng Kristiyanong apostol Pablo ang karanasan ng tao: “Ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.”—Roma 8:22.
Kumusta ka naman? Dumaranas ka ba ng kapighatian? Anong ginhawa ang maaasahan mo? Tatamasahin mo pa kaya ang tunay na kapayapaan? Nasumpungan nina Sonia, Fabiana, at Ana ang tunay na kaaliwan at isang malaking antas ng kapayapaan! Mababasa mo ang tungkol dito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.