Nangyayari Pa ba ang Makahimalang Pagpapagaling?
“TANGGAPIN mo si Jesus at gagaling ka!” Ang mga islogang tulad nito ang siyang umakay kay Alexandre, isang miyembro ng simbahang Ebangheliko, na maniwalang ang pag-inom ng gamot para sa kaniyang sakit ay mangangahulugan ng kawalang-pananampalataya. Nakumbinsi siya na ang pananampalataya lamang niya ay magdudulot na ng makahimalang pagpapagaling na kailangan niya. Si Benedita naman, isang masigasig na Katoliko, ay labis na naantig nang marinig niya ang tungkol sa mga himalang pagpapagaling sa santuwaryo ng Aparecida do Norte, sa estado ng São Paulo, Brazil. Ginagamit ang ilang mahiwagang salita na itinuro sa kaniya ng kaniyang tiya, nanalangin si Benedita sa Our Lady of Aparecida, kay Anthony, at sa iba pang “mga santo” para sa kapangyarihan na magpagaling ng mga maysakit.
Maliwanag, kahit na sa bandang katapusan ng ika-20 siglo, marami pa ring tao ang naniniwala sa makahimalang pagpapagaling—ngunit bakit? Malamang, ang ilan ay nasisiphayo kapag walang gaanong nagagawa ang mga doktor upang lunasan ang sakit, kirot, at pagdurusa ng kanilang mga minamahal, lalo na ng kanilang mga anak. Yaong dumaranas ng malulubhang karamdaman ay maaaring makadama na dahil sa mataas na halaga ng modernong medisina, walang mawawala sa kanila kung bumaling man sila sa pagpapagamot sa pamamagitan ng pananampalataya. Nakikita ng ilan sa TV ang sari-saring simbahan at mga tao na nag-aalok ng lunas para sa AIDS, panlulumo, kanser, pagkasira ng isip, alta presyon, at marami pang ibang karamdaman. Nananampalataya man sila o hindi sa gayong mga pag-aangkin, baka bumaling sila sa mga ito bilang pinakahuling paraan. Subalit ang ilan na naniniwalang dulot ng masasamang espiritu ang kanilang pagkakasakit ay baka makadamang walang bisa ang pangkaraniwang medisina upang matulungan sila.
Sa kabilang panig, may mga mahigpit na sumasalungat, bumabatikos pa nga, sa ideya ng makahimalang pagpapagaling ng namatay na “mga santo” o buháy na mga manggagamot. Ayon sa Jornal da Tarde, inaakala ng imyunologong si Dráusio Varella na ang paniniwala ay “lumilinlang sa pananampalataya ng mga madaling madaya at mga desperado.” Sinabi pa niya: “Palibhasa’y umaasa sa mga himala, maaaring talikuran ng marami ang maselang na paggamot dahil sa mga mandarayang ito.” At nagpaliwanag ang The New Encyclopædia Britannica: “Ang di-pangkaraniwang pagpapagaling ay iniuugnay noong nakaraan sa sagradong mga lugar at relihiyosong mga ritwal, at malamang na iugnay ng medikal na siyensiya ang gayong pagpapagaling sa normal na proseso ng impluwensiya na gumagana sa ilalim ng kaayaayang mga kalagayan.” Gayunpaman, marami pa rin ang naniniwala na sila ay talagang napagaling sa pamamagitan ng isang himala. Para sa kanila, may bisa ang pagpapagaling!
Yaong may kabatiran sa Bibliya ay nakaaalam na pinagaling ni Jesu-Kristo ang mga maysakit sa maraming okasyon, anupat ginawa ito sa pamamagitan ng “kapangyarihan ng Diyos.” (Lucas 9:42, 43) Kaya naman baka maitanong nila, ‘Ang kapangyarihan kaya ng Diyos ay gumagana at nagpapangyari pa rin ng makahimalang pagpapagaling sa ngayon?’ Kung gayon, bakit ang mga pagtatangkang magpagaling ay nabigong magdulot ng ipinangakong mga resulta? Iyon kaya ay dahil sa hindi sapat ang pananampalataya ng pasyente o na dahil sa hindi gaanong malaki ang kaniyang abuloy? Wasto ba para sa isang Kristiyano na humanap ng makahimalang pagpapagaling kapag dumaranas siya ng isang makirot o marahil wala nang lunas na karamdaman? At mangyayari pa kayang muli ang maaasahang makahimalang pagpapagaling na tulad ng ginawa ni Jesus? Masusumpungan ninyo ang sagot sa mahahalagang tanong na ito sa susunod na artikulo.